Magtamo ng Karunungan at Tanggapin ang Disiplina
ANG Diyos na Jehova ang Dakilang Tagapagturo ng kaniyang bayan. Tinuturuan niya sila hindi lamang ng tungkol sa kaniyang sarili kundi gayundin ng tungkol sa buhay. (Isaias 30:20; 54:13; Awit 27:11) Halimbawa, sa bansang Israel, nagbigay si Jehova ng mga propeta, mga Levita—mga saserdote lalo na—at iba pang marurunong na lalaki upang magsilbing mga guro. (2 Cronica 35:3; Jeremias 18:18) Tinuruan ng mga propeta ang mga tao sa mga layunin at mga katangian ng Diyos at ipinaliwanag ang tamang landas na dapat tahakin. Responsibilidad ng mga saserdote at mga Levita ang pagtuturo ng Kautusan ni Jehova. At naglaan ang marurunong na lalaki o matatanda ng magaling na payo may kinalaman sa mga pang-araw-araw na bagay sa buhay.
Napatangi si Solomon, anak ni David, sa gitna ng marurunong na lalaki ng Israel. (1 Hari 4:30, 31) Pagkakita sa kaniyang kaluwalhatian at kayamanan, ang reyna ng Sheba, na isa sa kaniyang mga natatanging panauhin, ay nagpahayag: “Hindi nasabi sa akin ang kalahati. Nahigitan mo sa karunungan at kasaganaan ang mga bagay na narinig na aking napakinggan.” (1 Hari 10:7) Ano ba ang lihim ng karunungan ni Solomon? Nang maging hari siya ng Israel noong 1037 B.C.E., si Solomon ay nanalangin para sa “karunungan at kaalaman.” Dahil nalugod sa kaniyang kahilingan, binigyan siya ni Jehova ng kaalaman, karunungan at isang pusong may unawa. (2 Cronica 1:10-12; 1 Hari 3:12) Hindi kataka-taka, si Solomon ay “nakapagsalita ng tatlong libong kawikaan”! (1 Hari 4:32) Ang ilan sa mga ito, kabilang na ang “mga salita ni Agur” at yaong kay “Lemuel na hari,” ay nakaulat sa aklat ng Bibliya na Kawikaan. (Kawikaan 30:1; 31:1) Ang ipinahayag na mga katotohanan sa mga kawikaang ito ay nagpapaaninaw ng karunungan ng Diyos at ito ay walang-hanggan. (1 Hari 10:23, 24) Sa sinumang nagnanais ng isang maligaya at matagumpay na buhay, kailangang-kailangan ang mga ito ngayon gaya noong una itong bigkasin.
Tagumpay at Kalinisan sa Moral—Paano?
Ang layunin ng aklat ng Kawikaan ay ipinaliwanag sa pambungad na pananalita nito: “Ang mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, na hari ng Israel, upang ang isa ay makaalam ng karunungan at disiplina, upang makakilala ng mga pananalita ng pagkaunawa, upang tumanggap ng disiplinang nagbibigay ng kaunawaan, katuwiran at kahatulan at katapatan, upang magbigay ng katalinuhan sa mga walang-karanasan, ng kaalaman at kakayahang mag-isip sa kabataan.”—Kawikaan 1:1-4.
Kay-tayog na layunin ng “mga kawikaan ni Solomon”! Ito ay “upang ang isa ay makaalam ng karunungan at disiplina.” Ang karunungan ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa mga bagay ayon sa kalagayan nito at paggamit sa kaalamang ito upang lutasin ang mga suliranin, abutin ang mga tunguhin, iwasan o layuan ang mga panganib o tulungan ang iba na magawa ito. “Sa Aklat ng Kawikaan,” sabi ng isang reperensiya, ang “ ‘karunungan’ ay tanda ng mahusay na pamumuhay—ang kakayahang magpasiya nang may karunungan at mamuhay nang matagumpay.” Napakahalaga ngang magtamo ng karunungan!—Kawikaan 4:7.
Ang kawikaan ni Solomon ay naglalaan din ng disiplina. Kailangan ba natin ang pagsasanay na ito? Sa Kasulatan, ang disiplina ay nagpapahiwatig ng pagtutuwid, pagsaway, o pagpaparusa. Ayon sa isang iskolar sa Bibliya, ito ay “nangangahulugan ng pagsasanay sa matuwid na katangian, kabilang ang pagtutuwid sa hilig na maaaring magtulak sa isa sa mga mangmang na gawain o kaisipan.” Ang disiplina, ito man ay pansarili o galing sa iba, ay hindi lamang humahadlang sa atin sa paggawa ng mali kundi pinakikilos din tayo nito na magbago tungo sa ikabubuti. Oo, kailangan natin ang disiplina kung ibig nating manatiling malinis sa moral.
Kung gayon, ang layunin ng mga kawikaan ay dalawa—ang magbigay ng karunungan at maglaan ng disiplina. Ang matuwid na disiplina at kakayahan ng isip ay maraming pitak. Halimbawa, ang katuwiran at katarungan ay matuwid na mga katangian, at tinutulungan tayo ng mga ito na mangunyapit sa matataas na pamantayan ni Jehova.
Ang karunungan ay kombinasyon ng maraming salik, kabilang na ang unawa, kaunawaan, katalinuhan at kakayahang mag-isip. Ang unawa ay ang kakayahang makita ang isang bagay at maintindihan ang kayarian nito anupat nasasakyan natin ang kaugnayan ng mga bahagi at kabuuan nito, sa gayo’y nakukuha natin ang diwa nito. Ang kaunawaan ay humihiling ng pagkaalam ng katuwiran at pagkaunawa kung bakit ang isang landasin ay tama o mali. Halimbawa, nahihiwatigan ng taong may unawa kapag ang isa ay patungo na sa maling landasin, at maaari niyang babalaan agad ito tungkol sa panganib. Ngunit nangangailangan siya ng kaunawaan upang maintindihan kung bakit ang taong ito ay patungo na sa direksiyong iyon at makaisip ng pinakamahusay na paraan upang iligtas siya.
Ang mga taong matatalino ay maingat—hindi madaling malinlang. (Kawikaan 14:15) Nakikini-kinita nila ang kasamaan at napaghahandaan nila ito. At tinutulungan tayo ng karunungan na makabuo ng mga kapaki-pakinabang na mga kaisipan na nagbibigay ng makabuluhang direksiyon sa buhay. Ang pag-aaral ng mga kawikaan sa Bibliya ay tunay na kapaki-pakinabang sapagkat isinulat ang mga ito upang malaman natin ang karunungan at disiplina. Maging ang “mga walang karanasan” na nagbibigay-pansin sa mga kawikaan ay magtatamo ng katalasan ng isip at “sa kabataan,” kaalaman at kakayahang mag-isip.
Mga Kawikaan Para sa Marunong
Gayunman, ang mga kawikaan sa Bibliya ay hindi lamang para sa mga walang karanasan at sa mga kabataan. Ito’y para sa sinumang may sapat na talino upang makinig. “Ang marunong na tao ay nakikinig at kukuha ng higit pang turo,” sabi ni Haring Solomon, “at ang taong may unawa ang siyang nagtatamo ng mahusay na patnubay, upang makaunawa ng kawikaan at ng palaisipang kasabihan, ng mga salita ng marurunong na tao at ng kanilang mga bugtong.” (Kawikaan 1:5, 6) Mapasusulong ng isang tao na nakapagtamo na ng karunungan ang kaniyang kaalaman sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa mga kawikaan, at ang taong may unawa ay makapagpapatalas ng kaniyang kakayahang ugitin ang kaniyang buhay tungo sa tagumpay.
Kadalasang ipinapahayag ng isang kawikaan ang isang malalim na katotohanan sa ilang salita lamang. Ang isang kawikaan sa Bibliya ay maaaring nasa anyong palaisipang kasabihan. (Kawikaan 1:17-19) Ang ilang kawikaan ay bugtong—nakalilito at masalimuot na mga pangungusap na nangangailangang liwanagin. Ang isang kawikaan ay maaaring maglaman din ng paghahalintulad, metapora, at iba pang salitang patalinghaga. Nangangailangan ng panahon at pagbubulay-bulay upang maunawaan ang mga ito. Tiyak na naintindihan ni Solomon, kompositor ng napakaraming kawikaan, ang halaga ng pagkaunawa sa isang kawikaan. Sa aklat ng Kawikaan, sinikap niyang ibahagi ang kakayahang iyon sa kaniyang mga mambabasa, isang bagay na nanaising bigyang-pansin ng isang marunong na tao.
Ang Pasimula na Umaakay sa Tunguhin
Saan magsisimula ang isa sa paghanap ng karunungan at disiplina? Sumagot si Solomon: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng kaalaman. Karunungan at disiplina ang hinahamak ng mga mangmang.” (Kawikaan 1:7) Nagsisimula ang kaalaman sa pagkatakot kay Jehova. Kung walang kaalaman, hindi magkakaroon ng karunungan o disiplina. Ang pagkatakot kay Jehova, kung gayon, ang pasimula ng karunungan at disiplina.—Kawikaan 9:10; 15:33.
Ang pagkatakot sa Diyos ay hindi tulad ng malagim na pagkatakot sa kaniya. Sa halip, ito ay isang malalim na pagpipitagan at paghanga. Hindi magkakaroon ng totoong kaalaman kung wala ang pagkatakot na ito. Ang buhay ay mula sa Diyos na Jehova, at ang buhay ay, siyempre pa, mahalaga sa pagkakaroon natin ng anumang kaalaman. (Awit 36:9; Gawa 17:25, 28) Karagdagan pa, ang Diyos ang gumawa ng lahat ng bagay; kaya lahat ng kaalaman ng tao ay batay sa pag-aaral ng kaniyang mga gawa. (Awit 19:1, 2; Apocalipsis 4:11) Kinasihan din ng Diyos ang kaniyang nasusulat na Salita, na “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:16, 17) Sa gayon, ang sentro ng lahat ng totoong kaalaman ay si Jehova, at ang isang taong naghahanap nito ay dapat na may mapitagang pagkatakot sa kaniya.
Ano ang halaga ng kaalaman ng tao at makasanlibutang karunungan kung walang pagkatakot sa Diyos? Sumulat si apostol Pablo: “Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang eskriba? Nasaan ang debatista ng sistemang ito ng mga bagay? Hindi ba ginawa ng Diyos na kamangmangan ang karunungan ng sanlibutan?” (1 Corinto 1:20) Palibhasa’y walang makadiyos na takot, ang taong marunong sa sanlibutan ay gumagawa ng mga maling konklusyon mula sa mga kilalang katotohanan at nagiging isang “mangmang.”
Isang “Kuwintas sa Iyong Leeg”
Sumunod ay sinabi ng marunong na hari sa mga kabataan: “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong iiwan ang kautusan ng iyong ina. Sapagkat ang mga iyon ay putong na kahali-halina sa iyong ulo at magandang kuwintas sa iyong leeg.”—Kawikaan 1:8, 9.
Sa sinaunang Israel, nasa mga magulang ang bigay-Diyos na tungkulin ng pagtuturo sa kanilang mga anak. Pinayuhan ni Moises ang mga ama: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” (Deuteronomio 6:6, 7) Malaki rin ang impluwensiya ng mga ina. Sa ilalim ng awtoridad ng kaniyang asawang lalaki, ang isang Hebreong asawang babae ay makapagpapatupad ng mga batas ng pamilya.
Sa katunayan, sa buong Bibliya, ang pamilya ang saligang yunit sa pagkakaloob ng edukasyon. (Efeso 6:1-3) Ang pagsunod ng mga anak sa nananampalataya nilang mga magulang ay tila pag-aadorno sa kanila ng isang palamuting putong ng kagandahan at isang kuwintas ng karangalan.
“Kinukuha Nito ang Mismong Kaluluwa ng mga May-ari Nito”
Bago siya ipadala sa Estados Unidos para sa mas mataas na edukasyon, isang ama sa Asia ang nagpayo sa kaniyang 16-taong-gulang na anak na lalaki na huwag masangkot sa masasamang tao. Inulit ng payong ito ang babala ni Solomon: “Anak ko, kung hihikayatin ka ng mga makasalanan, huwag kang pumayag.” (Kawikaan 1:10) Gayunman, tinukoy ni Solomon ang pain na ginagamit nila: “Sinasabi nila: ‘Sumama ka sa amin. Manambang tayo upang magbubo ng dugo. Pakubli nating abangan nang walang dahilan ang mga taong walang-sala. Lulunin natin silang buháy na gaya ng Sheol, kahit buo pa nga, tulad niyaong mga bumababa sa hukay. Maghanap tayo ng lahat ng uri ng mahahalagang pag-aari. Punuin natin ng samsam ang ating mga bahay. Makipagsapalaran ka sa gitna namin. Magkaroon tayong lahat ng isa lamang supot.’ ”—Kawikaan 1:11-14.
Malinaw na kayamanan ang pain. Upang kumita lamang agad, inaakit ng “mga makasalanan” ang iba upang sumali sa kanilang marahas o mapandayang mga pakana. Para sa materyal na pakinabang, ang mga balakyot na ito ay hindi nagdadalawang-isip na pumatay. Kanilang ‘nilululon ang kanilang biktima nang buhay na gaya ng Sheol, kahit buo pa nga,’ na tinatangay ang lahat nitong tinataglay, gaya ng pagtanggap ng libingan sa buong katawan. Ang kanilang paanyaya ay sa landasin ng kasalanan—nais nilang ‘punuin ang kanilang bahay ng samsam,’ at nais nilang ang mga walang karanasan ay ‘makipagsapalaran sa kanila.’ Napapanahong babala ito sa atin! Hindi ba gumagamit ng katulad na paraan ng panghihikayat ang mga gang ng kabataan at mga nagtutulak ng droga? Hindi ba ang pangako ng mabilis na pagyaman ang tukso sa maraming kahina-hinalang alok sa negosyo?
“Anak ko,” payo ng marunong na hari, “huwag kang pumaroon sa daan na kasama nila. Pigilan mo ang iyong paa mula sa kanilang landas. Sapagkat ang kanilang mga paa ay yaong tumatakbo patungo sa lubos na kasamaan, at lagi silang nagmamadaling magbubo ng dugo.” Bilang paghula sa kanilang kapaha-pahamak na wakas, idinagdag niya: “Sapagkat walang kabuluhan na ang lambat ay inilaladlad sa harapan ng mga mata ng anumang may mga pakpak. Dahil dito ay tinatambangan nila ang mismong dugo ng mga ito; pakubli nilang inaabangan ang mga kaluluwa ng mga ito. Gayon ang mga landas ng lahat ng kumikita ng di-tapat na pakinabang. Kinukuha nito ang mismong kaluluwa ng mga may-ari nito.”—Kawikaan 1:15-19.
“Lahat ng kumikita ng di-tapat na pakinabang” ay maglalaho sa kaniyang sariling landas. Ang pagtambang na inihahanda ng balakyot para sa iba ay magiging bitag sa kanila mismo. Babaguhin kaya ng mga sadyang manggagawa ng kasamaan ang kanilang landas? Hindi. Maaaring kitang-kita na ang isang lambat, ngunit ang mga ibon—mga nilalang na “may mga pakpak”—ay napapadpad pa rin dito. Sa katulad na paraan, ang mga balakyot na binulag ng kanilang kasakiman, ay patuloy sa kanilang mga kriminal na gawain, kahit na sa malao’t madali ay mahuhuli rin sila.
Sino ang Makikinig sa Tinig ng Karunungan?
Batid kaya ng mga makasalanan na ang kanilang landas ay kasakunaan? Nababalaan na ba sila sa ibubunga ng kanilang mga daan? Hindi maidadahilan ang kawalang-alam dahil isang tiyak na mensahe ang inihayag na sa pampublikong mga dako.
Si Solomon ay nagpahayag: “Ang tunay na karunungan ay sumisigaw nang malakas sa lansangan. Sa mga liwasan ay naglalakas ito ng kaniyang tinig. Sa mataas na dulong bahagi ng maiingay na lansangan ay sumisigaw ito. Sa mga pasukan ng mga pintuang-daan papasok sa lunsod ay nagsasabi ito ng kaniyang mga pananalita.” (Kawikaan 1:20, 21) Sa isang malakas at malinaw na tinig, ang karunungan ay sumisigaw sa mga lansangan sa pandinig ng lahat. Sa sinaunang Israel, ang nakatatandang mga lalaki ay nagbibigay ng matalinong payo at humahatol sa mga pintuang-daan. Alang-alang sa atin, pinangyari ni Jehova na ang totoong karunungan ay maisulat sa kaniyang Salita, ang Bibliya, na madaling makukuha. At abala ngayon ang kaniyang mga lingkod sa paghahayag sa madla ng mensahe nito sa lahat ng dako. Tunay, naipahayag na ng Diyos ang karunungan sa lahat.
Ano ba ang sinasabi ng totoong karunungan? Ito: “Kayong mga walang-karanasan, hanggang kailan ninyo iibigin ang kawalang-karanasan, at kayong mga manunuya, hanggang kailan ninyo nanasain para sa inyo ang tahasang pagtuya. . . ? Ako ay tumawag ngunit tumatanggi kayo, iniunat ko ang aking kamay ngunit walang nagbibigay-pansin.” Hindi nakikinig ang mangmang sa tinig ng karunungan. Dahil dito, “kakain sila mula sa bunga ng kanilang lakad.” Ang kanilang ‘pagkasuwail at kawalang-bahala ang sisira sa kanila.’—Kawikaan 1:22-32.
Ngunit paano naman ang isa na naglaan ng panahon upang makinig sa tinig ng karunungan? “Tatahan siya nang tiwasay at hindi magagambala ng panghihilakbot sa kapahamakan.” (Kawikaan 1:33) Nawa’y mapabilang ka sa mga nagtatamo ng karunungan at tumatanggap ng disiplina sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa mga kawikaan ng Bibliya.
[Larawan sa pahina 15]
Madaling makukuha ang totoong karunungan