Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Anong aral ang itinuturo ng Kawikaan 24:27?
Nagpayo ang manunulat ng Kawikaan sa isang kabataang lalaki: “Ihanda mo ang iyong gawain sa labas, at ihanda mo iyon sa bukid para sa iyo. Pagkatapos ay patibayin mo rin ang iyong sambahayan.” Ano ang punto ng kinasihang kawikaang ito? Na ang isang lalaki ay dapat na maghandang mabuti bago mag-asawa at bumuo ng sariling pamilya. Dapat na alam niya ang mga responsibilidad na kaakibat ng pag-aasawa.
Ang paliwanag noon sa talatang ito ay na hindi lamang kailangang magtrabaho ang isang asawang lalaki at ama, kundi kailangan din niyang patibayin ang kaniyang pamilya. Halimbawa, kailangan niya silang turuan tungkol sa Diyos. Tama naman at maka-Kasulatan ang puntong iyan, pero waring hindi ito ang gustong palitawin ng talatang ito. Bakit? May dalawang dahilan.
Una, ang orihinal na salitang ginamit sa talatang ito ay hindi tumutukoy sa pagpapatibay ng isang ama sa kaniyang pamilya. Sa halip, tumutukoy ito sa literal na pagtatayo ng bahay. Ang salitang isinaling “patibayin” ay puwede ring gamitin sa makasagisag na paraan, samakatuwid nga, sa pagbuo ng isang sambahayan—ang pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak.
Ikalawa, idiniriin ng talata ang magkasunod na dapat gawin, na para bang sinasabi, “Gawin mo muna ito; pagkatapos, ito naman.” Kung gayon, ipinahihiwatig ba ng kawikaan na dapat munang unahin ang sekular na mga pananagutan bago ang espirituwal na mga bagay? Hinding-hindi!
Noong panahon ng Bibliya, kung gusto ng isang lalaki na ‘magpatibay ng sambahayan,’ o mag-asawa at bumuo ng pamilya, kailangan muna niyang tanungin ang kaniyang sarili, ‘Kaya ko na bang mag-asawa at bumuhay ng pamilya?’ Bago magpamilya, kailangan muna niyang magtrabaho sa bukid. Kaya naman ganito ang malinaw na salin ng Magandang Balita Biblia sa talatang ito: “Ihanda mo muna ang iyong bukid para mayroon kang tiyak na pagkakakitaan bago ka magtayo ng bahay at magtatag ng tahanan.” Kapit pa rin ba sa ngayon ang simulaing ito?
Oo. Ang isang lalaki na gusto nang mag-asawa ay kailangang maghandang mabuti para sa responsibilidad na iyan. Kailangan siyang magtrabaho malibang hindi kaya ng katawan niya. Siyempre pa, hindi lang materyal ang kailangan niyang ilaan sa kaniyang pamilya. Sinasabi ng Bibliya na ang lalaking hindi naglalaan sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na pangangailangan ng kaniyang pamilya ay lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya! (1 Tim. 5:8) Kaya kung ang isang binata ay nagbabalak nang mag-asawa at magpamilya, dapat niyang tanungin ang kaniyang sarili: ‘Kaya ko na bang bumuhay ng pamilya? Kaya ko na bang pangunahan ang isang pamilya sa espirituwal na paraan? Magagampanan ko ba ang pananagutang magdaos ng regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya?’ Idiniriin ng Salita ng Diyos na dapat gampanan ang napakahalagang mga responsibilidad na iyan.—Deut. 6:6-8; Efe. 6:4.
Kaya dapat pag-isipang mabuti ng isang binatang gusto nang mag-asawa ang simulain sa Kawikaan 24:27. Dapat ding pag-isipan ng isang dalaga kung kaya na ba niyang gampanan ang mga responsibilidad ng isang asawang babae at ina. Dapat ding pag-isipan iyan ng isang mag-asawa na may planong magkaanak. (Luc. 14:28) Ang pagsunod sa simulaing ito ng Bibliya ay tutulong sa mga lingkod ng Diyos na makaiwas sa maraming problema at magkaroon ng maligayang buhay pampamilya.
[Blurb sa pahina 12]
Anong mga bagay tungkol sa pag-aasawa ang dapat itanong ng isang binata sa kaniyang sarili?