Ano ang Masama sa Pag-ibig sa Salapi?
SINA Paul at Mary ay namamahala ng isang supermarket sa isang dukhang pamayanan sa Aprika.a Sa puspusang pagpapagal gabi at araw, sila’y kumita ng napakaraming pera. Sumapit ang panahon na naipagmamalaki ni Mary ang isang malaking bagong bahay na punô ng maluhong mga muwebles. Para naman kay Paul, siya’y nakapamamasyal sakay ng isang magarang kotse.
Isang araw si Paul ay nilapitan ng isang grupong salungat sa gobyerno. Siya’y hiningan: “Nais namin na ang iyong negosyo ay mag-abuloy ng [$100] bawat buwan upang sumuporta sa aming kapakanan.” Palibhasa’y ayaw na tumangkilik sa anumang panig sa makapulitikang paglalabanan, sina Paul at Mary ay lakas-loob na tumanggi. Dahilan sa kanilang hindi pagtangkilik sa anumang panig, sila’y pinaghinalaan na tumatanggap ng salaping suporta buhat sa pamahalaan. Isang dulo ng sanlinggo, samantalang wala roon sina Paul at Mary, nilimas ang kanilang tindahan, at sinunog ang kanilang kotse at magandang tahanan.
Isang malungkot na salaysayin nga, ngunit mayroon ba tayong matututuhan mula rito? Marami na nagpagal nang puspusan upang yumaman ay maaaring hindi naman dinatnan ng isang kalamidad na numakaw ng kanilang kayamanan, ngunit kumusta naman ang hinaharap? Bakit sinasabi ng Bibliya na “yaong mga desididong yumaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming walang-kabuluhang nakapipinsalang mga hangarin, na nagbubulusok sa mga tao sa kapahamakan at pagkapariwara”?—1 Timoteo 6:9.
Isang Timbang na Pangmalas sa Salapi
Ayon sa Bibliya, ang isang tunay na Kristiyano ay kailangang maglaan sa materyal na pangangailangan ng kaniyang umaasang mga kaanak. Ang mga kalagayan, tulad baga ng kawalang-hanapbuhay o mga suliranin ng kalusugan, ang kung minsan nagdudulot dito ng kahirapan. Sa kabilang panig, ang isang Kristiyano na kusang nagpapabaya sa paglalaan ng ikabubuhay ng kaniyang pamilya “ay nagtakwil sa kaniyang pananampalataya at masama pa kaysa isang taong walang pananampalataya.”—1 Timoteo 5:8.
Sa ilang pamayanan na nasa kabukiran, ang ikinabubuhay ng mga tao ay pagsasaka at sila ang umaani ng kanilang sariling kakanin at nag-aalaga ng mga hayop. Ang iba ay bahagya na lamang gumamit ng pera, anupat nakukuha ang mga pangangailangan sa buhay sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga kalakal at mga serbisyo. Gayunman, ang pinakakaraniwang paraan ng naghahanapbuhay para matustusan ang kanilang pami-pamilya ay ang pamamasukan sa trabaho na kung saan sila’y tumatanggap ng suweldo. Ang perang kanilang kinita ay ibinibili ng pagkain at iba pang mga bagay na tumutustos sa kanilang pamilya. Bukod dito, ang perang matalinong naitabi ay magagamit sa pagbibigay ng proteksiyon kung panahon ng kahirapan o kalamidad. Halimbawa, ito’y maaaring gamitin sa pagpapagamot o sa pagpapakumpuni ng tahanan kung kinakailangan. Kaya naman makatotohanang sinasabi ng Bibliya na “ang salapi ay pananggalang” at ito’y “nagagamit na pantakip sa lahat ng bagay.”—Eclesiastes 7:12; 10:19.
Dahilan sa maraming nagagawa ang salapi, may panganib na ang isa ay magkaroon ng isang di-makatotohanang pananaw tungkol sa kapangyarihan nito. Ang isang Kristiyano ay kailangang may kabatiran sa mga limitasyon nito kung ihahambing sa ibang lalong mahahalagang bagay. Halimbawa, sa Bibliya ang halaga ng salapi ay inihahambing sa maka-Diyos na karunungan, na nagsasabi: “Ang karunungan ay isang pananggalang gaya ng salapi na isang pananggalang; subalit ang kahigitan ng kaalaman ay nasa bagay na iniingatan ng karunungan ang buhay ng mga may-ari nito.” (Eclesiastes 7:12) Sa papaanong may ganitong kahigitan sa salapi ang maka-Diyos na karunungan?
Isang Aral Buhat sa Nakalipas
Ang mga pangyayari sa Jerusalem noong taóng 66 C.E. ay nagpapakita ng kahigitan ng maka-Diyos na karunungan kaysa salapi. Pagkatapos na mapigil ang lumulusob na mga hukbong Romano, ang mga Judio sa Jerusalem ay may paniwala na mabuti na ngayon ang maaasahan sa negosyo. Oo, sila’y nagsimulang gumawa ng kanilang sariling salapi bilang pagdiriwang sa kanilang bagong katutuklas na kalayaan. Ang kanilang mga barya ay may taglay, sa Hebreo, ng mga pananalitang gaya ng “Ukol sa kalayaan ng Zion” at “Jerusalem na Banal.” Bawat bagong taon, sila’y gumawa ng mga bagong barya na may nakasulat na nagpapakilala roon bilang “taóng dos,” “taóng tres,” at “taóng kuwatro.” Ang mga arkeologo ay nakahukay pa man din ng ilang pambihirang mga barya na may nakasulat na “taóng singko,” na katumbas ng taóng 70 C.E. Minalas ba ng mga Judiong Kristiyano ang bagong salaping Judio bilang isang matuwid na simbolo ng walang-hanggang kalayaan?
Hindi. Sapagkat isinaisip nila ang mga salitang karunungan ng kanilang Panginoon. Inihula ni Jesus ang paglusob ng mga Romano na naganap noong 66 C.E. Kaniyang ipinabatid sa kaniyang mga tagasunod na pagka ito’y nangyari na, sila’y dapat ‘lumabas sa gitna ng Jerusalem.’ (Lucas 21:20-22) Ang kasaysayan ang nagpapatotoo na ganoong-ganoon ang ginawa ng mga Judiong Kristiyano. Maliwanag na handa silang magdusa sa pagkawala ng ari-arian, ng mga pag-aari, at ng mga pagkakataon sa negosyo dahilan sa pag-alis sa Jerusalem. Makalipas ang apat na taon, ang mga hukbong Romano ay nagsibalik at kinubkob ang lunsod.
“Napakaraming ginto sa Lunsod,” ayon sa isang saksing nakakita, ang historyador na si Josephus. Subalit ang katakut-takot na salapi ay hindi makapagliligtas sa Jerusalem sa taggutom, na patuloy na “lumubha” at “sinakmal ang buu-buong sambahayan at mga pamilya.” Ang ilang naninirahan doon ay lumulon ng mga baryang ginto at sinikap nilang takasan ang lunsod. Subalit sila’y pinatay ng kanilang mga kaaway, na bumiyak sa kanilang mga tiyan upang makuha ang salapi. “Para sa mayayaman,” ang paliwanag ni Josephus, “ang paglagi sa Lunsod ay kasimpanganib ng pag-alis doon; sapagkat sa pagdadahilang siya ay takas maraming lalaki ang pinaslang ng dahil sa kaniyang salapi.”
Sa loob ng wala pang anim na buwan buhat sa pasimula ng pagkubkob, ang Jerusalem ay napuksa, at mahigit na isang milyon sa mga naninirahan doon ang namatay sa taggutom, salot, at tabak. Marami ang binulag ng pag-ibig sa salapi, na nagbulusok sa kanila sa kapahamakan at pagkapariwara, samantalang ang pagsunod sa mga salita ng karunungan ang nagpangyaring makaligtas ang mga Judiong Kristiyano.
Hindi lamang iyan ang pangyayari sa kasaysayan na binigo ng salapi ang pag-asa ng mga tao sa panahon ng krisis. Anong lupit na panginoon nga naman ang pag-ibig sa salapi! (Mateo 6:24) Isa pa, maaaring nakawin din nito ang iyong kasalukuyang kaligayahan.
Mga Kasiyahan na Hindi Mabibili ng Salapi
Ang matinding hangarin na yumaman ay maaaring bumulag sa isang tao sa maraming kasiyahan na hindi naman nangangailangan ng maraming salapi upang makamtan. Halimbawa, pag-isipan ang maliligayang pamilya, mga tunay na kaibigan, mga kababalaghan ng kalikasan, isang pambihirang paglubog ng araw, isang kamangha-manghang pagkulog, ang mabituing sangkalangitan, ang mga paglalaro ng mga hayop, o ang mga bulaklak at mga punungkahoy sa isang kagubatang di pa napipinsala.
Totoo, ang ilang mayayaman ay may mas maraming panahon na magtamasa ng kasiyahan, subalit karamihan sa kanila ay labis na magawain sa pagsisikap na maingatan o mapalago ang kanilang kayamanan. Waring kataka-taka, subalit ang kaligayahan kadalasan ay mailap kahit na sa mga mahilig maglibang. Ito’y pinagtatakhan ng modernong mga mananaliksik. “Papaano natin maipaliliwanag ang isang bagay na lubhang ninanasa ng napakaraming tao, at pinaniniwalaan na isang uri ng panlunas sa lahat, kapag nakamit na ay maraming nagkakaiba-ibang epekto buhat sa hindi kasiya-siya hanggang sa malungkot na karanasan?” ang tanong ni Thomas Wiseman sa kaniyang aklat na The Money Motive—A Study of an Obsession.
Ang isang bagay na maaaring magnakaw ng kaligayahan ng isang mayaman ay ang kahirapang makilala kung sino ang kaniyang tunay na mga kaibigan. Ang mayamang si Haring Solomon ay nakaranas na “pagka dumarami ang mabubuting bagay, yaong kumakain nito ay tunay na dumarami rin.” (Eclesiastes 5:11) Maraming mayayaman ang dumaranas din ng kabalisahan sa pagsisikap na huwag mabawasan kundi maragdagan pa nga ang kanilang kayamanan. Kadalasan ito ang humahadlang sa kanila sa pagkakaroon ng kasiya-siyang tulog. Ang Bibliya ay nagpapaliwanag: “Mahimbing ang tulog ng taong gumagawa, kahit siya’y kumakain nang kaunti o nang marami; ngunit ang kasaganaan ng mayaman ay hindi magpapatulog sa kaniya.”—Eclesiastes 5:12.
Ang pag-ibig sa salapi ay makapipinsala sa mga ugnayan sa pagitan ng pamilya at mga kaibigan sapagkat ito’y makatutukso sa isa upang gumawa ng pandaraya at krimen. Ang mga maibigin sa salapi ay kalimitang bumabaling sa pagsusugal. Nakalulungkot, ang matinding pagnanasa ng minsan pang pagsusugal ay nagtataboy sa marami sa pagkakautang. “Sa oras na sila’y pumunta sa akin,” ang sabi ng isang sikayatrista sa Timog Aprika, [ang pusakal na mga manunugal] ay kadalasang hindi na makapagbabago pa o matutulungan na magbago, sila’y nawalan na ng trabaho, ng negosyo, ng tahanan, at kalimitan ay iniwan na ng kani-kanilang pamilya.” Anong pagkatotoong-totoo nga ang babala ng Bibliya: “Ang taong tapat ay mananagana sa pagpapala, ngunit siyang nagmamadali sa pagpapayaman ay hindi mamamalaging walang-sala.”—Kawikaan 28:20.
“Ito’y Nagkakapakpak . . . at Lumilipad sa Malayo”
Ang isa pang dahilan kung bakit napakamapanganib ang pag-ibig sa salapi ay sapagkat napatunayang walang-kaya ang mga pamahalaan ng tao na makipagtulungang lubusan o siguruhin na ang salapi ay hindi magbabago ang halaga sa buong daigdig; ni kanilang nahahadlangan ang pag-urong ng ekonomiya, ang mga krisis, at ang pagbagsak ng stock market. Ang pagdaraya, pagnanakaw, at implasyon ay nagpapatingkad din sa katotohanan ng kinasihang pananalita: “Huwag kang magpagal upang yumaman. Tumigil ka sa iyong sariling kaunawaan. Iyo bang itinitig doon ang iyong mga mata, gayong iyon ay walang kabuluhan? Sapagkat walang pagsalang ito’y nagkakapakpak tulad ng isang agila at lumilipad sa malayo patungo sa kalangitan.”—Kawikaan 23:4, 5.
Implasyon. Ang suliraning iyan ay tiyak na hindi lamang sa maralitang mga bansa matatagpuan. Sa may pasimula ng siglong ito, ang mabilis lumaganap na implasyon ay sumapit sa industriyalisadong mga bansa ng gitnang Europa. Halimbawa, bago ng Digmaang Pandaigdig I, ang isang mark na Aleman ay halos katumbas ng isang shilling na Britaniko, isang Pranses na franc, o isang Italyanong lira. Makalipas ang sampung taon, ang shilling, ang franc, at ang lira ay humigit-kumulang katumbas ng isang 1,000,000,000,000 mark. Ano ba ang epekto ng tumataas na implasyon sa mga tao sa mayayamang lipunan? “Kung ang nangyari sa natalong Central Powers noong may pasimula ng dekada ng 1920 ay magagamit na batayan,” ang sabi ni Adam Fergusson sa kaniyang aklat na When Money Dies, “kung magkagayon [ang pagbagsak ng salapi] ay nagpapakawala ng gayong kalaking kasakiman, karahasan, kalungkutan, at kapootan, na ang kalakhan ay nanggagaling sa takot, yamang walang lipunang makaliligtas na hindi napilayan at hindi nababago.”
Noong 1923, binigyan ng Alemanya ng panibagong halaga ang kaniyang salapi nang kaltasin ang 12 zero kung kaya ang 1,000,000,000,000 na lumang mark ay biglang naging katumbas ng isang bagong mark. Ito’y pumigil sa implasyon subalit nagkaroon ng ibang kapaha-pahamak na resulta. Ang paliwang ni Fergusson ay: “Ang pagbabalik-muli ng katatagan ng pananalapi, na nagdulot ng pagkabangkarote sa libu-libo, ay nagnakaw sa milyun-milyon ng kanilang ikabubuhay, at pinatay ang pag-asa ng milyun-milyon pa, na sa di-tuwiran ay sumingil nang lalong kakila-kilabot na halaga sa buong daigdig.” Waring ang “kakila-kilabot na halaga” na sumaisip ng awtor ay ang pagbangon ng Nazismo at ang Digmaang Pandaigdig II.
Yamang ang malalaking depositong salapi sa bangko ay nagdulot ng pagkabigo sa marami noong nakaraan, ito’y dapat magsilbing isang mahalagang babala sa panahong ito na walang-katatagan ang kabuhayan sa buong daigdig. Ang Anak ng Diyos mismo ay nagbabala na mawawalang-kabuluhan ang salapi, na tunay na nangyari nga nang maraming ulit. (Lucas 16:9) Subalit ang pinakamalaki at pinakamalaganap na pagbagsak ng pananalapi ay darating pagka isinagawa na ang inihatol ng Diyos na Jehova sa balakyot na sanlibutang ito. “Ang kayamanan ay mawawalang-kabuluhan sa araw ng poot, ngunit ang katuwiran ay magliligtas buhat sa kamatayan.”—Kawikaan 11:4.
Kung gayon, anong halaga nga na ang bawat isa sa atin ay magsikap na makapanatiling may matuwid na katayuan sa harap ng ating tunay na mga Kaibigan, ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo!
Ang Pinagmumulan ng Walang-Hanggang Kaligayahan
Sina Paul at Mary, na binanggit sa simula, ay mga Saksi ni Jehova. Maraming taon na sila’y nakibahagi sa buong-panahong gawaing pag-eebanghelyo. Gayunman, sa kanilang paghahangad ng kayamanan sila’y huminto sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyong Kristiyano, at pamamahagi ng kanilang pananampalataya sa pangmadlang ministeryo. Subalit sila’y nagising sa espirituwal. “Ngayon ay nakikita ko ang kawalang-kabuluhan ng paggamit sa lahat ng aking panahon at lakas sa isang bagay na posibleng maglaho sa loob ng ilang minuto,” ang sabi ni Mary pagkatapos na nakawan at pasukin ng masasamang-loob ang kaniyang tahanan. Nakatutuwa naman, natuto ang mag-asawang ito ng isang aral bago maging huli na ang lahat. Oo, ang pinakamalaking pinsala na magagawa ng pag-ibig sa salapi ay ang nakawan ang isang tao ng sinang-ayunang kaugnayan sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Kung wala ang mga Kaibigang ito, ano ba ang pag-asa natin na makaligtas sa katapusan ng balakyot na sanlibutang ito tungo sa ipinangakong bagong sanlibutan ng katuwiran?—Mateo 6:19-21, 31-34; 2 Pedro 3:13.
Samakatuwid itinuturing mo man na ikaw ay mayaman o mahirap, mag-ingat laban sa pag-unlad ng pag-ibig sa salapi. Magpagal sa ikapagtatamo at ikapananatili ng pinakadakilang kayamanan—isang sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos na Jehova. Ito’y magagawa mo sa pamamagitan ng patuloy na pagbibigay-pansin sa apurahang paanyaya: “Ang espiritu at ang nobya ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ At ang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang nauuhaw ay pumarito; ang may ibig ay kumuhang walang-bayad ng tubig ng buhay.”—Apocalipsis 22:17
[Talababa]
a Hindi ginamit dito ang kanilang tunay na mga pangalan.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Ang magkabilang panig ng isang barya na ginawa noong panahon ng paghihimagsik ng mga Judio ay may nakasulat na “taóng dos”
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.