NIYEBE
Mga puting kristal ng nagyelong tubig na namuo mula sa singaw ng tubig sa atmospera. Kapag lumalagpak, nililinis ng bawat kristal ng niyebe ang atmospera at tinatangay nito ang mga compound ng mga elementong gaya ng asupre at nitroheno, sa gayon ay tumutulong sa pagtaba ng lupa at kasabay nito ay nagbibigay ng halumigmig. (Isa 55:10, 11) Ang niyebe ay maaaring pagkunan ng malinis na tubig na panghugas. (Job 9:30) Bagaman bihira o wala nito sa ilang lugar sa Palestina, kung minsan ay lumalagpak ito sa maburol na lupain kapag mga buwan ng Enero at Pebrero, gaya sa Jerusalem. (Ihambing ang 2Sa 23:20; 1Cr 11:22.) Sa kalakhang bahagi ng taon, may niyebe sa matataas na dako at sa mga bangin ng Kabundukan ng Lebanon; ang taluktok ng matayog na Bundok Hermon ay nababalutan ng niyebe halos sa buong taon. (Jer 18:14) Binabanggit ng Awit 68:14 ang niyebe sa Zalmon, na bahagi ng Bundok Hauran (Jebel ed Druz), sa S ng Jordan.
Kaya ring kontrolin ni Jehova ang niyebe, palibhasa’y siya ang Maygawa nito. (Job 37:6; Aw 147:16) Upang magsilbi ukol sa Kaniyang layunin, nag-imbak ang Diyos ng niyebe at graniso “para sa araw ng labanan at digmaan.”—Job 38:22, 23.
Makatalinghagang Paggamit. Ang niyebe ay ginagamit sa mga simili sa Kasulatan upang maitawid ang ideya ng kaputian. (Exo 4:6; Bil 12:10; 2Ha 5:27; Dan 7:9; Mat 28:3; Apo 1:14) Kung minsan ay iniuugnay ito sa kadalisayan. (Isa 1:18; Pan 4:7) Halimbawa, nagsumamo si David sa Diyos na dalisayin siya mula sa kasalanan, na hugasan siya upang siya ay maging “mas maputi pa sa niyebe.”—Aw 51:7.
Ang tatlong kasamahan ni Job, palibhasa’y hindi pinagmulan ng tunay na kaaliwan para sa kaniya, ay inihalintulad sa isang agusang-taglamig, na lumalaki dahil sa pagkatunaw ng yelo at niyebe sa kabundukan ngunit natutuyo sa init ng tag-araw. (Job 6:15-17) Sinasabing inaagaw ng Sheol ang mga makasalanan gaya ng pag-agaw ng tagtuyot at init sa tubig ng niyebe. (Job 24:19) Kung paanong ang niyebe ay di-inaasahan at nakapipinsala sa mga pananim kapag tag-araw, “ang kaluwalhatian ay hindi rin nararapat sa hangal.” (Kaw 26:1) Gayunman, ang isang tapat na sugo, na tumutupad sa kaniyang atas sa ikalulugod niyaong mga nagsugo sa kaniya, ay inihahalintulad sa isang inumin na pinalamig ng niyebe mula sa kabundukan at nakarerepresko sa isang mainit na araw ng pag-aani.—Kaw 25:13.