Mga Sinag ng Liwanag—Malalaki at Maliliit (Ikalawang Bahagi)
“Sa iyong liwanag makakakita kami ng liwanag.”—AWIT 36:9.
1. Anong naunang mga pagsisikap ang ginawa upang maunawaan ang pagsasagisag sa aklat na Apocalipsis?
ANG aklat ng Bibliya na Apocalipsis ay nakatawag-pansin ng mga Kristiyano noon pa mang una. Naglalaan ito ng mainam na halimbawa kung papaano lalong nagniningning higit kailanman ang liwanag ng katotohanan. Noong 1917, inilathala ng bayan ni Jehova ang pagpapaliwanag sa Apocalipsis sa aklat na The Finished Mystery. Buong-tapang na inilantad nito ang relihiyoso at pulitikal na mga lider ng Sangkakristiyanuhan, ngunit marami sa mga paliwanag nito ay kinuha buhat sa iba’t ibang pinagmulan. Gayunman, ang The Finished Mystery ay nagsilbing pagsubok sa katapatan ng mga Estudyante ng Bibliya sa nakikitang alulod na ginagamit ni Jehova.
2. Anong liwanag ang sumikat sa aklat na Apocalipsis sa artikulong “Pagsilang ng Bansa”?
2 Isang pambihirang sinag ng liwanag ang sumikat sa aklat ng Apocalipsis nang ilathala ang artikulong “Birth of the Nation” sa The Watch Tower ng Marso 1, 1925. Inakala noon na inilalarawan ng Apocalipsis kabanata 12 ang digmaan sa pagitan ng paganong Roma at ng papa sa Roma, na ang anak na lalaki ay kumakatawan sa papado. Subalit ipinakita ng artikulong iyan na ang Apocalipsis 11:15-18 ay may kaugnayan sa kahulugan ng kabanata 12, anupat ipinahihiwatig na kaugnay ito sa pagsilang ng Kaharian ng Diyos.
3. Anong mga publikasyon ang nagpasikat ng tuminding liwanag sa Apocalipsis?
3 Lahat ng ito ay umakay sa higit na malinaw na pagkaunawa sa Apocalipsis na dumating sa pamamagitan ng paglalathala ng Light, sa dalawang tomo, noong 1930. Marami pang pagdadalisay ang lumitaw sa “Babylon the Great Has Fallen!” God’s Kingdom Rules! (1963) at “Then Is Finished the Mystery of God” (1969). Subalit, marami pang dapat matutuhan tungkol sa makahulang aklat na Apocalipsis. Oo, sumikat tungkol dito ang mas maningning na liwanag noong 1988, sa paglalathala ng Apocalipsis—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito! Masasabing ang susi sa pasulong na kaliwanagang ito ay ang bagay na ang hula sa Apocalipsis ay kumakapit sa “araw ng Panginoon,” na nagsimula noong 1914. (Apocalipsis 1:10) Samakatuwid ay mauunawaan nang mas malinaw ang aklat ng Apocalipsis habang lumalakad ang araw na iyon.
Ipinaliwanag ang “Nakatataas na mga Kapangyarihan”
4, 5. (a) Papaano minalas ng mga Estudyante ng Bibliya ang Roma 13:1? (b) Ano ang naunawaan nang maglaon bilang maka-Kasulatang pangmalas hinggil sa “nakatataas na mga kapangyarihan”?
4 Isang maningning na sinag ng liwanag ang nakita noong 1962 hinggil sa Roma 13:1, na nagsasabi: “Ang bawat kaluluwa ay pasakop sa nakatataas na mga kapangyarihan [“nakatataas na mga awtoridad,” Bagong Sanlibutang Salin].” (King James Version) Inakala ng unang mga Estudyante ng Bibliya na ang “nakatataas na mga kapangyarihan” na binanggit doon ay tumutukoy sa makasanlibutang mga awtoridad. Inakala nilang ang ibig sabihin ng kasulatang ito ay na kapag ang isang Kristiyano ay kinalap sa panahon ng digmaan, siya’y obligadong magsuot ng uniporme, magsakbat ng baril, at pumunta sa labanan, sa mga trintsera. Nadama na yamang hindi maaaring pumatay ng kapuwa ang isang Kristiyano, siya’y mapipilitang magpaputok ng kaniyang baril paitaas kapag wala nang magagawang paraan.a
5 Buong-linaw na ipinaliwanag ng Ang Bantayan ng Hulyo 15 at ng Agosto 1, 1963 ang paksang ito sa pagtalakay sa mga salita ni Jesus sa Mateo 22:21: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” Kaugnay nito ang sinabi ng mga apostol sa Gawa 5:29: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” Ang mga Kristiyano ay nagpapasakop kay Cesar—ang “nakatataas na mga kapangyarihan”—hangga’t hindi nito hinihiling na ang Kristiyano ay sumalungat sa batas ng Diyos. Naunawaan na ang pagpapasakop kay Cesar ay relatibo, hindi lubusan. Ibinabayad ng mga Kristiyano kay Cesar ang mga bagay na hindi salungat sa mga kahilingan ng Diyos. Ano ngang laking kasiyahan ang idinulot ng pagkaunawa hinggil sa paksang iyan!
Mga Sinag ng Liwanag sa mga Bagay Tungkol sa Organisasyon
6. (a) Upang maiwasan ang kaayusang tulad ng malaganap sa mga pamunuan ng simbahan sa Sangkakristiyanuhan, anong simulain ang sinunod? (b) Ano ang sa wakas ay naunawaan bilang tamang paraan sa pagpili ng mga mangangasiwa sa kongregasyon?
6 Nagkaroon ng suliranin hinggil sa kung sino ang nararapat maglingkod bilang matatanda at diakono sa mga kongregasyon. Upang maiwasan ang kaayusang malaganap sa mga pamunuan ng simbahan sa Sangkakristiyanuhan, napagpasiyahan na ang mga ito ay dapat na ihalal sa demokratikong paraan sa pamamagitan ng boto ng mga miyembro ng bawat kongregasyon. Ngunit ang tumitinding liwanag na taglay ng The Watchtower ng Setyembre 1 at ng Oktubre 15, 1932, ay nagpakita na walang batayan sa Kasulatan ang paghahalal ng matatanda. Kaya ang mga ito ay hinalinhan ng isang service committee, at pumili ang Samahan ng isang service director.
7. Anong pagsulong ang ibinunga ng mga sinag ng liwanag hinggil sa paraan ng paghirang sa mga lingkod sa kongregasyon?
7 Ang The Watchtower ng Hunyo 1 at ng Hunyo 15, 1938, ay naglalaman ng mga sinag ng liwanag na nagpapakitang ang mga lingkod sa kongregasyon ay hindi dapat inihahalal, kundi hinihirang, samakatuwid nga, hinihirang sa teokratikong paraan. Noong 1971 isa pang sinag ng liwanag ang nagpakita na bawat kongregasyon ay hindi dapat na pangasiwaan ng isa lamang lingkod ng kongregasyon. Sa halip, bawat isa ay nararapat magkaroon ng isang lupon ng matatanda, o mga tagapangasiwa, na inatasan ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Kaya sa pamamagitan ng tumitinding liwanag sa loob ng mahigit na 40 taon, naging maliwanag na ang matatanda gayundin ang mga diakono, na ngayon ay tinatawag na mga ministeryal na lingkod, ay nararapat hirangin ng “tapat at maingat na alipin,” sa pamamagitan ng Lupong Tagapamahala nito. (Mateo 24:45-47) Ito ay kaayon sa naganap noong panahon ng mga apostol. Hinirang ng unang-siglong lupong tagapamahala ang mga lalaking gaya nina Timoteo at Tito bilang mga tagapangasiwa. (1 Timoteo 3:1-7; 5:22; Tito 1:5-9) Lahat ng ito ay kapuna-punang katuparan ng Isaias 60:17: “Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng mga kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal; at ilalagay ko ang kapayapaan na maging iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran na maging iyong mga tagapag-atas.”
8. (a) Ang paglago ng katotohanan ay nagbunga ng anong pagsulong hinggil sa paraan ng pangangasiwa ng Samahan? (b) Ano ang mga komite ng Lupong Tagapamahala, at ano ang partikular na larangan ng gawain o pangangasiwa ng mga ito?
8 Nariyan din ang tungkol sa pangangasiwa ng Samahang Watch Tower. Sa loob ng maraming taon ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay kaugnay sa lupon ng mga direktor ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, at pangunahin nang nakasalalay sa kamay ng presidente nito ang pangangasiwa sa mga bagay-bagay. Gaya ng ipinakikita ng 1977 Yearbook of Jehovah’s Witnesses (pahina 258-9), noong 1976 ang Lupong Tagapamahala ay nagsimulang manungkulan kasama ng anim na komite, anupat bawat isa ay naatasang mag-asikaso sa ilang pitak ng pambuong-daigdig na gawain. Inaasikaso ng Personnel Committee ang mga bagay tungkol sa mga tauhan, kasali na ang kapakanan ng lahat ng naglilingkod sa pamilyang Bethel sa buong daigdig. Inaasikaso naman ng Publishing Committee ang lahat ng sekular at legal na mga bagay, tulad ng mga ari-arian at paglilimbag. Ang Service Committee ay nangangasiwa sa gawaing pagpapatotoo at sa mga naglalakbay na tagapangasiwa, payunir, at sa gawain ng mga mamamahayag ng kongregasyon. Pananagutan naman ng Teaching Committee ang may kinalaman sa mga pulong sa kongregasyon, pantanging mga araw ng asamblea, pansirkitong asamblea, gayundin ang pandistrito at pang-internasyonal na mga kombensiyon pati na ang iba’t ibang paaralan para sa espirituwal na pagtuturo sa bayan ng Diyos. Ang Writing Committee ang nangangasiwa sa paghahanda at pagsasalin ng lahat ng uri ng publikasyon, anupat tinitiyak na lahat ay kasuwato ng Kasulatan. Ang Chairman’s Committee ang nag-aasikaso ng mga biglaang kagipitan at iba pang mahahalagang bagay.b Gayundin noong mga taon ng 1970, ang mga tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower ay sinimulang pangasiwaan ng isang komite sa halip ng isang tagapangasiwa.
Liwanag Hinggil sa Kristiyanong Paggawi
9. Papaano nakaapekto ang liwanag ng katotohanan sa kaugnayan ng mga Kristiyano sa mga pamahalaan sa sanlibutan?
9 Maraming sinag ng liwanag ang may kinalaman sa Kristiyanong paggawi. Halimbawa, isaalang-alang ang tungkol sa neutralidad. Isang lalo nang maningning na sinag ng liwanag ang sumikat hinggil sa paksang ito sa artikulong “Neutrality” na lumabas sa The Watchtower ng Nobyembre 1, 1939. Napapanahon nga iyon, anupat lumabas di-natatagalan pagkatapos magsimula ang Digmaang Pandaigdig II! Binigyang-katuturan ng artikulo ang neutralidad at ipinakitang ang mga Kristiyano ay hindi dapat masangkot sa mga gawaing pulitikal o sa mga alitan sa pagitan ng mga bansa. (Mikas 4:3, 5; Juan 17:14, 16) Ito ang isang dahilan kung bakit sila kinapopootan ng lahat ng bansa. (Mateo 24:9) Walang pamarisang inilalaan ang mga pakikipaglaban ng sinaunang Israel para sa mga Kristiyano hinggil dito, gaya ng malinaw na ipinahayag ni Jesus sa Mateo 26:52. Isa pa, wala ni isang pulitikal na bansa sa ngayon ang isang teokrasya, na pinamamahalaan ng Diyos, na gaya ng sinaunang Israel.
10. Ano ang isiniwalat ng mga sinag ng liwanag hinggil sa kung papaano dapat malasin ng mga Kristiyano ang dugo?
10 Sumikat din ang liwanag hinggil sa kabanalan ng dugo. Inakala noon ng mga Estudyante ng Bibliya na ang pagbabawal hinggil sa pagkain ng dugo, sa Gawa 15:28, 29, ay pangunahin nang limitado sa mga Kristiyanong Judio. Gayunman, ipinakikita ng Gawa 21:25 na noong panahon ng mga apostol ang utos na ito ay kumapit din doon sa naging mga mananampalataya mula sa mga bansa. Kaya ang kabanalan ng dugo ay kumakapit sa lahat ng Kristiyano, gaya ng ipinakita sa The Watchtower ng Hulyo 1, 1945. Nangangahulugan iyan ng hindi lamang pagtangging kumain ng dugo ng hayop, gaya ng mga langgonisang dugo, kundi ng pag-iwas din sa dugo ng tao, gaya ng sa pagsasalin ng dugo.
11. Ano ang naunawaan hinggil sa pangmalas ng Kristiyano sa paninigarilyo?
11 Bunga ng tuminding liwanag, ang mga kaugalian na di-sinasang-ayunan lamang noong una ay itinuring na malulubhang pagkakasala nang bandang huli. Ang isang halimbawa nito ay may kinalaman sa paninigarilyo. Sa Zion’s Watch Tower ng Agosto 1, 1895, itinawag-pansin ni Brother Russell ang 1 Corinto 10:31 at 2 Corinto 7:1 at siya’y sumulat: “Hindi ko masakyan kung papaanong ito’y sa ikaluluwalhati ng Diyos, o sa kaniyang sariling kapakinabangan, na ang sinumang Kristiyano ay gagamit ng tabako sa anumang paraan.” Mula noong 1973 ay malinaw na naunawaan na walang sinumang naninigarilyo ang maaaring maging isang Saksi ni Jehova. Noong 1976 nilinaw na walang Saksi ang maaaring magtrabaho sa isang pasugalan at manatili sa kongregasyon.
Iba Pang Pagdadalisay
12. (a) Ano ang isiniwalat ng isang sinag ng liwanag tungkol sa bilang ng mga susi ng Kaharian na ipinagkatiwala kay Pedro? (b) Ano ang mga kalagayan nang gamitin ni Pedro ang bawat susi?
12 Nagkaroon din ng tuminding liwanag hinggil sa bilang ng makasagisag na mga susi na ibinigay ni Jesus kay Pedro. Nanghawakan ang mga Estudyante ng Bibliya na tumanggap si Pedro ng dalawang susi na nagbukas ng daan para sa mga tao upang maging mga tagapagmana ng Kaharian—ang isa ay para sa mga Judio, na ginamit noong Pentecostes 33 C.E., at para sa mga Gentil naman yaong isa, na ginamit una noong 36 C.E. nang mangaral si Pedro kay Cornelio. (Gawa 2:14-41; 10:34-48) Pagsapit nang panahon, nakita na may kasangkot na ikatlong grupo—ang mga Samaritano. Ginamit ni Pedro ang ikalawang susi nang buksan para sa kanila ang pagkakataon sa Kaharian. (Gawa 8:14-17) Samakatuwid, ginamit ang ikatlong susi nang mangaral si Pedro kay Cornelio.—Ang Bantayan, Abril 1, 1980, pahina 9-16, 19.
13. Ano ang isiniwalat ng mga sinag ng liwanag tungkol sa mga kulungan ng tupa na binanggit sa Juan kabanata 10?
13 Buhat sa isa pang silahis ng liwanag, naunawaan na si Jesus ay bumanggit hindi lamang ng dalawa kundi ng tatlong kulungan ng tupa. (Juan, kabanata 10) Ang mga ito ay (1) ang Judiong kulungan ng mga tupa na kung saan si Juan na Tagapagbautismo ang bantay-pinto, (2) ang kulungan ng mga pinahirang tagapagmana ng Kaharian, at (3) ang kulungan ng “ibang mga tupa,” na may makalupang pag-asa.—Juan 10:2, 3, 15, 16; Ang Bantayan, Agosto 15, 1984, pahina 10-21.
14. Papaano nilinaw ng tuminding liwanag ang mga bagay-bagay hinggil sa pasimula ng antitipikong Jubileo?
14 Nagkaroon din ng paglilinaw ang pagkaunawa tungkol sa antitipikong Jubileo. Sa ilalim ng Batas, ang bawat ika-50 taon ay isang dakilang Jubileo, na kung kailan ang mga bagay-bagay ay ibinabalik sa orihinal na mga may-ari. (Levitico 25:10) Matagal nang naunawaan na ito ay lumalarawan sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Subalit kamakailan lamang, naunawaan na ang antitipikong Jubileo ay aktuwal na nagsimula noong Pentecostes 33 C.E., nang yaong mga tumatanggap ng ibinuhos na banal na espiritu ay pinalaya buhat sa pagkaalipin sa tipang Batas Mosaiko.—Ang Bantayan, Enero 1, 1987, pahina 18-28.
Tuminding Liwanag Tungkol sa mga Termino
15. Anong liwanag ang pinasikat hinggil sa paggamit ng salitang “plano”?
15 “Humanap ang tagapisan ng kalugud-lugod na mga salita at ng pagsulat ng tamang mga salita ng katotohanan.” (Eclesiastes 12:10) Angkop na maikakapit ang mga salitang ito sa ating paksa ngayon, sapagkat sumikat ang liwanag hindi lamang tungkol sa gayong mahahalagang bagay gaya ng doktrina at paggawi kundi gayundin sa Kristiyanong mga termino at sa tumpak na kahulugan nito. Halimbawa, para sa mga Estudyante ng Bibliya, isa sa pinakamamahal na mga publikasyon ay ang unang tomo ng Studies in the Scriptures, na pinamagatang The Divine Plan of the Ages. Gayunman, nang maglaon ay natanto na binabanggit sa Salita ng Diyos na mga tao lamang ang gumagawa ng mga plano. (Kawikaan 19:21) Hindi kailanman binanggit sa Kasulatan na si Jehova ay nagpaplano. Hindi niya kailangang magplano. Anumang nilayon niya ay tiyak na magtatagumpay dahil sa kaniyang walang-hanggang karunungan at kapangyarihan, gaya ng mababasa natin sa Efeso 1:9, 10: “Ito ay ayon sa kaniyang mabuting kaluguran na nilayon niya sa kaniyang sarili ukol sa isang pangangasiwa sa hustong hangganan ng itinakdang mga panahon.” Kaya unti-unting naunawaan na ang terminong “layunin” ay mas angkop kapag ang tinutukoy ay si Jehova.
16. Ano ang unti-unting naunawaan bilang tamang pagkaunawa sa Lucas 2:14?
16 Nariyan din ang tungkol sa pagkakaroon ng mas malinaw na pagkaunawa sa Lucas 2:14. Ayon sa King James Version, ganito ang mababasa: “Luwalhati sa Diyos sa kataastaasan, at sa lupa’y kapayapaan, kabutihang-loob sa mga tao.” Naunawaan na hindi ito nagpapahayag ng tamang kaisipan, sapagkat ang kabutihang-loob ng Diyos ay hindi ipinahahayag sa mga balakyot. Kung gayon ay minalas ito ng mga Saksi bilang kapayapaan sa mga taong may kabutihang-loob ukol sa Diyos. Kaya patuloy nilang tinutukoy yaong mga interesado sa Bibliya bilang mga taong may kabutihang-loob. Subalit naunawaan noon na ang nasasangkot ay kabutihang-loob, hindi sa bahagi ng mga tao, kundi sa bahagi ng Diyos. Sa gayon, bumabanggit ang talababa ng New World Translation sa Lucas 2:14 tungkol sa “mga taong kaniyang sinasang-ayunan [ng Diyos].” Taglay ng lahat ng Kristiyanong tumutupad sa kanilang panata ng pag-aalay ang kabutihang-loob ng Diyos.
17, 18. Ano ang ipagbabangong-puri ni Jehova, at ano naman ang kaniyang pakababanalin?
17 Gayundin naman, sa loob ng mahabang panahon, bumabanggit ang mga Saksi tungkol sa pagbabangong-puri ng pangalan ni Jehova. Subalit pinag-alinlanganan ba ni Satanas ang pangalan ni Jehova? Hinggil dito, gayon ba ang ginawa ng sinuman sa mga ahente ni Satanas, na para bang si Jehova ay walang karapatan sa pangalang iyan? Hindi, talagang hindi. Hindi ang pangalan ni Jehova ang hinamon at nangangailangang ipagbangong-puri. Kaya naman ang kamakailang mga publikasyon ng Samahang Watch Tower ay hindi bumabanggit na ipinagbabangong-puri ang pangalan ni Jehova. Binabanggit ng mga ito na ipinagbabangong-puri ang soberanya ni Jehova at pinababanal ang kaniyang pangalan. Ito ay kasuwato ng sinabi sa atin ni Jesus na ipanalangin: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mateo 6:9) Paulit-ulit, sinabi ni Jehova na pakababanalin niya ang kaniyang pangalan, na hindi hinamon kundi nilapastangan naman ng mga Israelita.—Ezekiel 20:9, 14, 22; 36:23.
18 Kapansin-pansin, noong 1971, ipinakita ang ganitong kaibahan sa aklat na “The Nations Shall Know That I Am Jehovah”—How?: “Nakikipaglaban si Jesu-Kristo . . . ukol sa ikapagbabangong-puri ng pansansinukob na Soberanya ni Jehova at ukol sa ikaluluwalhati ng pangalan ni Jehova.” (Pahina 364-5) Noong 1973, ganito ang sabi ng God’s Kingdom of a Thousand Years Has Approached: “Ang dumarating na ‘malaking kapighatian’ ay siyang panahon para sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat na si Jehova upang ipagbangong-puri ang kaniyang pansansinukob na soberanya at upang pakabanalin ang kaniyang marangal na pangalan.” (Pahina 409) Pagkatapos, noong 1975, ganito ang sabi ng Man’s Salvation Out Of World Distress at Hand!: “Kung magkagayon ay magaganap na ang pinakadakilang pangyayari sa kasaysayan ng sansinukob, ang pagbabangong-puri ng pansansinukob na soberanya ni Jehova at ang pagpapabanal sa kaniyang sagradong pangalan.”—Pahina 281.
19, 20. Papaano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa mga sinag ng espirituwal na liwanag?
19 Pinagpala nga ang bayan ni Jehova sa pagtatamasa ng ganitong espirituwal na liwanag! Ibang-iba naman ang sinabi ng isang klerigo na nagpapahiwatig ng espirituwal na kadilimang kinasasadlakan ng mga lider ng Sangkakristiyanuhan: “Bakit may pagkakasala? Bakit may pagdurusa? Bakit may diyablo? Ito ang ibig kong itanong sa Panginoon kapag umakyat na ako sa langit.” Subalit masasabi sa kaniya ng mga Saksi ni Jehova kung bakit: Dahil sa usapin tungkol sa pagiging nararapat ng soberanya ni Jehova at sa hamon kung makapananatiling tapat sa Diyos ang mga tao sa kabila ng pagsalansang ng Diyablo.
20 Sa paglipas ng mga taon, malalaki at maliliit na sinag ng liwanag ang tumatanglaw sa landas ng mga nag-alay na lingkod ni Jehova. Ito ay siyang katuparan ng mga kasulatan gaya ng Awit 97:11 at Kawikaan 4:18. Ngunit huwag nating kalimutan na ang paglakad sa liwanag ay nangangahulugan ng pagpapahalaga sa tuminding liwanag at pamumuhay na kasuwato niyaon. Gaya nang naunawaan natin, nasasangkot sa tuminding liwanag na ito kapuwa ang ating paggawi at ang ating atas na mangaral.
[Mga talababa]
a Bilang reaksiyon sa pangmalas na ito, ipinakahulugan ng The Watch Tower ng Hunyo 1 at ng Hunyo 15, 1929, ang “nakatataas na mga kapangyarihan” bilang ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo. Pangunahin nang ito ang pangmalas na itinuwid noong 1962.
b Ipinatalastas ng Ang Bantayan ng Abril 15, 1992, na may piniling mga kapatid na lalaki ng “ibang mga tupa” na inatasang tumulong sa mga komite ng Lupong Tagapamahala, anupat ang mga ito’y katumbas ng mga Netineo noong kaarawan ni Ezra.—Juan 10:16; Ezra 2:58.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong liwanag ang pinasikat hinggil sa pagpapasakop sa “nakatataas na mga kapangyarihan”?
◻ Anu-anong pagsulong sa organisasyon ang ibinunga ng mga sinag ng liwanag?
◻ Papaano naapektuhan ng tuminding liwanag ang Kristiyanong paggawi?
◻ Anu-anong pagdadalisay ang idinulot ng espirituwal na liwanag hinggil sa ating pagkaunawa ng ilang punto sa Kasulatan?
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Mga susi sa pahina 24: Guhit batay sa larawang kuha sa Cooper-Hewitt, National Design Museum, Smithsonian Institution