Bakit Dapat “Pumaroon Ka sa Langgam”?
ANG pantas na si Haring Solomon ng sinaunang Israel ay nagpayo ng ganito: “Pumaroon ka sa langgam.” Bakit sinabi niya ito? Ano ba ang matututuhan natin sa mga langgam?
Isinusog ni Solomon: “Masdan mo ang lakad [ng langgam] at magpakapantas ka. Bagaman ito’y walang pangulo, tagapamahala o pinunò, ito’y naghahanda ng kaniyang pagkain maging sa tag-araw; at nagtitipon ng kaniyang pagkain maging sa tag-ani.” (Kawikaan 6:6-8) Ang sinaunang mga salitang iyan ay nagpapahayag ng mga katotohanan na natuklasan ng mga naturalista sa ngayon.
Ang sumulat ng mga kawikaan na si Agur ay nagpapakita na ang mga langgam ay “likas na may kapantasan.” (Kawikaan 30:24, 25) Mangyari pa, ang kanilang karunungan ay hindi bunga ng matalinong pangangatuwiran kundi resulta ng katutubong mga gawi na isinangkap sa kanila ng Maylikha. Halimbawa, dahilan sa katutubong gawi ang mga langgam ay nagtitipon ng kanilang pagkain sa tamang panahon.
Kahanga-hanga ang pagkaorganisa ng mga langgam. Palibhasa’y may kahanga-hangang pakikipagtulungan at pagbibigay-pansin sa mga kamanggagawa, ang nasaktan o nahapong mga langgam ay kanilang tinutulungan upang makabalik sa pugad. Likas para sa kanila na maghanda para sa kinabukasan at ginagawa nila ang lahat upang magampanan ang kanilang mga gawain.
Ang gayong kalikasan ng langgam ay nagpapahiwatig na ang mga tao’y dapat magplanong patiuna at maging masisipag na mga manggagawa. Ito’y kumakapit sa paaralan, sa trabaho, at sa espirituwal na mga gawain. Kung papaano nakikinabang ang langgam sa kaniyang kasipagan, ganoon din na ibig ng Diyos na ang mga tao’y ‘makinabang sa lahat ng kanilang pagpapagal.’ (Eclesiastes 3:13, 22; 5:18) Tulad ng masisipag na langgam, ang tunay na mga Kristiyano ay puspusang gumagawa sa maghapon. Kanilang ‘ginagawa nang kanilang buong lakas ang anumang masumpungang gawin ng kanilang mga kamay,’ hindi dahil sa isang among nagbabantay, kundi dahil sa pagiging mapagtapat at sa pagnanasang sila’y maging masisipag, kapaki-pakinabang na mga manggagawa.—Eclesiastes 9:10; ihambing ang Kawikaan 6:9-11; tingnan din ang Tito 2:9, 10.
Oo, tayo’y magiging maligaya kung tayo’y ‘pumaroon sa langgam’ at ikapit ang ating natututuhan dito. At sasaatin ang pinakadakilang kaligayahan kung ating puspusang gagawin ang kalooban ng Diyos na Jehova, ayon sa isinisiwalat ng Bibliya.