Paunlarin ang Matalik na Kaugnayan kay Jehova
“LUMAPIT kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo,” ang sulat ng alagad na si Santiago. (Santiago 4:8) At ang salmistang si David ay umawit: “Ang matalik na kaugnayan kay Jehova ay nauukol sa mga natatakot sa kaniya.” (Awit 25:14) Maliwanag, ibig ng Diyos na Jehova na magkaroon tayo ng isang matalik na kaugnayan sa kaniya. Gayunman, hindi lahat ng sumasamba sa Diyos at sumusunod sa kaniyang mga kautusan ay nakadaramang malapit sa kaniya.
Kumusta ka? Mayroon ka bang malapit na personal na kaugnayan sa Diyos? Walang alinlangan, ibig mong maging malapit sa kaniya. Paano natin mapauunlad ang matalik na kaugnayan sa Diyos? Ano ang kahulugan nito para sa atin? Ang ikatlong kabanata ng aklat ng Bibliya na Kawikaan ay nagbibigay ng mga kasagutan.
Magpakita ng Maibiging-Kabaitan at Katapatan
Pinasimulan ni Haring Solomon ng sinaunang Israel ang ikatlong kabanata ng Kawikaan sa mga pananalitang: “Anak ko, ang aking kautusan ay huwag mong limutin, at ang aking mga utos ay ingatan nawa ng iyong puso, sapagkat ang kahabaan ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ay madaragdag sa iyo.” (Kawikaan 3:1, 2) Yamang si Solomon ay sumulat sa ilalim ng pagkasi ng Diyos, ang makaamang payo na ito ay talagang galing sa Diyos na Jehova at ipinatutungkol sa atin. Tayo’y pinayuhan dito na sumunod sa mga paalaala ng Diyos—sa kaniyang kautusan, o turo, at sa kaniyang mga utos—na nakatala sa Bibliya. Kung gagawin natin ito, “kahabaan ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ay madaragdag” sa atin. Oo, kahit sa ngayon ay maaari tayong magtamasa ng isang mapayapang buhay at maiwasan ang mga tunguhin na maglalantad sa atin sa panganib ng maagang kamatayan na kadalasang sumasapit sa mga manggagawa ng masama. Higit pa riyan, maaari nating isaisip ang pag-asa ng walang-hanggang buhay sa isang mapayapang bagong sanlibutan.—Kawikaan 1:24-31; 2:21, 22.
Sa pagpapatuloy, sinabi ni Solomon: “Huwag ka nawang iwan ng maibiging-kabaitan at ng katapatan. Itali mo ang mga iyon sa palibot ng iyong leeg. Isulat mo ang mga iyon sa tapyas ng iyong puso, at sa gayon ay makasusumpong ka ng lingap at mabuting kaunawaan sa paningin ng Diyos at ng makalupang tao.”—Kawikaan 3:3, 4.
Ang salita sa orihinal na wika para sa “maibiging-kabaitan” ay isinasalin kung minsan na “matapat na pag-ibig” at nangangailangan ng katapatan, katatagan, at pagkamatapat. Determinado ba tayong manatiling malapit kay Jehova anuman ang mangyari? Nagpapakita ba tayo ng maibiging-kabaitan sa ating mga pakikitungo sa mga kapananampalataya? Nagsisikap ba tayo upang manatiling malapit sa kanila? Sa pang-araw-araw na pakikitungo sa kanila, iniingatan ba natin ‘ang kautusan ng maibiging-kabaitan na nasa ating dila’ kahit sa ilalim ng mahihirap na kalagayan?—Kawikaan 31:26.
Palibhasa’y sagana sa maibiging-kabaitan, si Jehova ay “handang magpatawad.” (Awit 86:5) Kung pinagsisihan na natin ang ating nakalipas na mga kasalanan at ngayon ay itinutuwid natin ang mga landas ng ating mga paa, tinitiyak sa atin na darating ang “kapanahunan ng pagpapanariwa” buhat kay Jehova. (Gawa 3:19) Hindi ba dapat nating tularan ang ating Diyos sa pamamagitan ng pagpapatawad sa iba sa kanilang mga pagkakamali?—Mateo 6:14, 15.
Si Jehova ay “ang Diyos ng katotohanan,” at humihiling siya ng “katapatan” sa mga nagnanais magkaroon ng matalik na kaugnayan sa kaniya. (Awit 31:5) Talaga bang maaasahan natin na magiging Kaibigan natin si Jehova kung tayo’y may dobleng pamumuhay—kumikilos sa isang paraan kapag kasama ng mga Kristiyano at iba naman kapag walang nakakakita—tulad ng “mga taong bulaan” na ikinukubli kung ano silang uri ng tao? (Awit 26:4) Anong laking kamangmangan nga niyan, yamang “lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata” ni Jehova!—Hebreo 4:13.
Ang maibiging-kabaitan at katapatan ay dapat pahalagahan na gaya ng mamahaling kuwintas na ‘nakatali sa palibot ng ating leeg,’ sapagkat tumutulong ito sa atin na ‘makasumpong ng lingap sa paningin ng Diyos at ng makalupang tao.’ Hindi lamang natin dapat ipakita ang mga katangiang ito sa labas kundi dapat nating iukit ito ‘sa tapyas ng ating puso,’ anupat ginagawa ang mga ito na panloob na bahagi ng ating personalidad.
Paunlarin ang Lubos na Pagtitiwala kay Jehova
Nagpatuloy ang pantas na hari: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—Kawikaan 3:5, 6.
Si Jehova ay tiyak na karapat-dapat sa ating lubos na pagtitiwala. Bilang ang Maylalang, siya ay “malakas sa kapangyarihan” at ang Pinagmumulan ng “dinamikong lakas.” (Isaias 40:26, 29) Naisasakatuparan niya ang lahat ng kaniyang nilayon. Aba, ang kaniya mismong pangalan ay literal na nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Maging,” at pinatitibay nito ang ating pagtitiwala sa kaniyang kakayahan upang tuparin ang kaniyang ipinangako! Ang bagay na “imposibleng magsinungaling ang Diyos” ay gumagawa sa kaniya na pinakasimbolo ng katotohanan. (Hebreo 6:18) Pag-ibig ang kaniyang nangingibabaw na katangian. (1 Juan 4:8) Siya’y “matuwid sa lahat ng kaniyang mga daan at matapat sa lahat ng kaniyang mga gawa.” (Awit 145:17) Kung hindi natin mapagkakatiwalaan ang Diyos, sino ang ating mapagkakatiwalaan? Sabihin pa, upang mapaunlad ang pagtitiwala sa kaniya, kailangan nating “tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti” sa pamamagitan ng pagkakapit sa ating personal na buhay ng mga natutuhan natin mula sa Bibliya at sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa kabutihang naibubunga nito.—Awit 34:8.
Paano natin maaaring ‘isaalang-alang si Jehova sa lahat ng ating mga lakad’? Ang kinasihang salmista ay nagsabi: “Bubulay-bulayin ko nga ang lahat ng iyong gawa, at ang iyong mga gawain ay pagtutuunan ko ng pansin.” (Awit 77:12) Yamang hindi nakikita ang Diyos, ang pagbubulay-bulay sa kaniyang dakilang mga gawa at sa kaniyang mga pakikitungo sa kaniyang bayan ay mahalaga upang mapaunlad natin ang matalik na kaugnayan sa kaniya.
Isang mahalagang paraan din ang panalangin upang maisaalang-alang natin si Jehova. Si Haring David ay patuloy na tumatawag kay Jehova sa “buong araw.” (Awit 86:3) Madalas manalangin si David sa buong magdamag, gaya nang siya’y isang taong lumikas sa iláng. (Awit 63:6, 7) “Magpatuloy kayo sa pananalangin sa bawat pagkakataon sa espiritu,” ang payo ni apostol Pablo. (Efeso 6:18) Gaano kadalas tayong nananalangin? Nasisiyahan ba tayo sa pagkakaroon ng personal at taos-pusong pakikipag-usap sa Diyos? Kapag napapaharap sa mahihirap na kalagayan, nakikiusap ba tayo sa kaniya para humingi ng tulong? May pananalangin ba nating hinihingi ang kaniyang patnubay bago gumawa ng mahahalagang pagpapasiya? Ang ating taimtim na mga panalangin kay Jehova ay nagpapangyaring mapamahal tayo sa kaniya. At mayroon tayong katiyakan na pakikinggan niya ang ating panalangin at ‘itutuwid ang ating mga landas.’
Kay laking kamangmangan na ‘manalig sa ating sariling pagkaunawa’ o sa kilalang mga tao sa sanlibutan samantalang maaari naman nating ilagak ang ating lubos na pagtitiwala kay Jehova! “Huwag kang maging marunong sa iyong sariling paningin,” ang sabi ni Solomon. Sa kabaligtaran, siya’y nagpapaalaala: “Matakot ka kay Jehova at lumayo ka sa kasamaan. Maging kagalingan nawa iyon sa iyong pusod at kaginhawahan sa iyong mga buto.” (Kawikaan 3:7, 8) Ang mabuting pagkatakot na di-mapalugdan ang Diyos ay dapat na umugit sa lahat ng ating kilos, kaisipan, at damdamin. Ang gayong may pagpipitagang pagkatakot ay humahadlang sa atin sa paggawa ng masama at nakagagaling at nakagiginhawa sa espirituwal na paraan.
Ibigay Mo kay Jehova ang Pinakamabuti
Sa anong iba pang paraan maaari tayong lumapit sa Diyos? “Parangalan mo si Jehova ng iyong mahahalagang pag-aari at ng mga unang bunga ng lahat ng iyong ani,” ang tagubilin ng hari. (Kawikaan 3:9) Ang pagpaparangal kay Jehova ay nangangahulugan ng pagpapakita sa kaniya ng mataas na pagtingin at pagbubunyi sa kaniya nang hayagan sa pamamagitan ng pakikibahagi at pagtataguyod sa paghahayag ng kaniyang pangalan sa madla. Ang mahahalagang pag-aari na doo’y mapararangalan natin si Jehova ay ang ating panahon, ating mga talino, ating lakas, at ang ating materyal na mga tinatangkilik. Ang mga ito ay dapat na ang mga unang bunga—ang ating pinakamabuti. Hindi ba sinasalamin ng ating paraan ng paggamit ng ating personal na mga kayamanan ang ating pasiya na ‘patuloy na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran ng Diyos’?—Mateo 6:33.
Ang pagpaparangal kay Jehova sa pamamagitan ng ating mahahalagang pag-aari ay gagantihin. “Sa gayon ang iyong mga imbakan ng panustos ay mapupuno nang sagana,” ang pagtiyak ni Solomon, “at aapawan ng bagong alak ang iyong mga pisaang tangke.” (Kawikaan 3:10) Bagaman ang espirituwal na kasaganaan sa ganang sarili ay hindi umaakay sa materyal na kasaganaan, ang bukas-palad na paggamit ng ating mga kayamanan upang parangalan si Jehova ay nagdadala ng saganang mga pagpapala. Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay “pagkain” na nagpapalakas kay Jesus. (Juan 4:34) Sa katulad na paraan, ang pakikibahagi sa pangangaral at gawaing paggawa ng alagad na lumuluwalhati kay Jehova ay nagpapalusog sa atin. Kung magpapatuloy tayo sa gawaing ito, ang ating espirituwal na mga imbakan ng panustos ay mapupuno nang sagana. Ang ating kagalakan—na isinasagisag ng bagong alak—ay aapaw.
Hindi ba umaasa rin tayo kay Jehova at nananalangin sa kaniya para sa sapat na materyal na pagkain sa bawat araw? (Mateo 6:11) Sa katunayan, ang lahat ng taglay natin ay dumarating sa atin mula sa ating maibiging makalangit na Ama. Ibubuhos ni Jehova ang higit pang mga pagpapala ayon sa lawak ng paggamit natin ng ating mahahalagang pag-aari upang papurihan siya.—1 Corinto 4:7.
Malugod na Tanggapin ang Disiplina ni Jehova
Sa pagbanggit sa kahalagahan ng disiplina upang matamo ang matalik na kaugnayan kay Jehova, ang hari ng Israel ay nagpapayo sa atin: “Ang disiplina ni Jehova, O anak ko, ay huwag mong itakwil; at huwag mong kamuhian ang kaniyang saway, sapagkat ang iniibig ni Jehova ay sinasaway niya, gaya nga ng ginagawa ng ama sa anak na kaniyang kinalulugdan.”—Kawikaan 3:11, 12.
Gayunman, maaaring hindi madali para sa atin na tanggapin ang disiplina. “Walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakagagalak, kundi nakapipighati,” ang sulat ni apostol Pablo, “gayunman pagkatapos doon sa mga nasanay nito ay nagluluwal ito ng mapayapang bunga, alalaong baga’y, katuwiran.” (Hebreo 12:11) Ang saway at disiplina ay mahalagang bahagi ng pagsasanay na nagpapalapit sa atin sa Diyos. Ang pagtutuwid mula kay Jehova—tinanggap man natin ito mula sa mga magulang, sa pamamagitan ng Kristiyanong kongregasyon, o sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa Kasulatan sa panahon ng ating personal na pag-aaral—ay isang kapahayagan ng kaniyang pag-ibig sa atin. Makabubuting malugod nating tanggapin ito.
Manghawakang Mahigpit sa Karunungan at Kaunawaan
Sumunod, idiniin ni Solomon ang kahalagahan ng karunungan at kaunawaan upang mapaunlad ang isang malapit na kaugnayan sa Diyos. Ipinahayag niya: “Maligaya ang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagtatamo ng kaunawaan, sapagkat ang pagkakamit nito bilang pakinabang ay mas mabuti kaysa sa pagkakamit ng pilak bilang pakinabang at ang pagkakamit nito bilang ani kaysa sa ginto. . . . Ito ay punungkahoy ng buhay para sa mga tumatangan dito, at yaong mga nanghahawakang mahigpit dito ay tatawaging maligaya.”—Kawikaan 3:13-18.
Bilang paalaala sa atin hinggil sa pagpapakita ng karunungan at kaunawaan sa kamangha-manghang mga gawa ng paglalang ni Jehova, ganito ang sabi ng hari: “Itinatag ni Jehova ang lupa sa karunungan. Ang langit ay inilagay niya nang matibay sa kaunawaan. . . . Anak ko, huwag nawang mahiwalay ang mga ito sa iyong paningin. Ingatan mo ang praktikal na karunungan at ang kakayahang mag-isip, at sila ay magiging buhay sa iyong kaluluwa at panghalina sa iyong leeg.”—Kawikaan 3:19-22.
Ang karunungan at kaunawaan ay makadiyos na mga katangian. Hindi lamang natin dapat paunlarin ang mga ito kundi manghawakan ding mahigpit dito sa pamamagitan ng hindi kailanman pagpapabaya sa ating masikap na pag-aaral ng Kasulatan at pagkakapit ng ating natutuhan. “Kung magkagayon ay lalakad ka nang tiwasay sa iyong daan,” ang pagpapatuloy ni Solomon, “at maging ang iyong paa ay hindi hahampas sa anuman.” Isinusog pa niya: “Kailanma’t nakahiga ka ay hindi ka makadarama ng panghihilakbot; at ikaw nga ay hihiga, at ang iyong tulog ay magiging kasiya-siya.”—Kawikaan 3:23, 24.
Oo, maaari tayong lumakad sa katiwasayan at matulog na taglay ang kapayapaan ng isip habang hinihintay natin ang tulad-magnanakaw na pagdating ng araw ng “biglang pagkapuksa” sa balakyot na sanlibutan ni Satanas. (1 Tesalonica 5:2, 3; 1 Juan 5:19) Kahit na sa napipintong malaking kapighatian, taglay natin ang katiyakang ito: “Hindi ka kailangang matakot sa anumang biglaang panghihilakbot, ni sa bagyo man sa mga balakyot, dahil ito ay dumarating. Sapagkat si Jehova ang magiging iyo mismong pagtitiwala, at kaniya ngang iingatan ang iyong paa laban sa pagkabihag.”—Kawikaan 3:25, 26; Mateo 24:21.
Gawin ang Mabuti
“Huwag mong ipagkait ang mabuti doon sa mga kinauukulan,” paalaala ni Solomon, “kapag nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito ay gawin.” (Kawikaan 3:27) Ang paggawa ng mabuti sa iba ay nagsasangkot ng bukas-palad na paggamit ng ating mga kayamanan alang-alang sa kanila, at marami itong aspekto. Subalit hindi ba ang pagtulong sa iba na magtamo ng isang malapit na kaugnayan sa tunay na Diyos ang pinakamabuting bagay na magagawa natin para sa kanila sa “panahon [na ito] ng kawakasan”? (Daniel 12:4) Kaya, ito ang panahon upang magpakita ng sigasig sa pangangaral ng Kaharian at sa gawaing paggawa ng alagad.—Mateo 28:19, 20.
Itinala rin ng marunong na hari ang ilang gawain na dapat iwasan, sa pagsasabing: “Huwag mong sabihin sa iyong kapuwa: ‘Yumaon ka, at bumalik ka at bukas ay magbibigay ako,’ kapag ikaw ay mayroon. Huwag kang kumatha ng anumang bagay na masama laban sa iyong kapuwa, kapag tumatahan siyang may katiwasayan sa piling mo. Huwag kang makikipagtalo sa isang tao nang walang dahilan, kung wala siyang ginagawang masama sa iyo. Huwag kang maiinggit sa taong marahas, ni piliin man ang alinman sa kaniyang mga lakad.”—Kawikaan 3:28-31.
Sa pagbubuod ng dahilan para sa kaniyang pagpapayo, ganito ang sabi ni Solomon: “Sapagkat ang taong mapanlinlang ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit ang Kaniyang matalik na pakikipag-ugnayan ay sa mga matuwid. Ang sumpa ni Jehova ay nasa bahay ng balakyot, ngunit ang tinatahanang dako ng mga matuwid ay kaniyang pinagpapala. Kung tungkol sa mga manunuya, siya ay mang-aalipusta; ngunit sa maaamo ay magpapakita siya ng lingap. Karangalan ang aariin ng marurunong, ngunit dinadakila ng mga hangal ang kasiraang-puri.”—Kawikaan 3:32-35.
Upang matamasa natin ang matalik na kaugnayan kay Jehova, hindi tayo dapat kumatha ng masama at nakapipinsalang mga pakana. (Kawikaan 6:16-19) Makakamit natin ang kaniyang paglingap at pagpapala kung ang tanging gagawin natin ay ang matuwid sa paningin ng Diyos. Maaari rin tayong tumanggap ng di-hinahangad na karangalan kapag napansin ng iba na tayo’y kumikilos kasuwato ng karunungan ng Diyos. Kaya nga tanggihan natin ang masasamang paraan ng balakyot at marahas na sanlibutang ito. Oo, itaguyod natin ang matuwid na landasin at paunlarin ang matalik na kaugnayan kay Jehova!
[Mga larawan sa pahina 25]
“Parangalan mo si Jehova ng iyong mahahalagang pag-aari”