KARIMA-RIMARIM NA BAGAY
Ang salitang ta·ʽavʹ (marimarim) at ang kaugnay na toh·ʽe·vahʹ (karima-rimarim na bagay) ay lumilitaw nang mga 140 beses sa Hebreong Kasulatan. Sa Bibliya, ang mga ito ay nagpapahiwatig ng matinding pagkasuklam o pagtatakwil sa mga bagay o mga tao dahil sa paglabag ng mga ito sa partikular na mga simulain o dahil sa hindi pag-abot ng mga ito sa espesipikong mga pamantayan na pinanghahawakan ng isa.
Kaya naman sa Genesis 43:32 ay mababasa natin na isang “karima-rimarim na bagay” (“kasuklamsuklam,” AS-Tg) para sa mga Ehipsiyo ang kumaing kasama ng mga Hebreo, at sa Genesis 46:34 naman ay sinasabing “ang bawat tagapagpastol ng tupa ay karima-rimarim na bagay [“kasuklamsuklam,” AS-Tg] sa Ehipto.” Ayon kay G. Rawlinson, ang pagkasuklam na ito ng mga Ehipsiyo ay dahil mababa ang tingin nila sa mga banyaga lalo na sa mga tagapag-alaga ng kawan. Muli, sa Exodo 8:25-27, mababasa natin na palibhasa’y alam na alam ni Moises na sagrado sa mga Ehipsiyo ang ilang uri ng hayop (partikular na ang baka), iginiit niya na pahintulutan ni Paraon ang mga Israelita na magpunta sa ilang upang doon isagawa ang kanilang paghahain sapagkat iyon ay isang “bagay na karima-rimarim sa mga Ehipsiyo.” (Egypt and Babylon From Sacred and Profane Sources, 1885, p. 182) Sabihin pa, ang gayong pamantayan ng mga Ehipsiyo ay hindi itinakda ng Diyos na Jehova ni sinang-ayunan man niya.—Tingnan ang NAKAMUMUHING BAGAY.
Ipinakikita sa Kasulatan na ang ipinahayag na mga pamantayan, mga simulain, at mga kahilingan ng Diyos ang wastong saligan ng pagkarimarim. (Lev 18:1-5; Deu 23:7) Kaayon nito, sinasabi ng Awit 14:1: “Ang hangal ay nagsabi sa kaniyang puso: ‘Walang Jehova.’ Gumawi sila nang kapaha-pahamak, gumawi sila nang karima-rimarim [isang anyo ng ta·ʽavʹ] sa kanilang gawain. Walang sinumang gumagawa ng mabuti.” Kaya naman ang pagsusuri sa mga tekstong gumagamit ng mga salitang Hebreo na ta·ʽavʹ at toh·ʽe·vahʹ ay nagbibigay-linaw tungkol sa pangmalas ng Diyos sa mga bagay-bagay. Ipinakikita rin nito kung bakit magkaibang-magkaiba o magkasalungat ang pangmalas o saloobin niyaong mga sumusunod sa Salita ng Diyos at niyaong mga nagtatakwil dito dahil gusto nilang sundin ang sarili nilang pamantayan o ang pamantayan ng iba.—Kaw 29:27.
Sa Gitna ng mga Canaanita. Bago pumasok ang Israel sa Canaan, nilinaw ni Jehova sa kanila ang mga gawain at kaugalian ng mga tao sa Canaan na karima-rimarim sa kaniya, at dapat din nilang kasuklaman ang mga iyon. (Lev 18:26-30) Pangunahin na sa mga iyon ang idolatriya. Sinabi ng Diyos: “Ang mga nililok na imahen ng kanilang mga diyos ay susunugin ninyo sa apoy. Huwag mong nanasain ang pilak at ang ginto na nasa mga iyon, ni kukunin mo man iyon para sa iyong sarili, dahil baka masilo ka niyaon; sapagkat iyon ay isang bagay na karima-rimarim [thoh·ʽavathʹ] kay Jehova na iyong Diyos. At huwag kang magpapasok ng karima-rimarim na bagay [thoh·ʽe·vahʹ] sa iyong bahay at ikaw ay maging isang bagay na nakatalaga sa pagkapuksa na tulad niyaon. Dapat kang lubos na marimarim doon at talagang kasuklaman mo iyon [wetha·ʽevʹ tetha·ʽavenʹnu], sapagkat iyon ay isang bagay na nakatalaga sa pagkapuksa.” (Deu 7:25, 26) Ang sinumang Israelita na gagawa ng mga imahen para sa pagsamba ay dapat sumpain. (Deu 27:15) Gaanuman kaganda ang pagkakagawa sa mga iyon, ang gayong mga imahen ay dapat kasuklaman ng bayan ng Diyos.—Eze 7:20; ihambing ang Isa 44:18-20.
Ang iba pang mga gawain ng mga Canaanita na dapat maging karima-rimarim sa Israel ay: espiritismo kasama ang pakikipag-usap sa patay, pang-eengkanto, panghuhula ng kapalaran (Deu 18:9-12), paghahandog ng mga bata sa apoy para sa kanilang mga diyos (Deu 12:31; Jer 32:35; 2Ha 16:3), insesto, sodomiya, at bestiyalidad. (Lev 18:6, 22-30; 20:13) Walang alinlangang ang sodomiya, na isang gawaing kasuklam-suklam, ang dahilan kung bakit ibinigay ang mahigpit na tuntunin na nagsasabing ang pagsusuot ng damit ng di-kasekso ay “karima-rimarim.” (Deu 22:5) Nagkaroon din ang mga Canaanita ng mga “sagradong” patutot na lalaki at babae sa templo, ngunit ipinagbawal ni Jehova ang pagdadala sa kaniyang bahay ng ‘upa sa isang patutot o ng bayad sa isang aso,’ “sapagkat ang mga iyon ay karima-rimarim.”—Deu 23:17, 18; 1Ha 14:24.
Dahil sa mga ito at sa iba pang “kasuklam-suklam” o “karima-rimarim” na mga gawain, inutusan ng Diyos na Jehova ang Israel na italaga sa pagkapuksa ang mga Canaanita upang hindi sila mahawahan ng huwad na relihiyon. (Deu 20:17, 18) Ang sinumang Israelita na magsasagawa ng gayunding mga bagay o magtataguyod ng gayong apostasya ay tatanggap ng gayundin mismong parusa.—Deu 13:12-15; 17:2-7; Ezr 9:1, 11-14.
Nahawa ang Israel. Sa iba pang bahagi ng Hebreong Kasulatan, ang ta·ʽavʹ at toh·ʽe·vahʹ ay naglalarawan sa pandaraya sa negosyo (Deu 25:13-16; Kaw 11:1; 20:10, 23), pagsisinungaling (Aw 5:6; 119:163; Kaw 12:19, 22), pangangalunya (Eze 33:26), pagnanakaw, kasakiman, paniniil sa mga dukha (Eze 18:10-13), pagmamapuri, pagbububo ng dugong walang-sala, pagpapakana ng bagay na nakasasakit, pagpapatotoo nang may kabulaanan, at paglikha ng pagtatalo sa gitna ng magkakapatid; ang lahat ng ito ay sinasabing “karima-rimarim” sa Diyos.—Kaw 3:32; 6:16-19; 11:20; 15:26; 24:9; 26:24-26.
Gayundin, kung ang isang tao ay nagsasagawa ng mga bagay na ito, hindi katanggap-tanggap sa Diyos ang kaniyang pagsamba, anupat ang mga hain at maging ang mga panalangin ng taong iyon ay “karima-rimarim” sa Diyos. (Kaw 15:8, 9; 21:27; 28:9) Dahil dito, nang maglaon ay tinukoy ni Jehova bilang “karima-rimarim” ang mga hain at insenso ng mga apostatang Israelita, gayundin ang kanilang mga pagdiriwang ng bagong buwan [new moon] at Sabbath. (Isa 1:11-17) Tinanong niya sila: “Maaari bang magkaroon ng pagnanakaw, pagpaslang at pangangalunya at pagsumpa nang may kabulaanan at paggawa ng haing usok para kay Baal at pagsunod sa ibang mga diyos na hindi ninyo nakilala, at paririto ba kayo at tatayo sa harap ko sa bahay na ito na tinatawag sa aking pangalan, at sasabihin ba ninyo, ‘Tiyak na maliligtas kami,’ sa kabila ng paggawa ng lahat ng karima-rimarim na bagay [“kasuklamsuklam,” AS-Tg] na ito? Ang bahay bang ito na tinatawag sa aking pangalan ay naging isa lamang yungib ng mga magnanakaw sa inyong paningin?” (Jer 7:9-11) Hindi nila ikinahiya ang kanilang karima-rimarim na mga gawa.—Jer 6:15; 8:12.
Bagaman ang mga lider ng Israel, ang mga hari at mga saserdote, ay nagkasala sa paggawa ng mga ito o kumunsinti sa mga ito (1Ha 21:25, 26; 2Ha 21:2-12; 2Cr 28:1, 3; 33:2-6; 36:8, 14; Eze 8:6-17; 43:7, 8), inutusan ang tapat na mga propeta ng Diyos na ipaalam sa taong-bayan ang pagkarimarim ni Jehova sa kanilang mapaghimagsik na landasin at babalaan sila tungkol sa mga kahihinatnan nito. (Eze 16:2, 51, 52; 20:4; 22:2; 23:36) Ang taong-bayan ay hinimok na itakwil ang gayong karima-rimarim na mga gawain at manumbalik sa mga batas ng Diyos at sa kaniyang mga pamantayan ng paggawi. (Eze 14:6) Ang patuloy na pagsasagawa ng mga bagay na karima-rimarim sa Diyos ay hahantong lamang sa pagkatiwangwang at pagkawasak. (Jer 44:4, 22; Eze 6:11; 7:3-9; 11:21; 12:16; 33:29) Pagkatapos ng pagkatapon, ikahihiya ng ilan ang kanilang masasamang lakad, at bibigyan sila ni Jehova ng “isang bagong espiritu.”—Eze 6:9; 11:18-21; 36:31.
Ipinakikita ng karanasan ni Job na ang mga nagtataguyod ng mga pamantayan ng Diyos ay posibleng libakin (Job 30:9, 10) at itakwil ng kanilang mga dating kakilala (Job 19:19; Aw 88:8), sapagkat “kinapootan [ng mga iyon] ang sumasaway, at ang nagsasalita ng mga bagay na sakdal ay kinasusuklaman nila.” (Am 5:10) “Nakamumuhi sa mga hangal ang lumayo sa kasamaan.” (Kaw 13:19) Ngunit naririmarim ang Diyos sa mga pumipilipit sa kaniyang mga pamantayan anupat inaari nilang ‘matuwid ang balakyot’ at ‘balakyot ang matuwid.’ (Kaw 17:15) Nangangako siya na lubusan niyang babaligtarin ang mga kalagayan sa hinaharap para sa kaniyang mga lingkod na itinuturing na karima-rimarim ng mga kaaway.—Isa 49:7; ihambing ang Mat 5:10-12; 1Pe 3:16; 4:1-5; tingnan ang KASUKLAM-SUKLAM NA BAGAY, KARIMA-RIMARIM NA BAGAY.