BAHAY-BATA
Isang sangkap ng babae kung saan pinakakain at lumalaki ang sanggol bago ito isilang. Si Jehova ang Maylalang ng bahay-bata (Gen 2:22), at siya ang Isa na may kakayahan na gawin itong palaanakin (Gen 29:31; 30:22; 49:25) o baog. (Gen 20:18) Ang bahay-bata ni Sara ay ‘patay na,’ o wala nang kakayahang manganak, nang panauliin ni Jehova sa kaniya ang kakayahang iyon. (Ro 4:19; Gen 18:11, 12; 21:1-3) Sinasabi ng Bibliya na si Jehova ang lumikha ng proseso ng pagkabuo ng binhi sa bahay-bata, anupat ipinakikita nito na ang disenyo ng tao sa bahay-bata ay alinsunod sa parisang ginawa ng Diyos at hindi dahil sa pagkakataon o ebolusyon. (Job 31:15; ihambing ang Job 10:8; Aw 139:13-16; Isa 45:9.) Yamang espesipikong nilikha ang bahay-bata para sa pagpaparami ng lahi, ang “napipigilang bahay-bata” ay nakatala bilang isa sa apat na bagay na hindi nagsasabi: “Sapat na!”—Kaw 30:15, 16.
Yamang ang bahay-bata ay nasa bahagi ng katawan na tinatawag na tiyan, kadalasan, ang salitang Hebreo para sa “tiyan” ay pangunahing tumutukoy sa bahay-bata, gaya sa Genesis 25:23; Deuteronomio 7:13; Awit 127:3.—Tingnan ang TIYAN.
Bilang Disenyador ng bahay-bata, nakikita rin ng Diyos kung ano ang eksaktong nabubuo sa loob nito. Nababasa niya ang mga minanang katangian ng di-pa-naisisilang na sanggol at naitatalaga niya kung paano niya nais gamitin ang indibiduwal na iyon, kung iyon ang kaniyang ipasiya.—Jer 1:5; Luc 1:15; ihambing ang Ro 9:10-13.
Iniutos ni Jehova sa Israel: “Pabanalin mo sa akin ang lahat ng panganay na lalaki na nagbubukas ng bawat bahay-bata sa gitna ng mga anak ni Israel, sa mga tao at sa mga hayop. Iyon ay akin.” (Exo 13:2) Sa mga taong ipinanganganak, tumutukoy ito sa unang anak na lalaki ng ama.—Tingnan ang PANGANAY.
Itinawag-pansin ni Jesus na hindi dapat parangalan ang kaniyang inang si Maria nang higit kaysa sa iba pang mga naglilingkod sa Diyos. Noong isang pagkakataon habang nagtuturo siya, isang babae ang sumigaw: “Maligaya ang bahay-bata na nagdala sa iyo at ang mga dibdib na iyong sinusuhan!” Tumugon si Jesus: “Hindi, sa halip, Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!” (Luc 11:27, 28) Nang maglaon, habang dinadala si Jesus patungo sa pahirapang tulos, humula siya may kinalaman sa dumarating na pagkawasak ng Jerusalem, anupat sinabi niya sa mga babaing tumatangis sa kaniya na darating ang mga araw na sasabihin ng mga tao: “Maligaya ang mga babaing baog, at ang mga bahay-bata na hindi nanganak.” (Luc 23:27-29) Natupad ito noong 70 C.E. nang mahigit sa isang milyong Judio, kabilang na ang mga bata, ang namatay, at libu-libo ang dinalang bihag upang ipagbili sa pagkaalipin.
Nang marinig ng Judiong tagapamahala at Pariseo na si Nicodemo ang pananalita ni Jesus na, “Malibang maipanganak muli ang isa, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos,” nagtanong siya: ‘Paano? Hindi siya makapapasok sa bahay-bata ng kaniyang ina sa ikalawang pagkakataon at maipanganganak, hindi ba?’ Saka ipinaliwanag ni Jesus na ang bagong pagsilang na ito ay hindi mula sa bahay-bata ng tao, kundi “mula sa tubig at espiritu.”—Ju 3:1-8.
Makasagisag na Paggamit. Kung minsan, ginagamit ang salitang “bahay-bata” may kinalaman sa pinagmumulan ng isang bagay. Nang magsalita si Jehova tungkol sa mga gawang paglalang may kaugnayan sa lupa, binanggit niya na ang dagat ay sumambulat “mula sa bahay-bata.” (Job 38:8) Sinabi ni Jehova sa Panginoon ni David na sa araw ng hukbong militar nito, ang isang ito ay magkakaroon ng kusang-loob na mga boluntaryo na “gaya ng mga patak ng hamog” mula sa “bahay-bata ng bukang-liwayway” (kung saan nanggagaling ang hamog sa umaga).—Aw 110:1-3.