IMBAKAN, KAMALIG
Isang bodega o gusali kung saan itinatago ang mga pagkain, alak, at langis, gayundin ang mahahalagang metal o mga bato at iba pang mga kagamitan. Ang imbakan ng butil [sa Ingles, granary] ay isang istrakturang pinaglalagyan ng giniik na mga butil. Noong sinaunang panahon, pangkaraniwan ang mga bangan, mga tore, at iba pang mga pasilidad na mapag-iimbakan (1Cr 27:25; 2Cr 32:27, 28; Joe 1:17; Hag 2:19), at may ilang lunsod na pangunahing nagsilbi bilang mga sentrong imbakan.—Exo 1:11.
May kaugnayan sa santuwaryo, kinailangan ang mga kamalig upang mapaglagyan ng mga ikapu at mga abuloy na nagmula sa mga bukid, mga taniman, at mga ubasan na ibinigay ng Israel sa mga Levita. (Mal 3:10) May ilang Levita na inilagay upang mangasiwa sa mga imbakan at sila ang namahagi ng gayong mga probisyon sa kanilang mga kapatid.—1Cr 26:15, 17; Ne 12:44; 13:12, 13.
Sa sinaunang Ehipto, iba-iba ang kayarian ng mga imbakan ng butil, anupat ang isang uri ay kahawig ng makabagong-panahong silo (mataas, hugis-silinder, at kulob na imbakan ng binutil). Mayroon itong pinto sa tuktok kung saan ibinubuhos ang mga butil (sa pamamagitan ng pag-akyat sa isang hagdanan) at maliliit na sliding door na kapantay ng lupa para makuha ang mga butil. Matagal na ring ginagamit sa Gitnang Silangan ang mga imbakan ng butil na nasa ilalim ng lupa, anupat maliwanag na mas pinipili ang mga ito sa mga lugar na kakaunti ang populasyon dahil nakakubli ang mga ito mula sa mga mandarambong.
Makatalinghagang Paggamit. Noong hinihimok ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga alagad na huwag mabalisa tungkol sa kanilang materyal na mga pangangailangan, kundi hanapin lamang ang kanilang “tinapay para sa araw na ito,” pinaalalahanan niya sila na pinakakain ng Diyos ang mga ibon bagaman hindi nagtitipon ang mga ito ng anumang bagay sa mga kamalig o mga bangan. (Mat 6:11, 25, 26; Luc 12:22, 24) Upang ipakita na ang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay ng isa, nagbigay si Jesus ng isang ilustrasyon tungkol sa isang taong mayaman na nag-isip na palitan ang kaniyang mga kamalig ng mas malalaki upang mapag-imbakan ng kaniyang maraming pag-aari, ngunit namatay siya; sa gayon ay hindi niya napakinabangan ang kaniyang materyal na kayamanan.—Luc 12:13-21.
Sa halip na himukin tayong magtiwala sa makalupang mga pag-aari at sa gayon ay mag-imbak ng napakarami nito, ang marunong na manunulat ng Mga Kawikaan ay nagsasabi: “Parangalan mo si Jehova ng iyong mahahalagang pag-aari . . . Sa gayon ay mapupuno nang sagana ang iyong mga imbakan ng panustos.” (Kaw 3:9, 10) Ipinakita ito ng karanasan ng bansang Israel, anupat noong masunurin silang naglilingkod kay Jehova at nagdadala ng buong ikapu sa santuwaryo, sagana silang pinagpapala. (Deu 28:1, 8; 1Ha 4:20; 2Cr 31:4-10; Mal 3:10) Sa Awit 144:13-15, lumilitaw na ang gayong materyal na pagpapalang resulta ng pagiging masunurin ang tinutukoy ni Haring David. Matapos iligtas si David at ang bayan at bigyan ng tagumpay laban sa kanilang mga kaaway, kabilang sa mga pagpapala ni Jehova ang pagpuno sa kanilang mga imbakan o kamalig ng mga produkto at pagbibigay ng materyal na kasaganaan. Para ipakitang si Jehova ang tunay na pinagmulan ng kanilang kasaganaan at kaligayahan, tinapos ni David ang awit na ito sa mga salitang “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!”
Makasagisag na Paggamit. Binabalaan ni Juan na Tagapagbautismo ang mga Pariseo at mga Saduceo tungkol sa mapanganib na kalagayan nila, anupat inihalintulad niya sa trigo na titipunin yaong mga tunay na nagsisisi, ngunit inihambing naman niya sa ipa ang mga lider na iyon. Sinabi niya sa kanila: “Ang isa na dumarating na kasunod ko . . . titipunin [niya] sa kamalig ang kaniyang trigo, ngunit ang ipa ay kaniyang susunugin sa apoy na hindi mapapatay.” (Mat 3:7-12; Luc 3:16, 17) Inihula ni Jesus ang isang “pag-aani,” na sinabi niyang katumbas ng “katapusan ng isang sistema ng mga bagay” at kung kailan titipunin ng anghelikong “mga manggagapas” ang makasagisag na “mga panirang-damo” upang sunugin, samantalang titipunin naman ang “trigo” sa “kamalig” ng Diyos, ang isinauling kongregasyong Kristiyano, kung saan sila tatanggap ng lingap at proteksiyon ng Diyos.—Mat 13:24-30, 36-43.
Ang mga bagay na nilagyan ni Jehova ng mga hangganan sa pamamagitan ng kaniyang nilalang na mga puwersa, o mga batas sa kalikasan, gayundin ang mga bagay na pinananatili niyang nasa ilalim ng kaniyang kontrol para sa pantanging mga layunin, ay tinutukoy niya bilang nasa “mga imbakan.” Ang dagat ay sinasabing ‘tinipon gaya ng prinsa, na inilagay sa mga imbakan.’ (Aw 33:7) Tungkol sa iba pang likas na mga penomeno na kung minsan ay ginagamit laban sa kaniyang mga kaaway, tinanong niya si Job: “Nakapasok ka na ba sa mga imbakan ng niyebe, o nakikita mo ba maging ang mga imbakan ng graniso, na pinipigilan ko para sa panahon ng kabagabagan, para sa araw ng labanan at digmaan?” (Job 38:22, 23; ihambing ang Jos 10:8-11; Huk 5:20, 21; Aw 105:32; 135:7.) Maging ang mga hukbo ng mga Medo at mga Persiano sa ilalim ni Haring Ciro ay ibinilang ni Jehova sa “mga sandata ng kaniyang pagtuligsa” na inilabas niya mula sa kaniyang “imbakan” laban sa Babilonya.—Jer 50:25, 26.