Mga Taon ng Paghubog—Kung Kailan Kinakailangan ang Inyong Pinakamainam na Pagsasanay
ANG mga anak ay sinasabing “isang mana mula kay Jehova.” Sila ay sinasabing “parang mga sanga ng punong olibo sa palibot ng iyong dulang.” (Awit 127:3; 128:3) Ang mga magulang ay tinagubilinang “palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
Kung huhubugin mo ang mga punong olibo para mamunga nang mabuti, ang panahon na dapat gawin ito ay samantalang ito ay ‘parang mga sanga sa palibot ng iyong dulang.’ Habang hinuhubog ang murang sanga, gayon lumalaki ang puno. Kung sasanayin ninyo ang inyong mga anak upang umayon sa mga daan ng Diyos, ang pinakamainam na panahon upang gawin ito ay mula sa kanilang pagkasanggol. “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.” (Kawikaan 22:6; 2 Timoteo 3:15) Sa pagkasanggol ang utak ay napakabilis na kumukuha ng impormasyon, mas mabilis kaysa kailanman ay gagawin nitong muli. Ito ang tamang-tamang panahon upang gawin ang inyong pinakamainam na pagsasanay sa inyong mga anak.
Si Masaru Ibuka, tagapagtatag ng Sony Corporation, ay sumulat ng isang aklat na pinamagatang Kindergarten Is Too Late! Lumitaw sa pabalat nito ang mga salitang ito: “Ang potensiyal ng iyong anak na matuto ay pinakamabilis sa unang dalawa o tatlong taon ng buhay. Kaya, huwag ipagpaliban . . . Huli na Kung Magsisimula Ka sa Kindergarten!”
Sa paunang salita ay sinabi ni Glenn Doman, patnugot ng The Institutes for the Achievement of Human Potential, ang sumusunod: “Ang kahanga-hanga at magiliw na aklat ni Mr. Ibuka ay walang gaanong anumang mahalagang pagpapahayag. Ipinahayag niya lamang na ang munting mga bata ay may kakayahang matuto ng halos lahat ng bagay samantalang sila ay musmos pa. Ipinahayag niya na ang natututuhan nila nang walang kahirap-hirap sa gulang na dalawa, tatlo, o apat na taon ay maaari lamang matutuhan nang may malaking pagsisikap, o maaaring hindi matutuhan, sa dakong huli ng buhay. Ipinahayag niya na ang mahirap matutuhan ng mga adulto ay masayang natututuhan ng mga bata. Ipinahayag niya na ang napakabagal na natututuhan ng mga adulto, halos mabilis na natututuhan ng mumunting bata. Ipinahayag niya na kung minsan ay iniiwasan ng mga adulto ang mag-aral, samantalang gugustuhin pa ng mumunting bata ang mag-aral kaysa kumain.”
Ang dahilan na ibinibigay ni Ibuka sa pagsasabing napakahuli na kung sisimulang sanayin ang mga bata sa kindergarten ay na sa panahong iyon ang pinakamainam na mga taon ng bata na matuto ay lumipas na. Subalit may isa pang dahilan. Sa mga panahong ito ang pagguho ng moral ay nakaabot na sa kindergarten, at bago pa makarating doon ang bata, kailangang ikintal ng mga magulang sa bata ang isang matatag na kodigong moral upang ipagsanggalang ang bata sa pagkahawa.
Ang pangangailangang ito ay ipinakikita ng report ng mga magulang ng isang anim-na-taóng-gulang na batang lalaki na kapapasok lamang sa kindergarten. “Sa unang linggo sa kindergarten, ang aming anak ay seksuwal na sinalakay ng isa pang batang lalaki sa loob ng 15 minutong pagsakay niya sa school bus. Ito’y nagpatuloy sa loob ng ilang araw. Ito ay hindi basta larong bata o doktur-doktoran kundi isang di-normal, maliwanag na lisyang paggawi.
“Maraming bata sa klase ng aming anak na lalaki ang nanonood ng mahalay o marahas na mga pelikula na kasama ng kanilang mga magulang. Marahil ipinalalagay ng mga magulang na mas ligtas na isama sila kaysa iwan sila sa kahina-hinalang pangangalaga ng isang yaya. Ang ilang bata ay nanonood ng R- at X-rated na mga pelikula alin sa pamamagitan ng cable television o ng mga pelikulang mayroon ang kanilang mga magulang sa bahay.
“Ang halaga ng pagkikintal ng mga simulaing moral sa aming anak sa kaniyang mga taon ng paghubog, mula sa pagkasanggol patuloy, ay naitanim sa amin ng isang nakasisindak na pangyayari sa amin mismong tahanan. Kasama ng ilang adultong bisita, isang kuwatro-anyos na batang babae ang naroroon. Siya at ang aming anak na lalaki, na maingat naming tinuruan na ang sekso ay para lamang sa mag-asawang mga adulto, ay nasa silid palaruan ng aming anak. Nais ng batang babae na maglaro sila na kunwari’y nagde-date sila at sinabi niya na ang batang lalaki ay humiga. Nang ito ay walang malay na humiga, ang batang babae ay pumatong sa ibabaw niya. Ang batang lalaki ay natakot at bumulalas: ‘Para lamang iyan sa mga mag-asawa!’ Habang ang batang lalaki ay umaalpas at tumakbong palabas ng silid palaruan, ang batang babae ay sumigaw: ‘Huwag kang magsusumbong kaninuman!’ ”—Ihambing ang Genesis 39:12.
Ang sumusunod ay ilan sa mga bagay na nangyayari kapuwa sa mataong mga lunsod at sa mga arabal—mga bagay na doon ang inyong musmos na mga anak ay dapat mapangalagaan mula sa pagkasanggol patuloy.
Dalawang pitong-taóng-gulang na lalaki ang nasasakdal sa salang panghahalay sa isang anim-na-taóng-gulang na babae sa isang palikuran ng paaralang bayan. Seksuwal na hinalay ng tatlong batang lalaki, mga edad anim, pito, at siyam, ang isang anim-na-taóng-gulang na babae. Hinalay ng isang otso-anyos na lalaki ang isang batang lalaking kindergarten. Isang 11-anyos na lalaki ang naisakdal sa salang panghahalay ng isang 2-anyos na babae. Iginigiit ng ilang terapist na totoo na kadalasan ang mga maysalang iyon ay mga biktima ng seksuwal na pag-abuso nang musmos pa sila.
Ito’y pinatunayan sa kaso ng isang batang lalaki. Nang siya ay isang sanggol, ang kaniyang 20-anyos na tiya ay laging nagsasagawa sa kaniya ng oral sex. Mula sa gulang na 18 buwan hanggang 30 buwan, naranasan niya ang seksuwal na pag-abusong ito. Pagkaraan ng dalawa o tatlong taon ay seksuwal na nililigalig niya ang mga batang babae. Nang siya ay mag-aral, ipinagpatuloy niya ang gawaing ito at siya’y pinaalis sa paaralan sa unang baitang at minsan pa sa ikalawang baitang.
Ang Pangangailangan Para sa Maagang Pagsasanay
Ang hindi pagbibigay ng mga magulang ng wastong pagsasanay sa mga taon ng paghubog ay nagbibigay daan sa delingkuwensiya, na maaaring magbukas ng daan sa mas grabe pang mga krimen: bandalismo, panloloob, at pagpatay. Ang sumusunod ay ilang halimbawa ng mga bagay na iyon.
Dinambong ng tatlong anim-na-taóng-gulang ang tahanan ng isang kalaro, sinisira ang halos lahat ng silid nito. Isang nuwebe-anyos na lalaking maninira ang pinaratangan ng kriminal na pinsala, at panloloob, pananakot sa isa pang bata sa pamamagitan ng isang patalim, at pagsunog sa buhok ng isang batang babae. Tinutukan ng dalawang 11-anyos na lalaki ng isang siyam-na-milimetrong baril ang bibig ng isang 10-anyos at ninakaw ang relo niya. Binaril at napatay ng isang diyes-anyos na lalaki ang isang siete-anyos na babae dahil sa pag-aaway tungkol sa isang laro sa video. Binaril ng isa pang diyes-anyos ang kaniyang kalaro at itinago ang bangkay sa ilalim ng bahay. Itinulak ng isang singko-anyos ang isang sanggol na nagsisimulang lumakad tungo sa kaniyang kamatayan mula sa isang stairwell sa ikalimang-palapag. Isang 13-anyos ang nakisama sa dalawang kabataan sa pagdukot sa isang 7-anyos upang kumuha ng pera sa kaniyang pamilya, subalit kahit na bago pa tumawag sa pamilya upang humingi ng pantubos, inilibing nila nang buháy ang batang lalaki.
Pagkatapos, bilang pangwakas ng pagsasaalang-alang, nariyan ang kilabot ng mga gang o pangkat ng tin-edyer, armado ng mga baril, na aali-aligid sa mga lansangan, nagbabarilan, nagliliparan ang mga bala, pinapatay hindi lamang ang isa’t isa kundi pati ang walang malay na mga bata at mga adulto na tinatamaan sa pagbabarilan. Kanilang sinisindak ang maraming pook sa malalaking lunsod—sa Los Angeles county lamang, “may 100,000-mahigit na mga miyembro ng mahigit na 800 kilalang gang.” (Seventeen, Agosto 1991) Marami ay buhat sa wasak na pamilya. Ang gang ang kanilang nagiging pamilya. Marami ang nagwawakas sa bilangguan. Marami ang namamatay. Ang mga halaw na ito mula sa tatlong liham na isinulat sa bilangguan ay tipikal.
Una: ‘Ako’y nasa loob ng kampo dahil sa tangkang pagnanakaw. Apat kami. Pagkatapos ay dumating ang mga alat. Dalawa sa mga kakosa ko ang tumakbo sa isang daan, ako at isa pang kakosa ko ay tumakbo sa ibang daan, subalit hindi mas mabilis sa mga asong German shepherd na nakahuli sa amin. Paglabas ko, inaasahan ko na balang araw ako ay kikilalanin. Ang pag-aaral at pagkuha ng matataas na marka ay laging napakahirap para sa akin. Ngunit, pare ko, wala nang mas mahirap pa kaysa makulong!’
Ikalawa: ‘Nang una akong dumating mula sa Mexico, ako ay walong taóng gulang lamang. Nang ako’y maging 12, kasali ako sa isang gang. Pagtuntong ko ng 15, masyado na akong sangkot dito. Regular at marami akong drive-bys [binabaril ang mga tao mula sa isang kotse]. Nasa tabi ko lagi ang aking baril. Nang ako ay 16 anyos, ako ay nabaril at halos mamatay. At pinasasalamatan ko na hindi pa ako kinukuha ng Panginoon sapagkat hindi pa ako handang sumama sa kaniya. Sa ngayon ay may butas ng bala ang aking mga paa. Kaya ang payo ko ay huwag maging miyembro ng isang gang!!! kung hindi ikaw ay mag-iisa at lumpo sa bilangguan na gaya ko!’
Ikatlo: ‘Ako’y naging kilalang miyembro ng isang gang mula nang ako’y 11 anyos. Ako’y apat na beses nang nasaksak, tatlong beses na nabaril, at maraming beses na nakulong at nabugbog anupat hindi ko na mabilang. Ang tanging bagay na lamang para sa akin ay mamatay, at handa akong mamatay araw-araw mula noong ako’y sumapit sa edad na 13, at ako ngayon ay 16. Ako sa kasalukuyan ay nahatulang makulong ng walong buwan at sa loob ng dalawang taon ay patay na ako, ngunit maiiwasan ninyo ang lahat ng ito kung hindi kayo sasali sa isang gang.’
Samantalahin ang Tamang-tamang Panahon
Ngayon, ang lahat ng ito ay hindi nangangahulugan na ang hindi pagsasanay sa mga bata sa mga taon ng paghubog ay magbubunga ng kakila-kilabot na mga krimeng ito. Ngunit ang hindi pagsasanay ay maaaring humantong sa di-normal na ugali, na maaaring lumalâ tungo sa delingkuwensiya, at kung ito’y patuloy na hindi nasasawatâ, ang delingkuwensiya ay maaaring mauwi sa kriminal na paggawi, sa bilangguan, at sa kamatayan.
At ang pagsawatâ sa anumang gayong hilig sa inyong mga anak ay mas madaling gawin bago pa sila maging tin-edyer sa halip na hintayin hanggang sila’y mga tin-edyer na. Sa katunayan, ang panahon upang magsimula ay bago pa sila pumasok sa kindergarten, kung kailan karamihan ng inyong panahon ay ginugugol ninyo sa kanila sa mga taon ng paghubog, bago makipagpaligsahan ang panlabas na mga impluwensiya sa kanilang pansin. Kung kayo ay hindi malapít sa kanila sa kanilang pagkasanggol, maaaring hindi nila hayaang maging malapít kayo sa kanila kung sila’y tin-edyer na. Maaaring matuklasan ninyo na pinalitan na kayo ng kanilang mga kasamahan. Kaya ang payo sa mga magulang ay, Huwag pabayaan ang inyong mga anak sa mga taon ng paghubog na ito kung kailan ang paggawa ninyo ng inyong pinakamainam na pagsasanay sa kanila ay magbubunga ng pinakamabuting bunga, sa ikapagpapala ninyo at nila.—Ihambing ang Mateo 7:16-20.