KAGALAKAN
Ang emosyong idinudulot ng pagtatamo o pag-asam ng mabuti; pagiging maligaya; pagbubunyi. Sa Bibliya, ang mga salitang Hebreo at Griego na ginagamit para sa kagalakan, pagbubunyi, pagsasaya, at pagkatuwa ay may bahagyang pagkakaiba-iba ng kahulugan, at nagpapahayag ng iba’t ibang yugto o antas ng kagalakan. Ang mga anyong pandiwa ng mga ito ay nagpapahayag ng panloob na pagkadama at ng panlabas na pagpapakita ng kagalakan at may iba’t ibang kahulugan gaya ng “magalak; magbunyi; sumigaw sa kagalakan; lumukso sa kagalakan.”
Ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo. Si Jehova ay tinatawag na ang “maligayang Diyos.” (1Ti 1:11) Siya’y lumalalang at gumagawang may kagalakan para sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga nilalang. Ang kaniyang mga naisasagawa ay nakapagpapagalak sa kaniya. (Aw 104:31) Nais din niyang masiyahan ang kaniyang mga nilalang sa kaniyang mga gawa at sa kanilang sariling pagpapagal. (Ec 5:19) Yamang siya ang Pinagmumulan ng lahat ng mabubuting bagay (San 1:17), ang lahat ng matatalinong nilalang, mga tao at mga anghel, ay makasusumpong ng pinakamalaking kasiyahan kung kikilalanin nila siya. (Jer 9:23, 24) Sinabi ni Haring David: “Maging kalugud-lugod nawa ang aking pagninilay-nilay tungkol sa kaniya. Ako, sa ganang akin, ay magsasaya kay Jehova.” (Aw 104:34) Umawit din siya: “Ang matuwid ay magsasaya kay Jehova at manganganlong sa kaniya; at ang lahat ng matapat ang puso ay maghahambog.” (Aw 64:10) Hinimok ng apostol na si Pablo ang mga Kristiyano na magalak sa lahat ng panahon sa kanilang kaalaman kay Jehova at sa kaniyang pakikitungo sa kanila. Sumulat siya sa kanila: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon [“Jehova,” sa ilang bersiyon]. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo!”—Fil 4:4.
Si Jesu-Kristo, ang isa na may matalik na kaugnayan kay Jehova, ang nakakakilala sa kaniya nang husto (Mat 11:27), at maipaliliwanag niya Siya sa kaniyang mga tagasunod. (Ju 1:18) Kaya naman si Jesus ay masaya, anupat tinatawag na ang “maligaya at tanging Makapangyarihang Tagapamahala.” (1Ti 6:14, 15) Dahil sa pag-ibig niya sa kaniyang Ama, siya’y sabik na laging gawin ang mga bagay na nakalulugod sa Kaniya. (Ju 8:29) Kaya naman, nang ibigay sa kaniya ang atas na pumarito sa lupa, magdusa, at mamatay upang alisin ang kadustaan sa pangalan ng kaniyang Ama, “dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan.” (Heb 12:2) Nagpakita rin siya ng matinding pag-ibig at kagalakan para sa sangkatauhan. Sa kaniyang pag-iral bago naging tao at bilang personipikasyon ng karunungan, inilalarawan siya ng Kasulatan bilang nagsasabi: ‘Noon ay nasa piling ako ni Jehova bilang isang dalubhasang manggagawa, at ako ang siyang lubhang kinagigiliwan niya araw-araw, at ako ay nagagalak sa harap niya sa lahat ng panahon, na nagagalak sa mabungang lupain ng kaniyang lupa, at ang mga kinagigiliwan ko ay nasa mga anak ng mga tao.’—Kaw 8:30, 31.
Hangad ni Jesus na magkaroon ng gayunding kagalakan ang kaniyang mga tagasunod, kaya naman sinabi niya sa kanila: “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang mapasainyo ang aking kagalakan at ang inyong kagalakan ay malubos.” Ang mga anghel ay nagalak nang lalangin ang lupa. (Ju 15:11; 17:13; Job 38:4-7) Minamasdan din nila ang landasin ng bayan ng Diyos, anupat nagagalak sa tapat na landasin ng mga ito at nagbubunyi sila lalo na kapag ang isang indibiduwal ay tumalikod sa kaniyang makasalanang mga daan tungo sa dalisay na pagsamba at paglilingkod sa Diyos.—Luc 15:7, 10.
Kung ano ang nagpapagalak sa Diyos. Ang puso ni Jehova ay mapagagalak ng kaniyang mga lingkod kung magiging tapat sila sa kaniya. Palaging hinahamon ni Satanas na Diyablo ang pagiging marapat ng soberanya ng Diyos at ang katapatan ng lahat niyaong naglilingkod sa Diyos. (Job 1:9-11; 2:4, 5; Apo 12:10) Kapit sa kanila ang mga salitang: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kaw 27:11) Si Jehova ay napasasaya ng kaniyang bayan sa lupa sa pamamagitan ng kanilang pagkamatapat sa kaniya.—Isa 65:19; Zef 3:17.
Isang Bunga ng Espiritu. Yamang si Jehova ang Pinagmumulan ng kagalakan at nais niyang magalak ang kaniyang bayan, ang kagalakan ay isang bunga ng kaniyang banal na espiritu. Sa talaan sa Galacia 5:22, 23, ang kagalakan ay binanggit na kasunod ng pag-ibig. Sinulatan ng apostol ang mga Kristiyano sa Tesalonica: “Kayo ay naging mga tagatulad sa amin at sa Panginoon, yamang tinanggap ninyo ang salita sa ilalim ng labis na kapighatian na may kagalakan sa banal na espiritu.” (1Te 1:6) Kaayon nito, pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Roma na ang Kaharian ng Diyos ay “nangangahulugan ng katuwiran at kapayapaan at kagalakan na may banal na espiritu.”—Ro 14:17.
Ang tunay na kagalakan ay isang katangian ng puso at nakabubuti sa buong katawan. “Ang masayang puso ay may mabuting epekto sa mukha,” at “ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling [o, “nakabubuti sa katawan”],” ang sabi ng pantas na manunulat ng Mga Kawikaan.—Kaw 15:13; 17:22, tlb sa Rbi8.
Kagalakan sa Paglilingkod sa Diyos. Hindi pabigat ang mga kahilingan ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. (1Ju 5:3) Gusto niyang masiyahan sila sa paglilingkod sa kaniya. Ang kaniyang bayang Israel ay tinagubilinang magsaya sa mga pangkapanahunang kapistahan na isinaayos niya para sa kanila, at gayundin sa iba pang mga aspekto ng kanilang buhay at pagsamba sa Diyos. (Lev 23:40; Deu 12:7, 12, 18) Magsasalita sila tungkol sa Diyos nang may kagalakan. (Aw 20:5; 51:14; 59:16) Kung hindi sila naglilingkod taglay ang kagalakan ng puso, nangangahulugan ito na may problema ang kanilang mga puso at ang kanilang pagpapahalaga sa kaniyang maibiging-kabaitan at kabutihan. Kaya naman nagbabala siya hinggil sa mangyayari kung sila’y magiging masuwayin at hindi magagalak sa paglilingkod sa kaniya: “Ang lahat ng mga sumpang ito ay tiyak na darating sa iyo . . . sapagkat hindi ka nakinig sa tinig ni Jehova na iyong Diyos sa pamamagitan ng pagtupad sa kaniyang mga utos at sa kaniyang mga batas . . . At ang mga iyon ay mananatili sa iyo at sa iyong supling . . . sa dahilang hindi ka naglingkod kay Jehova na iyong Diyos nang may pagsasaya at kagalakan ng puso dahil sa kasaganaan ng lahat ng bagay.”—Deu 28:45-47.
Ang isang Kristiyano ay dapat ding masiyahan sa kaniyang paglilingkod sa Diyos. Kung hindi, kulang ang pagpapahalaga ng kaniyang puso. (Aw 100:2) “Ang kagalakan kay Jehova ang inyong moog,” sabi ng isang tapat na lingkod ng Diyos. (Ne 8:10) Ang mabuting balitang inihahayag ng isang Kristiyano ay ipinatalastas ng anghel ng Diyos bilang “mabuting balita tungkol sa malaking kagalakan na tataglayin ng lahat ng mga tao.” (Luc 2:10) Ang pangalan ni Jehova na nasa kaniyang mga saksi at ang katotohanang matatagpuan sa Bibliya ay dapat na magdulot ng kagalakan sa kanila. Sinabi ng propetang si Jeremias: “Sa akin ang iyong salita ay naging pagbubunyi at pagsasaya ng aking puso; sapagkat ang iyong pangalan ay itinatawag sa akin, O Jehova na Diyos ng mga hukbo.”—Jer 15:16.
Karagdagan pa, ang makatarungan at matuwid na mga hudisyal na pasiya ni Jehova na ipinatutupad sa kongregasyong Kristiyano at sa buhay ng mga Kristiyano ay isang sanhi ng kagalakan, lalo na sa panahong tinalikuran na ng sanlibutan ang katarungan at katuwiran. (Aw 48:11) Gayundin, ang kamangha-manghang pag-asa sa hinaharap ay tiyak na nagbibigay ng matibay na dahilan para magalak. (“Magsaya kayo sa pag-asa”; Ro 12:12; Kaw 10:28.) Ang kanilang kaligtasan ay isang saligan para sa kagalakan. (Aw 13:5) Bukod dito, nariyan ang kagalakang natatamo ng lingkod ng Diyos sa mga tinutulungan niyang magkaroon ng kaalaman kay Jehova at maglingkod sa Kaniya. (Fil 4:1; 1Te 2:19) Ang pagtitipong sama-sama at paggawang kasama ng bayan ng Diyos ay isa sa mga nagbibigay ng pinakamalaking kagalakan.—Aw 106:4, 5; 122:1.
Pag-uusig, isang sanhi ng kagalakan. Para sa Kristiyanong nagbabantay sa kaniyang puso, kahit ang pag-uusig, bagaman hindi kasiya-siya sa ganang sarili, ay dapat malasin nang may kagalakan, sapagkat isang tagumpay ang pagbabata niyaon nang may katapatan. Tutulungan ng Diyos ang isa na tapat. (Col 1:11) Karagdagan pa, patotoo ito na ang isa ay sinasang-ayunan ng Diyos. Sinabi ni Jesus na kapag dumating ang pandurusta at pag-uusig, ang Kristiyano ay dapat “lumukso sa kagalakan.”—Mat 5:11, 12; San 1:2-4; 1Pe 4:13, 14.
Iba Pang mga Kagalakang Inilalaan ng Diyos. Naglaan si Jehova ng maraming iba pang bagay na maaaring magbigay ng kasiyahan sa sangkatauhan sa araw-araw. Kabilang dito ang pag-aasawa (Deu 24:5; Kaw 5:18), pagiging ama o ina ng anak na matuwid at marunong (Kaw 23:24, 25), pagkain (Ec 10:19; Gaw 14:17), alak (Aw 104:14, 15; Ec 10:19), at ang napakaraming bagay na Kaniyang nilalang (San 1:17; 1Ti 6:17).
Huwad o Di-namamalaging mga Kagalakan. Binanggit ni Jesus ang ilan na nakaririnig ng katotohanan at tumatanggap niyaon nang may kagalakan ngunit hindi nakukuha ang tunay na diwa niyaon. Hindi nililinang ng mga ito ang salitang itinanim sa kanilang mga puso at, bilang resulta, kaagad nilang naiwawala ang kanilang kagalakan. Natitisod sila kapag may bumabangong kapighatian o pag-uusig dahil sa salita. (Mat 13:20, 21) Ang kagalakang nakadepende sa materyalismo ay isang kagalakan na huwad, mali, at panandalian. Gayundin, ang taong nagsasaya dahil sa kapahamakan ng iba, kahit pa nga ng isa na napopoot sa kaniya, ay mananagot kay Jehova dahil sa kaniyang kasalanan. (Job 31:25-30; Kaw 17:5; 24:17, 18) Kamangmangang isipin ng isang kabataang lalaki na kailangan niyang pagbigyan at sundin ang “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan” upang masiyahan siya sa buhay. (2Ti 2:22; Ec 11:9, 10) Sa katulad na paraan, ang isa na umiibig sa kasayahan ay mapapasamâ. (Kaw 21:17; Ec 7:4) Hindi rin tama na magbunyi ang isang Kristiyano dahil sa paghahambing ng kaniyang sarili sa iba. Sa halip, dapat niyang patunayan kung ano ang kaniyang sariling gawa at magkaroon ng dahilan na magbunyi sa kaniyang sarili lamang.—Gal 6:4.
Walang-hanggang Kagalakan. Nangako si Jehova na isasauli niya ang kaniyang bayang Israel pagkatapos ng kanilang pagkatapon sa Babilonya. Isinauli nga niya sila sa Jerusalem noong 537 B.C.E., at lubha silang nagsaya nang ilatag ang pundasyon ng templo. (Isa 35:10; 51:11; 65:17-19; Ezr 3:10-13) Ngunit ang hula ni Isaias (65:17) ay may mas malaking katuparan sa pagtatatag ng “isang bagong langit at isang bagong lupa.” Sa kaayusang ito, ang buong sangkatauhan ay magkakaroon ng kagalakan magpakailanman sa ilalim ng “Bagong Jerusalem.”—Apo 21:1-3.
Sa ilalim ng kasalukuyang mga kalagayan, ang kabalakyutan, sakit, at kamatayan ay nakahahadlang sa lubos at namamalaging kagalakan. Ngunit kasuwato ng alituntunin sa Bibliya na, “Ang marunong na hari ay nagpapangalat ng mga taong balakyot,” wawakasan ni Jesu-Kristo bilang Hari ang lahat ng mga kaaway ng Diyos at ng katuwiran. (Kaw 20:26; 1Co 15:25, 26) Kung gayon, lahat ng hadlang sa lubos na kagalakan ay aalisin, sapagkat “hindi na magkakaroon [kahit] ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apo 21:4) Lubusan nang mawawala ang pamimighati para sa mga namatay, yamang aalisin na ito ng pagkabuhay-muli. Ang kaalamang ito ay nakaaaliw kahit sa mga Kristiyano sa ngayon, at dahil dito ay hindi sila ‘nalulumbay na gaya rin ng iba na walang pag-asa.’—1Te 4:13, 14; Ju 5:28, 29.