Ang “Asawa ng Iyong Kabataan”
“ANG pangangalunya ay halos kagaya ng isang araw-araw na pangyayari.” Ganiyan ang sabi ng maraming dalubhasa, sang-ayon sa Los Angeles Times. Nagtataka ka ba sa ganiyang pangungusap? Gayumpaman, tinataya ng sikayatristang si Frank Pittman na mga 50 porsiyento ng mga asawang lalaki at mula sa 30 porsiyento hanggang sa 40 porsiyento ng mga asawang babae ang hindi naging tapat. Kung totoo iyan, halos kalahati ng lahat ng may-asawa ang nangangalunya!
Ibig bang sabihin na ayos lang ang imoralidad? Hinding-hindi! Hindi dahil sa laganap ang pangangalunya ay matuwid na gawin iyon—gaya rin ng kung malaganap ang krimen sa mga lansangan ay tama naman na nakawan mo ang sinuman. Ang imoralidad ay pumipinsala. Halimbawa, ang sangkatauhan sa ngayon ay dinaraanan ng salot ng mapanganib na mga sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik at pawang madaling masusupil kung ang mga tao ay may malinis na pamumuhay. Ang pumapatay na sakit na AIDS ay hindi sana nagkaugat dito nang malalim gaya ngayon kung ang mga tao ay hindi naging napakaluwag sa kanilang seksuwal na pakikitungo.
Isa pa, ang mga taong sanay sa kamunduhan at “edukado” ay lubhang nasasaktan pagka ang kanilang mga kabiyak ay nagtataksil. Ang isang gawang pagtataksil ay maaaring maging sanhi ng mga sugat na nangangailangan ng mahabang panahon upang gumaling.
Datapuwat, pinakamahalagang maalaman na ang hindi lubusang pagtupad sa panata ng pag-aasawa ay isang malaking paglapastangan sa Diyos, yamang siya ang Autor ng pag-aasawa. Sinasabi ng Bibliya: “Hayaang ang pag-aasawa ay maging marangal sa lahat.” Tayo’y binababalaan din: “Hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.”—Hebreo 13:4.
Sa gayon, ang mga pantas ay makikinig sa kinasihang pananalita: “Makigalak ka sa asawa ng iyong kabataan.” (Kawikaan 5:18) Sila’y humahanap ng kaligayahan at kasiyahan sa pakikisama sa kani-kanilang asawa. Sa paggawa ng gayon kanilang iniingatan ang kanilang pisikal at emosyonal na kalusugan, at pinakamahalaga, kanilang dinudulutan ng karangalan ang dakilang Autor ng pag-aasawa, ang Diyos na Jehova.