GULONG
Isang kayariang pabilog at gawa sa matigas na materyales; ito’y maaaring solido o may rayos at makaiikot ito sa isang ehe. Noong sinauna, mga tablang pinagdikit-dikit sa pamamagitan ng tulos, binilog, at kinabitan ng isang panggilid (felly, o liyanta) ang nagsilbing sinaunang gulong. Ginamit naman ang gulong na may rayos sa mga karo, mga karwahe, mga kariton, at iba pang mga sasakyan. (Exo 14:25; Isa 5:28; 28:27) Ang bawat isa sa sampung tansong karwahe na ginawa ni Solomon upang gamitin sa templo ni Jehova ay may tansong ehe at apat na tansong gulong na tulad ng sa karo; bawat gulong ay 1.5 siko (67 sentimetro; 26 na pulgada) ang taas at may boha, mga rayos, at panggilid.—1Ha 7:27-33.
Hinuhubog naman ng magpapalayok ang mga sisidlang luwad sa isang nakahiga at solidong gulong na umiikot, tinatawag na gulong ng magpapalayok. (Jer 18:3, 4) Gayundin, maaaring ibaba at itaas sa loob ng imbakang-tubig ang isang timba sa pamamagitan ng lubid na nakakabit sa isang uri ng gulong o muton [sa Ingles, windlass].—Ec 12:6.
Makatalinghaga at Makasagisag na Paggamit. Sa Hebreong tekstong Masoretiko, ang Kawikaan 20:26 ay kababasahan: “Ang marunong na hari ay nagpapangalat ng mga taong balakyot, at nagpaparaan siya ng gulong sa ibabaw nila.” Waring tumutukoy ito sa isang pagkilos ng hari na maihahambing sa paggamit ng gulong na panggiik ng butil. (Ihambing ang Isa 28:27, 28.) Tila ipinahihiwatig ng metaporang ito na ang marunong na hari ay kumikilos kaagad upang ibukod ang mga taong balakyot mula sa mga matuwid at upang parusahan ang mga balakyot. Sa gayon ay nasusugpo ang kasamaan sa kaniyang nasasakupan. (Ihambing ang Kaw 20:8.) Gayunman, kung babaguhin nang kaunti ang talata, sinasabi nito na pinararaan ng isang marunong na hari sa ibabaw ng mga balakyot ang “kanilang sariling pananakit.”
Ang di-masupil na dila ay isang “apoy” at “sinisilaban [nito] ang gulong ng likas na buhay.” Maaaring silaban ng dila ang buong ikot o landasin ng likas na buhay na kinapanganakan ng isang tao, anupat ginagawang isang napakasamang siklo ang buhay at posible pa ngang humantong sa sariling kapuksaan niyaon na waring sa pamamagitan ng apoy.—San 3:6.
Samantalang si Ezekiel ay nasa tabi ng ilog ng Kebar sa lupain ng mga Caldeo noong ikalimang taon ng pagkatapon ni Haring Jehoiakin, nakita niya si Jehova sa pangitain na nakasakay sa isang mabilis at tulad-karong makalangit na sasakyan. Ang apat na gulong nito ay may mga gilid na punô ng mga mata, at sa loob ng bawat gulong ay may isa pang gulong na maliwanag na nakapahalang sa panlabas na gulong, kaya naman maaari itong yumaon sa unahan o lumiko sa alinmang panig nang hindi binabago ang anggulo ng mga gulong. Sa tabi ng bawat gulong ay may isang kerubin, anupat ang mga kerubing nilalang na buháy at ang mga gulong ay sabay-sabay na gumagalaw kung saan sila akayin ng espiritu. (Eze 1:1-3, 15-21; 3:13) Noong sumunod na taon, nagkaroon si Ezekiel ng isang katulad na pangitain, at sa pagkakataong ito ay dinala naman siya, maliwanag na sa pamamagitan ng espiritu ng pagkasi, sa isang dako sa harap ng templong itinayo ni Solomon sa Jerusalem. Ipinahiwatig ng pangitaing nakita niya na malapit nang puksain ang lunsod na iyon at ang templo bilang paglalapat ng hudisyal na pasiya ni Jehova. (Eze 8:1-3; 10:1-19; 11:22) Mga 60 taon pagkatapos nito, nakita ni Daniel sa pangitain ang Sinauna sa mga Araw, si Jehova, na nakaupo sa isang makalangit na trono na may mga gulong. Nagliliyab kapuwa ang trono at ang mga gulong, anupat ipinahihiwatig nito ang pagdating ng maapoy na paghatol ng Diyos sa mga kapangyarihang pandaigdig.—Dan 7:1, 9, 10; Aw 97:1-3.