Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Kawikaan
SI Haring Solomon ng sinaunang Israel ay “nakapagsasalita ng tatlong libong kawikaan.” (1 Hari 4:32) Mababasa kaya natin ang kaniyang matalinong mga kasabihan? Oo. Nakaulat sa aklat ng Bibliya na Mga Kawikaan, na natapos noong mga 717 B.C.E., ang marami sa mga kawikaan ni Solomon. Ang huling dalawang kabanata lamang ang isinulat ng ibang mga manunulat—si Agur na anak ni Jakeh at si Lemuel na hari. Pero naniniwala ang ilan na Lemuel ang isa pang pangalan ni Solomon.
Ang kinasihang mga kasabihan na tinipon sa aklat ng Mga Kawikaan ay may dalawang layunin—“upang ang isa ay makaalam ng karunungan at disiplina.” (Kawikaan 1:2) Ang mga kasabihang ito ay tumutulong sa atin na magkaroon ng karunungan, ang kakayahang makita nang malinaw ang mga bagay-bagay at ikapit ang kaalaman upang lutasin ang mga problema. Sa pamamagitan ng mga ito, nakatatanggap din tayo ng disiplina, o pagsasanay sa moral. Ang pagbibigay-pansin sa mga kawikaang ito at pagsunod sa payo ng mga ito ay maaaring makaapekto sa ating puso, makapagdulot ng kaligayahan, at umakay sa tagumpay.—Hebreo 4:12.
‘MAGTAMO KA NG KARUNUNGAN AT HUMAWAK KA SA DISIPLINA’
“Ang tunay na karunungan ay sumisigaw nang malakas sa lansangan,” ang sabi ni Solomon. (Kawikaan 1:20) Bakit tayo dapat makinig sa malakas at malinaw na tinig nito? Binabanggit ng kabanata 2 ang maraming kapakinabangan ng pagtatamo ng karunungan. Tinatalakay sa kabanata 3 kung paano magiging malapít kay Jehova. Pagkatapos ay sinabi ni Solomon: “Karunungan ang pangunahing bagay. Magtamo ka ng karunungan; at sa lahat ng iyong matatamo, magtamo ka ng pagkaunawa. Humawak ka sa disiplina; huwag mong bibitiwan.”—Kawikaan 4:7, 13.
Ano ang tutulong sa atin na labanan ang imoral na landasin ng sanlibutan? Sumasagot ang ika-5 kabanata ng Kawikaan: Gamitin ang kakayahang mag-isip, at kilalanin ang mapang-akit na mga paraan ng sanlibutan. Isaalang-alang din ang masasamang epekto ng paggawa ng imoralidad. Nagbabala ang kasunod na kabanata laban sa mga paggawi at saloobin na nagsasapanganib sa ating kaugnayan kay Jehova. Ang ika-7 kabanata ay naglalaan ng mahalaga at makatotohanang paglalarawan kung paano gumagawi ang isang imoral na tao. Sa kabanata 8, ang halaga at pagiging kaakit-akit ng karunungan ay iniharap sa kawili-wiling paraan. Ang ika-9 na kabanata, isang nakapagpapasiglang konklusyon ng mga kawikaang tinalakay hanggang sa kabanatang iyon, ay iniharap bilang isang kapana-panabik na ilustrasyon na nagpapasigla sa atin na itaguyod ang karunungan.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:7; 9:10—Sa anong paraan ang pagkatakot kay Jehova ang “pasimula ng kaalaman” at “pasimula ng karunungan”? Kapag wala ang pagkatakot kay Jehova, walang kaalaman, dahil siya ang Maylalang ng lahat ng bagay at Awtor ng Kasulatan. (Roma 1:20; 2 Timoteo 3:16, 17) Siya mismo ang Pinagmumulan ng lahat ng tunay na kaalaman. Kaya nagsisimula ang kaalaman sa mapitagang pagkatakot kay Jehova. Ang makadiyos na takot ay pasimula rin ng karunungan sapagkat walang karunungan kung walang kaalaman. Karagdagan pa, hindi gagamitin ng taong walang takot kay Jehova ang anumang kaalamang taglay niya upang parangalan ang Maylalang.
5:3—Bakit tinatawag na “babaing di-kilala” ang isang patutot? Inilalarawan ng Kawikaan 2:16, 17 ang “babaing di-kilala” bilang isa na “lumimot sa mismong tipan ng kaniyang Diyos.” Ang sinumang sumasamba sa huwad na mga diyos o nagpasiyang ipagwalang-bahala ang Kautusang Mosaiko, kasama na ang isang patutot, ay tinawag na di-kilala.
7:1, 2—Ano ang kasama sa “aking mga pananalita” at “aking mga utos”? Bukod pa sa mga turo ng Bibliya, kasama rito ang pampamilyang mga tuntunin, o tagubilin, na itinakda ng mga magulang para sa ikabubuti ng mga miyembro ng pamilya. Kailangan itong sundin ng mga kabataan pati na ang maka-Kasulatang mga turo na tinatanggap nila mula sa kanilang mga magulang.
8:30—Sino ang “dalubhasang manggagawa”? Tinawag ng karunungan, na binigyang-katauhan, ang kaniyang sarili na dalubhasang manggagawa. Ang layunin ng istilo ng pagkakasulat sa kawikaang ito ay upang ilarawan ang mga katangian ng karunungan. Bukod diyan, ang personipikasyong ito ay makasagisag na tumutukoy sa panganay na Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, sa kaniyang pag-iral bago naging tao. Matagal na panahon bago siya isilang bilang tao sa lupa, ‘ginawa siya bilang pasimula ng lakad ng Diyos.’ (Kawikaan 8:22) Bilang “dalubhasang manggagawa,” tinulungan niya ang kaniyang Ama sa paglalang ng lahat ng bagay.—Colosas 1:15-17.
9:17—Ano ang “nakaw na tubig,” at bakit ito “matamis”? Yamang ang kaluguran sa pagtatalik ng mag-asawa ay itinutulad ng Bibliya sa pag-inom ng nakarerepreskong tubig na inigib mula sa balon, ang nakaw na tubig ay kumakatawan sa lihim at imoral na pagtatalik. (Kawikaan 5:15-17) Ang pagiging lihim nito ang siyang dahilan kung bakit waring matamis ito.
Mga Aral Para sa Atin:
1:10-14. Dapat tayong mag-ingat na hindi maakit sa masamang daan ng mga makasalanan dahil sa kanilang pangako ng kayamanan.
3:3. Dapat nating lubhang pahalagahan ang maibiging-kabaitan at katapatan at hayagang ipakita ang mga ito kagaya ng gagawin natin sa isang mamahaling kuwintas. Kailangan din nating isulat ang mga katangiang ito sa ating puso, anupat ginagawa itong mahalagang bahagi ng ating pagkatao.
4:18. Progresibo ang espirituwal na kaalaman. Upang manatili sa liwanag, dapat na patuloy tayong magpakita ng kapakumbabaan at kaamuan.
5:8. Dapat tayong lumayo sa lahat ng imoral na impluwensiya, ito man ay nagmumula sa musika, libangan, Internet, o sa mga aklat at mga magasin.
5:21. Ipagpapalit ba ng isang umiibig kay Jehova ang kaniyang mabuting kaugnayan sa tunay na Diyos sa ilang panandaliang kaluguran? Siyempre hindi! Ang pinakamatibay na pangganyak para makapanatiling malinis sa moral ay ang kabatiran na nakikita ni Jehova ang ating pagkilos at na mananagot tayo sa kaniya.
6:1-5. Napakainam na payo nga ang makikita sa mga talatang ito laban sa di-matalinong pagpayag na magkaroon ng ‘pananagutan,’ o maging pinansiyal na tagapanagot, alang-alang sa iba! Kapag nasuri nating mabuti na waring di-matalino ang ginawa nating hakbang, dapat na kaagad-agad at paulit-ulit nating ‘paulanan ang ating kapuwa’ ng mga paghiling at gawin ang lahat ng magagawa natin upang ituwid ang mga bagay-bagay.
6:16-19. Binabanggit dito ang pitong pangunahing kategorya na nagsasangkot ng halos lahat ng uri ng pagkakasala. Dapat nating kapootan ang mga ito.
6:20-24. Kapag sinanay at pinalaki ang isa sa maka-Kasulatang paraan, maipagsasanggalang siya nito sa bitag ng seksuwal na imoralidad. Hindi dapat magpabaya ang mga magulang sa paglalaan ng gayong pagsasanay.
7:4. Dapat nating linangin ang pag-ibig sa karunungan at kaunawaan.
INDIBIDUWAL NA MGA KAWIKAAN UPANG PATNUBAYAN TAYO
Ang natitirang mga kawikaan ni Solomon ay maiikling indibiduwal na kasabihan. Pangunahin nang binubuo ito ng mga paghahambing at mga pagkakatulad. Naglalaman ito ng mapuwersang mga aral hinggil sa paggawi, pananalita, at saloobin.
Idiniriin ng kabanata 10 hanggang 24 ang kahalagahan ng mapitagang pagkatakot kay Jehova. Ang mga kawikaan sa kabanata 25 hanggang 29 ay itinala ng “mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda.” (Kawikaan 25:1) Itinuturo ng mga kawikaang ito ang pananalig kay Jehova at iba pang napakahalagang mga aral.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
10:6—Paano masasabing ‘pinagtatakpan ng bibig ng mga balakyot ang karahasan’? Maaaring ito ay sa diwa na gumagamit ng magagandang pananalita ang mga balakyot upang pagtakpan ang kanilang masamang hangarin na saktan ang iba. O posible na yamang karaniwan nang kinapopootan ang balakyot, ang di-magandang pagtrato sa kanila ng iba ay nagpapatahimik sa kanila.
10:10—Paanong “ang nagkikindat ng kaniyang mata” ay nagdudulot ng kirot? “Ang walang-kabuluhang tao” ay maaaring hindi lamang gumamit ng ‘likong pananalita’ kundi magsikap ding ikubli ang kaniyang mga motibo sa pamamagitan ng galaw ng kaniyang katawan, gaya ng ‘pagkindat ng kaniyang mata.’ (Kawikaan 6:12, 13) Ang ganitong uri ng panlilinlang ay maaaring pagmulan ng labis na kabagabagan sa isip ng kaniyang biktima.
10:29—Ano “ang daan ni Jehova”? Tinutukoy nito ang paraan ng pakikitungo ni Jehova sa sangkatauhan at hindi ang landasin sa buhay na dapat nating tahakin. Ang mga pakikitungo ng Diyos sa mga tao ay nangangahulugan ng katiwasayan para sa mga walang kapintasan pero kapahamakan para sa mga balakyot.
11:31—Bakit dapat higit na gantimpalaan ang balakyot kaysa sa matuwid? Ang gantimpalang binabanggit dito ay ang disiplinang tinatanggap ng isa. Kapag nagkamali ang matuwid, ang gantimpalang tinatanggap niya ay disiplina. Sinasadya ng balakyot na magkasala at tumatanggi siyang gumawa ng mabuti. Dahil dito, nararapat lamang siyang tumanggap ng matinding parusa.
12:23—Paano masasabing ‘tinatakpan ng isa ang kaalaman’? Ang pagtatakip sa kaalaman ay hindi nangangahulugang hindi niya ito ibinabahagi kailanman. Sa halip, nangangahulugan ito na maingat niyang ibinabahagi sa iba ang kaniyang kaalaman at iniiwasan ang pagyayabang.
14:17—Sa anong paraan ‘kinapopootan ang taong may kakayahang mag-isip’? Ang pananalitang Hebreo na isinaling “kakayahang mag-isip” ay maaaring mangahulugan ng kaunawaan o kaya naman ay masamang pag-iisip. Siyempre pa, ang taong may masasamang ideya ay kinapopootan. Subalit gayundin naman ang taong may kaunawaan na gumagamit sa kaniyang kakayahang mag-isip at nagpasiyang ‘hindi maging bahagi ng sanlibutan.’—Juan 15:19.
18:19—Paanong “ang kapatid na pinagkasalahan ay higit pa kaysa sa matibay na bayan”? Gaya ng isang matibay na bayan na kinukubkob, ang gayong tao ay maaaring magmatigas at tumangging magpatawad. Ang pagtatalo sa pagitan niya at ng nagkasala sa kaniya ay maaaring mabilis na maging isang balakid gaya ng “halang ng tirahang tore.”
Mga Aral Para sa Atin:
10:11-14. Para maging nakapagpapatibay ang ating mga salita, dapat na mapuno ang ating isipan ng tumpak na kaalaman, ang ating puso ay dapat na maudyukan ng pag-ibig, at hayaang ang karunungan ang tumulong sa atin na magpasiya kung ano ang nararapat mamutawi sa ating bibig.
10:19; 12:18; 13:3; 15:28; 17:28. Dapat tayong mag-isip muna bago magsalita, at iwasan ang pagiging masalita.
11:1; 16:11; 20:10, 23. Nais ni Jehova na maging tapat tayo sa ating negosyo.
11:4. Kamangmangan na itaguyod ang materyal na kayamanan kapalit ng personal na pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa mga pagpupulong, pananalangin, at ministeryo sa larangan.
13:4. Ang ‘pagnanasa’ na magkaroon ng katungkulan sa kongregasyon o mabuhay sa bagong sanlibutan ay hindi sapat. Dapat din tayong maging masipag at magsikap na abutin ang mga kahilingan.
13:24; 29:15, 21. Hindi pinalalaki sa layaw ng isang maibiging magulang ang kaniyang anak ni kinukunsinti man ang mga pagkakamali nito. Sa halip, ang isang ama o ina ay gumagawa ng mga hakbang upang ituwid ang mga pagkakamali ng bata bago pa ito mamihasa sa kasalanan.
14:10. Yamang hindi sa lahat ng panahon ay masasabi natin ang eksaktong niloloob natin ni palagi itong mauunawaan ng mga nagmamasid, ang emosyonal na kaaliwang maidudulot ng iba ay limitado lamang. Baka kailangan nating batahin ang ilang problema sa pamamagitan lamang ng pananalig kay Jehova.
15:7. Hindi natin dapat sabihin agad sa isang tao ang lahat ng ating nalalaman, kung paanong hindi inihahasik ng isang magsasaka ang lahat ng kaniyang binhi sa iisang lugar lamang. Unti-unting isinasabog ng marunong ang kaniyang kaalaman depende sa pangangailangan.
15:15; 18:14. Ang pagpapanatili ng positibong pananaw ay tutulong sa atin na makasumpong ng kagalakan, maging sa maligalig na mga situwasyon.
17:24. Di-tulad ng “hangal,” na ang mata at isip ay gumagala-gala sa halip na magtuon ng pansin sa mahahalagang bagay, dapat nating hanapin ang kaunawaan upang makakilos tayo nang may karunungan.
23:6-8. Dapat nating iwasan ang pakitang-taong pagkamapagpatuloy.
27:21. Ang ating reaksiyon sa papuri ay maaaring magsiwalat kung sino tayo. Nakikita ang kapakumbabaan kapag napakikilos tayo ng papuri na kilalanin ang ating pagkakautang kay Jehova at napasisigla tayo nito na patuloy siyang paglingkuran. Nakikita naman ang kawalan ng kapakumbabaan kapag napakikilos tayo nito na isiping nakahihigit tayo sa iba.
27:23-27. Sa paggamit ng tagpo sa kabukiran, idiniriin ng mga kawikaang ito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kasiyahan sa simpleng pamumuhay bunga ng masikap na pagtatrabaho. Dapat lalo nang ikintal nito sa ating isipan ang pangangailangang magtiwala sa Diyos.a
28:5. Kung ‘hahanapin natin si Jehova’ sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aaral ng kaniyang Salita, ‘mauunawaan natin ang lahat ng bagay’ na kinakailangan upang mapaglingkuran siya sa kaayaayang paraan.
‘MABIBIGAT NA MENSAHE’
Ang aklat ng Bibliya na Mga Kawikaan ay nagtatapos sa dalawang ‘mabibigat na mensahe.’ (Kawikaan 30:1; 31:1) Sa pamamagitan ng nakapupukaw-kaisipang mga paghahambing, inilalarawan ng mensahe ni Agur ang kawalang-kasiyahan ng kasakiman, at ipinakikita nito kung paanong hindi nahahalata ang mga panghihikayat ng isang lalaki sa isang dalaga.b Nagbababala rin ito laban sa pagtataas sa sarili at paggamit ng pananalitang nagpapahayag ng galit.
Ang mabigat na mensahe na tinanggap ni Lemuel sa kaniyang ina ay naglalaman ng mainam na payo hinggil sa pag-inom ng alak at nakalalangong inumin at hinggil sa matuwid na paghatol. Ang paglalarawan sa isang mabuting asawang babae ay nagtatapos sa pananalitang ito: “Bigyan ninyo siya ng mga bunga ng kaniyang mga kamay, at purihin siya ng kaniyang mga gawa.”—Kawikaan 31:31.
Magtamo ng karunungan, tanggapin ang disiplina, linangin ang makadiyos na takot, at manalig kay Jehova. Napakahalaga ngang mga aral ang itinuturo ng kinasihang mga kawikaan! Gawin nawa natin ang ating buong makakaya na ikapit ang payo nito at sa gayon ay maranasan ang kaligayahan ng “taong natatakot kay Jehova.”—Awit 112:1.
[Mga talababa]
[Mga larawan sa pahina 16]
Si Jehova ang Pinagmumulan ng lahat ng tunay na kaalaman
[Larawan sa pahina 18]
Ano ang kahulugan ng ‘pagsasabog ng kaalaman’?