Kung Paanong Magiging Isang Matagumpay na Magulang
“SASABIHIN ko sa iyo kung ano ang kailangan upang maging isang matagumpay na magulang,” ang sabi ni Raymond, may limang anak. “Dugo, pagpapagal, luha, at pawis!”
Ang maybahay ni Raymond ay buong-pusong sumasang-ayon. Subalit isinusog niya: “Hindi madali ang magpalaki ng mga anak sa ngayon, subalit habang nakikita mong sila’y lumalaki at nagiging responsableng mga adulto, sulit naman ang pagpupunyagi mo.”
Ang pagpapalaki ng mga anak kailanman ay hindi nawalan ng kabalisahan. Subalit, sa ngayon, sa maraming magulang waring ang pagpapalaki ng anak ay naging totoong maraming suliranin. “Sa palagay ko’y ang pagiging isang magulang ngayon ay lalong mahirap kaysa noong panahon ng aking mga magulang dahil sa ang buhay ay naging lalong masalimuot,” ang sabi ni Elaine, na 40 anyos at ina ng isang tin-edyer na lalaki. “Sa tuwina’y hindi mo alam kung kailan ka mag-iistrikto at kung kailan ka magiging maluwag naman.”
Ano ba ang Isang Matagumpay na Magulang?
Ang isang matagumpay na magulang ay isa na nagpapalaki sa kaniyang anak sa paraan na ang bata’y may lahat ng pagkakataon na lumaki hanggang sa maging isang responsableng adulto, na patuloy na masigasig na sasamba sa Diyos at magpapakita ng pag-ibig sa kaniyang kapuwa-tao. (Mateo 22:37-39) Datapuwat, bagaman nakalulungkot, hindi lahat ng anak ay nagiging responsableng mga adulto. Bakit hindi? Iyon ba ay laging kasalanan ng mga magulang sakaling ganiyan ang mangyari?
Isaalang-alang ang isang ilustrasyon. Isang kontratista sa pagtatayo ang marahil may pinakamagagaling na plano at materyales sa pagtatayo. Subalit ano ang magiging resulta kung ang kontratista’y tatangging sumunod sa mga plano, baka pinapayagan pa niya na gumawa nang walang saysay na mga pagtitipid ng trabaho o pumapayag siya na gumamit ng mabababang uring materyales sa halip na mga mabubuting klase? Ang natapos na gusali ay magiging palso, mapanganib pa nga, hindi ba? Datapuwat, ipagpalagay natin na ang kontratista ay mautak at ginawa ang kaniyang pinakamagaling na magagawa upang sundin ang mga plano at mga mahuhusay na klaseng materyales ang gamitin. Ang may-ari ng natapos na gusali ngayon ay may pananagutan na magmantiner nito ayon sa nararapat, di ba? May pananagutan din siya na huwag bakbakin doon ang mahuhusay na klaseng materyales at halinhan iyon ng mga palsong klase, di ba?
Sa isang makasagisag na paraan, ang mga magulang ay kasangkot sa isang gawaing pagtatayo. Ibig nilang sa kanilang mga anak ay mailakip nila ang maiinam na personalidad. Ang Bibliya ang nagsisilbing pinakamagaling na plano para rito. Ang mahuhusay na materyales, “ginto, pilak, mahahalagang bato,” ay inihalintulad ng Kasulatan sa mga katangiang tulad baga ng matibay na pananampalataya, maka-Diyos na karunungan, espirituwal na pagkaunawa, katapatan, at maibiging pagpapahalaga sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat at sa kaniyang mga Kautusan.—1 Corinto 3:10-13; ihambing ang Awit 19:7-11; Kawikaan 2:1-6; 1 Pedro 1:6, 7.
Ang bata rin naman, habang siya’y nagkakaedad, ay tumatanggap ng higit at higit na pananagutan upang mapaunlad niya sa kaniyang sarili ang isang tunay na matuwid na personalidad. Siya ay kailangang handang sumunod sa ganoong plano, ang Salita ng Diyos, at gumamit ng ganoon ding mga materyales na de-kalidad gaya ng kaniyang mga magulang. Kung ang bata pagsapit niya sa pagiging isang may kabataang adulto ay tumanggi na gawin ito o dili kaya’y giniba niya ang gayong mahusay na gusali, siya na ang masisisi sa ibinungang kapahamakan.—Deuteronomio 32:5.
Bakit Mahirap Iyan?
Ang pagiging isang matagumpay na magulang sa ngayon ay mahirap humigit-kumulang dahil sa dalawang kadahilanan. Una, kapuwa ang mga magulang at ang mga anak ay di-sakdal at nagkakamali. Malimit, kasangkot dito ang tinatawag ng Bibliya na pagkakasala, at ang hilig na magkasala ay minamana.—Roma 5:12.
Ang ikalawang dahilan ay ito: Ang lumalaking mga bata ay naiimpluwensiyahan hindi lamang ng kanilang mga magulang. Ang buong sambayanan ay may epekto sa mga bagay na minamahalaga ng bata at sa kaniyang pangmalas sa buhay. Dahilan dito, ang hula ni Pablo tungkol sa ating kaarawan ay kailangang pag-isipan ng mga magulang. Sinabi niya: “Harapin mo ang katotohanan: ang katapusang panahon ng sanlibutang ito ay magiging isang panahon ng kabagabagan. Ang mga tao ay walang iibigin kundi salapi at sarili; sila’y magiging arogante, hambog, at mapang-abuso; walang paggalang sa mga magulang, walang utang na loob, walang kabanalan, walang katutubong pagmamahal; sila’y hindi mapapayapa sa kanilang pagkapoot, mga iskandaloso, walang pagpipigil-sa-sarili at mababangis, banyaga sa lahat ng kabutihan, traidor, abenturero, mapagpahalaga sa sarili. Sila’y mga taong kalayawan ang inuuna sa halip na ang Diyos, mga taong ang panlabas na anyo ng relihiyon ang iniingatan, ngunit lubhang itinatatuwa ang katotohanan niyaon. Lumayo sa mga taong katulad nito.” (Amin ang italiko.)—2 Timoteo 3:1-5, New English Bible.
Ngayong ang himaymay ng kasalukuyang lipunan ay hinabi buhat sa gayong may kapintasang mga sinulid, kataka-taka ba na ang mga ibang magulang ay napapalugmok sa kabiguan at halos susuko na sa pagpapalaki ng anak? Ating pagbalikang-tanaw ang taong 1914. Ang malagim na taong iyan ay nakasaksi ng isang mahalagang pagbabago sa lipunan, at iyon ay hindi isang pagbabago tungo sa lalong mabuti. Ang dalawang digmaang pandaigdig sapol noon ay pumawi hindi lamang ng kapayapaan sa lupa. Ang lipunan sa ngayon ay salat sa himaymay ng moral na kailangan upang magampanan nito ang kaniyang bahagi sa paghahanda sa mga bata para sa responsableng mga taong may hustong gulang. Sa katunayan, ang matuwid ang puso na mga magulang ay nakaharap sa isang kapaligiran ng lipunan na salungat sa minamahalaga nilang mga bagay na ibig nilang ituro sa kanilang mga anak.
Sa gayon, kakaunti ang mga katulong na kasama ng mga magulang para sa trabaho. Noong nakaraan, kanilang inaasahan ang mga paaralang bayan na tutulong sa pagtuturo sa kanilang mga anak ng ganoon ding mahahalagang bagay na bilang mga magulang ay kanilang iniingatan sa kanilang tahanan. Subalit ngayon ay hindi na.
“Ang mga panggigipit sa kabataan sa ngayon ay naiiba,” sabi ni Shirley, na nagtapos sa high school noong 1960. “Kami’y walang mga droga o libreng sekso nang ako’y nasa high school. Ang panakaw na paghitit ng sigarilyo ay itinuturing na masama 30 taon na ngayon ang nakalipas. Nang ang aking panganay na babae ay nag-aaral sa high school mula 1977 hanggang 1981, ang paggamit ng mga droga ay isang malaking problema. Ngayon ang mga droga ay nakapasok na hanggang sa mga mababang paaralan. Ang aking bunsong babae, na 13 anyos, ay kailangan noon na humarap sa panghihikayat na gumamit ng droga araw-araw sa paaralan noong huling dalawang taon.”
At, noong nakaraan, ang mga magulang ay nakahihingi ng tulong sa mga nuno, kamag-anak, at mga kapitbahay para subaybayan ang paggawi ni “Juan.” Ngunit minsan pa, iyan ay nagbago na. At nakalulungkot na iulat, sa dumaraming mga pamilya, wala ng kahit na dalawang magulang; ang buong bigat ng pagpapalaki sa anak ay isinasabalikat ng iisang magulang.
Matagumpay na Plano Para sa mga Magulang
Bagama’t ang pagpapalaki sa anak ay mas mahirap ngayon, ang mga magulang ay maaaring magtagumpay kung susundin nila ang isang pantulong na subok na ng panahon—ang Bibliya. Ang Salita ng Diyos ang maaaring maging inyong plano, o programa ng pagkilos, para sa pagiging magulang. Kung paanong ang isang matalinong kontratista ay gumagamit ng isang plano upang magsilbing giya sa pagtatayo ng isang gusali hanggang sa matagumpay na matapos iyon, maaari ninyong magamit ang Bibliya bilang inyong giya sa pagpapalaki ng inyong mga anak upang maging responsableng mga taong nasa hustong gulang. Totoo, ang Bibliya ay hindi naman nilayon lamang na maging isang aklat para sa matagumpay na pagkamagulang, ngunit ito’y mayroong diretsahang payo sa mga magulang at mga anak. Ito ay isa ring kabang-yaman ng mga simulain na kung ikakapit ay mapapakinabangan ninyo bilang isang magulang.—Deuteronomio 6:4-9.
Halimbawa, isaalang-alang si Diane. Nang ang kaniyang 14-anyos na anak, si Eric, ay isang bata, siya ay “isang batang hindi palaimik, mahirap na makausap,” ang sabi ng ina. Sa puntong ito nadiskubre niya ang karunungan na nasa likod ng kawikaang ito sa Bibliya: “Ang payo [layunin o intensiyon ng isa] sa puso ng isang tao ay parang malalim na tubig, ngunit ang taong may pang-unawa ang iigib niyaon.” (Kawikaan 20:5) Para sa mga ibang bata, ang kanilang mga damdamin at kaisipan—ang kanilang tunay na mga intensiyon—ay nasa kanilang mga puso na gaya ng tubig sa ilalim ng isang malalim na balon. Si Eric ay ganoon. Kailangan ang puspusang pagpapagal ng magulang upang maigib ang mga intensiyong iyon. “Pagdating niya sa tahanan galing sa paaralan, hindi siya nagbabalita nang buong kasabikan ng mga bagay-bagay,” ang nagunita ni Diane. “Kaya gumugol ako ng panahon upang alamin kung ano ang nangyayari sa kaniya sa paaralan. Kung minsan ako ay literal na nakikipag-usap nang mahahabang oras kay Eric bago kaniyang isisiwalat kung ano ang talagang iniisip niya nang malalim sa kaniyang puso.”
Ang dahilan kung bakit may mataas na halaga ang Bibliya bilang isang giya ay simple: si Jehovang Diyos ang Awtor nito. Siya rin ang ating Manlilikha. (Apocalipsis 4:11) Batid niya ang ating kalikasan at siya’y handang ‘turuan tayo na makinabang nang ganang sarili natin at kaniyang pinangyayaring tayo’y lumakad sa daan na dapat nating lakaran.’ Ito’y totoo maging kung ang isa ay magulang o anak. (Isaias 48:17; Awit 103:14) Bagama’t may mga taong kailangang magpagal nang higit kaysa iba upang maging isang lalong mabuting magulang, lahat ay maaaring magpahusay pa ng kanilang kakayahan sa pagkamagulang sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntunin na nasa Kasulatan.
Tratuhin ang Bawat Isa Bilang Isang Indibiduwal
Ang mabubuting anak ay hindi likha ng pagsunod sa isang may katigasang kalipunan ng mga alituntunin ng tao gaya kung paanong hindi bawat adulto ay hinubog upang maging “sakdal” na magulang. Bawat bata ay may kaniyang sariling personalidad, at bawat bata ay kailangang pakitunguhan na gaya ng isang indibiduwal. Ito’y kinikilala ng Bibliya. Upang matulungan ang mga magulang na iwasan ang di-nararapat na paghahambing-hambing ng kanilang mga anak sa isa’t isa, angkop ang simulain na nasa likod ng sumusunod na payo ng Bibliya: “Ngunit patunayan niya kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan upang magalak tungkol sa kaniyang sarili mag-isa, at hindi kahambing ng iba.”—Galacia 5:26; 6:4.
Si John, may dalawang anak, ay nagsabi na ang payo ng Kasulatan na binanggit ang tumulong sa kaniya upang ang punto de vista ng kaniyang mga anak tungkol sa isa’t isa, o kahit na sa mga ibang pamilya, ay mapanatili niyang timbang. “Hinihimok ko ang aking mga anak na huwag tingnan ang mga ibang pamilya sa mga bagay na mayroon sila o ginagawa nila,” ang paliwanag ni John. “Mayroon kami ng aming sariling pamantayang pampamilya na kailangang itaguyod.”
Sanayin “Mula sa Pagkasanggol”
Kailan dapat maging bahagi ng matagumpay na pagkamagulang ang relihiyon? “Magsimula ka nang pinakamaaga,” ang sabi ni Gary, na ang anak ay kasisimula lamang ng kindergarten. Naniniwala si Gary na ang mga bata ay kailangang magkaroon ng mga tunay na kaibigan sa lokal na kongregasyong Kristiyano kahit na bago pa sila magsimula ng pag-aaral. Iyan ang isang dahilan kung bakit ang kanilang anak ay isinasama ni Gary at ng kaniyang maybahay sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano halos mula noong araw na siya’y isilang. Ang tinutularan ni Gary ay si Eunice, isang magulang na binigyan ng komendasyon sa Bibliya, dahil sa ginawa niya sa kaniyang anak na si Timoteo. Natutuhan ni Timoteo ang abakada ng mga turo ng Kasulatan “mula sa pagkasanggol.”—2 Timoteo 1:5; 3:15.
Ang ina ni Timoteo at marahil ang kaniyang lola, si Loida, ay gumawa ng tiyak na kaayusan na hindi ang kanilang personal na ideya ang itinuro sa kaniya mula sa pagkasanggol; bagkus, batid nila na ang mga turo ni Jehova ang magpapadunong sa kaniya ukol sa kaligtasan. Ang liham na isinulat kay Timoteo ng apostol na Kristiyanong si Pablo ay nagsasabi: “Subalit, ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at naakay ka na paniwalaan, yamang nalalaman mo kung kanino mo natutuhan ang mga iyon at mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan, na nakapagpapadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya na may kaugnayan kay Kristo Jesus.”—2 Timoteo 3:14, 15.
Samakatuwid si Loida at si Eunice ang tumulong kay Timoteo na mangatuwiran batay sa Salita ng Diyos at isalig ang kaniyang pananampalataya sa sinasabi ng nasusulat na Salita ng Diyos. Sa ganitong paraan ang kaniyang pananampalataya ay hindi nasasalig lamang sa kaniyang mga magulang kundi sa banal na karunungan ng Salita ni Jehova. Hindi siya sumunod sa katotohanang Kristiyano dahil lamang sa ang kaniyang ina at ang kaniyang lola ay mga sumasamba kay Jehova, kundi kaniyang kinumbinsi ang kaniyang sarili na ang kanilang itinuturo sa kaniya ay siyang katotohanan.
Walang alinlangan, pinag-isipan din ni Timoteo kung anong uri ng mga tao ang kaniyang ina at ang kaniyang lola—tunay na mga taong espirituwal. Siya’y hindi nila dadayain o pipilipitin man nila ang katotohanan dahil sa mapag-imbot na pakinabang; sila’y hindi rin naman mga mapagpaimbabaw. Kung gayon, si Timoteo ay walang duda tungkol sa mga bagay na kaniyang natutuhan. At walang alinlangan na ang kaniyang buhay bilang isang taong maygulang na at isang masigasig na Kristiyano ay nakagalak sa puso ng kaniyang tapat na ina.
Oo, ang matagumpay na pagkamagulang ay nangangailangan ng pagpapagal, subalit gaya ng sinabi ng ina na binanggit na sa una: “Sulit naman ang pagpupunyagi mo.” Lalo nang totoo ito pagka masasabi ng mga magulang tungkol sa kanilang mga anak ang isinulat ni apostol Juan sa kaniyang espirituwal na mga anak: “Wala nang lalong higit na dahilan na dapat kong ipagpasalamat kaysa mga bagay na ito, na aking mabalitaan ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.”—3 Juan 4.
[Kahon sa pahina 6]
Kaayusan sa Pagtuturo na Sinusunod ng mga Magulang sa Israel
Sa sinaunang Israel, ang mga magulang ang may pananagutan na turuan at sanayin ang kanilang maliliit na anak. Sila ang nagiging tagapagturo at tagapag-akay ng kanilang mga anak. Ang modernong sistema ng pagiging magulang ay maaaring makinabang sa pamamagitan ng pagsunod sa isang nahahawig na kaayusan. Ang kaayusan ng pagtuturo sa Israel ay maaaring buurin sa ganito na mga sumusunod:
1. Itinuturo ang pagkatakot kay Jehova.—Awit 34:11.
2. Ipinapayo ang paggalang sa ama at ina.—Exodo 20:12
3. Alituntunin ng Kautusan, gayundin ng mga gawain ni Jehova, ay itinuturo.—Deuteronomio 6:7-21.
4. Ang paggalang sa mga taong nakatatanda ay idiniriin.—Levitico 19:32.
5. Ang pagsunod ay idiniriin.—Kawikaan 23:22-25.
6. Ang praktikal na pagsasanay sa pamumuhay ay ginagawa.—Marcos 6:3.
7. Sila’y tinuturuan ng pagbasa at pagsulat.—Juan 7:15.
[Larawan sa pahina 5]
Ang Salita ng Diyos ay isang plano, o kaayusan sa pagkilos, para sa pagiging magulang