“Ang Kautusan ng Marunong”—Bukal ng Buhay
“O ANG lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!” ang bulalas ni apostol Pablo. (Roma 11:33) At ang tapat na patriyarkang si Job ay nagsabi: “[Ang Diyos na Jehova] ay marunong sa puso.” (Job 9:4) Oo, ang Maylalang ng langit at lupa ay walang kapantay sa karunungan. Ano ang masasabi tungkol sa kautusan, o nasusulat na Salita, ng gayong Maylalang?
Umawit ang salmista: “Ang kautusan ni Jehova ay sakdal, na nagpapanauli ng kaluluwa. Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, na nagpaparunong sa walang-karanasan. Ang mga pag-uutos mula kay Jehova ay matuwid, na nagpapasaya ng puso; ang utos ni Jehova ay malinis, na nagpapaningning ng mga mata.” (Awit 19:7, 8) Malamang na lubos na naunawaan ni Haring Solomon ng sinaunang Israel ang katotohanan ng mga salitang iyon! Sinabi niya: “Ang kautusan ng marunong ay bukal ng buhay, upang ilayo ang isa mula sa mga silo ng kamatayan.” (Kawikaan 13:14) Sa naunang 13 talata ng Kawikaan kabanata 13, ipinakita ni Solomon kung paano makatutulong sa atin ang payo na masusumpungan sa Salita ng Diyos upang mapaunlad ang kalidad ng ating buhay at maiwasang maisapanganib ito.
Maging Madaling Turuan
“Ang anak ay marunong kapag may disiplina ng ama, ngunit ang manunuya ay yaong hindi nakarinig ng pagsaway,” ang sabi ng Kawikaan 13:1. Ang disiplina ng ama ay maaaring magaan o mabigat. Ito ay maaaring sa anyo muna ng pagsasanay, at kapag iyon ay tinanggihan, ito ay magiging parusa sa dakong huli. Ang anak ay marunong kapag tinatanggap niya ang disiplina ng kaniyang ama.
“Ang iniibig ni Jehova ay dinidisiplina niya,” ang sabi ng Bibliya, at “hinahagupit niya ang bawat isa na kaniyang tinatanggap bilang anak.” (Hebreo 12:6) Ang isang paraan ng pagdidisiplina sa atin ng ating makalangit na Ama ay sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya. Kapag binabasa natin ang Bibliya nang may paggalang at ikinakapit ang ating natututuhan doon, aktuwal na dinidisiplina tayo ng kaniyang Salita. Ito ay bentaha para sa atin, sapagkat ang lahat ng sinasabi ni Jehova ay para sa ating kapakinabangan.—Isaias 48:17.
Ang disiplina ay maaari ring dumating sa atin bilang pagtutuwid mula sa isang kapananampalataya na interesado sa ating espirituwal na kapakanan. Anumang nakatutulong na payo na kasuwato ng Salita ng Diyos ay maaaring malasin, hindi bilang payo mula mismo sa taong iyon, kundi mula sa dakilang Pinagmumulan ng katotohanan. Marunong tayo kung tatanggapin natin ito bilang payo mula kay Jehova. Kapag gayon ang ating ginagawa at hinahayaan nating maimpluwensiyahan nito ang ating pag-iisip, mapasulong ang ating unawa sa Kasulatan, at maituwid ang ating mga daan, tayo ay nakikinabang mula sa disiplina. Totoo rin ito sa payo na natatanggap natin sa mga Kristiyanong pagpupulong at salig-Bibliyang mga publikasyon. Ang pagkakapit sa ating natututuhan sa pamamagitan ng nasusulat o binibigkas na mga salitang iyon ay isang napakahusay na anyo ng pagdidisiplina sa sarili.
Ang manunuya, sa kabilang panig, ay hindi nagkakapit ng disiplina. “Dahil inaakala niya na alam niya kung ano ang pinakamabuti,” ang sabi ng isang akdang reperensiya, “hindi [siya] madaling turuan.” Hindi niya ikinakapit maging ang pagsaway—isang mas matinding anyo ng disiplina. Subalit mapatutunayan ba niya na mali ang disiplina ng Ama? Si Jehova ay hindi kailanman nagkamali, at hindi siya kailanman magkakamali. Dahil sa pagtanggi sa disiplina, ginagawa lamang ng manunuya na katawa-tawa ang kaniyang sarili. Sa pamamagitan lamang ng ilang pilíng mga salita, kay-inam na naipakita ni Solomon ang kahalagahan ng pagiging madaling turuan!
Bantayan ang Iyong Dila!
Upang ipakita ang kahalagahan ng patnubay ng Salita ng Diyos sa ating pananalita, itinulad ng hari ng Israel ang bibig sa isang namumungang punungkahoy. Sinabi niya: “Mula sa bunga ng kaniyang bibig ay kakain ng mabuti ang isang tao, ngunit ang mismong kaluluwa ng mga nakikitungo nang may kataksilan ay karahasan.” (Kawikaan 13:2) Ang mga bunga ng bibig ay ang binigkas na mga salita. At inaani ng isang tao ang mga salitang kaniyang inihasik. “Kung ang kaniyang mga salita ay may mabuting intensiyon at iniukol sa pagtatatag ng palakaibigang kaugnayan sa kaniyang mga kapuwa,” ang sabi ng isang iskolar, “siya ay kakain ng mabuti, at magtatamasa ng isang maligaya at mapayapang pag-iral.” Iba naman ang nangyayari sa isang taksil. Nais niyang gumawa ng karahasan at maminsala sa iba. Dahil nagpapakana siya ng karahasan, karahasan din ang kaniyang aanihin. Ang mga silo ng kamatayan ay nasa kaniyang pintuan.
“Ang nagbabantay ng kaniyang bibig ay nag-iingat ng kaniyang kaluluwa,” ang patuloy pa ni Solomon. “Ang nagbubukang maluwang ng kaniyang mga labi—magkakaroon siya ng kapahamakan.” (Kawikaan 13:3) Ang isang nasirang reputasyon, nasaktang damdamin, maigting na ugnayan, at maging ang pisikal na pinsala ay pawang mga posibleng resulta ng di-pinag-isipan at mangmang na pananalita. Ang walang kontrol na pananalita ay maaari ring maging dahilan ng di-pagsang-ayon ng Diyos, sapagkat magsusulit ang lahat kay Jehova dahil sa kaniyang mga salita. (Mateo 12:36, 37) Sa katunayan, ang mahigpit na pagkontrol sa ating bibig ay magliligtas sa atin sa kasiraan. Kung gayon, paano natin matututuhang bantayan ang ating bibig?
Ang isang simpleng paraan upang magawa ito ay huwag masyadong magsalita. “Dahil sa karamihan ng mga salita ay hindi magkukulang ng pagsalansang,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 10:19) Ang isa pang paraan ay mag-isip bago magsalita. Ang kinasihang manunulat ay nagsasabi: “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak.” (Kawikaan 12:18) Kapag hindi patiunang pinag-isipan ang sasabihin, kapuwa ang nagsasalita at ang mga tagapakinig ay maaaring masaktan. Dahil dito, ibinibigay ng Bibliya sa atin ang praktikal na payong ito: “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot.”—Kawikaan 15:28.
Maging Masikap
“Ang tamad ay nagnanasa,” ang sabi ni Solomon, “ngunit ang kaniyang kaluluwa ay wala ni anuman. Gayunman, ang kaluluwa ng mga masikap ay patatabain.” (Kawikaan 13:4) “Ang punto [ng kawikaang ito] ay na ang basta pagnanasa lamang ay talagang walang-saysay,” ang sabi ng isang akdang reperensiya, at ang “kasipagan ang siyang mahalaga. Ang mga taong tamad ay mga biktima ng mga pagnanasa . . . na lumilipos sa kanila, at wala talaga silang mapapala sa kanilang sarili.” Gayunman, ang kaluluwa, o ang nasa, ng mga masikap ay nasasapatan—pinatataba.
Ano ang masasabi sa mga nag-aantala ng pag-aalay kay Jehova dahil nais nilang umiwas sa pananagutan? Maaari nilang ipakita na nais nilang manirahan sa bagong sanlibutan ng Diyos, ngunit handa ba silang kumilos ukol dito? Isang kahilingan sa mga “lumabas mula sa malaking kapighatian” ang manampalataya sila sa haing pantubos ni Jesus, mag-alay kay Jehova, at sagisagan ang kanilang pag-aalay sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.—Apocalipsis 7:14, 15.
Isaalang-alang din kung ano ang nasasangkot sa pag-abot sa katungkulan ng pangangasiwa sa kongregasyon. Ang hangaring maabot ang mainam na gawaing ito ay tiyak na kapuri-puri at pinasisigla sa Kasulatan. (1 Timoteo 3:1) Gayunman, hindi sapat na basta ipakita ang pagnanais. Upang maging kuwalipikado para sa isang katungkulan, kahilingan na linangin ang kinakailangang mga katangian at mga kakayahan. Nangangailangan iyon ng personal na pagsisikap.
Katuwiran—Isang Sanggalang
Ang isang matuwid na tao ay naglilinang ng makadiyos na mga katangian at nagsasalita ng katotohanan. Alam niya na labag sa kautusan ni Jehova ang pagsisinungaling. (Kawikaan 6:16-19; Colosas 3:9) Hinggil dito, sinabi ni Solomon: “Ang bulaang salita ang siyang kinapopootan ng matuwid, ngunit ang mga balakyot ay gumagawi nang kahiya-hiya at nagpapangyari ng kanilang sariling pagkadusta.” (Kawikaan 13:5) Ang matuwid ay hindi lamang umiiwas sa pagsisinungaling; talagang kinapopootan niya ang mga ito. Alam niya na kahit na waring wala namang masamang layunin ang mga ito, ang mga kasinungalingan ay nagwawasak ng mabubuting kaugnayan ng tao. Bukod diyan, ang kredibilidad ng isa na nagsisinungaling ay nasisira. Ang balakyot ay gumagawi nang kahiya-hiya sa pamamagitan ng pagsisinungaling o iba pang paraan, at sa gayo’y nagdudulot ng kadustaan para sa kaniyang sarili.
Upang ipakita na kapaki-pakinabang na gawin kung ano ang tama sa paningin ng Diyos, sinabi ng matalinong hari: “Ang katuwiran ay nag-iingat sa kaniya na ang lakad ay hindi mapaminsala, ngunit kabalakyutan ang gugupo sa makasalanan.” (Kawikaan 13:6) Tulad ng isang tanggulan, ang katuwiran ay nagsasanggalang sa isang tao, samantalang ang kabalakyutan ay sumisira sa kaniya.
Huwag Magkunwari
Upang ipakita na nauunawaan niya ang kalikasan ng tao, sinabi ng hari ng Israel: “May nagkukunwaring mayaman gayunma’y wala siyang anumang pag-aari; may nagkukunwaring dukha gayunma’y marami siyang mahahalagang pag-aari.” (Kawikaan 13:7) Ang isang tao ay maaaring magkunwari. Ang ilang mahihirap ay nagkukunwaring mayaman—marahil upang magparangya, upang magbigay ng impresyon ng pagiging matagumpay, o para lamang hindi mapahiya. Ang isang mayamang tao ay maaaring magkunwaring mahirap, para lamang ikubli ang kaniyang kayamanan.
Ang pakitang-taong pagpaparangya o ang pagkukubli sa kayamanan ay hindi mabuti. Kung mahirap tayo, ang paggastos ng salapi sa mga luho upang magmukhang mayaman ay maaaring humadlang sa atin at sa ating pamilya na matamo ang mga pangangailangan sa buhay. At ang isang tao na nagkukunwaring mahirap bagaman siya’y mayaman ay maaaring maging kuripot, anupat napagkakaitan siya ng angkop na dignidad at kaligayahan na nagmumula sa pagiging bukas-palad. (Gawa 20:35) Ang pamumuhay nang matapat ang siyang umaakay sa magandang buhay.
Panatilihing Simple ang mga Nasa
“Ang pantubos sa kaluluwa ng isang tao ay ang kaniyang kayamanan,” ang sabi ni Solomon, “ngunit ang dukha ay hindi nakarinig ng pagsaway.” (Kawikaan 13:8) Anong aral ang ipinahihiwatig ng matalinong kasabihang ito?
May mga bentaha ang pagiging mayaman, ngunit ang pagkakaroon ng mga kayamanan ay hindi laging gumagarantiya ng kaligayahan. Sa maligalig na mga panahong ito na kinabubuhayan natin, ang mga mayayaman at ang kani-kanilang pamilya ang kadalasang nanganganib na makidnap at mabihag para tubusin. Kung minsan, ang isang mayaman ay maaaring magbigay ng pantubos upang bayaran ang kaniyang buhay o ang buhay ng isang miyembro ng pamilya. Ngunit kadalasan, ang kinidnap ay pinapaslang. Ang gayong panganib ay laging nagbabanta sa mga mayayaman.
Ang taong dukha ay hindi nababahala nang gayon. Bagaman maaaring hindi niya taglay ang maraming kaalwanan at materyal na mga bagay na natatamasa ng isang mayaman, siya ay malayong maging puntirya ng mga kidnaper. Ito ang isang kapakinabangan kung pananatilihin nating simple ang ating mga naisin at hindi natin ibubuhos ang ating panahon at lakas sa paghahanap ng kayamanan.—2 Timoteo 2:4.
Magsaya sa “Liwanag”
Patuloy na ipinakita ni Solomon na ang paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa paraan ni Jehova ay siyang pinamakabuti para sa atin. “Ang liwanag ng mga matuwid ay magsasaya,” ang sabi niya, “ngunit ang lampara ng mga balakyot—ito ay papatayin.”—Kawikaan 13:9.
Ang lampara ay sumasagisag sa inaasahan nating magbibigay-liwanag sa landas ng ating buhay. ‘Ang salita ng Diyos ay lampara sa paa ng matuwid at liwanag sa kaniyang landas.’ (Awit 119:105) Naglalaman ito ng di-mauubos na kaalaman at karunungan ng Maylalang. Habang sumusulong ang ating unawa sa kalooban at layunin ng Diyos, lalo namang nagniningning ang espirituwal na liwanag na pumapatnubay sa atin. Tunay nga itong isang pinagmumulan ng kagalakan! Bakit tayo pagagambala sa makasanlibutang karunungan o sa “may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman’ ”?—1 Timoteo 6:20; 1 Corinto 1:20; Colosas 2:8.
Kung tungkol sa balakyot, gaano man kaningning ang waring pagliliwanag ng kaniyang lampara at gaano man kasagana ang waring kalagayan niya, ang kaniyang lampara ay mamamatay. Masasadlak siya sa kadiliman, kung saan ang kaniyang paa ay matitisod. Karagdagan pa, “walang kinabukasan” para sa kaniya.—Kawikaan 24:20.
Subalit ano ang dapat nating gawin kapag hindi natin tiyak kung ano ang dapat nating gawin sa isang espesipikong situwasyon? Paano kung hindi natin tiyak kung may awtoridad tayo na pagpasiyahan iyon? Nagbababala ang Kawikaan 13:10: “Dahil sa kapangahasan ang isa ay lumilikha lamang ng pagtatalo.” Ang pagkilos nang walang kaalaman o walang awtoridad ay kapangahasan at magiging sanhi ng alitan. Hindi kaya mas mainam na sumangguni sa iba na may kaalaman at kaunawaan? “Sa mga nagsasanggunian ay may karunungan,” ang sabi ng matalinong hari.
Mag-ingat sa Maling mga Inaasam
Ang salapi ay maaaring magamit sa kapaki-pakinabang na layunin. Ang pagkakaroon ng sapat na pananalapi ay mas mabuti kaysa sa napakasimple o dukhang pamumuhay. (Eclesiastes 7:11, 12) Gayunman, ang inaakalang mga kapakinabangan ng kayamanang natamo sa masamang paraan ay mapanlinlang. Nagbabala si Solomon: “Ang mahahalagang pag-aaring nagmumula sa kawalang-kabuluhan ay kumakaunti, ngunit ang nagtitipon sa pamamagitan ng kamay ang siyang nagpaparami.”—Kawikaan 13:11.
Halimbawa, isaalang-alang ang pang-akit ng sugal. Maaaring gugulin ng isang sugarol ang kaniyang pinaghirapang salapi sa pag-asang manalo siya ng malaking halaga. Ngunit napakadalas na ginagawa ito kapalit ng kapakanan ng kaniyang pamilya! At ano ang mangyayari kapag nanalo ang sugarol? Yamang madaling dumating ang salapi, baka kakaunti lamang ang kaniyang pagpapahalaga rito. Bukod diyan, maaaring wala siyang kasanayan upang pangasiwaan ang kaniyang katatamong gantimpala. Hindi ba’t ang kaniyang kayamanan ay malamang na maglaho na kasimbilis ng pagtatamo niya nito? Sa kabilang panig, ang kayamanan na unti-unting naipon—painut-inot sa pamamagitan ng mabubuting gawa—ay patuloy na darami at maaaring magamit sa kapaki-pakinabang na paraan.
“Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso,” ang sabi ni Solomon, “ngunit ang bagay na ninanasa ay punungkahoy ng buhay kapag ito ay dumating.” (Kawikaan 13:12) Ang di-natupad na mga inaasahan ay tiyak na hahantong sa pagkasiphayo na magpapasakit sa puso. Nangyayari ito sa araw-araw na pamumuhay. Gayunman, hindi ganito ang nangyayari sa mga inaasam na matibay na nakasalig sa Salita ng Diyos. Lubusan tayong makapagtitiwala na matutupad ang mga ito. Maging ang waring mga pagkaantala ay malamang na hindi makasiphayo.
Halimbawa, alam natin na napakalapit na ng bagong sanlibutan ng Diyos. (2 Pedro 3:13) Taglay ang sabik na pag-asam, may-kagalakan nating hinihintay ang katuparan ng mga pangako ng Diyos. Ano ang mangyayari kapag ginagamit natin ang panahon ng paghihintay upang manatiling abala “sa gawain ng Panginoon,” upang pasiglahin ang mga kapananampalataya, at upang maglinang ng higit na matalik na kaugnayan kay Jehova? Sa halip na ‘masaktan ang puso,’ malilipos tayo ng kagalakan. (1 Corinto 15:58; Hebreo 10:24, 25; Santiago 4:8) Kapag natupad na ang matagal nang ninanasa, ito ay isang punungkahoy ng buhay—tunay na nakapagpapalakas at nakagiginhawa.
Ang Kautusan ng Diyos—Bukal ng Buhay
Sa paglalarawan sa pangangailangang sumunod sa Diyos, ang Kawikaan 13:13 ay nagsasabi: “Siyang humahamak sa salita, aagawin sa kaniya ang panagot ng may utang; ngunit ang natatakot sa utos ang siyang gagantihan.” Kung ang isang may utang ay humamak sa salita sa pamamagitan ng hindi pagbayad sa utang, maiwawala niya ang kaniyang ibinigay bilang panagot. Gayundin naman, may maiwawala tayo kapag nabigo tayong sumunod sa mga utos ng Diyos. Ano ang maiwawala natin?
“Ang kautusan ng marunong ay bukal ng buhay, upang ilayo ang isa mula sa mga silo ng kamatayan.” (Kawikaan 13:14) Kung mamumuhay tayo nang wala ang kautusan ng pinakamarunong-sa-lahat na Diyos, si Jehova, para tayong pinagkaitan ng patnubay na makatutulong sa atin na magkaroon ng isang mas mainam at mas mahabang buhay. Kaylaki ngang kawalan ito! Kung gayon, ang landasin ng karunungan para sa atin ay magbigay ng natatanging pansin sa Salita ng Diyos at hayaan itong makaimpluwensiya sa ating mga pag-iisip, pananalita, at pagkilos.—2 Corinto 10:5; Colosas 1:10.
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang pagkakapit sa maka-Kasulatang payo ay isang napakahusay na anyo ng pagdidisiplina sa sarili
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
“Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot”
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Ang pananatiling abala “sa gawain ng Panginoon” ay lumilipos sa atin ng kagalakan