Nababagot Ka ba sa Iyong Trabaho?
MALAMANG na ikaw ay nagtatrabaho nang walong oras sa isang araw. Napakalaking panahon at buhay niyan upang isakripisyo hanggang sa mabagot! Subalit, ang karamihan ng trabaho sa ika-20 siglo ay iyon at iyon din anupat ang manggagawa ay walang gaanong maipagmamalaki.
Kaya malaki ang iyong pakinabang kung gagawin mong kawili-wili ang iyong trabaho. Higit na kagalakan ang natatamo mo sa paggawa, at natututuhan mo ang lihim kung paano pagyayamanin ang anumang trabahong gagawin mo sa hinaharap. Kung gayon, ating alamin ang ilang paraan sa paggawa nito.
Kumilos Nang May Kasiglahan
Iminumungkahi ng ilang awtoridad na magtrabaho ka na para bang nasisiyahan ka rito. Kung gagawin mo iyan, malamang na gayon nga ang maging saloobin mo.
‘Subalit hindi ako kailanman maaaring maging masigla sa aking trabaho!’ maaaring itugon mo. Baka ang iyong trabaho ay ganap na rutin, gaya ng assembly-line na trabaho. O marahil ay maraming taon mo nang ginagawa ang iyong trabaho anupat inaakala mong imposibleng magkaroon pa ng panibagong interes dito. Gayunman, ang simpleng mga taktikang gaya ng pagngiti at pagtayo nang tuwid ay makatutulong upang ikaw ay makadama ng higit na sigla sa iyong trabaho.
Makatutulong din kung itutuon mo nang lubusan ang iyong pansin sa kung ano ang ginagawa mo. Huwag mong ilagay sa isang awtomatikong makina, wika nga, at huwag kang magtatrabaho na ang iniisip ay ang oras ng pananghalian, ang dulo ng sanlinggo, o maging ang ibang trabahong dapat gawin. Karaniwan nang makabubuting pagtuunan ng isip ang trabahong ginagawa mo. Ang resulta? Maaaring masiyahan ka sa trabaho, at kung gayon ay parang ang bilis lumipas ng panahon.
Ito ang natural na nangyayari kapag nasusumpungan mo ang iyong sarili na buhos na buhos ang isip sa isang gawain na talagang gusto mo. Maaari mong matamo ang gayunding kasiyahan sa pagpilit sa iyong sarili na magbigay ng buong pansin sa trabahong karaniwan nang hindi mo ikinasisiya.
Gawin ang Iyong Pinakamahusay na Magagawa
Matutulungan kang masiyahan sa trabaho kung gagawin mo ang iyong pinakamahusay na magagawa. Mangyari pa, ang payong ito ay salungat sa popular na ideyang kapag nasusumpungan mong hindi kawili-wili ang trabaho, sikaping gawin ito nang may bahagyang pagsisikap. Subalit ang pagpapabaya, pagpapabukas, at bahagyang pagsisikap ay malamang na sumaid sa iyong lakas at magdagdag ng kabalisahan at pagod. Sa ilang pagkakataon ang taong umuuwing tensiyonado, balisa, at pagod na pagod mula sa trabaho ay malamang na nagdurusa dahil sa hindi siya naging masikap sa paggawa.
Ayon sa Bibliya, dahil sa pagpapagal sa isang proyekto ay lalo pa ngang nagiging kasiya-siya ang mga oras ng paglilibang. “Walang lalong maigi sa tao kundi ang kumain at uminom nga at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa dahil sa kaniyang pinagpagalan.” (Eclesiastes 2:24) Para sa ilan, ito ay tila luma nang sawikain, subalit ikinakapit ng iba ang walang-katapusang simulaing ito. Sumasang-ayon sila na talagang “wala nang hihigit pa” sa kasiyahang dulot na bunga ng kanilang pagpapagal. Kinikilala ito ng aklat na The Joy of Working: “Ang trabahong mahusay ang pagkakagawa ay nagdudulot ng matinding kasiyahan ng kalooban.”
Kaya, gawin ang pinakamahusay na trabaho na magagawa mo, at malamang na ikaw ay mapasisigla. Higit pang gumawa kaysa basta kaunti lamang at ikaw ay mas liligaya. Gawin muna ang mahahalagang trabaho, at masisiyahan ka sa mga pahinga sa tanghali at sa mga dulo ng sanlinggo nang higit kaysa sa taong pinapagod ang kaniyang sarili sa pagpapabukas.—Ihambing ang Esther 10:2; Roma 12:11; 2 Timoteo 2:15.
Sa halip na makipagpaligsahan sa iba, sikaping higitan ang iyong sarili. (Galacia 6:4) Maglagay ng bagong mga pamantayan, ng bagong mga tunguhin. Magsikap na sumulong pa. Isang babae, na ang trabaho’y ang paulit-ulit na pananahi na maaaring ituring ng ilan na talaga namang nakababagot, ay gumawa ng isang libangan na orasan ang kaniyang sarili. Sinubaybayan niya ang kaniyang nagagawa sa bawat oras, at pagkatapos ay sinikap niyang dagdagan ito. Talagang nasisiyahan siya sa kaniyang trabaho sapagkat sinisikap niyang gumawa hanggang sa abot ng kaniyang makakaya.—Kawikaan 31:31.
“Gayakan” ang Iyong Trabaho
Ganito ang mungkahi nina doktor Dennis T. Jaffe at Cynthia D. Scott: “Ituring mong ang iyong trabaho ay isang bahay na walang laman. Doon ka na titira at tiningnan ang anyo at kayarian nito. Pagkatapos ay umandar na ang iyong sariling pagkamalikhain. Inayos mo ang iyong lugar, ginayakan, at ginawa mo ang bahay na iyon upang maging tahanan mo. Ginawa mo itong personal na pag-aari sa pamamagitan ng paglalagay ng iyong sariling istilo rito.”
Karamihan sa mga trabaho ay ibinibigay sa iyo na may balangkas na mga tuntunin at mga alituntunin. Ang basta paggawa ng kung ano ang inaasahan sa iyo ay tulad ng pagtira sa isang bahay na walang laman. Walang personalidad. Subalit kung idaragdag mo ang iyong sariling personal na istilo, ang iyong trabaho ay magiging higit na kawiliwili. Walang dalawang tao ang “maggagayak” sa isang trabaho sa magkatulad na paraan. Sasauluhin ng isang weyter ang order ng mga suki. Ang isa naman ay magiging higit na mabait at magalang. Sila kapuwa ay nasisiyahan sa kanilang trabaho sapagkat isinasangkot nila ang kanilang sarili sa kanilang ginagawa.
Patuloy na Matuto
Ang isa pang paraan upang makasumpong ng kagalakan sa trabaho ay ang pagkatuto. Ipinaliliwanag ng aklat na Tension Turnaround na habang tayo’y lumalaki, lumalaki rin ang kakayahan ng ating utak na magproseso ng impormasyon. Ipinaliliwanag nito kung bakit ang mga bagay na nakatutuwa sa atin noon ay maaaring makabagot sa atin ngayon. Ang solusyon ay bigyang-kasiyahan ang pagnanais ng utak para sa bagong impormasyon sa pamamagitan ng pagkatuto ng bagong mga bagay.
Ang pagkatuto nang higit tungkol sa iyong trabaho ay maaaring magbigay sa iyo ng trabahong mas kaakit-akit balang araw. Subalit kahit na hindi ito mangyari, ang proseso ng pagkatuto sa ganang sarili ay gagawa sa iyong trabaho na mas kawili-wili at kasiya-siya. Ganito ang sabi ng mga awtor na sina Charles Cameron at Suzanne Elusorr: “Hindi lamang dinaragdagan ng pagkatuto ang iyong pagtitiwala sa pagsulong ng iyong mga kakayahan, kundi nakaiimpluwensiya rin ito sa iyong panlahat na saloobin sa buhay: na malulutas ang mga problema, madaraig ang mga suliranin, mababawasan ang takot, at na posible ang mas maraming bagay kaysa inaakala mo.”
‘Ngunit,’ baka sabihin mo, ‘matagal ko nang natutuhan ang lahat ng dapat malaman tungkol sa aking trabaho!’ Kung gayon, maaari mo kayang matutuhan ang mga bagay na walang tuwirang kaugnayan sa iyong trabaho? Halimbawa, maaaring ipasiya mong matutuhan pa ang hinggil sa pakikisama sa kapuwa o ang tungkol sa iyong kasangkapan. Marahil ay maaari kang matutong sumulat ng mas mahusay na memo sa opisina o magdaos ng mas mahusay na miting. Maaari mong matutuhan ang pinakamabisang paraan ng pakikitungo sa mga superbisor.
Paano mo matututuhan ang mga bagay na ito? Maaaring ang inyong kompanya ay nag-aalok ng mga kurso na maaari mong pakinabangan. O maaaring ang isang aklatan ay mayroong mga aklat na kailangan mo. Subalit huwag mong kaligtaan ang hindi gaanong pansin na mga pinagmumulan ng impormasyon. Ang pagmamasid sa mga taong nagtatrabaho at pagpansin sa kanilang mabubuting katangian at mga kahinaan ay maaaring maging isang edukasyon. Matuto ka sa iyong mga pagkakamali, at matuto ka rin sa iyong mga tagumpay, sa pamamagitan ng pagsusuri sa kung ano ang ginawa mong tama. Ang natutuhan mo sa iyong sariling mga karanasan at sa pagmamasid sa iba ay maaaring magturo sa iyo ng mga bagay na hindi mo kailanman mababasa sa mga aklat o maririnig sa klase.
Ilang Pangwakas na mga Mungkahi
May isa pang paraan na maaari mong gawin sa iyong trabaho. Maaari mong ipasiya na karapat-dapat ka sa mas mabuting bagay—na nakukuha ng iba ang lahat ng pabor at na kailanman ay hindi ka nabigyan ng pagkakataong gawin ang trabahong talagang gusto mong gawin. Walang-tigil mong nakakausap ang iba na sumasang-ayon sa iyo, at maaaring makumbinsi kang ang lahat ng ito ay totoo.
Subalit maaaring hindi ito totoo. Maraming taong nasisiyahan sa kanilang trabaho ang natutong gawin iyon. Ang isang taong nasisiyahang magdisenyo ng mga bahay ay maaari ring masiyahan sa pagmamaneho ng bus. Bakit? Sapagkat ang kaniyang malikhaing pamamaraan sa trabaho ay nagbibigay sa kaniya ng kagalakan at kasiyahan.
Kaya alisin mo ang negatibong pag-iisip na gumagawa sa linggo ng paggawa na nakababagot kung ihahambing sa dulo ng sanlinggo. Huwag aksayahin ang panahon sa paggunita sa iyong nakalipas na mga kabiguan, anupat iniisip mo kung ano naman ang susunod na pagkakamali, at nababahala sa kung ano ang iniisip sa iyo ng iba. Tingnan ang trabahong nasa harap mo. Bigyan ito ng iyong buong pansin. Sikaping maging buhos na buhos ang iyong isip dito na gaya ng sa iyong paboritong libangan. Gawin mo ang iyong pinakamabuting magagawa, at magalak ka sa isang trabahong mahusay ang pagkakagawa.
[Kahon/Larawan sa pahina 11]
Huwag Pabayaan ang Iyong Trabaho
Ang Bibliya ay nagsasabi, sa Kawikaan 27:23, 24: “Dapat mong malaman ang kaayusan ng iyong kawan. Ituon mo ang iyong puso sa iyong mga kawan; sapagkat ang kayamanan ay hindi hanggang sa panahong walang takda, ni ang diadema ay sa lahat ng salinlahi.” Ano ang ibig sabihin niyan?
Nangangahulugan ito na ang yaman (kayamanan) at mga posisyon ng katanyagan (isang diadema), kung makuha man, ay kadalasang pansamantala lamang. Kaya nga, nagpakita ng karunungan ang isang pastol noong panahon ng Bibliya nang bigyan ng puspusang atensiyon ang pangangalaga sa kaniyang tupa, alalaong baga’y ‘itinuon niya ang kaniyang puso sa kaniyang kawan.’ Gaya ng ipinakikita ng susunod na tatlong talata, ang resulta ay materyal na kasiguruhan para sa manggagawa at sa kaniyang pamilya.—Kawikaan 27:25-27.
Kumusta naman sa ngayon? Kadalasang itinutuon ng mga tao ang kanilang puso sa pagkakamal ng malaking kayamanan o ng isang prominenteng posisyon, na sa pag-asa nila’y magpapangyari sa kanila na makapagbitiw sa kanilang kasalukuyang trabaho. Ang ilan ay may makatotohanang mga plano; ang iba naman ay nangangarap lamang. Sa alinmang kaso ay hindi matalinong hamakin o pabayaan ng isa ang kasalukuyan niyang trabaho. Ito ang kasalukuyan, at marahil ay magpapatuloy na maging, ang pinakamaaasahang pinagmumulan ng kita. Mas makabubuti para sa isang tao na ituon ang puso niya sa kaniyang “mga kawan,” anupat binibigyan ng lubusang pansin ang kaniyang maaasahang larangan ng trabaho. Ang paggawa niya nito ay malamang na magbunga ng materyal na seguridad ngayon at sa hinaharap.