Lumakad sa ‘Landas ng Katapatan’
“MAPAPABUTI ang matuwid,” ang sabi ni propeta Isaias, “sapagkat kakainin nila ang mismong bunga ng kanilang mga pakikitungo.” Sinabi rin ni Isaias: “Ang landas ng matuwid ay katapatan.” (Isaias 3:10; 26:7) Maliwanag, upang magbunga ng mabuti ang ating mga pakikitungo, dapat nating gawin ang matuwid sa paningin ng Diyos.
Gayunman, paano tayo maaaring lumakad sa landas ng katapatan? Anu-anong pagpapala ang maaasahan natin sa paggawa ng gayon? At paano maaaring makinabang ang iba mula sa pagsunod natin sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos? Sa kabanata 10 ng aklat ng Kawikaan sa Bibliya, si Haring Solomon ng sinaunang Israel ay nagbibigay ng mga kasagutan sa mga tanong na ito habang inihahambing niya ang matuwid sa balakyot. Sa paggawa nito, ginagamit niya ang katagang “[mga] matuwid” nang 13 ulit. Siyam sa mga paglitaw na ito ang nasa mga talatang 15 hanggang 32. Kaya, magiging nakapagpapatibay-loob na isaalang-alang ang Kawikaan 10:15-32.a
Manghawakang Mahigpit sa Disiplina
Binabanggit ni Solomon ang kahalagahan ng katuwiran. Sabi niya: “Ang mahahalagang pag-aari ng taong mayaman ay kaniyang matibay na bayan. Ang kasawian ng mga dukha ay ang kanilang karalitaan. Ang gawa ng matuwid ay nagdudulot ng buhay; ang ani ng balakyot ay nagbubunga ng kasalanan.”—Kawikaan 10:15, 16.
Maaaring maging proteksiyon ang kayamanan laban sa ilang bagay sa buhay na walang-katiyakan, kung paanong ang isang nakukutaang bayan ay naglalaan ng isang antas ng katiwasayan sa mga naninirahan dito. At maaaring maging kapaha-pahamak ang karalitaan kapag may mga di-inaasahang pangyayari. (Eclesiastes 7:12) Gayunman, maaari ring ipinahihiwatig ng matalinong hari ang panganib na nagsasangkot kapuwa sa kayamanan at karalitaan. Maaaring ilagak ng isang taong mayaman ang kaniyang lubos na pagtitiwala sa kaniyang kayamanan, anupat ginuguniguni na ang kaniyang mahahalagang pag-aari ay “gaya ng pananggalang na pader.” (Kawikaan 18:11) At maaari namang may-kamaliang ipalagay ng isang taong mahirap na ang kaniyang karalitaan ay nagpapangyaring ang kaniyang hinaharap ay maging kabiguan. Kaya, kapuwa sila hindi nakagagawa ng isang mabuting pangalan sa Diyos.
Sa kabilang dako naman, marami man o kaunti ang materyal ng isang taong matuwid, ang kaniyang matapat na mga gawa ay umaakay sa buhay. Paano? Buweno, kontento siya sa kung ano ang taglay niya. Hindi niya hinahayaang makahadlang ang kaniyang pinansiyal na kalagayan sa kaniyang sinang-ayunang katayuan sa Diyos. Mayaman man o mahirap, ang landas ng buhay ng taong matuwid ay nagdudulot sa kaniya ng kaligayahan ngayon at ng pag-asang buhay na walang hanggan sa hinaharap. (Job 42:10-13) Hindi nakikinabang ang balakyot kahit na magkamit siya ng kayamanan. Sa halip na pahalagahan ang pananggalang na kahalagahan nito at mamuhay na kasuwato ng kalooban ng Diyos, ginagamit niya ang kaniyang mga kayamanan upang itaguyod ang isang makasalanang buhay.
“Siyang nanghahawakan sa disiplina ay landas patungo sa buhay,” ang pagpapatuloy ng hari ng Israel, “ngunit siyang nagpapabaya sa saway ay nagliligaw.” (Kawikaan 10:17) Sinasabi ng isang iskolar sa Bibliya na ang talatang ito ay maaaring unawain sa dalawang paraan. Ang isang posibilidad ay na ang taong nagpapasakop sa disiplina at nagtataguyod ng katuwiran ay nasa landas ng buhay, samantalang ang isa na nagpapabaya sa saway ay lumalayo sa landas na iyon. Ang talata ay maaari ring mangahulugan na “siyang sumusunod sa disiplina ay nagtuturo sa daan ng buhay [sa iba sapagkat nakikinabang sila sa kaniyang mabuting halimbawa], subalit sinumang nagwawalang-bahala sa pagtutuwid ay nagliligaw sa iba.” (Kawikaan 10:17, New International Version) Sa alinmang kaso, pagkahala-halaga nga na manghawakan tayong mahigpit sa disiplina at huwag pabayaan ang saway!
Halinhan ng Pag-ibig ang Pagkapoot
Pagkatapos ay iniharap ni Solomon ang dalawang-bahaging kawikaan na may gayunding ideya, na pinagtitibay ng ikalawa ang una. Ang sabi niya: “Kung saan may nagtatakip ng poot, doon may mga labing bulaan.” Kung ang isang tao ay may pagkapoot sa kaniyang puso sa iba at ikinukubli ito sa likod ng matatamis na pananalita o labis-labis na papuri, siya ay mapanlinlang—mayroon siyang “mga labing bulaan.” Idinagdag pa rito ng matalinong hari: “Ang nagdadala ng masamang ulat ay hangal.” (Kawikaan 10:18) Sa halip na ikubli ang kanilang pagkapoot, ang ilang tao ay gumagawa ng mga maling paratang o nagkakalat ng nakasasamang mga komento tungkol sa isa na kanilang kinapopootan. Kahangalan ito sapagkat hindi talaga binabago ng ulat na nakasisirang-puri kung ano talaga ang taong iyon. At mauunawaan ng isang matalinong tagapakinig ang masamang hangarin anupat mababawasan ang kaniyang paggalang sa maninirang-puri. Sa gayon ay sinasaktan ng isang nagkakalat ng masamang ulat ang kaniyang sarili.
Ang hindi pagbaling alinman sa panlilinlang o sa paninirang-puri ay matuwid na landasin. Sinabi ng Diyos sa mga Israelita: “Huwag mong kapopootan ang iyong kapatid sa iyong puso.” (Levitico 19:17) At pinayuhan ni Jesus ang mga tagapakinig niya: “Patuloy na ibigin [maging] ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo; upang mapatunayan ninyo na kayo ay mga anak ng inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:44, 45) Mas mabuti ngang punuin natin ang ating puso ng pag-ibig sa halip ng pagkapoot!
‘Supilin ang mga Labi’
Upang idiin ang pangangailangang supilin ang dila, ganito ang sabi ng matalinong hari: “Sa karamihan ng mga salita ay hindi magkukulang ng pagsalansang, ngunit ang sumusupil sa kaniyang mga labi ay kumikilos nang may kapantasan.”—Kawikaan 10:19.
“Ang mangmang ay nagsasabi ng maraming salita.” (Eclesiastes 10:14) Ang kaniyang bibig ay “binubukalan ng kamangmangan.” (Kawikaan 15:2) Hindi naman ibig sabihin nito na lahat ng taong madaldal ay mangmang. Subalit napakadali nga para sa isang taong madaldal na maging alulod sa pagkakalat ng nakapipinsalang tsismis o sabi-sabi! Kadalasang maiuugnay sa mangmang na pananalita ang nasirang reputasyon, nasaktang mga damdamin, nasirang mga kaugnayan, at pisikal na pinsala pa nga. “Kung saan marami ang salita, hindi kakapusin ng kasalanan.” (Kawikaan 10:19, An American Translation) Isa pa, nakaiinis makasama ang isang tao na lagi na lamang may ikinukomento sa lahat ng bagay. Huwag nawa tayong managana sa salita.
Bukod pa sa pag-iwas lamang sa kabulaanan, ang isa na sumusupil sa kaniyang mga labi ay kumikilos nang may kapantasan. Nag-iisip siya bago magsalita. Udyok ng pag-ibig sa mga pamantayan ni Jehova at ng tunay na pagnanais na tulungan ang kaniyang kapuwa, isinasaalang-alang niya ang epekto sa iba ng kaniyang mga salita. Maibigin at mabait ang kaniyang mga pananalita. Binubulay-bulay niya kung paano niya magagawang kaakit-akit at kapaki-pakinabang ang kaniyang sinasabi. Ang kaniyang mga salita ay tulad ng “mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak”—may sining at may dignidad sa lahat ng panahon.—Kawikaan 25:11.
“Nagpapastol sa Marami”
“Ang dila ng matuwid ay piling pilak,” ang patuloy ni Solomon, “ang puso ng balakyot ay kakaunti ang halaga.” (Kawikaan 10:20) Ang sinasabi ng matuwid ay dalisay—gaya ng pinili at dinalisay na pilak, walang linab. Tiyak na totoo ito sa mga lingkod ni Jehova habang ibinabahagi nila sa iba ang nagliligtas-buhay na kaalaman sa Salita ng Diyos. Tinuruan sila ng kanilang Dakilang Tagapagturo, ang Diyos na Jehova, at ‘binigyan sila ng dila ng mga naturuan, upang malaman nila kung paano sasagutin ng salita ang pagód.’ (Isaias 30:20; 50:4) Tunay nga, ang kanilang dila ay gaya ng piling pilak habang nagsasalita ito ng katotohanan ng Bibliya. Pagkahala-halaga nga ng kanilang mga pananalita sa mga tapat-puso kaysa sa mga intensiyon ng balakyot! Maging sabik tayo sa pagsasalita tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa kamangha-manghang mga gawa ng Diyos.
Ang matuwid ay isang pagpapala sa mga nasa palibot niya. “Ang mga labi ng matuwid ay nagpapastol sa marami,” ang pagpapatuloy pa ni Solomon, “ngunit dahil sa kakapusan ng puso ay namamatay ang mga mangmang.”—Kawikaan 10:21.
Paanong “ang matuwid ay nagpapastol sa marami”? Ang salitang Hebreo na ginamit dito ay nagpapahiwatig ng ideya ng “pagpapastol sa tupa.” Naghahatid ito ng kaisipan ng pag-aakay gayundin ng pagpapakain, kung paano pinangangalagaan ng isang pastol noong sinaunang panahon ang kaniyang tupa. (1 Samuel 16:11; Awit 23:1-3; Awit ni Solomon 1:7) Pinapatnubayan o inaakay ng taong matuwid ang iba tungo sa daan ng katuwiran, pinalulusog ng kaniyang pananalita ang kaniyang mga tagapakinig. Bunga nito, namumuhay sila nang mas maligaya, mas kasiya-siya, at maaari pa ngang tumanggap sila ng buhay na walang hanggan.
Kumusta naman ang mangmang? Dahil sa kakapusan ng puso, nagpapakita siya ng kawalan ng mabuting motibo o pagkabahala sa mga kahihinatnan ng kaniyang landasin. Ginagawa ng gayong tao ang balang maibigan niya, anuman ang maging resulta. Kaya, pinagdurusahan niya ang mga parusa ng kaniyang mga pagkilos. Samantalang tinutulungan ng matuwid ang iba na manatiling buháy, ni hindi mapanatiling buháy ng taong may kakapusan ng puso ang kaniyang sarili.
Iwasan ang Mahalay na Paggawi
Karaniwang nahahayag ang personalidad ng isang indibiduwal sa pamamagitan ng kaniyang mga naiibigan at di-naiibigan. Sa pagbanggit sa katotohanang ito, ganito ang sabi ng hari ng Israel: “Para sa hangal ang pagsasagawa ng mahalay na paggawi ay parang katuwaan lamang, ngunit ang karunungan ay para sa taong may kaunawaan.”—Kawikaan 10:23.
Minamalas ng ilan ang mahalay na paggawi bilang isang isport, o isang laro, at ginagawa ito para sa “katuwaan” lamang. Binabale-wala ng mga taong iyon ang Diyos bilang ang isa na pagsusulitan ng lahat, at nananatili silang bulag sa kamalian ng kanilang landasin. (Roma 14:12) Nagiging pilipit ang kanilang pangangatwiran hanggang sa punto na ipalagay nila na hindi nakikita ng Diyos ang kanilang masamang gawa. Sa pamamagitan ng kanilang mga pagkilos, sa wari’y sinasabi nila: “Walang Jehova.” (Awit 14:1-3; Isaias 29:15, 16) Kay laking kamangmangan!
Sa kabilang dako, natatanto ng taong may unawa na ang mahalay na paggawi ay hindi isang isport. Batid niya na hindi ito nakalulugod sa Diyos at maaaring masira ang kaugnayan ng isang tao sa kaniya. Kamangmangan ang gayong paggawi sapagkat inaalis nito sa tao ang paggalang sa sarili, sinisira ang mga pag-aasawa, pinipinsala kapuwa ang isip at ang katawan, at umaakay sa pagkawala ng espirituwalidad. Isang katalinuhang iwasan natin ang mahalay na paggawi at pagyamanin ang pag-ibig sa karunungan na gaya ng pag-ibig sa isang minamahal na kapatid na babae.—Kawikaan 7:4.
Magtayo sa Tamang Pundasyon
Sa pagbanggit sa kahalagahan ng pagtatayo ng buhay ng isa sa tamang pundasyon, ang sabi ni Solomon: “Ang bagay na kinatatakutan ng balakyot—iyon ay darating sa kaniya; ngunit ang ninanasa ng mga matuwid ay ipagkakaloob. Gaya ng pagdaraan ng bagyong hangin, gayon nawawala ang balakyot; ngunit ang matuwid ay isang pundasyon hanggang sa panahong walang takda.”—Kawikaan 10:24, 25.
Ang balakyot ay maaaring magdulot ng labis na pagkatakot sa iba. Gayunman, sa katapusan, ang kinatatakutan niya ay darating sa kaniya. Palibhasa’y walang pundasyon sa matuwid na mga simulain, tulad siya ng isang mabuway na gusali na gumuguho sa isang malakas na bagyo. Sumusuko siya sa ilalim ng panggigipit. Sa kabilang dako naman, ang matuwid ay gaya ng isang tao na kumikilos kasuwato ng mga sinabi ni Jesus. Siya ay “isang taong maingat, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-limpak.” “At,” sinabi ni Jesus, “ang ulan ay bumuhos at ang baha ay dumating at ang hangin ay humihip at humampas sa bahay na iyon, ngunit hindi ito gumuho, sapagkat ito ay itinatag sa ibabaw ng batong-limpak.” (Mateo 7:24, 25) Matatag ang gayong tao—ang kaniyang pag-iisip at kilos ay matatag na nakasalig sa makadiyos na mga simulain.
Bago magpatuloy sa paghahambing sa pagitan ng balakyot at matuwid, iniharap ng matalinong hari ang maikli subalit mahalagang babala. Sabi niya: “Kung paano ang sukà sa mga ngipin at kung paano ang usok sa mga mata, gayon ang taong tamad sa mga nagsusugo sa kaniya.” (Kawikaan 10:26) Nakangingilo sa ngipin ang sukà. Ang sangkap nitong asidong asetik ang nagdudulot ng maasim na panlasa sa bibig at nagpapangilo sa ngipin. Nagpapahapdi naman ng mga mata ang usok. Kaya, sinumang umuupa ng isang taong tamad o gumagamit sa kaniya bilang isang kinatawan ay mayayamot at malulugi.
“Ang Daan ni Jehova ay Moog”
Ang hari ng Israel ay nagpapatuloy: “Ang mismong pagkatakot kay Jehova ay magdaragdag ng mga araw, ngunit ang mga taon ng mga balakyot ay paiikliin. Ang mga pag-asam ng mga matuwid ay isang kasayahan, ngunit ang pag-asa ng mga balakyot ay maglalaho.”—Kawikaan 10:27, 28.
Ang makadiyos na takot ang pumapatnubay sa matuwid at sinisikap niyang palugdan si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga kaisipan, mga salita, at mga gawa. Nagmamalasakit sa kaniya ang Diyos at tinutupad ang kaniyang matuwid na mga pag-asam. Subalit, ang balakyot ay namumuhay na walang-kinikilalang Diyos. Kung minsan ay waring natutupad ang kaniyang mga pag-asa subalit ito’y pansamantala lamang, sapagkat ang kaniyang mga araw ay kadalasang pinaiikli ng karahasan o ng isang karamdaman bunga ng kaniyang istilo ng buhay. Naglalaho ang lahat ng kaniyang pag-asa sa araw ng kaniyang kamatayan.—Kawikaan 11:7.
“Ang daan ni Jehova ay moog para sa walang kapintasan,” ang sabi ni Solomon, “ngunit ang pagkapahamak ay para sa mga nagsasagawa ng bagay na nakasasakit.” (Kawikaan 10:29) Ang daan ni Jehova rito ay tumutukoy, hindi sa landas ng buhay na dapat nating lakaran, kundi sa paraan ng pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan. “Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa,” ang sabi ni Moises, “sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.” (Deuteronomio 32:4) Ang makatarungang mga daan ng Diyos ay nangangahulugan ng katiwasayan para sa matuwid at pagkapahamak para sa balakyot.
Kay tibay na moog nga ni Jehova para sa kaniyang bayan! “Kung tungkol sa matuwid, hanggang sa panahong walang takda ay hindi siya mapahahapay; ngunit kung tungkol sa mga balakyot, hindi sila patuloy na tatahan sa lupa. Ang bibig ng matuwid—nagluluwal ito ng bunga ng karunungan, ngunit ang dila ng katiwalian ay puputulin. Ang mga labi ng matuwid—nalalaman ng mga ito ang kabutihang-loob, ngunit ang bibig ng mga balakyot ay katiwalian.”—Kawikaan 10:30-32.
Tiyak na mapapabuti at pagpapalain ang matuwid dahil sa paglakad sa landas ng katuwiran. Oo, “ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” (Kawikaan 10:22) Kaya, lagi nawa tayong mag-ingat na kumilos na kasuwato ng makadiyos na mga simulain. Supilin din natin ang ating mga labi at gamitin ang ating dila upang pakanin ang iba ng nagliligtas-buhay na katotohanan ng Salita ng Diyos at akayin sila sa daan ng katuwiran.
[Talababa]
a Para sa detalyadong pagtalakay sa Kawikaan 10:1-14, tingnan Ang Bantayan ng Hulyo 15, 2001, pahina 24-7.
[Larawan sa pahina 26]
Ang dila ay maaaring maging gaya ng “piling pilak”