Pagbibigay ng Dahilan—Ano ang Pangmalas Dito ni Jehova?
“ANG babae na ibinigay mo upang maging kasama ko, siya ang nagbigay sa akin ng bunga mula sa punungkahoy kung kaya ako kumain,” ang sabi ng lalaki. “Ang serpiyente—nilinlang ako nito kung kaya ako kumain,” ang sagot naman ng babae. Ang sinabing iyan nina Adan at Eva sa Diyos ang simula ng mahabang kasaysayan ng tao sa pagbibigay ng dahilan.—Gen. 3:12, 13.
Ipinakikita ng hatol ni Jehova kina Adan at Eva na ang kanilang dahilan ay hindi katanggap-tanggap sa kaniya. (Gen. 3:16-19) Nangangahulugan ba ito na lahat ng dahilan ay hindi katanggap-tanggap kay Jehova, o may mga dahilan din na makatuwiran sa pangmalas niya? Kung gayon, paano natin malalaman kung ang isang dahilan ay makatuwiran o hindi? Para masagot iyan, pag-usapan muna natin ang ibig sabihin ng pagbibigay ng dahilan.
Ang pagbibigay ng dahilan ay ang pagpapaliwanag kung bakit nagawa, hindi nagawa, o hindi gagawin ang isang bagay. Ito’y maaaring makatuwirang paliwanag sa isang pagkukulang at nagpapahiwatig ng taimtim na paghingi ng paumanhin na karapat-dapat sa pagpapatawad. Pero gaya ng ginawa nina Adan at Eva, ito’y maaari din namang pagdadahilan lang para pagtakpan ang talagang dahilan. Yamang karaniwan nang ganito ang motibo sa pagbibigay ng mga dahilan, madalas pagdudahan ang mga ito.
Kapag nagbibigay ng dahilan—lalo na may kaugnayan sa ating paglilingkod sa Diyos—mag-ingat tayo na huwag ‘linlangin ang ating sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran.’ (Sant. 1:22) Kung gayon, talakayin natin ang ilang halimbawa at simulain sa Bibliya na tutulong sa atin na “patuloy [na] tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.”—Efe. 5:10.
Ang Inaasahan ng Diyos na Gagawin Natin
Sa Bibliya, may espesipikong mga utos na dapat nating sundin bilang mga lingkod ni Jehova. Halimbawa, ang utos ni Kristo na “humayo . . . at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa” ay kapit pa rin sa lahat ng tunay na Kristiyano. (Mat. 28:19, 20) Sa katunayan, napakahalagang sundin ang utos na iyan kung kaya sinabi ni Pablo: “Sa aba ko kung hindi ko ipinahayag ang mabuting balita!”—1 Cor. 9:16.
Gayunman, ang ilan na matagal nang nakikipag-aral ng Bibliya sa atin ay atubili pa ring mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mat. 24:14) Ang iba naman na dati nang nangangaral ay huminto na. Anu-ano ang idinadahilan nila? Ano ang naging reaksiyon ni Jehova sa mga nag-atubiling sumunod sa kaniyang mga utos?
Mga Dahilan na Hindi Katanggap-tanggap sa Diyos
“Napakahirap.” Maaaring iniisip ng mga mahiyain na parang napakahirap mangaral. Pero may matututuhan tayo sa karanasan ni Jonas. Binigyan siya ng atas na sa tingin niya ay napakahirap—inutusan siya ni Jehova na ihayag ang kapahamakang sasapit sa Nineve. Natural lang na mag-atubili si Jonas. Ang Nineve ang kabisera ng Asirya, at kilalá ang mga Asiryano sa pagiging napakalupit. Baka naisip ni Jonas: ‘Ano ang laban ko sa mga taong iyon? Ano kaya ang gagawin nila sa akin?’ Kaya tumakas na lang siya. Pero hindi tinanggap ni Jehova ang dahilan ni Jonas. Sa halip, pinabalik siya sa Nineve para mangaral. Sa pagkakataong ito, buong-tapang na ginampanan ni Jonas ang kaniyang atas, at pinagpala naman ito ni Jehova.—Jon. 1:1-3; 3:3, 4, 10.
Kung iniisip mong napakahirap mangaral, tandaan na “ang lahat ng mga bagay ay posible sa Diyos.” (Mar. 10:27) Makatitiyak kang palalakasin ka ni Jehova kung patuloy mong hihingin ang tulong niya at pagpapalain ka niya kung lalakasan mo ang iyong loob para gampanan ang iyong ministeryo.—Luc. 11:9-13.
“Ayoko.” Ano ang puwede mong gawin kung talagang hindi mo gustong maglingkod kay Jehova? Tandaan na maaaring antigin ni Jehova ang kalooban mo. Sinabi ni Pablo: “Ang Diyos ang isa na alang-alang sa kaniyang ikinalulugod ay kumikilos sa loob ninyo upang kapuwa ninyo loobin at ikilos.” (Fil. 2:13) Kaya maaari mong hilingin kay Jehova na magkaroon ka ng pagnanais na gawin ang kalooban niya. Ganiyan ang ginawa ni Haring David. Nagsumamo siya kay Jehova: “Palakarin mo ako sa iyong katotohanan.” (Awit 25:4, 5) Puwede ka ring marubdob na manalangin kay Jehova na udyukan kang magkaroon ng pagnanais na gawin ang nakalulugod sa kaniya.
Totoo, kapag pagod tayo o nasisiraan ng loob, baka kailangang pilitin natin ang ating sarili na dumalo sa pulong o makibahagi sa pangangaral. Pero nangangahulugan ba iyan na hindi natin iniibig si Jehova? Hindi naman. Ang tapat na mga lingkod ng Diyos noon ay nagpunyagi ring gawin ang kalooban niya. Halimbawa, sinabi ni Pablo na ‘binubugbog niya ang kaniyang katawan,’ wika nga, para masunod ang mga utos ng Diyos. (1 Cor. 9:26, 27) Kaya kahit kailangan nating pilitin ang ating sarili para makibahagi sa ministeryo, pagpapalain pa rin tayo ni Jehova. Bakit? Dahil pinipilit nating gawin ang kalooban ng Diyos sa tamang dahilan—pag-ibig kay Jehova. Sa paggawa nito, nagbibigay tayo ng sagot sa akusasyon ni Satanas na itatakwil si Jehova ng Kaniyang mga lingkod kung ilalagay sila sa pagsubok.—Job 2:4.
“Napakarami kong ginagawa.” Kung hindi ka nakikibahagi sa ministeryo dahil pakiramdam mo’y napakarami mong ginagawa, napakahalagang suriin ang iyong mga priyoridad. “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian,” ang sabi ni Jesus. (Mat. 6:33) Para masunod ang simulaing iyan, baka kailangan mong pasimplehin ang iyong buhay o bawasan ang panahon sa paglilibang at gamitin iyon sa ministeryo. Siyempre pa, kailangan din namang maglibang at gumawa ng iba pang personal na gawain, pero hindi ito dapat gawing dahilan para mapabayaan ang ministeryo. Ang kapakanan ng Kaharian ang inuuna ng isang lingkod ng Diyos sa kaniyang buhay.
“Hindi ko kaya.” Baka nadarama mong hindi ka kuwalipikadong maging ministro ng mabuting balita. Nadama ng ilang tapat na lingkod ni Jehova noon na hindi nila kayang gampanan ang mga atas na ibinigay sa kanila ni Jehova. Isa na rito si Moises. Nang may iatas sa kaniya si Jehova, sinabi niya: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova, ngunit hindi ako bihasang tagapagsalita, kahit kahapon man ni bago pa niyaon ni mula nang magsalita ka sa iyong lingkod, sapagkat mabagal ang aking bibig at mabagal ang aking dila.” Kahit pinatibay na siya ni Jehova, sinabi pa rin niya: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova, magsugo ka na lamang, pakisuyo, sa pamamagitan ng kamay niyaong isusugo mo.” (Ex. 4:10-13) Ano ang reaksiyon ni Jehova?
Hindi tinanggap ni Jehova ang dahilan ni Moises. Gayunman, inatasan niya si Aaron na tulungan si Moises. (Ex. 4:14-17) Bukod diyan, noong sumunod na mga taon, inilaan ni Jehova kay Moises ang lahat ng kailangan niya para magampanan ang kaniyang mga atas. Makaaasa ka rin ngayon na pakikilusin ni Jehova ang makaranasang mga kapatid para tulungan ka sa ministeryo. Higit sa lahat, tinitiyak sa atin ng Bibliya na tutulungan tayo ni Jehova na maging kuwalipikado sa gawaing iniutos niya sa atin.—2 Cor. 3:5; tingnan ang kahong “Ang Pinakamaliligayang Taon sa Buhay Ko.”
“Masama ang loob ko sa isang kapatid.” Ang ilan ay huminto na sa pangangaral o pagdalo sa pulong dahil may nakasamaan sila ng loob, anupat ikinakatuwiran na tatanggapin naman ni Jehova ang dahilan ng kanilang pagiging di-aktibo. Bagaman natural lang na maghinanakit kapag may nagpasama ng ating loob, talaga bang makatuwirang dahilan ito para hindi na makibahagi sa teokratikong mga gawain? Maaaring nagkasamaan ng loob sina Pablo at Bernabe matapos ang isang pagtatalong nauwi sa “matinding pagsiklab ng galit.” (Gawa 15:39) Pero naging dahilan ba iyon para huminto sila sa ministeryo? Hinding-hindi!
Sa katulad na paraan, kapag nasaktan ng isang kapatid ang iyong damdamin, tandaan na ang kaaway mo ay hindi ang iyong di-sakdal na kapatid kundi si Satanas, na gustong sumila sa iyo. Pero hindi magtatagumpay ang Diyablo kung ‘maninindigan ka laban sa kaniya, anupat matatag sa pananampalataya.’ (1 Ped. 5:8, 9; Gal. 5:15) Kung ganiyan ang pananampalataya mo, hinding-hindi ka “hahantong sa kabiguan.”—Roma 9:33.
Kapag Limitado Lang ang Nagagawa Natin
Batay sa mga halimbawang ito ng pagdadahilan, maliwanag na walang makatuwiran at maka-Kasulatang dahilan para hindi sundin ang mga utos ni Jehova, kasama na ang atas na ipangaral ang mabuting balita. Pero mayroon naman talagang mga dahilan kung bakit limitado lang ang nagagawa natin sa ministeryo. Maaaring mabawasan ang panahon natin sa pangangaral dahil sa iba pang maka-Kasulatang pananagutan. Baka may mga panahon ding pagod na pagod tayo o may sakit kung kaya hindi natin magawa ang gusto nating gawin sa paglilingkod kay Jehova. Gayunman, tinitiyak ng Bibliya na alam ni Jehova ang ating taimtim na hangarin at isinasaalang-alang niya ang ating mga limitasyon.—Awit 103:14; 2 Cor. 8:12.
Dahil dito, mag-ingat tayo na huwag maging mapanghusga sa ating sarili o sa iba pagdating sa mga bagay na ito. Sinabi ni Pablo: “Sino ka upang humatol sa tagapaglingkod sa bahay ng iba? Sa kaniyang sariling panginoon ay tumatayo siya o nabubuwal.” (Roma 14:4) Sa halip na ihambing sa iba ang ating sitwasyon, dapat nating tandaan na “ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.” (Roma 14:12; Gal. 6:4, 5) Kapag lumalapit tayo kay Jehova sa panalangin at inihaharap ang ating mga dahilan, gusto nating gawin iyon nang may “matapat na budhi.”—Heb. 13:18.
Kung Bakit Nagdudulot ng Kagalakan ang Paglilingkod kay Jehova
Tayong lahat ay makapaglilingkod kay Jehova nang may tunay na kagalakan dahil ang kaniyang mga kahilingan—anuman ang kalagayan natin sa buhay—ay palaging makatuwiran at kayang abutin. Bakit natin nasabi iyan?
Sinasabi ng Bibliya: “Huwag mong ipagkait ang mabuti doon sa mga kinauukulan, kapag nasa kapangyarihan ng iyong kamay na gawin ito.” (Kaw. 3:27) Ano ang napansin mo sa kawikaang ito may kaugnayan sa mga kahilingan ng Diyos? Hindi ka inuutusan ni Jehova na piliting pantayan ang nasa kapangyarihan ng kamay ng iyong kapatid kundi gawin lang ang “nasa kapangyarihan ng iyong kamay.” Oo, bawat isa sa atin—gaano man kahina o kalakas ang kapangyarihan ng ating kamay—ay makapaglilingkod kay Jehova nang buong puso.—Luc. 10:27; Col. 3:23.
[Kahon/Larawan sa pahina 14]
“Ang Pinakamaliligayang Taon sa Buhay Ko”
Kung mayroon man tayong malulubhang pisikal o emosyonal na limitasyon, huwag agad isiping makahahadlang ito sa ating lubusang pakikibahagi sa ministeryo. Kuning halimbawa si Ernest, isang kapatid sa Canada.
Si Ernest ay may diperensiya sa pagsasalita at napakamahiyain. Nang magkaroon siya ng malubhang pinsala sa likod, napilitan siyang huminto sa pagtatrabaho bilang construction worker. Bagaman may kapansanan, mas maraming oras na ang nagugugol niya sa ministeryo. Dahil palaging idiniriin sa mga pulong ang pag-o-auxiliary pioneer, gustung-gusto niyang masubukan ito. Pero pakiramdam niya’y hindi siya kuwalipikado rito.
Para patunayan sa kaniyang sarili na talaga ngang hindi niya kayang mag-auxiliary pioneer, nag-aplay siya nang isang buwan. Laking gulat niya nang makaya niya ito! Pero naisip niya, ‘Tiyak na hindi ko na mauulit iyon.’ Para patunayan ito, nag-aplay siya para sa isa pang buwan—at nakaya niya uli ito.
Nakapag-auxiliary pioneer si Ernest sa loob ng isang taon, pero sinabi niya, “Siguradong hindi ko kayang mag-regular pioneer.” Muli, para patunayan ang sinabi niya, nag-aplay siyang mag-regular pioneer. Nagulat siya nang makumpleto niya ang isang taon. Ipinagpatuloy niya ito at maligayang nakapaglingkod nang dalawang taon, hanggang sa mamatay siya dahil sa mga komplikasyon ng kaniyang pinsala sa likod. Pero bago siya mamatay, madalas niyang sabihin sa kaniyang mga bisita habang lumuluha, “Ang mga taóng ipinaglingkod ko kay Jehova bilang payunir ang pinakamaliligayang taon sa buhay ko.”
[Larawan sa pahina 13]
Mapagtatagumpayan natin ang anumang hadlang sa ministeryo
[Larawan sa pahina 15]
Natutuwa si Jehova kapag pinaglilingkuran natin siya nang buong kaluluwa anupat ginagawa ang lahat ng ipinahihintulot ng ating kalagayan