Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Bang Pumili ang mga Anak ng Kanilang Sariling Relihiyon?
MULA sa pagsilang ng isang anak hanggang sa pagdadalaga o pagbibinata niya, ang mga magulang ang pumipili para sa kanilang anak. Kasabay nito, batid ng isang marunong na magulang kung kailan makikibagay, anupat isinasaalang-alang hangga’t maaari ang gusto ng bata.
Subalit, kung gaano kalaya sa pagpili ang ipagkakaloob sa bata ay maaaring magharap ng hamon sa mga magulang. Bagaman totoo na ang mga anak ay makagagawa ng tamang mga pagpili at makikinabang mula sa ilang pagsasarili, totoo rin naman ang bagay na maaari silang magkamali sa pagpili, na maaaring magbunga ng trahedya.—2 Hari 2:23-25; Efeso 6:1-3.
Halimbawa, malimit na pipiliin ng mga bata ang sitsirya kaysa masustansiyang pagkain. Bakit? Dahil mula sa murang edad, hindi sila makagawa ng mahusay na pagpapasiya sa ganang sarili nila. Matalino ba para sa mga magulang na pahintulutan ang kanilang mga anak sa balang maibigan nila sa mga bagay-bagay, na umaasang sa kalaunan ay pipiliin din nila ang masustansiyang pagkain? Hindi. Sa halip, ang mga magulang ang dapat na pumili para sa kanilang mga anak na isinasapuso ang pinakamabuti para sa kapakanan ng kanilang mga anak.
Sa gayon, angkop lamang na ang mga magulang ang pumili para sa kanilang mga anak hinggil sa pagkain, pananamit, pag-aayos, at moralidad. Subalit kumusta naman ang relihiyon? Dapat din bang ang mga magulang ang pumili sa bagay na iyan?
Ang Pagpili
Maaaring mangatuwiran ang iba na hindi dapat ipagpilitan ng mga magulang ang kanilang relihiyosong mga paniwala sa kanilang mga anak. Sa katunayan, sa mahigit na 160 taóng nakalipas, ang ilang nag-aangking may Kristiyanong paniniwala ang nagpaunlad ng ideya na “hindi dapat ituro sa mga bata ang relihiyon dahil sa pangamba na may kilingan ang kanilang mga isipan sa ilang partikular na doktrina, kundi dapat silang hayaan hanggang sa kaya na nilang pumili, at makapili ng isang relihiyon.”
Gayunman, ang ideyang ito ay hindi kasuwato ng pangmalas ng Bibliya. Idiniriin ng Bibliya ang kahalagahan ng pagtitimo ng relihiyosong mga paniwala sa mga bata mula sa pagsilang. Ang Kawikaan 22:6 ay nagsasabi: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.”
Ang salitang Hebreo na isinaling “bata” ay sumasaklaw sa edad na mula sa pagkasanggol hanggang sa pagbibinata at pagdadalaga. Hinggil sa kahalagahan ng maagang pagtuturo, si Dr. Joseph M. Hunt, ng University of Illinois, E.U.A., ay nagsabi: “Sa panahon ng unang apat o limang taon ng buhay nagaganap ang pinakamabilis na pagsulong ng isang bata at nararanasan ang lubusang pagbabago. . . . Marahil ay 20 porsiyento ng [kaniyang] pangunahing mga kakayahan ang sumusulong bago pa ang kaniyang unang kaarawan, marahil ay kalahati bago siya mag-apat na taon.” Idiniriin lamang nito ang kinasihang payo ng Bibliya na mahalaga para sa mga magulang na maagang magbigay ng matalinong patnubay sa buhay ng isang bata, na sinasanay siya sa paraan ng Diyos.—Deuteronomio 11:18-21.
Kapuna-puna naman, pinapatnubayan ng Kasulatan ang mga magulang na may takot sa Diyos sa pagkikintal sa kanilang mga anak ng pag-ibig kay Jehova. Ang Deuteronomio 6:5-7 ay nagsasabi: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong lakas mo. At ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay dapat na mapatunayang nasa iyong puso; at dapat mong itimo sa iyong anak at salitain ang mga ito kapag ikaw ay nauupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa daan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” Ang Hebreong pandiwa na isinaling “itimo” ay nagpapahiwatig ng ideya ng pagpapatalas ng isang kasangkapan, na para bang ginagawa sa hasaang bato. Hindi ito magagawa sa ilang ulit na paghahasa subalit dapat gawin nang may pagsisikap, nang paulit-ulit. Isinalin ng The New English Bible ang pandiwang Hebreo na “ulitin.” Sa simpleng salita, ang “pagtitimo” ay nagpapahiwatig ng pag-iiwan ng namamalaging impresyon.—Ihambing ang Kawikaan 27:17.
Kaya naman, dapat na pakadibdibin ng tunay na mga Kristiyanong magulang ang kanilang pananagutan sa pagkikintal ng kanilang relihiyosong mga paniwala sa kanilang mga anak. Hindi nila basta mabibitiwan ang pananagutang ito sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanilang mga anak na pumili sa ganang sarili nila. Kalakip dito ang pagdadala sa kanilang “maliliit na anak” sa mga pulong. Doon ay makakatabi ng mga magulang ang mga bata sa upuan at matutulungan sila na magpahalaga sa espirituwal na pakinabang na maaaring matamo ng isang nagkakaisang pamilya sa pamamagitan ng matamang pakikinig sa mga tinatalakay sa Kasulatan at pakikibahagi rito.—Deuteronomio 31:12, 13; Isaias 48:17-19; 2 Timoteo 1:5; 3:15.
Ang Responsibilidad ng mga Magulang
Ang basta pagsasabi sa bata na kainin ang pagkain dahil sa ito’y masustansiya ay hindi nangangahulugan na ito’y magugustuhan ng bata. Kaya, alam ng isang matalinong ina kung paano mapasasarap hangga’t maaari ang mahahalagang pagkaing ito upang maging kaayaaya sa panlasa ng bata. At, mangyari pa, inihahanda niya ang pagkain sa paraan na babagay sa kakayahan ng bata na tunawin ito.
Gayundin naman, sa una ang bata ay maaaring tumanggi sa relihiyosong mga tagubilin, at maaaring mapatunayan ng magulang na walang bisa ang pakikipagkatuwiran sa bagay na ito. Gayunman, ang patnubay mula sa Bibliya ay maliwanag—kailangang gawin ng mga magulang ang kanilang makakaya upang sanayin ang kanilang mga anak mula sa pagkasanggol. Kung gayon, gagawing kaayaaya ng matalinong mga magulang ang relihiyosong tagubilin sa pamamagitan ng paghaharap nito sa isang paraan na kalugud-lugod sa bata, na isinasaalang-alang ang kaniyang kakayahan sa pagtanggap nito.
Nadarama nang husto ng mapagmahal na mga magulang ang obligasyon na maglaan ng mga pangangailangan sa buhay para sa kanilang mga anak, at karaniwan nang walang ibang nakaaalam ng mga pangangailangan ng bata nang higit kaysa mga magulang mismo. Kasuwato nito, iniaatang ng Bibliya sa balikat ng mga magulang ang pangunahing obligasyon ng paglalaan sa pisikal gayundin sa espirituwal na bagay—lalo na ng ama. (Efeso 6:4) Kaya, hindi dapat iwasan ng mga magulang ang kanilang pananagutan sa pamamagitan ng pagpapasa ng obligasyon sa iba. Bagaman maaari nilang samantalahin ang tulong na iniaalok, ito’y magdaragdag, hindi hahalili, sa relihiyosong pagtuturo ng mga magulang.—1 Timoteo 5:8.
Sa isang yugto ng buhay, ang bawat indibiduwal ay nagpapasiya kung anong relihiyosong paniniwala ang kaniyang susundin, kung mayroon man. Kung ang mga magulang ang babalikat ng personal na pananagutan ng pagtuturo sa kanilang mga anak ng relihiyosong kautusan sa murang edad at kung kanilang gagamitin ang panahong ito sa pagtuturo sa kanila upang mangatuwiran na nakasalig sa mahusay na mga simulain, ang pagpili na gagawin ng anak sa dakong huli ng kaniyang buhay ay tiyak na magiging tama.—2 Cronica 34:1, 2; Kawikaan 2:1-9.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
The Doré Bible Illustrations/Dover Publications, Inc.