“Ingatan Mo ang Iyong Puso”
SINABI ni Jehova kay propeta Samuel: “Hindi ayon sa paraan ng pagtingin ng tao ang paraan ng pagtingin ng Diyos, sapagkat ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.” (1 Samuel 16:7) Sa pagtutuon din ng pansin sa makasagisag na puso, ang salmistang si David ay umawit: “Sinuri mo [Jehova] ang aking puso, nagsiyasat ka sa gabi, dinalisay mo ako; matutuklasan mong hindi ako nagpakana.”—Awit 17:3.
Oo, si Jehova ay tumitingin sa puso upang suriin kung ano tayo talaga. (Kawikaan 17:3) Kaya, may mabuting dahilan na si Haring Solomon ng sinaunang Israel ay nagpapayo: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Paano natin maiingatan ang ating makasagisag na puso? Ang Kawikaan kabanatang 4 ay nagbibigay sa atin ng kasagutan sa tanong na iyan.
Makinig sa Disiplina ng Ama
Ang ika-4 na kabanata ng Kawikaan ay nagsisimula sa pananalitang: “O mga anak, makinig kayo sa disiplina ng ama at magbigay-pansin kayo, upang malaman ninyo ang pagkaunawa. Sapagkat mabuting turo ang akin ngang ibibigay sa inyo. Ang aking kautusan ay huwag ninyong iwanan.”—Kawikaan 4:1, 2.
Ang payo sa mga kabataan ay na makinig sila sa mainam na turo ng kanilang makadiyos na mga magulang, lalo na yaong sa ama. Siya ang may maka-Kasulatang pananagutan na maglaan para sa pisikal at espirituwal na mga pangangailangan ng kaniyang pamilya. (Deuteronomio 6:6, 7; 1 Timoteo 5:8) Kung walang gayong patnubay, lalo nang mahirap para sa isang kabataan na marating ang pagkamaygulang! Samakatuwid, hindi ba dapat na magalang na tanggapin ng isang anak ang disiplina ng kaniyang ama?
Kumusta naman ang isang kabataan na walang ama na magtuturo sa kaniya? Halimbawa, ang onse-anyos na si Jason ay naulila sa ama sa gulang na apat.a Nang tanungin siya ng isang Kristiyanong matanda kung ano ang lubhang nakababagabag na bahagi ng kaniyang buhay, agad na tumugon si Jason: “Hinahanap-hanap ko ang pagmamahal ng isang ama. Kung minsan talagang nakapanlulumo ito sa akin.” Gayunman, may nakaaaliw na payo para sa mga kabataan na walang patnubay ng magulang. Si Jason at ang ibang katulad niya ay maaaring humingi at tumanggap ng makaamang payo mula sa matatanda at sa iba pang mga maygulang sa Kristiyanong kongregasyon.—Santiago 1:27.
Sa paggunita sa kaniya mismong edukasyon, si Solomon ay nagpapatuloy: “Ako ay naging tunay na anak sa aking ama, magiliw at ang kaisa-isa sa harap ng aking ina.” (Kawikaan 4:3) Maliwanag na magiliw na naalaala ng hari ang pagpapalaki sa kaniya. Palibhasa’y isang “tunay na anak” na isinapuso ang makaamang payo, malamang na ang kabataang si Solomon ay nagkaroon ng magiliw at malapit na kaugnayan sa kaniyang ama, si David. Higit pa riyan, si Solomon “ang kaisa-isa,” o ang pinakamamahal. Anong halaga nga para sa isang bata na lumaki sa isang tahanan na may mapagmahal na kapaligiran at kung saan bukás ang mga linya ng pakikipagtalastasan sa mga magulang!
Magtamo ng Karunungan at Pagkaunawa
Inaalaala ang maibiging payo ng kaniyang ama, ganito ang sabi ni Solomon: “Tinuturuan niya ako at sinasabi niya sa akin: ‘Manghawakan nawang mahigpit ang iyong puso sa aking mga salita. Tuparin mo ang aking mga utos at patuloy kang mabuhay. Magtamo ka ng karunungan, magtamo ka ng pagkaunawa. Huwag mong kalimutan, at huwag kang lumihis mula sa mga pananalita ng aking bibig. Huwag mo itong [ang karunungan] iwanan, at iingatan ka nito. Ibigin mo, at ipagsasanggalang ka nito. Karunungan ang pangunahing bagay. Magtamo ka ng karunungan; at sa lahat ng iyong matatamo, magtamo ka ng pagkaunawa.’ ”—Kawikaan 4:4-7.
Bakit ang karunungan “ang pangunahing bagay”? Ang karunungan ay nangangahulugang paggamit ng kaalaman at pagkaunawa sa paraan na nagdudulot ng mabubuting resulta. Ang kaalaman—kabatiran o pagiging pamilyar sa mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagmamasid at karanasan o sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral—ay mahalaga sa karunungan. Subalit kung wala tayong kakayahang gamitin ito sa mabuti, magiging walang kabuluhan ang ating kaalaman. Hindi lamang dapat na palagian tayong magbasa ng Bibliya at ng mga publikasyong salig sa Bibliya na inilalaan ng “tapat at maingat na alipin” kundi dapat din naman tayong magsikap na ikapit ang natututuhan natin mula sa mga ito.—Mateo 24:45.
Mahalaga rin ang pagtatamo ng pagkaunawa. Kung wala ito, mauunawaan ba nating talaga kung paano nauugnay ang mga bagay-bagay sa isa’t isa at makita ang kumpletong larawan ng isang bagay na isinasaalang-alang? Kung wala tayong pagkaunawa, paano natin mauunawaan ang mga dahilan at layunin ng mga bagay-bagay at magtamo ng malalim na unawa at kaunawaan? Oo, upang makapangatuwiran mula sa nalalaman na mga bagay at maabot ang tamang konklusyon, kailangan natin ng pagkaunawa.—Daniel 9:22, 23.
Patuloy na inilahad ni Solomon ang pananalita ng kaniyang ama, na nagsasabi: “Pahalagahan mo itong [ang karunungan] lubha, at itataas ka nito. Luluwalhatiin ka nito sapagkat yakap mo ito. Sa iyong ulo ay magbibigay ito ng putong na panghalina; isang korona ng kagandahan ang igagawad nito sa iyo.” (Kawikaan 4:8, 9) Ang makadiyos na karunungan ay nag-iingat sa isa na nagtataguyod nito. Bukod pa riyan, nagdadala ito sa kaniya ng karangalan at nagpapaganda sa kaniya. Kung gayon, magtamo tayo ng karunungan.
“Hawakan Mo ang Disiplina”
Sa pag-ulit sa turo ng kaniyang ama, ganito ang sumunod na sinabi ng hari ng Israel: “Dinggin mo, anak ko, at tanggapin mo ang aking mga pananalita. At ang mga taon ng buhay ay darami para sa iyo. Tuturuan kita sa daan ng karunungan; palalakarin kita sa mga landas ng katuwiran. Kapag lumalakad ka, ang iyong hakbang ay hindi magigipit; at kung tumatakbo ka, hindi ka matitisod. Hawakan mo ang disiplina; huwag mong bibitiwan. Ingatan mo ito, sapagkat ito mismo ang iyong buhay.”—Kawikaan 4:10-13.
Bilang isang tunay na anak sa kaniyang ama, tiyak na pinahalagahan ni Solomon ang kahalagahan ng maibiging disiplina na nagtuturo at nagtutuwid. Kung walang timbang na disiplina, paano tayo makaaasang susulong sa espirituwal na pagkamaygulang o aasang bubuti ang kalidad ng ating buhay? Kung hindi tayo matututo mula sa ating mga pagkakamali o kung hindi natin itinutuwid ang mga maling ideya, magiging napakaliit nga ng ating espirituwal na pagsulong. Ang makatuwirang disiplina ay umaakay sa makadiyos na paggawi at sa gayo’y tumutulong sa atin na ‘lumakad sa mga landas ng katuwiran.’
Ang isa pang uri ng disiplina ay nagpapangyari rin na ‘ang mga taon ng ating buhay ay dumami.’ Paano? Buweno, sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami, at ang taong di-matuwid sa pinakakaunti ay di-matuwid din sa marami.” (Lucas 16:10) Hindi ba’t ang pagdidisiplina natin sa ating sarili sa maliliit na bagay ay magpapangyari na maging mas madali para sa atin na gawin din ang gayon sa malalaking bagay, na doo’y maaaring nakadepende ang atin mismong buhay? Halimbawa, mas malamang na hindi tayo mahulog sa imoralidad sa pagsasanay sa mata na huwag ‘patuloy na tumingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya.’ (Mateo 5:28) Natural, ang simulaing ito ay kapit kapuwa sa mga lalaki at babae. Kung didisiplinahin natin ang ating mga isipan na ‘dalhin ang bawat kaisipan sa pagkabihag,’ walang gaanong panganib na tayo’y malubhang magkakasala sa salita o sa gawa.—2 Corinto 10:5.
Totoo, ang disiplina ay karaniwang mahirap tanggapin at maaaring tila mahigpit. (Hebreo 12:11) Gayunman, tinitiyak sa atin ng matalinong hari na kung hahawakan natin ang disiplina, ang ating landas ay makabubuti sa ating pagsulong. Kung paanong ang tamang pagsasanay ay nagpapahintulot sa isang mananakbo na tumakbo nang napakabilis nang hindi nabubuwal o napipinsala ang kaniyang sarili, ang paghawak sa disiplina ay nagpapangyari sa atin na magpatuloy sa daan tungo sa buhay sa isang di-nagbabagong bilis nang hindi natitisod. Mangyari pa, dapat tayong maging maingat sa landas na ating pinipili.
Iwasan ang “Landas ng mga Balakyot”
Taglay ang pagkaapurahan, nagbabala si Solomon: “Sa landas ng mga balakyot ay huwag kang pumasok, at huwag kang lumakad patungo sa daan ng masasamâ. Iwasan mo iyon, huwag kang dumaan doon; lihisan mo iyon, at yumaon ka. Sapagkat hindi sila natutulog malibang makagawa sila ng kasamaan, at ang kanilang tulog ay napapawi malibang mapangyari nilang may matisod. Sapagkat pinakakain nila ang kanilang sarili ng tinapay ng kabalakyutan, at ang alak ng mga gawang karahasan ang iniinom nila.”—Kawikaan 4:14-17.
Ang mga balakyot, na ang mga daan ay nais ni Solomon na iwasan natin, ay nagpapalakas sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang masasamang gawa. Ang paggawa ng masama ay parang pagkain at inumin sa kanila. Hindi sila makatulog hangga’t hindi sila nakagagawa ng karahasan. Napakasama ng kanila mismong pagkatao! Maiingatan nga ba natin ang ating mga puso samantalang nakikisama sa kanila? Ano ngang laking kamangmangan na “lumakad patungo sa daan ng masasama” sa pamamagitan ng paglalantad ng ating mga sarili sa karahasan na itinatampok sa maraming libangan sa daigdig sa ngayon! Ang pagsisikap na maging madamayin sa magiliw na paraan ay hindi kasuwato ng panonood ng nakapagpapamanhid na mga eksena ng kasamaan sa telebisyon o sa mga pelikula.
Manatili sa Liwanag
Sa paggamit pa rin ng paghahambing sa isang landas, sinabi ni Solomon: “Ngunit ang landas ng mga matuwid ay tulad ng maningning na liwanag na papaliwanag nang papaliwanag hanggang sa ang araw ay malubos.” (Kawikaan 4:18) Ang pag-aaral ng Bibliya at pagsisikap na ikapit ang sinasabi nito sa buhay ay maihahalintulad sa pagpapasimula sa isang paglalakbay sa kadiliman ng madaling-araw. Habang ang kadiliman ng langit sa gabi ay lumiliwanag tungo sa matingkad na asul, halos wala tayong makitang anumang bagay. Subalit habang unti-unting nagbubukang-liwayway, unti-unti nating nababanaag ang ating paligid. Sa wakas, ang araw ay sumisikat nang maningning, at maliwanag na nakikita natin ang lahat ng bagay. Oo, ang katotohanan ay unti-unting nagiging maliwanag sa atin habang patuloy tayong nag-aaral ng Kasulatan nang may pagtitiyaga at pagsisikap. Ang pagtutustos sa puso ng espirituwal na pagkain ay mahalaga kung nais nating ingatan ito laban sa maling pangangatuwiran.
Ang kahulugan o kahalagahan ng mga hula sa Bibliya ay pasulong din na isinisiwalat. Nagiging maliwanag sa atin ang mga hula habang nililiwanag ito ng banal na espiritu ni Jehova at habang natutupad ang mga ito sa mga pangyayari sa daigdig o sa mga karanasan ng bayan ng Diyos. Sa halip na mainip at bumaling sa mga espekulasyon tungkol sa mga katuparan nito, kailangan nating hintayin ‘ang liwanag na maging papaliwanag nang papaliwanag.’
Kumusta naman yaong mga nagtakwil sa patnubay ng Diyos sa pamamagitan ng pagtangging lumakad sa liwanag? “Ang lakad ng mga balakyot ay tulad ng karimlan,” sabi ni Solomon. “Hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinatitisuran.” (Kawikaan 4:19) Ang mga balakyot ay tulad ng isang tao na natitisod sa dilim nang hindi nalalaman kung ano ang nakatisod sa kaniya. Kahit na kung waring sumasagana ang mga taong di-makadiyos dahil sa kanilang kawalang-katuwiran, pansamantala lamang ang kanilang animo’y tagumpay. Tungkol sa mga ito, ang salmista ay umawit: “Tunay na inilalagay mo sila sa madulas na dako. Inilugmok mo [Jehova] sila sa pagkawasak.”—Awit 73:18.
Manatiling Mapagbantay
Ang hari ng Israel ay nagpatuloy sa pagsasabi: “Anak ko, sa aking mga salita ay magbigay-pansin ka. Sa aking mga pananalita ay ikiling mo ang iyong pandinig. Huwag nawang mahiwalay ang mga iyon mula sa iyong mga mata. Ingatan mo ang mga iyon sa kaibuturan ng iyong puso. Sapagkat ito ay buhay sa mga nakasusumpong nito at kalusugan sa buong laman nila. Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.”—Kawikaan 4:20-23.
Pinatutunayan ng sariling halimbawa ni Solomon ang kahalagahan ng payo na ingatan ang puso. Totoo, siya ay “naging tunay na anak” sa kaniyang ama noong kaniyang kabataan at nanatiling tapat kay Jehova hanggang sa kaniyang hustong gulang. Gayunman, sinasabi ng Bibliya: “Nangyari nang panahon ng pagtanda ni Solomon ay ikiniling ng kaniyang [banyagang] mga asawa ang kaniyang puso na sumunod sa ibang mga diyos; at ang kaniyang puso ay hindi naging sakdal kay Jehova na kaniyang Diyos tulad ng puso ni David na kaniyang ama.” (1 Hari 11:4) Kung hindi laging babantayan, kahit na ang pinakamabuting puso ay maaaring matuksong gumawa ng masama. (Jeremias 17:9) Dapat nating ingatang malapit sa ating puso ang mga paalaala sa Salita ng Diyos—‘sa kaibuturan nito.’ Kasali rito ang patnubay na inilalaan sa ika-4 na kabanata ng Mga Kawikaan.
Suriin ang Kalagayan ng Inyong Puso
Matagumpay ba nating naiingatan ang ating makasagisag na puso? Paano natin malalaman ang kalagayan ng panloob na pagkatao? “Mula sa kasaganaan ng puso ang bibig ay nagsasalita,” ang sabi ni Jesu-Kristo. (Mateo 12:34) Sinabi rin niya: “Mula sa puso ay nanggagaling ang mga balakyot na pangangatuwiran, mga pagpaslang, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga bulaang testimonyo, mga pamumusong.” (Mateo 15:19, 20) Oo, malaki ang ibinabadya ng ating mga salita at kilos tungkol sa kung ano ang nasa ating puso.
Angkop naman, pinapayuhan tayo ni Solomon: “Alisin mo sa iyo ang kalikuan ng pananalita; at ang pagiging mapanlinlang ng mga labi ay ilayo mo sa iyo. Kung tungkol sa iyong mga mata, dapat itong tumingin nang tuwid sa unahan, oo, ang iyong nagniningning na mga mata ay dapat tumitig nang tuwid sa harap mo. Patagin mo ang landasin ng iyong paa, at matibay nawang maitatag ang lahat ng iyong lakad. Huwag kang kumiling sa kanan o sa kaliwa. Alisin mo ang iyong paa sa kasamaan.”—Kawikaan 4:24-27.
Sa liwanag ng payo ni Solomon, kailangang suriin natin ang ating pananalita at ang ating mga kilos. Kung nais natin na ingatan ang puso at palugdan ang Diyos, dapat na iwasan ang masamang pananalita at panlilinlang. (Kawikaan 3:32) Kaya, dapat na may pananalanging bulay-bulayin natin kung ano ang isinisiwalat tungkol sa atin ng ating mga salita at mga gawa. Pagkatapos ay hingin natin ang tulong ni Jehova upang ituwid ang anumang kahinaang makita natin.—Awit 139:23, 24.
Higit sa lahat, harinawang ‘tumingin nang tuwid sa unahan ang ating mga mata.’ Panatilihin natin itong nakatutok sa tunguhin ng paghahandog ng buong-kaluluwang paglilingkod sa ating makalangit na Ama. (Colosas 3:23) Habang personal na itinataguyod mo ang gayong matuwid na landasin, pagkalooban ka nawa ni Jehova ng tagumpay sa “lahat ng iyong lakad,” at pagpapalain ka nawa niya nang sagana dahil sa pagsunod sa kinasihang payo na “ingatan mo ang iyong puso.”
[Talababa]
a Hindi niya tunay na pangalan.
[Blurb sa pahina 22]
Iniiwasan mo ba ang libangan na nagtatampok ng karahasan?
[Larawan sa pahina 21]
Makinabang mula sa payo ng mga may karanasan
[Larawan sa pahina 23]
Hindi pinababagal ng disiplina ang iyong bilis ng pagsulong
[Larawan sa pahina 24]
Maging matiyaga sa iyong pag-aaral ng Bibliya