MANTIKILYA
Isang produkto na pangunahin nang gawa sa taba na namumuo kapag kinalog o binatí ang gatas o krema. Noong panahon ng Bibliya, ang produktong ito mula sa gatas ay di-tulad ng mantikilya sa makabagong mga bansa sa Kanluran, sapagkat medyo lusaw ito sa halip na buo at matigas. (Job 20:17) Kaya naman binibigyang-katuturan nina Koehler at Baumgartner ang salitang Hebreo na chem·ʼahʹ bilang manamis-namis at sariwang mantikilya na malambot pa. (Lexicon in Veteris Testamenti Libros, Leiden, 1958, p. 308) Sinasabi naman ni Franciscus Zorell na ang salitang ito ay tumutukoy sa “malapot at kurtadong gatas.” (Lexicon Hebraicum et Aramaicum Veteris Testamenti, Rome, 1968, p. 248) Sa Hukom 5:25, ang salita ring ito ay isinalin bilang “kurtadong gatas.”
“Ang pagbabatí [sa literal, pagpipiga] ng gatas ang naglalabas ng mantikilya.” (Kaw 30:33) Noon, ginagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay sa gatas sa isang sisidlang balat at pagkatapos ay minamasa iyon, inaalog sa ibabaw ng mga tuhod, o ibinibitin sa pagitan ng dalawang pingga at mabilis na pinauugoy nang paroo’t parito hanggang sa matamo ang tamang lapot.
Bagaman itinuturing na isang espesyal na pagkain, ang mantikilya ay kinakain at kinalulugdan na noon pa mang panahon ng mga patriyarka. Kabilang ito sa mga inihain ni Abraham sa piging na inihanda niya para sa kaniyang mga panauhing anghel (Gen 18:8); nang pumaroon kay David ang kaniyang mga kaibigan nagdala sila ng mantikilya at iba pang mga kaloob na panustos.—2Sa 17:29.
Sa Awit 55:21, ginagamit ang “mantikilya” sa makasagisag na paraan upang tumukoy sa kaiga-igaya, madulas, at malangis na mga salita ng isang traidor.