“Mga Ugat na Hindi Mabubunot”
KABILANG sa pinakamalalaki at pinakamatatandang nabubuhay na bagay sa daigdig ang mga punong sequoia sa California. Ang kamangha-manghang mga higanteng ito ay may taas na 90 metro kapag matanda na at nabubuhay nang mahigit na 3,000 taon.
Bagaman nakapanggigilalas na makakita ng isang sequoia, ang di-nakikitang sistema ng mga ugat nito ay kahanga-hanga rin. Ang sequoia ay binubuo ng sala-salabat na mga ugat na nakalalaganap sa isang lugar na may lawak na 1.2 hanggang 1.6 ektarya. Ang pagkalawak-lawak na sistema ng mga ugat nito ay nagbibigay ng katatagan bumaha man o bumagyo. Posible pa nga na hindi maapektuhan ng isang malakas na lindol ang isang sequoia!
Pinili ni Haring Solomon ang matibay na sistema ng ugat ng isang punungkahoy bilang isang metapora sa isa sa kaniyang mga kawikaan. “Walang taong matatatag sa pamamagitan ng kasamaan,” ang sabi niya, “subalit ang mabubuting tao ay may mga ugat na hindi mabubunot.” (Kawikaan 12:3, The New English Bible) Oo, ang masasama ay nasa mabuway na kalagayan. Anumang tagumpay na waring natamo nila ay pansamantala lamang, sapagkat ipinangangako ni Jehova na “ang mismong pag-asa ng masasama ay mapaparam.”—Kawikaan 10:28.
Ito ay isang babala para sa mga nag-aangking Kristiyano, sapagkat sinabi ni Jesus na ang ilan ay “walang ugat” sa kanilang sarili at matitisod. (Mateo 13:21) Isa pa, sumulat si Pablo tungkol sa mga tao na “dinadalang paroo’t parito ng bawat hangin ng [huwad na] turo.” (Efeso 4:14) Papaano maiiwasan ito?
Kung papaanong ang mga ugat ng isang sequoia ay lumalaganap nang husto sa matabang lupa, ang ating mga isip at puso ay hayaan nating magsaliksik nang husto sa Salita ng Diyos at sumalok mula roon ng nagbibigay-buhay na tubig. Ito ay tutulong sa atin upang paunlarin ang isang pananampalatayang matatag ang pagkakaugat. Mangyari pa, madarama natin ang mga epekto ng mga bagyo ng pagsubok. Tayo’y baka mayanig pa nga, gaya ng isang puno, sa harap ng kagipitan. Subalit kung ang ating pananampalataya ay matatag, mapatutunayang tayo ay may “mga ugat na hindi mabubunot.”—Ihambing ang Hebreo 6:19.