Mapakilos Ka Sana ng “Kautusan ng Kabaitan”
“NAPAKALAKI ng naging epekto sa akin ng kabaitan ng mga kapatid,” ang sabi ni Lisa.a Dahil sa kabaitan nila, nagustuhan niya ang katotohanan. Ganiyan din ang naramdaman ni Anne. Sinabi niya, “Nagustuhan ko ang katotohanan hindi lang dahil sa turo ng mga Saksi kundi dahil sa kabaitan nila.” Ngayon, nae-enjoy ng mga sister na ito ang pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay rito. Pero ang isa na talagang naka-touch sa kanila ay ang kabaitan ng mga kapatid.
Paano tayo magpapakita ng kabaitan para mapatibay ang mga nakakasama natin? Talakayin natin ang dalawang paraan: sa salita at sa gawa. Pagkatapos, talakayin natin kung kanino tayo dapat magpakita ng kabaitan.
“ANG KAUTUSAN NG KABAITAN” SA BIBIG MO
Inilarawan sa Kawikaan kabanata 31 na ang isang mahusay na asawang babae ay may “kautusan ng kabaitan” sa kaniyang bibig. (Kaw. 31:26) Hinahayaan niya ang “kautusan” na ito ang gumabay sa kaniyang sinasabi at kung paano niya ito sinasabi. Dapat din na nasa bibig ng mga tatay ang “kautusan” na iyon. Alam na alam ng maraming magulang na ang masasakit na pananalita ay may masamang epekto sa anak nila. At malamang na hindi siya makinig sa sasabihin nila. Kaya para sundin ng mga anak ang mga magulang nila, kailangan nilang sikapin na maging mabait sa pagsasalita.
Magulang ka man o hindi, paano ka magiging mabait sa pagsasalita? Nasa unang bahagi ng Kawikaan 31:26 ang sagot: “Makikita ang karunungan kapag nagsasalita siya.” Ibig sabihin, pipiliin natin nang may karunungan ang sinasabi natin at kung paano natin ito sinasabi. Makakatulong kung itatanong natin sa ating sarili, ‘Ang sasabihin ko ba ay makakagalit, o makakaalis ng tensiyon?’ (Kaw. 15:1) Oo, mahalagang mag-isip muna bago magsalita.
Sinasabi sa isa pang kawikaan: “Ang mga salitang hindi pinag-isipan ay gaya ng mga saksak ng espada.” (Kaw. 12:18) Kapag pinag-iisipan natin kung paano makakaapekto sa iba ang ating mga sinasabi at paraan ng pagsasabi, mas malamang na makontrol natin ang bibig natin. Oo, kapag sinusunod natin “ang kautusan ng kabaitan,” hindi tayo gagamit ng masasakit na salita at magiging mabait tayo sa pakikipag-usap natin. (Efe. 4:31, 32) Imbes na mag-isip at magsalita nang negatibo, maging positibo at mabait sa pagsasalita. Tularan natin si Jehova nang patibayin niya ang natatakot niyang lingkod na si Elias. Kinausap si Elias ng anghel na kumakatawan kay Jehova sa “kalmado at mahinang tinig.” (1 Hari 19:12) Pero para maging mabait, higit pa ang kailangan. Kailangan natin itong ipakita hindi lang sa salita kundi pati sa gawa. Paano?
MAPAPAKILOS ANG IBA NG KABAITANG IPINAPAKITA SA GAWA
Tinutularan natin si Jehova kapag ipinapakita nating mabait tayo sa salita at sa gawa. (Efe. 4:32; 5:1, 2) Ikinuwento ni Lisa, na binanggit kanina, ang kabaitang ipinakita sa kaniya ng mga Saksi. “Nang biglang paalisin ang pamilya namin sa tinitirhan namin, nagbakasyon sa trabaho ang dalawang mag-asawa sa kongregasyon para tulungan kaming mag-impake. Hindi pa ako nag-aaral ng Bibliya noon!” Napakilos si Lisa ng kabaitang iyon para alamin pa ang katotohanan.
Napahalagahan din ni Anne, na binanggit kanina, ang kabaitan sa kaniya ng mga Saksi. Sinabi niya: “Dahil sa kalagayan sa daigdig, naging mapaghinala ako. Nahihirapan akong magtiwala sa mga tao.” Sinabi pa niya: “Nang may makilala akong mga Saksi, wala akong tiwala sa kanila. Sa isip ko, ‘Bakit kaya sila interesado sa akin?’ Pero talagang mabait ang nagtuturo sa akin ng Bibliya, kaya nagtiwala ako sa kaniya.” Ang resulta? “Bandang huli, pinag-iisipan ko nang mabuti ang mga natututuhan ko.”
Pansinin na na-touch talaga sina Lisa at Anne ng kabaitang ipinakita sa kanila ng mga kapatid sa kongregasyon. Nakatulong iyon sa kanila na alamin pa ang katotohanan at magtiwala kay Jehova at sa bayan niya.
TULARAN ANG KABAITAN NG DIYOS
Dahil sa kinalakhan ng ilan, baka likas sa kanila na maging mabait sa pagsasalita at maging palangiti. Kapuri-puri naman iyon. Pero kung iyon lang ang dahilan ng kabaitan natin, malamang na hindi natin natutularan ang kabaitan ng Diyos.—Ihambing ang Gawa 28:2.
Ang tunay na kabaitan ay isang katangian na bunga ng banal na espiritu ng Diyos. (Gal. 5:22, 23) Kaya kailangan natin ang banal na espiritu ng Diyos para mapakilos tayo na magpakita ng tunay na kabaitan. Kapag ginawa natin iyan, tinutularan natin si Jehova at si Jesus. At bilang mga Kristiyano, talagang interesado tayo sa iba. Napapakilos tayo ng pag-ibig sa Diyos na Jehova at sa ating kapuwa. Kaya nakapagpapakita tayo ng kabaitan na nagmumula sa puso at sinasang-ayunan ng Diyos.
KANINO TAYO DAPAT MAGPAKITA NG KABAITAN?
Natural lang na maging mabait tayo sa mga mabait sa atin o sa kakilala natin. (2 Sam. 2:6) Naipapakita natin iyan kapag nagpapasalamat tayo sa kanila. (Col. 3:15) Pero paano kung pakiramdam natin, hindi karapat-dapat pagpakitaan ng kabaitan ang isang tao?
Pag-isipan ito: Si Jehova ang pinakamainam na halimbawa sa pagpapakita ng walang-kapantay na kabaitan, at may itinuturo sa atin ang Bibliya na napakahalagang aral tungkol sa pagpapakita ng katangiang ito. Maraming beses na ginamit ang pananalitang “walang-kapantay na kabaitan” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Paano ipinapakita ng Diyos ang kaniyang kabaitan?
Napakabait ni Jehova sa lahat ng tao. Ibinibigay niya ang kailangan nila para patuloy na mabuhay. (Mat. 5:45) Sa katunayan, bago pa makilala ng mga tao si Jehova, nagpapakita na siya ng kabaitan sa kanila. (Efe. 2:4, 5, 8) Halimbawa, ibinigay niya ang pinakamainam sa kaniya, ang kaisa-isa niyang Anak, para sa lahat ng tao. Isinulat ni apostol Pablo na inilaan ni Jehova ang pantubos “ayon sa kasaganaan ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.” (Efe. 1:7) At kahit nagkakasala tayo at napapalungkot natin si Jehova, patuloy pa rin niya tayong ginagabayan at tinuturuan. Ang mga tagubilin niya at pananalita ay gaya ng “ambon.” (Deut. 32:2) Imposible nating mabayaran ang lahat ng kabaitan ni Jehova sa atin. At ang totoo, nakadepende ang kinabukasan natin sa kabaitan ni Jehova.—Ihambing ang 1 Pedro 1:13.
Tiyak na napapakilos tayo ng kabaitan ni Jehova at mas napapalapít tayo sa kaniya. Kaya imbes na piliin lang natin kung kanino tayo magiging mabait, sikapin nating tularan si Jehova at laging maging mabait sa iba araw-araw. (1 Tes. 5:15) Kapag lagi tayong mabait sa iba, para tayong apoy sa malamig na panahon. Nakakapagbigay tayo ng ginhawa sa mga kapamilya natin, kapananampalataya, katrabaho, kaeskuwela, at kapitbahay.
Isipin kung sino sa mga kapamilya mo o kakongregasyon ang makikinabang sa kabaitan na ipinapakita mo sa salita at sa gawa. Baka may kakongregasyon ka na mas nangangailangan ng tulong sa pag-aasikaso sa bahay at sa bakuran o sa iba pang mga gawain, gaya ng pamimili. Isa pa, kapag may nakilala ka sa ministeryo na nangangailangan ng tulong, puwede mo ba siyang tulungan?
Bilang pagtulad kay Jehova, lagi sanang gabayan ng “kautusan ng kabaitan” ang ating mga pananalita at pagkilos.
a Binago ang mga pangalan.