ARALIN 41
Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Sex?
Naiilang ang maraming tao na pag-usapan ang tungkol sa sex. Pero kapag tinatalakay ng Bibliya ang sex, prangka ito at deretso sa punto, pero may dignidad. Ang totoo, makakatulong sa atin ang sinasabi ng Bibliya. At tama naman, kasi si Jehova ang lumalang sa atin kaya alam niya ang pinakamabuti para sa atin. Sinasabi niya ang mga dapat nating gawin para mapasaya siya at ang makakatulong sa atin para mabuhay magpakailanman.
1. Ano ang pananaw ni Jehova sa sex?
Ang sex ay regalo ni Jehova. Iniregalo niya ito para masiyahan ang mag-asawang lalaki at babae. Dahil sa regalong ito, puwede silang magkaanak at maipapadama nila na mahal nila ang isa’t isa. Nagbibigay rin ito ng kaligayahan sa kanila. Kaya sinasabi ng Salita ng Diyos: “Masiyahan ka nawa sa iyong asawa mula pa noong kabataan mo.” (Kawikaan 5:18, 19) Inaasahan ni Jehova na magiging tapat sa isa’t isa ang mga Kristiyanong mag-asawa, at ayaw niya na mangalunya sila.—Basahin ang Hebreo 13:4.
2. Ano ang seksuwal na imoralidad?
Sinasabi ng Bibliya na “hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos . . . ang mga imoral.” (1 Corinto 6:9, 10) Ginamit ng mga manunulat ng Bibliya ang salitang Griego na por·neiʹa para tumukoy sa seksuwal na imoralidad. Kasama rito ang (1) seksuwal na ugnayana ng hindi mag-asawa, (2) homoseksuwalidad, at (3) bestiyalidad. Mapapasaya natin si Jehova at makikinabang tayo kapag “umiwas [tayo] sa seksuwal na imoralidad.”—1 Tesalonica 4:3.
PAG-ARALAN
Alamin kung paano iiwasan ang seksuwal na imoralidad at kung paano tayo makikinabang kapag malinis tayo sa moral.
3. Tumakas mula sa seksuwal na imoralidad
Sinikap ng tapat na lalaking si Jose na manatiling malinis sa moral. Basahin ang Genesis 39:1-12. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit tumakas mula sa imoralidad si Jose?—Tingnan ang talata 9.
Sa tingin mo, tama kaya ang ginawa ni Jose? Bakit?
Paano matutularan ng mga kabataan sa ngayon ang ginawa ni Jose? Panoorin ang VIDEO.
Gusto ni Jehova na tanggihan natin ang imoralidad. Basahin ang 1 Corinto 6:18. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Anong mga sitwasyon ang puwedeng mauwi sa seksuwal na imoralidad?
Paano ka tatakas mula sa seksuwal na imoralidad?
4. Kaya mong labanan ang tukso
Bakit mahirap kung minsan na labanan ang tuksong gumawa ng seksuwal na imoralidad? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Nang mapansin ng brother na ang iniisip at ginagawa niya ay puwedeng mauwi sa pagtataksil sa asawa niya, ano ang ginawa niya?
Kahit ang isang tapat na Kristiyano ay puwedeng mahirapan na magkaroon ng malinis na kaisipan. Paano mo maiiwasang patuloy na mag-isip ng imoral na mga bagay? Basahin ang Filipos 4:8. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Anong mga bagay ang dapat nating pag-isipan?
Paano makakatulong ang pagbabasa ng Bibliya at pagiging abala sa paglilingkod kay Jehova para maiwasan ang tuksong magkasala?
5. Matutulungan tayo ng mga pamantayan ni Jehova
Alam ni Jehova ang pinakamaganda para sa atin. Sinasabi niya ang mga dapat nating gawin para manatili tayong malinis sa moral pati na ang mga pakinabang nito. Basahin ang Kawikaan 7:7-27 o panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Paano pumasok sa isang nakakatuksong sitwasyon ang isang kabataang lalaki?—Tingnan ang Kawikaan 7:8, 9.
Ayon sa Kawikaan 7:23, 26, ang seksuwal na imoralidad ay nagiging dahilan ng malalaking problema. Kung mananatili tayong malinis sa moral, anong mga problema ang maiiwasan natin?
Paano tayo matutulungan ng pagiging malinis sa moral na mabuhay magpakailanman?
Iniisip ng ilang tao na ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa homoseksuwalidad ay hindi pagpapakita ng pag-ibig. Pero si Jehova ay Diyos ng pag-ibig, at gusto niya na mabuhay tayong lahat magpakailanman. Para mangyari iyan, kailangan nating sundin ang mga pamantayan niya. Basahin ang 1 Corinto 6:9-11. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ang homoseksuwal na pagnanasa lang ba ang mali sa pananaw ng Diyos?
Para mapasaya ang Diyos, kailangan nating gumawa ng mga pagbabago. Sulit ba ito? Basahin ang Awit 19:8, 11. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Sa tingin mo, makatuwiran ba ang mga pamantayan ni Jehova sa moral? Bakit?
MAY NAGSASABI: “Okey lang mag-sex basta mahal ninyo ang isa’t isa.”
Paano mo ito sasagutin?
SUMARYO
Ang sex ay regalo ni Jehova para maging masaya ang isang mag-asawa.
Ano ang Natutuhan Mo?
Ano ang kasama sa seksuwal na imoralidad?
Ano ang makakatulong sa atin na maiwasan ang seksuwal na imoralidad?
Paano tayo makikinabang kung susunod tayo sa mga pamantayan ni Jehova sa moral?
TINGNAN DIN
Alamin kung bakit mahalaga kay Jehova na magpakasal ang isang lalaki at babae na gustong mag-asawa.
“Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pagli-live-in?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Sinasabi ng Bibliya na mali ang homoseksuwalidad, pero hindi nito itinuturo na magalit tayo sa mga taong homoseksuwal. Alamin kung bakit.
Alamin kung paano tayo napoprotektahan ng mga utos ng Diyos tungkol sa lahat ng seksuwal na gawain.
“Maituturing Bang Sex ang Oral Sex?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Sa kuwentong “Pinakitunguhan Nila Ako Nang May Dignidad,” alamin kung bakit nagbago ang isang dating homoseksuwal.
“Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” (Ang Bantayan, Abril 1, 2011)
a Kasama sa ipinagbabawal na ugnayang ito ang mga gawain gaya ng pakikipag-sex, oral sex, anal sex, at paghimas sa ari ng iba.