Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Gagawing Matagumpay ang Pagliligawan?
ANG pinakamalaking pagkakamali ko ay ang mahalin si Andy bago ko pa man siya lubusang makilala,” napagwari ni Louise, na ang pag-aasawa ay winasak ng diborsiyo. “Ang aming pagliligawan ay masyadong limitado sa aming dalawa lamang. Hindi ko nakita kung ano ang reaksiyon niya sa labas ng ‘ulirang’ mga kalagayang iyon.”
Bagaman ang pag-aasawa ni Louise ay tumagal ng pitong katakut-takot na hirap na mga taon, nangyari ang malubhang mga problema mga ilang linggo lamang pagkatapos ng kasal. Paano mo maiiwasan ang gayong pagkakamali at gamitin ang pagliligawan upang maging handa para sa isang maligayang pag-aasawa?
Bago Makipag-“date”
“Ang maingat na lalaki [o babae],” ayon sa Bibliya, “ay tumitingin at isinasaalang-alang na mabuti ang kaniyang patutunguhan.” (Kawikaan 14:15, The Amplified Bible) Ang ikaw ay emosyonal na mapasangkot sa isa na hindi mo gaanong kilala ay maaaring humantong sa pag-aasawa sa isang tao na ang mga damdamin at tunguhin ay malayung-malayo sa iyong mga damdamin at tunguhin. Kaya obserbahan mo muna ang isang iyon sa isang grupo, marahil samantalang naglilibang.
“Alam ko na kapag naging malapit ako sa simula, palalabuin ng aking damdamin ang aking isip,” sabi ni Dave, ngayo’y maligaya sa kaniyang pag-aasawa sa loob ng sampung taon. “Kaya minasdan ko si Rose mula sa malayo nang hindi niya nalalaman na interesado ako sa kaniya. Nakikita ko kung paano niya pinakikitunguhan ang iba at na siya ay hindi alembong. Sa di-sinasadyang mga pag-uusap, nalaman ko ang kaniyang mga kalagayan at mga tunguhin.” Matalino ring makipag-usap sa isa na kilalang-kilala siya upang malaman mo kung anong uri ng reputasyon mayroon siya.—Ihambing ang Kawikaan 31:31.
Ang Unang mga “Date”
Una sa lahat, dapat mong isaalang-alang kung baga ikaw (at ang sinumang inaasahang maging kabiyak) ay nasa hustong gulang na upang mag-asawa at nasa kalagayan na tuparin ang mga pananagutan ng pag-aasawa. Kung nakapagpasiya ka nang ang isang iyon ay may mga posibilidad bilang isang asawa, maaari mong lapitan ang isang iyon at sabihin mo na nais mo siyang makilala nang higit.a Ipagpalagay nang may positibong pagtugon, ang inyong unang date ay hindi naman kailangang maging maluho. Ang pagkain sa labas, o date na kasama ng isang grupo, ay magpapangyari sa inyo na lalong magkakilala upang mapagpasiyahan ninyo kung nais pa ninyong ipagpatuloy ang kaugnayan. Ang nerbiyos na nadarama ng isa’t isa sa simula ay nawawala kung pananatilihing medyo di-pormal ang mga bagay-bagay. At sa pag-iwas sa maagang pakikipagtipan, mababawasan mo ang kabiguan—o kahihiyan—kapag ang isa sa inyo ay nawalan ng interes.
Anumang uri ng date ang binalak, dumating nang nasa oras, nakadamit nang maayos at nababagay. Ipakita ang mga kasanayan ng isang mabuting kausap. Maging aktibong tagapakinig.b Susundin ng mga binata ang ipinalalagay na lokal na mabubuting asal. Maaaring kasali rito ang pagbubukas ng pinto sa dalaga o pagpapaupo sa kaniya. Ang dalaga, bagaman hindi umaasang pakikitunguhan na parang prinsesa, ay dapat may kahinhinang makipagtulungan sa mga pagsisikap ng kaniyang ka-date. Bagaman wala namang istriktong mga tuntunin sa gayong mga bagay, ang binata ay maaaring gumawa ng huwaran ng paggalang para sa hinaharap, sapagkat ang lalaki ay pinag-utusang ‘igalang ang kaniyang asawa na gaya ng isang marupok na sisidlan.’—1 Pedro 3:7.
Ang paghahawakan ba ng kamay, paghahalikan, o pagyayakapan ay nararapat, at kung nararapat, kailan? Kapag ito ay ginagawa bilang tunay na kapahayagan ng pagmamahal—hindi sa masakim na simbuyo ng damdamin—ang gayong mga gawi ay maaaring malasin na malinis sa paningin ng Diyos. Ang kinasihan-Diyos na Awit ni Solomon ay nagpapahiwatig ng ilang angkop na mga kapahayagan ng pagmamahal sa pagitan ng dalagang Shulamita at ng binatang pastol na iniibig ng dalaga at na malapit na niyang pakasalan. (Awit ni Solomon 1:2; 2:6; 8:5) Subalit gaya ng malinis na binata’t dalagang iyon, magpapakaingat ang binata’t dalaga na ang mga kapahayagan ng pagmamahal ay hindi magiging marumi o hahantong sa seksuwal na imoralidad. (Galacia 5:19, 21) Ang mga kapahayagan ng pagmamahal ay dapat lamang gawin kapag silang dalawa ay magkatipan na at nalalapit nang ikasal. Sa gayon, hindi ka maaabala sa pangunahing layunin ng matagumpay na pagliligawan—talagang makilala ang isa.
“Ang Lihim na Pagkatao sa Puso”
Pagkatapos tantiyahin kung ano ang humantong sa matibay na ugnayan sa gitna ng 231 mga lalaki’t babaing nagdi-date, isang pangkat ng mga mananaliksik ay nag-ulat sa Journal of Marriage and the Family (Mayo 1980): “Ang mga pag-aasawa ay waring mas nananatili at umuunlad kung pinapasok ito ng mga tao na lubusang nakikilala ang panloob na pagkatao ng isa’t isa.” Oo, mahalaga na makilala “ang lihim na pagkatao sa puso” ng iyong ka-date.—1 Pedro 3:4.
Gayunman, ang ‘pag-igib’ o pag-alam sa mga haka ng puso ng isa ay nangangailangan ng pagsisikap. (Kawikaan 20:5) Planuhin ang mga gawain na tutulong sa iyo na makita ang panloob na pagkatao ng iyong ka-date. Bagaman ang panonood ng sine o konsiyerto ay makatutulong sa umpisa, mas madali kayong magkakakilala nang husto kung makikibahagi kayo sa mga gawain na nagbibigay ng pagkakataon upang kayo ay mag-usap (gaya ng isketing, bowling, pamamasyal sa mga zoo at museo).
Upang malaman ang damdamin ng iyong ka-date, gumamit ka ng mga tanong na hindi oo at hindi ang sagot, na gaya ng, “Paano mo ginugugol ang iyong malayang panahon?” “Kung hindi mahalaga ang pera, ano ang gusto mong gawin?” “Anong bahagi ng ating pagsamba sa Diyos ang gustung-gusto mo? Bakit?” Inilalabas nito ang kaniyang niloloob anupa’t malalaman mo kung ano ang pinahahalagahan ng iyong ka-date.
Habang tumitindi ang kaugnayan at seryosong pinag-iisipan ng lalaki’t babae ang pag-aasawa, kailangan ang seryosong pag-uusap tungkol sa mahahalagang isyu, gaya ng kung saan at paano kayo mamumuhay, pinansiyal na mga bagay, kung baga kayong dalawa ay magtatrabaho sa labas ng bahay, mga ideya tungkol sa bahagi ng bawat isa sa pag-aasawa, mga anak, pagpaplano ng pamilya, ang panandalian at mahabang-panahong mga tunguhin at kung paano ninyo binabalak na maabot ito. Panahon ito upang ipagtapat ang mga bagay-bagay, marahil ang kahapon ng isa, na maaaring makaapekto sa pag-aasawa, pati na ang anumang malaking pagkakautang o mga obligasyon. Ang tungkol sa kalusugan, gaya halimbawa ng anumang malubhang sakit, ay dapat na pag-usapan.
Sa gayong mga pag-uusap, sundin ang halimbawa ni Elihu, na nagsabi: “Ako’y nagsasalita mula sa puso at nagsasalitang may katapatan.” (Job 33:3, The Holy Bible in the Language of Today, ni Beck) Sa pagpapaliwanag kung paanong ang pagliligawan ay naghanda sa kaniya para sa isang maligayang pag-aasawa na ngayo’y sampung taon na, sinabi ni Esther: “Hindi ako nagkunwari o kaya’y sinasabi kong sumasang-ayon ako kay Jaye gayong iba ang palagay ko. Hindi ko ginagawa iyon hanggang ngayon. Sinisikap kong maging tapat sa tuwina.”
Huwag iwasan ang sensitibong mga paksa o palabuin ito sa takot na baka mapahiya ang kasintahan. Ginawa ni Beth ang pagkakamaling ito noong panahon ng pagliligawan nila ni John. Sabi ni Beth na naniniwala siya sa pag-iimpok para sa kinabukasan at huwag mag-aaksaya ng pera. Sabi ni John na sang-ayon siya. Wala nang sinabi pa si Beth, akala niya’y nagkakaintindihan na sila. Subalit lumabas na ang ideya pala ni John ng pag-iimpok para sa kinabukasan ay nangangahulugan ng pag-iimpok para sa isang bagong sports car! Nang sila’y mag-asawa na palagi silang nagtatalo tungkol sa pera.
Ang gayong di-pagkakaunawaan ay maaaring iwasan. Si Louise, na nabanggit kanina, ay nagsabi: “Dapat sana’y nagtanong pa ako ng mas maraming tanong, gaya ng, ‘Paano kung magdalang-tao ako at ayaw mong magkaanak?’ O, ‘Paano kung magkautang tayo at nais kong manatili sa bahay at alagaan ang ating anak, ano ang gagawin mo?’ Maingat ko sanang napansin ang kaniyang reaksiyon.” Palilitawin ng gayong mga pag-uusap ang mga katangian ng puso na pinakamabuting makita bago ang pag-aasawa.
Tingnan Mo ang Natural Niyang Kilos!
“Ang isang tao ay maaaring napakabait sa iyo kung kayong dalawa lamang,” sabi ni Esther. “Subalit kapag may kasama kayong iba, maaaring malagay siya sa isang di-inaasahang situwasyon. Baka may sabihin ang isa sa iyong mga kaibigan sa iyong kasintahan na hindi niya maibigan. Ngayon makikita mo kung paano siya kikilos sa ilalim ng panggigipit. Siya kaya’y magagalit o magiging mapanuya?” Kaya, ang konklusyon ni Esther: “Sa panahon ng pagliligawan malaking tulong ang kayo’y kasama ng inyong mga kaibigan at pamilya.”
Bukod pa sa paglilibang, gumugol ng panahon sa paggawang magkasama. Makibahagi sa mga gawaing Kristiyano, pati na ang pag-aaral ng Salita ng Diyos at ang ministeryong Kristiyano. At, gawin ninyo ang ilang pang-araw-araw na gawaing-bahay na magiging bahagi ng buhay pagkatapos ng kasal—pamimili ng pagkain, pagluluto ng pagkain, paghuhugas ng pinagkanan, at paglilinis ng bahay. Kung kayo’y magkasama sa ilalim ng tunay-sa-buhay na mga kalagayan—kapag ang iyong kasintahan ay maaaring nasa kaniyang pinakapangit na kalagayan—makikilala mo kung ano siyang talaga.
Nakita ng binatang pastol sa Awit ni Solomon kung paano kumilos ang kaniyang kasintahan kapag siya ay bigo o kapag nagtatrabaho sa ilalim ng nakapapasong araw—pawis na pawis at pagod. (Awit ni Solomon 1:5, 6; 2:15) Pagkatapos makita ang kaniyang matapat na pagtanggi sa mga pang-akit ng mayamang si Haring Solomon, sinabi niya: “Ikaw ay totoong maganda, Oh sinta ko, at walang kapintasan sa iyo.” (Awit ni Solomon 4:7) Tiyak na hindi ibig sabihin ng binata na ang babae ay sakdal, kundi ang kaniyang pisikal na kagandahan ay lalo pang pinaganda ng kaniyang katatagan sa moral. Wala siyang depekto o dungis sa moral. Sa isip ng binata, nahigitan ng katatagan ng babae ang anumang kahinaan.
Sa mabisang paggamit sa pagliligawan, magagawa mo rin ang gayong pagtatasa. Bukas ang mga mata, mapapasok mo ang pag-aasawa taglay ang mga kasanayan upang ayusin ang mga di-pagkakasundo. Ang matagumpay na pagliligawan ay maghahanda sa inyong dalawa sa isang kasiya-siya at maligayang pag-aasawa.
[Mga talababa]
a Kapit ito sa mga lupain kung saan ang pakikipag-date ay ipinalalagay na angkop na paggawi para sa mga Kristiyano. Karaniwang ang lalaki ang nagsisimula, bagaman wala namang maka-Kasulatang dahilan upang hadlangan ang isang dalaga sa pagpapahayag ng kaniyang damdamin sa mahinhing paraan kung ang lalaki ay tila mahiyain o bantulot.—Ihambing ang Awit ni Solomon 8:6.
b Tingnan ang “‘But What Do I Say?’—Developing the Art of Conversation” sa labas ng Awake! na Enero 22, 1982.
[Larawan sa pahina 21]
Sa pag-oobserba sa magiging kabiyak sa tunay-sa-buhay na mga kalagayan, talagang makikilala mo ang taong iyon