KAMBING
Isang mamalya na ngumunguya ng dating kinain at may hungkag na mga sungay at kadalasa’y mahahabang tuwid na balahibo. Maraming terminong Hebreo at Griego ang ginagamit upang tumukoy sa mga lalaki at babaing kambing at sa kanilang supling. Ang karaniwang terminong Hebreo para sa “kambing” ay ʽez. (Lev 3:12) May isa pang terminong Hebreo para sa kambing (sa·ʽirʹ) na literal na nangangahulugang “mabalahibo.” (Ihambing ang Gen 27:11, kung saan isinaling “mabalahibo” ang isang salita na ang anyo at salitang-ugat ay kapareho ng sa·ʽirʹ.) Ang lalaking lider ng kawan ng mga kambing ay tinutukoy ng terminong Hebreo na ʽat·tudhʹ, na isinalin bilang “kambing na lalaki.” (Bil 7:17; ihambing ang Jer 50:8, tlb sa Rbi8.) Ginamit ang terminong ito sa makasagisag na paraan upang tumukoy sa mga tagapamahala o mga lider, at isinaling “mga tulad-kambing na lider.” (Isa 14:9; Zac 10:3) Ang mga salitang Griego para sa “kambing” ay traʹgos at eʹri·phos.—Mat 25:32; Heb 9:12, 13.
Ang Syrian goat (Capra hircus mambrica), na kilalá dahil sa mahahaba at bagsak na mga tainga at mga sungay na kumukurbang patalikod, ang pangkaraniwang lahi sa Palestina. Kadalasan, ang mga kambing na ito ay maiitim, at bihira ang mga batik-batik. (Gen 30:32, 35) Ang mga kambing na lalaki ay kasama sa mga ipinangangalakal ng Tiro.—Eze 27:21.
Noong panahon ng Bibliya, may malalaking kawan ng mga kambing. Halimbawa, si Nabal ay may 1,000 kambing. (1Sa 25:2, 3) Kasama sa kaloob ni Jacob kay Esau ang 200 kambing na babae at 20 kambing na lalaki. (Gen 32:13, 14) Ang mga Arabe ay nagdala ng 7,700 kambing na lalaki kay Haring Jehosapat ng Juda.—2Cr 17:11.
Sa mga Hebreo, ang kambing ay napakahalaga. (Kaw 27:26) Naglaan ito sa kanila ng gatas, at mula naman dito ay makagagawa sila ng mantikilya at keso. (Kaw 27:27) Ang karne nito, lalo na yaong sa batang kambing, ay kinakain. (Gen 27:9; Deu 14:4; Huk 6:19; 13:15; Luc 15:29) At para sa Paskuwa, maaaring gamitin ang alinman sa isang isang-taóng-gulang na lalaking tupa o kambing. (Exo 12:5) Ang balahibo ng kambing, na ginagawang kayo, ay ginamit sa iba’t ibang paraan. (Bil 31:20) Ang “mga tolda ng Kedar” ay posibleng gawa sa balahibo ng itim na kambing (Sol 1:5), at ginamit din ang balahibo ng kambing sa pagtatayo ng tabernakulo. (Exo 26:7; 35:26) Ang mga balat ng kambing ay ginagawang sisidlan (tingnan ang Gen 21:15) at ginagamit ding pananamit, gaya ng ginawa ng ilang pinag-usig na mga saksi ni Jehova bago ang panahong Kristiyano.—Heb 11:37.
Ipinagbawal ng Kautusang Mosaiko ang pagkain ng taba ng kambing na inihandog bilang hain (Lev 7:23-25), at ipinagbawal din nito ang pagpapakulo ng isang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina.—Exo 23:19; 34:26; Deu 14:21; tingnan ang GATAS.
Ang kambing ay ginagamit sa paghahain. Inihahandog ito bilang handog na sinusunog (Lev 1:10; 22:18, 19), haing pansalu-salo (Lev 3:6, 12), handog ukol sa kasalanan (Ezr 8:35), at handog ukol sa pagkakasala (Lev 5:6). Ang bawat panganay sa mga kambing ay dapat ihain, ngunit maaari lamang itong ihain kapag nakawalong araw na ito. (Lev 22:27; Bil 18:17) Isang babaing kambing na nasa unang taon nito (o, isang babaing kordero) ang itinakdang handog ukol sa kasalanan para sa isang tao na hindi saserdote o pinuno. (Lev 4:28, 32) May mga panahong inihahain ang mga kambing bilang mga handog ukol sa kasalanan para sa bansang Israel sa kabuuan. (Lev 23:19; Bil 28:11, 15, 16, 22, 26-30; 29:1-39; 2Cr 29:20-24; Ezr 6:17) Isang batang lalaking kambing ang nagsisilbing handog ukol sa kasalanan para sa isang pinuno. (Lev 4:22-26) Kapag Araw ng Pagbabayad-Sala, dalawang kambing ang ginagamit. Ang isa ay inihahain bilang handog ukol sa kasalanan para sa 12 di-Levitang mga tribo, at ang isa naman ay itinatalaga para kay “Azazel” at pinakakawalan sa ilang. (Lev 16:1-27; tingnan ang AZAZEL; PAGBABAYAD-SALA, ARAW NG.) Sabihin pa, ang mga kambing na iyon na inihandog bilang hain ay hindi naman talaga makapag-aalis ng mga kasalanan, ngunit lumalarawan ang mga iyon sa hain ni Jesu-Kristo na tunay na nakapagbabayad-sala.—Heb 9:11-14; 10:3, 4.
Makasagisag at Makahulang Paggamit. Ang buhok ng babaing Shulamita ay inihalintulad sa kawan ng mga kambing. Marahil ay tumutukoy ito sa kinang at kintab ng kaniyang maitim na buhok o sa kapal at lago niyaon. (Sol 4:1; 6:5) Kung ihahambing sa hukbo ng mga Siryano, ang maliit na hukbo ng Israel ay inihalintulad sa “dalawang maliliit na kawan ng mga kambing.” (1Ha 20:27) Ginamit ang mga kambing upang sumagisag sa mga tao, kadalasa’y mga taong sumasalansang kay Jehova. (Isa 34:6, 7; ihambing ang Jer 51:40; Eze 34:17; Zac 10:3.) Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga tupa at mga kambing, ang mga kambing ay kumakatawan sa mga tao na tumatangging gumawa ng mabuti sa pinakamababa sa kaniyang mga kapatid.—Mat 25:31-46.
Ang kambing na lalaki sa hula ni Daniel ay kumakatawan sa Kapangyarihang Pandaigdig ng Gresya (o Gresya-Macedonia). (Dan 8:5-8, 21) Hinggil dito, ganito ang komento ng The Imperial Bible-Dictionary (inedit ni P. Fairbairn, London, 1874, Tomo I, p. 664): “Kawili-wiling malaman na ito [ang kambing] ay kinikilala mismo ng mga taga-Macedonia bilang sagisag ng kanilang bansa. Umiiral pa rin ang mga bantayog na kakikitaan ng sagisag na ito, gaya ng isa sa mga haligi sa Persepolis, kung saan ipinakikita ang isang kambing na may isang malaking sungay sa noo nito, at isang Persiano ang nakahawak sa sungay, na nagpapahiwatig ng pananakop ng Persia sa Macedon” (na naisagawa ng mga Persiano noong pagtatapos ng ikaanim na siglo B.C.E.).
Kambing-Bundok, Mailap na Kambing. Karaniwang inuunawa na ang katawagang Hebreo na yeʽe·limʹ, na isinaling “mga kambing-bundok” (NW) at “maiilap na kambing” (KJ), ay tumutukoy sa Nubian ibex (Capra ibex nubiana), isang mailap na kambing na nakatira sa bundok at may malalaking sungay na kumukurbang patalikod at maraming gatla. Hiyang na hiyang ito sa matataas na bundok (Aw 104:18), kung saan tumatakbo ito nang walang kahirap-hirap sa baku-bakong malalaking bato at makikitid na gilid ng bundok. Sa panahon ng kanilang pagbubuntis, ang mga kambing na ito ay humahanap ng mga dakong hindi madaling makita ng tao. Maaaring ito ang tinutukoy ng tanong na nasa Job 39:1, na nagpapahiwatig na hindi kailangan ng mga nilalang na ito ang tulong ng tao, anupat nagsisilang sila ng kanilang mga anak nang di-nakikita ng tao.
Binabanggit ng ulat sa 1 Samuel kabanata 24 na tinugis ni Saul si David sa mabatong dako ng En-gedi (nangangahulugang “Bukal ng Batang Kambing”) sa kanluraning panig ng Dagat na Patay. Hinanap ng mga manunugis si David at ang kaniyang mga tauhan sa “mga hantad na bato ng mga kambing-bundok.” (1Sa 24:2) Ipinahihiwatig nito na sa rehiyong iyon nakatira ang mga kambing-bundok. Nitong makabagong panahon lamang ay may nakikita pang ibex doon.
Ang pambabaing anyong Hebreo na ya·ʽalahʹ ay ginamit sa Kawikaan 5:18, 19. Dito, ang asawang babae ay inihalintulad sa isang “mapanghalinang kambing-bundok,” anupat posibleng tinutukoy ang kagandahan ng hayop na ito.
Sa Deuteronomio 14:4, 5, kung saan binanggit ang mga hayop na maaaring kainin, ang salitang Hebreo na ʼaq·qohʹ ay isinaling “mailap na kambing.” (AS, KJ, NW, RS) Maraming iskolar ang naniniwala na maaaring ang ʼaq·qohʹ ay tumutukoy rin sa hayop na yeʽe·limʹ, samakatuwid nga, ang Nubian ibex.