ASONG MATULIN
[sa Heb., zar·zirʹ moth·naʹyim; sa Ingles, greyhound].
Isang aso na napakatulin at matalas ang paningin, patulis ang nguso, balingkinitan at makinis ang katawan, mahahaba at malalakas ang mga binti. Gayunman, hindi matiyak kung ano ang tinutukoy ng pananalitang Hebreo na literal na nangangahulugang “ang [hayop na] nabibigkisan sa baywang (balakang).” Maraming salin ng Bibliya ang gumamit ng “asong matulin” sa mismong teksto ng Kawikaan 30:31, ngunit sa mga talababa ay itinala nila ang “pandigmang kabayo” at “tandang” bilang iba pang salin. (AS, Rbi8, Ro) Ang saling “tandang” (AT, Dy, JB, Kx, Mo, RS) ay sinusuportahan ng Griegong Septuagint at ng Latin na Vulgate. Gayunman, ang “asong matulin” ay isang angkop na salin sapagkat tumutugma ito sa deskripsiyon ng isang hayop na mahusay sa “paglakad.” (Kaw 30:29) Ang asong matulin ay naorasan sa bilis na mga 64 na km/oras (40 mi/oras). Gayundin, ang balingkinitang balakang ng asong matulin, anupat para itong “nabibigkisan sa baywang,” ay tutugma sa ipinapalagay na literal na kahulugan ng katawagang Hebreo.