Maging Matalino sa Paggawa ng mga Desisyon
“Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa.”—KAW. 3:5.
1, 2. Gusto mo bang ikaw ang nagdedesisyon para sa sarili mo, at ano ang nadarama mo tungkol sa ilang desisyong nagawa mo na?
GUMAGAWA tayo ng maraming desisyon araw-araw. Ano ang masasabi mo tungkol sa karaniwang mga desisyon na kailangan mong gawin? Gusto ng iba na sila ang magpasiya sa lahat ng bagay para sa kanilang sarili dahil iniisip nilang karapatan nila iyon. Talagang hindi nila hahayaan na iba ang magdesisyon para sa kanila. Pero may mga tao naman na takót gumawa ng mabibigat na desisyon. Ang iba ay kumokonsulta pa sa mga guidebook o tagapayo at nagbabayad pa nga ng malaking halaga para humingi ng payo.
2 Alam natin na may mga bagay na wala tayong karapatang pagpasiyahan; pero maraming desisyon ang puwede nating gawin ayon sa gusto natin. (Gal. 6:5) Gayunman, aaminin natin na hindi lahat ng desisyong ginagawa natin ay mahusay o kapaki-pakinabang.
3. Anong mga tagubilin ang ibinigay sa atin sa paggawa ng mga desisyon? Pero ano pa rin ang hamon?
3 Bilang mga lingkod ni Jehova, natutuwa tayo na naglaan siya ng malilinaw na tagubilin tungkol sa maraming mahahalagang bagay sa buhay. Alam natin na kung susundin natin ang mga ito, makagagawa tayo ng mga desisyon na kalugud-lugod kay Jehova at makabubuti sa atin. Pero maaari tayong mapaharap sa mga isyu at sitwasyon na hindi espesipikong binabanggit sa Salita ng Diyos. Paano tayo magpapasiya sa gayong mga bagay? Halimbawa, alam natin na hindi tayo dapat magnakaw. (Efe. 4:28) Pero ano ba ang maituturing na pagnanakaw? Depende ba ito sa halaga ng ninakaw, sa motibo sa pagnanakaw, o sa iba pang bagay? Paano tayo magpapasiya sa mga bagay na ipinapalagay na gray area? Ano ang magiging patnubay natin?
GUMAWA NG DESISYON NANG MAY MATINONG KAISIPAN
4. Ano ang malamang na ipayo sa atin ng iba kapag may gagawin tayong desisyon?
4 Kapag binanggit natin sa isang kapatid na isang mahalagang desisyon ang kailangan nating gawin, baka paalalahanan niya tayo na magpasiya nang may matinong kaisipan. Magandang payo iyan. Ganito ang babala ng Bibliya hinggil sa pabigla-biglang desisyon: “Ang bawat isa na padalus-dalos ay tiyak na patungo sa kakapusan.” (Kaw. 21:5) Pero ano ba ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng matinong kaisipan? Nangangahulugan lang ba ito na maghinay-hinay tayo, pag-isipang mabuti ang sitwasyon, maging makatuwiran, at alamin ang lahat ng nasasangkot bago magpasiya? Lahat ng ito ay makakatulong para makagawa ng mahusay na desisyon, pero higit pa riyan ang nasasangkot sa pagkakaroon ng matinong kaisipan.—Roma 12:3; 1 Ped. 4:7.
5. Bakit walang sinuman sa atin ang may sakdal na kaisipan?
5 Walang sinuman sa atin ang may sakdal na kaisipan. Bakit? Dahil tayong lahat ay nagmana ng kasalanan at di-kasakdalan kaya malayong maging sakdal ang ating katawan at isip. (Awit 51:5; Roma 3:23) Bukod diyan, marami sa atin ang dati’y “binulag” ni Satanas ang isip; dati tayong walang alam tungkol kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. (2 Cor. 4:4; Tito 3:3) Kaya kung ang pasiya natin ay batay lang sa iniisip nating mabuti at makatuwiran, baka dinadaya natin ang ating sarili, gaano man katagal nating pag-isipan ang desisyong gagawin natin.—Kaw. 14:12.
6. Ano ang makakatulong sa atin na maglinang ng katinuan ng isip?
6 Malayo man sa kasakdalan ang ating katawan at isip, ang ating makalangit na Ama naman, si Jehova, ay sakdal sa lahat ng bagay. (Deut. 32:4) Mabuti na lang at ginawa niyang posible para sa atin na magbago ng ating pag-iisip at maglinang ng katinuan ng isip. (Basahin ang 2 Timoteo 1:7.) Bilang mga Kristiyano, gusto nating mag-isip at mangatuwiran nang may katalinuhan at kumilos kaayon nito. Kaya dapat nating kontrolin ang ating pag-iisip at damdamin at tularan ang pag-iisip, damdamin, at pagkilos ni Jehova.
7, 8. Maglahad ng karanasan na nagpapakitang puwedeng gumawa ng mahusay na desisyon sa kabila ng panggigipit o kahirapan.
7 Pag-isipan ang halimbawang ito. Iniuuwi ng ilang magulang na nasa abroad ang kanilang bagong-silang na anak at pinaaalagaan ito sa mga kamag-anak para patuloy silang makapaghanapbuhay sa abroad.a Isang babaing nagtatrabaho sa ibang bansa ang nagsilang ng isang malusog na sanggol na lalaki. Noong panahong iyon, nagba-Bible study na siya at sumusulong sa espirituwal. Siya at ang asawa niya ay pinipilit ng kanilang mga kaibigan at kamag-anak na iuwi ang bata sa lolo’t lola nito. Pero natutuhan niya na pananagutan ng mga magulang sa Diyos ang pagpapalaki sa kanilang anak. (Awit 127:3; Efe. 6:4) Dapat ba niyang sundin ang sa palagay ng marami ay siyang tamang gawin? O susunod ba siya sa natutuhan niya sa Bibliya kahit posibleng magipit sila sa pera at masumbatan ng iba? Ano ang gagawin mo kung ikaw ang nasa kalagayan niya?
8 Sa harap ng ganitong panggigipit, ang babae ay marubdob na nanalangin kay Jehova at humiling ng patnubay. Nang ipakipag-usap niya sa nagtuturo sa kaniya ng Bibliya at sa iba pa sa kongregasyon ang kaniyang sitwasyon, natulungan siyang maunawaan ang pangmalas ni Jehova sa bagay na iyon. Inisip din niya ang posibleng maging epekto sa damdamin ng kaniyang anak kung lalaki itong hiwalay sa mga magulang. Sa tulong ng patnubay ng Kasulatan, natanto niya na hindi tamang mawalay sa kanila ang bata. Nakita ng asawa niya ang pagtulong ng mga miyembro ng kongregasyon at na masaya at malusog ang kanilang anak. Tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya ang lalaki at nagsimula na rin itong dumalo sa mga pulong.
9, 10. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng matinong kaisipan? Paano tayo magkakaroon nito?
9 Isang halimbawa lang iyan na nagpapakitang ang pagkakaroon ng matinong kaisipan ay hindi lang basta pagsunod sa inaakala natin o ng iba na makatuwiran o praktikal. Ang ating di-sakdal na isip at puso ay parang relo na masyadong mabilis o masyadong atrasado. Kung ito ang gagamitin nating gabay, maaari tayong mapahamak. (Jer. 17:9) Kailangan nating itama ang ating isip at puso ayon sa mapananaligang mga pamantayan ng Diyos.—Basahin ang Isaias 55:8, 9.
10 Pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kaw. 3:5, 6) Pansinin ang pananalitang “huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa.” Sinundan ito ng “isaalang-alang mo [si Jehova].” Siya ang may sakdal na kaisipan. Kaya dapat lang na kapag may gagawin tayong desisyon, kumonsulta tayo sa Bibliya para malaman ang kaisipan ng Diyos at doon ibatay ang ating desisyon. Iyan ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng matinong kaisipan—pagtulad sa kaisipan ni Jehova.
SANAYIN ANG IYONG KAKAYAHAN SA PANG-UNAWA
11. Ano ang kailangang gawin para matutong gumawa ng matatalinong pasiya?
11 Hindi madaling matutuhan ang paggawa ng matalinong desisyon at ang pagkilos kaayon ng ating ipinasiya. Lalo na itong mahirap sa mga baguhan sa katotohanan o sa mga ngayon pa lang sumusulong sa espirituwal. Pero posible silang magpakita ng tunay na pagsulong. Sa Bibliya, tinatawag ang mga ito na mga “sanggol” dahil para silang mga paslit na nag-aaral pa lang lumakad. Sa simula, ang isang paslit ay humahakbang nang maliliit pero paulit-ulit. Ganiyan din ang isang baguhan na natututong gumawa ng matatalinong pasiya. Alalahanin ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa mga taong may-gulang: “Dahil sa paggamit ay nasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” Ang mga salitang “sa paggamit” at “nasanay” ay nagpapahiwatig ng patuloy at paulit-ulit na pagsisikap, at iyan ang kailangang gawin ng mga baguhan.—Basahin ang Hebreo 5:13, 14.
12. Magbigay ng halimbawa kung paano natin malilinang ang kakayahang gumawa ng matatalinong pasiya.
12 Gaya ng binanggit sa pasimula, gumagawa tayo araw-araw ng maraming desisyon, malalaki at maliliit. Ayon sa isang pag-aaral, mahigit 40 porsiyento ng ating mga desisyon ay hindi gaanong pinag-isipan kundi batay lang sa nakasanayan. Halimbawa, malamang na nagpapasiya ka tuwing umaga kung ano ang isusuot mo. Baka isipin mong maliit na bagay lang ito at hindi na kailangang pag-isipan, lalo na kung nagmamadali ka. Pero mahalagang isipin kung ang isusuot mo ay angkop sa isang lingkod ni Jehova. (2 Cor. 6:3, 4) Kapag bumibili ka ng damit, maaaring iniisip mo kung ano ang uso. Pero mahinhin ba ang istilo nito? At kumusta rin ang presyo? Sa paggawa ng tamang pasiya sa ganitong mga bagay, nasasanay ang ating kakayahan sa pang-unawa, na makakatulong naman sa atin sa paggawa ng tamang desisyon pagdating sa mas mahahalagang bagay.—Luc. 16:10; 1 Cor. 10:31.
LINANGIN ANG DETERMINASYONG GAWIN ANG TAMA
13. Ano ang kailangan para magawa natin ang ating ipinasiya?
13 Makagawa man tayo ng tamang desisyon, kadalasa’y hindi madaling kumilos kaayon ng ating ipinasiya. Halimbawa, gusto ng iba na huminto sa paninigarilyo, pero nabibigo sila dahil kulang sila sa determinasyon. Ang kailangan ay determinasyong kumilos kaayon ng ipinasiyang gawin. Sinasabi ng ilan na ang determinasyon ay parang muscle sa katawan. Miyentras ginagamit ito, lalo itong lumalakas. Pero kung bihira natin itong gamitin, hihina ito. Kaya ano ang makakatulong para malinang o mapatibay natin ang determinasyong gawin ang ating ipinasiya? Kailangan nating umasa sa tulong ni Jehova.—Basahin ang Filipos 2:13.
14. Paano nagkaroon si Pablo ng determinasyong gawin ang tama?
14 Naranasan ito mismo ni Pablo. Minsa’y nasabi niya: “Ang kakayahang magnais ay narito sa akin, ngunit ang kakayahang magsagawa niyaong mainam ay wala.” Alam niya kung ano ang gusto niyang gawin at dapat niyang gawin, pero kung minsan ay may nakahahadlang sa paggawa niya nito. Inamin niya: “Tunay ngang nalulugod ako sa kautusan ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang kautusan na nakikipagdigma laban sa kautusan ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.” Wala na bang pag-asa ang sitwasyon niya? Mayroon. Sinabi niya: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!” (Roma 7:18, 22-25) Sa ibang bahagi ng Kasulatan, isinulat niya: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Fil. 4:13.
15. Bakit mahalaga na maging determinadong kumilos ayon sa ating ipinasiya?
15 Para mapalugdan ang Diyos, dapat tayong maging determinado na kumilos ayon sa ating ipinasiya. Alalahanin ang sinabi ni Elias sa mga mananamba ni Baal at sa mga apostatang Israelita sa Bundok Carmel: “Hanggang kailan kayo iika-ika sa dalawang magkaibang opinyon? Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya; ngunit kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya.” (1 Hari 18:21) Alam ng mga Israelita kung ano ang dapat nilang gawin, pero “iika-ika” sila dahil kulang sila sa determinasyon. Kabaligtaran nito, maraming taon na ang nakalilipas, nagpakita si Josue ng mabuting halimbawa nang sabihin niya sa mga Israelita: “Kung masama sa inyong paningin ang maglingkod kay Jehova, piliin ninyo ngayon para sa inyong sarili kung sino ang paglilingkuran ninyo . . . Kung para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.” (Jos. 24:15) Ano ang resulta? Si Josue at ang mga kasama niya ay pinagpalang makapanirahan sa Lupang Pangako, “isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.”—Jos. 5:6.
MAGING MATALINO SA PAGGAWA NG MGA DESISYON PARA PAGPALAIN
16, 17. Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang pinagpapala ang paggawa ng desisyon na kaayon ng kalooban ng Diyos.
16 Pag-isipan ang isang karanasan. Isang bagong-bautisadong brother ang may asawa at tatlong maliliit na anak. Minsan, iminungkahi ng katrabaho niya na lumipat sila sa kompanya na mas mataas magpasuweldo at mas maraming benepisyo. Pinag-isipan ito ng brother at ipinanalangin. Ang totoo, pinili niya ang kasalukuyan niyang trabaho dahil kahit hindi gaanong mataas ang suweldo, libre siya sa mga weekend para makadalo sa pulong at makalabas sa larangan kasama ang kaniyang pamilya. Naisip niya na kung lilipat siya ng trabaho, malamang na matagalan bago siya magkaroon ng ganoong iskedyul. Kung ikaw ang nasa sitwasyon niya, ano ang gagawin mo?
17 Matapos pag-isipan ng brother ang magiging epekto nito sa kaniyang espirituwalidad, tinanggihan niya ang trabaho. Pinagsisihan kaya niya ang kaniyang desisyon? Hindi. Nadama niya na mas makikinabang siya at ang kaniyang pamilya sa espirituwal na mga pagpapala kaysa sa mas mataas na suweldo. Tuwang-tuwa silang mag-asawa nang sabihin ng kanilang panganay na babae, na edad sampu, na mahal na mahal niya sila, ang mga kapatid sa kongregasyon, at lalo na si Jehova. Sinabi nito na gusto niyang ialay kay Jehova ang kaniyang buhay at magpabautismo. Tiyak na napahalagahan ng kabataang ito ang mabuting halimbawa ng kaniyang ama sa pag-una sa pagsamba kay Jehova!
18. Bakit mahalagang maging matalino sa paggawa ng mga desisyon araw-araw?
18 Sa loob ng maraming dekada, ang mga tunay na mananamba ni Jehova ay inaakay ng Lalong Dakilang Moises, si Jesu-Kristo, sa ilang ng sanlibutan ni Satanas. Bilang ang Lalong Dakilang Josue, handa na ngayon si Jesus na wakasan ang masamang sistemang ito at akayin ang kaniyang mga tagasunod sa ipinangakong bagong sanlibutan ng katuwiran. (2 Ped. 3:13) Kaya hindi na ito ang panahon para bumalik sa dati nating pag-iisip, paggawi, pamantayan, at mga ambisyon. Ito na ang panahon para higit na alamin kung ano ang kalooban ng Diyos para sa atin. (Roma 12:2; 2 Cor. 13:5) Maging matalino sa pagpapasiya araw-araw at ipakitang ikaw ang uri ng taong pagpapalain ni Jehova magpakailanman.—Basahin ang Hebreo 10:38, 39.
a Ang isa pang dahilan kung bakit ito ginagawa ay para maipagmalaki ng lolo’t lola ang kanilang apo sa mga kaibigan at kamag-anak.