Makapananatili Kang Malinis sa Isang Imoral na Daigdig
ANG lalaki ay kayumanggi at guwapo. Ang babae nama’y matalino at maganda. Nagtatrabaho sila sa iisang kompanya. Pinagpapakitaan niya ang lalaki nang labis-labis na personal na atensiyon. Kaniya namang pinapupurihan ang babae. Nagreregalo sila sa isa’t isa. Hindi nagtagal at naging magkasintahan sila. Iniwan ng lalaki ang kaniyang asawa dahil sa kaniya. Ang babae naman, sa dakong huli, ay nagpasiya na manatili sa kaniyang asawa at tapusin na ang relasyon. May pagkabantulot na sinubukan ng lalaki na bumalik sa kaniyang asawang babae. Gayunman, palibhasa’y hindi tunay na nagsisisi, hindi sila nagkabalikan. Lahat ng mga nasangkot ay nagpatuloy sa kanilang buhay, bagaman nasaktan.
Ang kalinisang-asal sa sekso ay hindi na itinuturing na isang kagalingan sa daigdig na ito. Ang paghahangad ng kaluguran at kasiyahan nang walang pagpipigil ay lumilitaw na pangkaraniwan na. Sinabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang pangangalunya ay tila kasing-uso at, sa ilang mga kalagayan, kasingkaraniwan ng kasal.”
Gayunman, ninanais ng Diyos na Jehova na ang pag-aasawa ay maging ‘marangal sa gitna ng lahat’ at ang higaang pangmag-asawa ay maging “walang dungis.” (Hebreo 13:4) Ang Kasulatan ay nagpahayag: “Huwag kayong palíligaw. Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki . . . ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Kung gayon, upang tamasahin ang lingap ng Diyos kailangang panatilihin natin ang moral na kalinisan sa imoral na daigdig na ito.
Paano natin maipagsasanggalang ang ating mga sarili mula sa nagpapasamang mga impluwensiya na nakapalibot sa atin? Sa ika-5 kabanata ng aklat ng Kawikaan sa Bibliya, inilalaan ni Haring Solomon ng sinaunang Israel ang mga kasagutan. Suriin natin kung ano ang sasabihin niya.
Kakayahang Mag-isip na Magsasanggalang sa Iyo
“Anak ko, bigyang-pansin mo ang aking karunungan,” ang pagsisimula ng hari ng Israel. Idinagdag niya: “Ikiling mo ang iyong pandinig sa aking kaunawaan, upang mabantayan mo ang kakayahang mag-isip; at ingatan nawa ng iyong mga labi ang kaalaman.”—Kawikaan 5:1, 2.
Upang malabanan ang mga tukso tungo sa imoralidad, kailangan natin ang karunungan—ang kakayahang gamitin ang maka-Kasulatang kaalaman—at kaunawaan, o ang kapangyarihang makilala ang tama sa mali at pumili ng tamang landasin. Tayo ay hinihimok na magbigay-pansin sa karunungan at kaunawaan upang mabantayan ang ating kakayahang mag-isip. Paano ba natin magagawa ito? Kapag nag-aaral tayo ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, kailangang bigyang pansin natin ang paraan ng pagsasagawa ni Jehova ng mga bagay-bagay at ikiling ang ating pakinig sa kaniyang kalooban at mga layunin. Sa paggawa nito, aakayin natin ang mga paraan ng ating pag-iisip sa tamang mga alulod. Sa gayon ay makakasuwato ng natamong kakayahang mag-isip ang makadiyos na karunungan at kaalaman. Kapag ginamit nang wasto, ipagsasanggalang tayo ng kakayahang ito na huwag masilo ng imoral na mga panrarahuyo.
Mag-ingat sa Matamis na Dila
Ang dahilan kung bakit mahalaga ang kakayahang mag-isip sa pagpapanatili ng moral na kalinisan sa isang di-malinis na sanlibutan ay sapagkat ang mga paraan ng isang imoral na tao ay nakararahuyo. Si Solomon ay nagbabala: “Sapagkat ang mga labi ng di-kilalang babae ay tumutulo na gaya ng bahay-pukyutan, at ang kaniyang ngalangala ay mas madulas kaysa sa langis. Ngunit ang idudulot niya ay kasimpait ng ahenho; ito ay kasintalas ng tabak na may dalawang talim.”—Kawikaan 5:3, 4.
Sa kawikaang ito, ang suwail na tao ay inilarawan bilang “di-kilalang babae”—isang patutot.a Ang mga pananalitang ipinanrarahuyo niya sa kaniyang biktima ay kasintamis ng pulot ng bahay-pukyutan at mas madulas kaysa sa langis ng olibo. Hindi ba sa ganitong paraan nagsisimula ang karamihan sa mga mungkahi sa sekso? Halimbawa, isaalang-alang ang karanasan ng isang kaakit-akit na 27-anyos na sekretarya na nagngangalang Amy. Isinalaysay niya: “Ang lalaking ito sa trabaho ay nag-uukol sa akin ng labis na pansin at pinupuri ako sa bawat pagkakataon. Nakasisiya ang mapansin. Ngunit nakikita kong maliwanag na sekso lamang ang kaniyang interes sa akin. Hindi ako palilinlang sa kaniyang mga mungkahi.” Ang labis na mga papuri ng isang lalaki o babae na nanrarahuyo ay kadalasang kahali-halina malibang matanto natin ang tunay na dahilan sa mga ito. Dahil dito ay kailangan nating gamitin ang ating kakayahang mag-isip.
Ang mga epekto ng imoralidad ay kasimpait ng ahenho at kasintalas ng tabak na may dalawang talim—masakit at nakamamatay. Ang isang bagbag na budhi, di-ninanais na pagdadalang-tao, o sakit na naililipat sa pagtatalik ay kadalasang mapapait na bunga ng gayong paggawi. At isip-isipin ang matinding sakit ng damdamin na nararanasan ng asawa ng isang di-tapat na indibiduwal. Ang isang gawa ng kataksilan ay maaaring lumikha ng mga sugat na lubhang malalim anupat maaaring manatili habang buhay. Oo, nakasasakit ang imoralidad.
Sa pagkokomento sa istilo ng buhay ng isang suwail na babae, ang matalinong hari ay nagpatuloy: “Ang kaniyang mga paa ay bumababa sa kamatayan. Ang kaniyang mga hakbang ay nakakapit sa Sheol. Ang landas ng buhay ay hindi niya dinidili-dili. Ang kaniyang mga lakad ay gumagala-gala nang hindi niya nalalaman kung saan.” (Kawikaan 5:5, 6) Ang mga landasin ng imoral na babae ay umaakay sa kaniya sa kamatayan—ang kaniyang mga hakbang ay patungo sa Sheol, ang karaniwang libingan ng sangkatauhan. Sa pagiging laganap ng mga sakit na naililipat sa pagtatalik, lalo na ang AIDS, ano ngang pagkatotoo ng mga pananalitang ito! Ang kalalabasan niya ay kagaya niyaong mga sumasama sa kaniya sa kaniyang tusong mga landas.
Taglay ang taos-pusong pagkabahala, ang hari ay humihimok: “Kaya ngayon, O mga anak, makinig kayo sa akin at huwag kayong humiwalay sa mga pananalita ng aking bibig. Ilayo mo sa kaniya ang iyong lakad, at huwag kang lumapit sa pasukan ng kaniyang bahay.”—Kawikaan 5:7, 8.
Kailangan nating lumayo hangga’t maaari mula sa impluwensiya ng imoral na mga tao. Bakit natin ilalantad ang ating mga sarili sa kanilang mga landas sa pamamagitan ng pakikinig sa nakasasamang musika, panonood ng nakasasamang libangan, o paghahantad ng ating mga sarili sa pornograpikong materyal? (Kawikaan 6:27; 1 Corinto 15:33; Efeso 5:3-5) At ano ngang kamangmangan na tawagin ang kanilang pansin sa pamamagitan ng pakikipagligaw-biro o sa pamamagitan ng pagiging di-mahinhin sa pananamit at pag-aayos!—1 Timoteo 4:8; 1 Pedro 3:3, 4.
Napakalaking Kabayaran
Sa anong iba pang kadahilanan dapat tayong lumayong mabuti mula sa isang suwail na tao? Sumagot si Solomon: “Upang hindi mo maibigay sa iba ang iyong dangal, ni ang iyong mga taon sa bagay na malupit; upang hindi magpakabusog sa iyong kalakasan ang mga di-kilala, ni ang mga bagay na pinaghirapan mo ay mapasabahay ng banyaga, ni kakailanganin mo mang dumaing sa iyong kinabukasan kapag ang iyong laman at ang iyong katawan ay sumapit sa kawakasan.”—Kawikaan 5:9-11.
Idiniriin kung gayon ni Solomon ang malaking kabayaran ng pagpapadala sa imoralidad. Ang pangangalunya at pagkawala ng dignidad, o respeto sa sarili, ay magkaakibat. Hindi ba’t talagang kahiya-hiya na magsilbing parausan lamang ng ating sariling imoral na pita o niyaong sa iba? Hindi ba’t pagpapakita ng kawalan ng respeto sa sarili na makipagtalik sa isa na hindi natin asawa?
Gayunman, ano ang kabilang sa ‘pagbibigay ng ating mga taon, kalakasan, at ang bunga ng ating mga pagpapagal sa mga di-kilala, o mga banyaga’? Isang akdang reperensiya ang nagsabi: “Ang punto ng mga talatang ito ay maliwanag: Ang kabayaran ng kataksilan ay maaaring napakalaki; sapagkat ang lahat ng pinagpagalan ng isa—posisyon, kapangyarihan, kasaganaan—ay maaaring mawala alinman sa pamamagitan ng masakim na mga kahilingan ng babaing iyon o ng paghiyaw ng lipunan para sa bayad-pinsala.” Napakalaki ng kabayaran ng imoral na kaugnayan!
Palibhasa naiwala na niya ang kaniyang dignidad at naubos na ang kaniyang mga kabuhayan, ang isang mangmang na tao ay daraing, na sinasabi: “Ano’t kinapootan ko ang disiplina at winalang-galang ng aking puso ang saway! At hindi ako nakinig sa tinig ng aking mga tagapagturo, at sa aking mga guro ay hindi ko ikiniling ang aking pandinig. Ako ay madaling napasangkot sa bawat uri ng kasamaan sa gitna ng kongregasyon at ng kapulungan.”—Kawikaan 5:12-14.
Sa kalaunan, ipahahayag ng nagkasala ang tinatawag ng isang iskolar na “isang mahabang litanya ng mga ‘kung sana lamang’: kung sana lamang nakinig ako sa aking ama; kung sana lamang hindi ako naging mapagsarili; kung sana lamang pinakinggan ko ang payo ng iba.” Gayunman, huli na ang pagkatantong ito. Ang hindi na malinis na buhay ngayon ng indibiduwal ay nasira na at ang kaniyang reputasyon ay nadungisan. Kay halaga ngang isaalang-alang natin ang malaking kabayaran ng paggawa ng imoralidad bago tayo mapasadlak dito!
“Uminom Ka ng Tubig Mula sa Iyong Sariling Imbakang-Tubig”
Tahimik ba ang Bibliya tungkol sa seksuwal na relasyon? Hindi naman. Ang damdamin ng romantikong pag-ibig at ang masidhing kagalakan na tinatamasa sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay mga kaloob mula sa Diyos. Gayunman, ang matalik na kaugnayang ito ay dapat na tamasahin lamang ng mga mag-asawa. Kaya sa isang lalaking may-asawa, ibinibigay ni Solomon ang payong ito: “Uminom ka ng tubig mula sa iyong sariling imbakang-tubig, at ng mga patak mula sa loob ng iyong sariling balon. Dapat bang mangalat sa labas ang iyong mga bukal, ang iyong mga daloy ng tubig sa mga liwasan? Maging para sa iyo lamang ang mga iyon, at hindi para sa mga ibang taong kasama mo.”—Kawikaan 5:15-17.
Ang “iyong sariling imbakang-tubig” at ang “iyong sariling balon” ay makatang mga kapahayagan para sa isang minamahal na asawang babae. Ang pagkakaroon ng kasiyahan sa pagtatalik sa piling niya ay inihahalintulad sa nakarerepreskong tubig. Hindi tulad ng suplay ng tubig sa mga pampublikong dako, ang isang imbakang-tubig o isang balon ay itinuturing na pribadong pag-aari. At ang lalaki ay pinapayuhang magkaroon ng mga anak sa tahanan na kasama ng kaniyang asawang babae sa halip na mangalat ang kaniyang binhi sa mga liwasan, iyon ay, sa ibang mga babae. Maliwanag, ang payo sa isang lalaki ay na maging tapat sa kaniyang asawa.
Nagpatuloy ang matalinong tao: “Pagpalain nawa ang iyong bukal ng tubig, at magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan, isang kaibig-ibig na babaing usa at mapanghalinang kambing-bundok. Magpakalango ka sa kaniyang mga dibdib sa lahat ng panahon. Sa kaniyang pag-ibig ay lagi kang magtamasa ng masidhing ligaya.”—Kawikaan 5:18, 19.
Ang “bukal ng tubig,” o balong, ay tumutukoy sa pinagmumulan ng seksuwal na kasiyahan. Ang kasiyahan sa pagtatalik sa piling ng asawa ng isa ay “pinagpala”—bigay-Diyos. Kaya, ang isang lalaki ay pinapayuhan na magsaya sa asawa ng kaniyang kabataan. Para sa kaniya, siya ay kaibig-ibig at maganda na gaya ng isang babaing usa, at kahali-halina at magandang kumilos na gaya ng isang kambing-bundok.
Sumunod ay nagbangon si Solomon ng dalawang retorikong katanungan: “Kaya anak ko, bakit ka magtatamasa ng masidhing ligaya sa ibang babae o yayakap ka sa dibdib ng di-kilalang babae?” (Kawikaan 5:20) Oo, bakit nga ba magpapaakit ang isang taong may-asawa na makipagtalik sa hindi niya asawa sa pamamagitan ng mga kakilala sa lugar ng trabaho, sa paaralan, o sa ibang dako?
Sa mga Kristiyanong may-asawa, ibinigay ni apostol Pablo ang payong ito: “Sinasabi ko ito, mga kapatid, ang panahong natitira ay pinaikli. Mula ngayon yaong mga may asawang babae ay maging para bang sila ay wala.” (1 Corinto 7:29) Ano ang kasangkot dito? Buweno, ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay dapat na ‘patuloy na hanapin muna ang kaharian.’ (Mateo 6:33) Kung gayon, ang mga mag-asawa ay hindi dapat labis na mahumaling sa isa’t isa anupat kanilang inilalagay sa pangalawang dako ang mga kapakanang pang-Kaharian sa kanilang buhay.
Pangangailangang Magpigil-sa-Sarili
Ang mga seksuwal na pagnanasa ay maaaring kontrolin. Kailangang gawin ito niyaong mga nagnanais ng pagsang-ayon ni Jehova. “Ito ang kalooban ng Diyos, ang pagpapabanal sa inyo, na kayo ay umiwas sa pakikiapid; na ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano aariin ang kaniyang sariling sisidlan [ang kaniyang sariling katawan] sa pagpapabanal at karangalan,” ang paalaala ni apostol Pablo.—1 Tesalonica 4:3, 4.
Kung gayon, ang mga kabataan ay hindi dapat magmadali sa pag-aasawa kapag una nilang naranasan ang pagkapukaw ng seksuwal na mga simbuyo. Ang pag-aasawa ay nangangailangan ng pangako, at ang pagtupad sa gayong pananagutan ay humihiling ng pagkamaygulang. (Genesis 2:24) Mas mabuti ang maghintay hanggang ang isa ay “lampas na sa kasibulan ng kabataan”—ang yugto kapag ang seksuwal na mga damdamin ay malakas at maaaring pumilipit sa pagpapasiya ng isa. (1 Corinto 7:36) At ano ngang kamangmangan at kasalanan para sa isang adulto na nagnanais mag-asawa na masangkot sa imoral na mga kaugnayan dahil lamang sa walang matagpuang mapapangasawa!
“Ang Kaniyang Sariling mga Kamalian ang Huhuli sa Balakyot”
Ang pangunahing dahilan kung bakit mali ang seksuwal na imoralidad ay sapagkat si Jehova—ang Tagapagbigay ng buhay at Tagapagkaloob ng kakayahan sa sekso sa mga tao—ay hindi sang-ayon dito. Kaya sa pagbibigay ng pinakamalakas na pangganyak sa kalinisan sa moral, si Haring Solomon ay nagsabi: “Sapagkat ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ni Jehova, at dinidili-dili niya ang lahat ng kaniyang landas.” (Kawikaan 5:21) Oo, walang nalilingid sa mga mata ng Diyos, “na pagsusulitan natin.” (Hebreo 4:13) Anumang gawa ng seksuwal na karumihan, gaano man kalihim at anuman ang idudulot nito sa pisikal at sa lipunan, ay tiyak na sisira sa ating kaugnayan kay Jehova. Ano ngang kamangmangan na ipagpalit ang pakikipagpayapaan sa Diyos sa ilang sandali ng nakaw na kaluguran!
Ang ilan na walang-kahihiyang nagbigay-daan sa imoral na mga landasin ay waring makagagawa nito nang hindi naparurusahan—ngunit hindi ito magtatagal. Ipinahayag ni Solomon: “Ang kaniyang sariling mga kamalian ang huhuli sa balakyot, at pipigilan siya ng mga lubid ng kaniyang sariling kasalanan. Siya ang mamamatay dahil sa kawalan ng disiplina, at dahil sa dami ng kaniyang kamangmangan ay naliligaw siya.”—Kawikaan 5:22, 23.
Bakit pa nga hahayaan ng sinuman sa atin na maligaw tayo ng landas? Tutal, ang aklat ng Kawikaan ay patiunang nagbababala sa atin sa mapanrahuyong mga landasin ng daigdig. At ipinakita nito sa atin ang kabayaran na karaniwang sinisingil ng seksuwal na imoralidad—ang ating kalusugan, materyal na ari-arian, kalakasan, at ang ating dignidad. Sa pagtataglay ng gayong malinaw na patiunang paghahanda, hindi natin kailanman kailangan na mapasakalagayan ng nagsasabi nang mahabang litanya ng mga “kung sana lamang.” Oo, sa pamamagitan ng pagkakapit sa payo ni Jehova na ibinigay niya sa kaniyang kinasihang Salita, makapananatili tayong malinis sa moral sa isang imoral na daigdig.
[Talababa]
a Ang salitang “di-kilala” ay ikinakapit doon sa mga liko sa kung ano ang kasuwato ng Kautusan at sa gayo’y inilayo ang kanilang mga sarili mula kay Jehova. Kaya, ang isang patutot ay tinutukoy bilang “di-kilalang babae.”
[Mga larawan sa pahina 30]
Ang mga epekto ng imoralidad ay kasimpait ng ahenho
[Mga larawan sa pahina 31]
“Magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan”