KAPANGAHASAN
Pagsasagawa ng isang bagay na ang isa’y walang karapatan, pahintulot, o awtoridad na gawin; kawalang-pakundangan sa paggawi o pag-iisip; paglampas sa mga takdang hangganan; padalus-dalos na pagsuway. Ang salitang ito ay nauugnay sa kapalaluan, pagmamataas, pagmamapuri, at kagaspangan. Kabaligtaran ito ng mga salitang kaamuan at kahinhinan.
Nagbubunga ng Kapangahasan ang Pagmamapuri at Galit. Ang salitang Hebreo na za·dhohnʹ, isinasaling “kapangahasan,” ay halaw sa pandiwang zidh, na nangangahulugang “magpakulo, mag-init.” (Gen 25:29; Exo 21:14) Dahil sa pag-iinit sa galit o pagmamapuri, ang isang tao ay maaaring kumilos nang padalus-dalos, maging matapang nang wala sa lugar, at makatapak ng mga karapatan ng iba. Sinasabi ng kawikaan: “Pangahas at mapagmapuri-sa-sariling hambog ang pangalan niyaong kumikilos sa silakbo ng kapangahasan.” (Kaw 21:24) Sa Deuteronomio 1:43, ang anyong pandiwa nito ay ginagamit sa paglalarawan sa pagkilos ng bayan ng Israel nang sila ay sumuway sa utos ng Diyos at humayo nang walang pahintulot. Sinabi sa kanila ni Moises: “Kaya nagsalita ako sa inyo, at hindi kayo nakinig kundi nagsimula kayong gumawi nang mapaghimagsik laban sa utos ni Jehova at nag-init kayo nang lubos, at tinangka ninyong umahon sa bundok.” May isa pang salitang Hebreo, ang ʽa·phalʹ, na ginagamit naman sa ulat ng pangyayari ring ito sa Bilang 14:40-44: “Sinabi ni Moises: ‘ . . . Huwag kayong umahon, sapagkat si Jehova ay wala sa gitna ninyo . . . ’ Gayunman, sila ay nangahas na umahon sa taluktok ng bundok,” kung saan natalo sila sa mga kamay ng mga tumatahan doon. Sila ay ‘nagmalaki’ taglay ang maling pagtitiwala.—Ihambing ang Hab 2:4.
Ipinakikita rin ng utos ng Diyos sa Israel na ang galit ay maaaring magbunga ng nakapipinsalang kapangahasan at malubhang paglabag sa kautusan ng Diyos: “Kung ang isang tao ay mag-init [isang anyo ng zidh] laban sa kaniyang kapuwa anupat mapatay niya ito nang may katusuhan, kukunin mo siya kahit na mula sa aking altar upang mamatay.”—Exo 21:14.
Mag-ingat Laban sa Kapangahasan. Natanto ni Haring David, na pinagkalooban ng Diyos ng maraming pabor at ng malaking awtoridad, na posibleng nagkakasala siya ng kapangahasan. Nanalangin siya: “Mga pagkakamali—sino ang makatatalos? Mula sa mga nakakubling kasalanan ay ariin mo akong walang-sala. Mula rin sa mga gawang mapangahas ay pigilan mo ang iyong lingkod; huwag mong hayaang manaig sa akin ang mga iyon. Kung magkagayon ay magiging ganap ako, at mananatili akong walang-sala mula sa maraming pagsalansang.” (Aw 19:12, 13) Kaya nga, napakalaki ng panganib, at kailangang magbantay nang husto laban sa bagay na ito. Ang mapangahas na pagkilos ay isang pagkakasalang mas malubha kaysa sa pagkakamali. May mataas man o mababang posisyon ang isa, ang paglampas niya sa mga takdang hangganan ay karima-rimarim na bagay sa paningin ng Diyos. Si Uzias, bagaman isang makapangyarihang hari na nagtamasa ng mga pagpapala ng Diyos, ay pinasapitan ng ketong dahil may-kapangahasan siyang gumanap ng tungkulin ng saserdote. (2Cr 26:16-21) Kapangahasan ang nagtulak kay Haring Saul na maghimagsik laban kay Jehova. Palibhasa’y hindi na niya nais maghintay pa sa pagdating ni Samuel, inihandog na mismo ni Saul ang hain. (1Sa 13:8-14) Sarili niya ring pagpapasiya ang pinairal niya nang paligtasin niya ang Amalekitang si Haring Agag at ang pinakamaiinam na samsam, bagaman ang utos ni Jehova ay italaga sa pagkapuksa ang mga Amalekita. Dahil sa kaniyang mapangahas na landasin, itinakwil si Saul bilang hari.—1Sa 15:8, 9, 11, 18, 19.
Ang isang kilaláng halimbawa ng kapangahasan ng isang di-maharlikang Israelita ay yaong kay Uzah. Inihahatid noon ang kaban ng tipan patungong Jerusalem sa pamamagitan isang karitong hila-hila ng mga baka, anupat salungat iyon sa paraang binalangkas ng Diyos. Nang muntik na itong maibuwal ng mga baka, iniunat ni Uzah ang kaniyang kamay at sinunggaban niya ang Kaban upang pigilan ito. Dahil sa walang-pitagang kapangahasang iyon, sinaktan siya ni Jehova, at siya ay namatay.—2Sa 6:6, 7.
Kung hindi tiyak ng isang tao ang dapat niyang maging pagkilos hinggil sa isang usapin, o hindi siya sigurado kung may awtoridad siyang gawin ang isang bagay, dapat muna siyang sumangguni sa iba na may kaalaman at kaunawaan hinggil doon. Nagpapayo ang Kasulatan: “Dahil sa kapangahasan ang isa ay lumilikha lamang ng pagtatalo, ngunit sa mga nagsasanggunian ay may karunungan.” (Kaw 13:10) Ang kapangahasan ay humahantong sa kapaha-pahamak na mga resulta; ililigtas naman ng kahinhinan ang isang tao. Sinasabi ng taong marunong: “Dumating ba ang kapangahasan? Kung gayon ay darating ang kasiraang-puri; ngunit ang karunungan ay nasa mga mahinhin.”—Kaw 11:2.
Kawalang-galang sa Soberanya ng Diyos. Kapag ang isang tao ay kumikilos nang may kapangahasan sa harap ng Diyos, nagpapakita siya ng kawalang-galang sa soberanya at pagka-Diyos ni Jehova. Yaong mga nag-aangking lingkod niya at pagkatapos ay hindi angkop na kumakatawan sa kaniya ay higit namang kasuklam-suklam. Tungkol sa mga bulaang propeta, sinabi ni Jehova: “Ang propeta na mangangahas na magsalita sa aking pangalan ng salita na hindi ko iniutos sa kaniya na salitain . . . ang propetang iyon ay dapat mamatay. . . . Kapag ang propeta ay nagsalita sa pangalan ni Jehova at ang salita ay hindi nangyari o nagkatotoo, . . . may kapangahasang sinalita iyon ng propeta.”—Deu 18:20-22.
Gayundin, ang kawalang-galang kay Jehova ay ipinahihiwatig ng kawalang-galang sa kaniyang inatasang mga lingkod, na maaaring dahil sa kapangahasan. Sa Israel, ang mahihirap na kaso ay dinadala ‘sa dako na pinili ni Jehova’ (anupat iyon ay ang Jerusalem, mula noong mga araw ni David patuloy). Ang sinumang humamak sa inilapat na hatol ay papatayin, sapagkat sa pagtindig niya laban sa mga kinatawan ng Diyos ay sumasalansang siya sa Diyos. Ganito ang mababasa sa kautusan: “Gawin mo ang ayon sa kautusan na itatagubilin nila sa iyo, at ang ayon sa hudisyal na pasiya na sasabihin nila sa iyo. . . . At ang taong gagawi nang may kapangahasan na hindi makikinig sa saserdote na nakatayo upang maglingkod doon kay Jehova na iyong Diyos o sa hukom, ang taong iyon ay dapat mamatay; at aalisin mo ang kasamaan sa Israel. At maririnig ng buong bayan at matatakot, at hindi na sila kikilos pa nang may kapangahasan.” (Deu 17:8-13; ihambing ang Bil 15:30.) Bumabanggit ang apostol na si Pedro ng ilan na nagpakita ng labis na kawalang-galang sa Diyos at sa Kaniyang pinahirang mga lingkod, anupat inilalarawan niya sila bilang “mapusok [mula sa Griegong tol·me·tesʹ, “mapangahas,” KJ], mapaggiit ng sarili, hindi sila nanginginig sa mga maluwalhati kundi nagsasalita nang may pang-aabuso.” Ang gayong mga tao, sabi ni Pedro, ay ‘daranas ng pagkapuksa sa kanilang sariling landasin ng pagkapuksa.’—2Pe 2:10, 12.
Ang pagiging pangahas dahil sa kaugnayan sa laman ay maaaring maging isang silo. Napag-unawa ni Juan na Tagapagbautismo ang kaisipan ng mga Judio noong lumapit sila sa kaniya. Binabalaan niya sila: “Huwag ninyong ipagpalagay na sabihin sa inyong sarili, ‘Bilang ama ay taglay namin si Abraham.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo na ang Diyos ay makapagbabangon ng mga anak kay Abraham mula sa mga batong ito.” (Mat 3:9) Dito, ang salitang Griego na isinalin bilang “ipagpalagay,” o ipangahas, ay doʹxe·te, mula sa do·keʹo, na may pangunahing kahulugan na “mag-isip; bumuo ng opinyon (tama o mali).”
Magwawakas ang Kapangahasan. Ang sinaunang Babilonya ay isang pangunahing halimbawa ng kapangahasan laban sa Diyos, kung kaya mula’t sapol ay kalaban na siya ng Diyos. Sinabi ng propetang si Jeremias sa kaniya: “‘Narito! Ako ay laban sa iyo, O Kapangahasan,’ ang sabi ng Soberanong Panginoon. . . . Ang Kapangahasan ay tiyak na matitisod at mabubuwal.” (Jer 50:29, 31, 32) Ang makasagisag na Babilonyang Dakila ay napatunayang ang mahigpit at pinakapangahas na kaaway ng Diyos sa lupa; nilalasing niya ang mga tumatahan sa lupa “sa alak ng kaniyang pakikiapid” at siya ang may pananagutan sa “dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa. Dahil dito ay daranas siya ng walang-hanggang pagkapuksa (Apo 17:2, 5; 18:7, 8, 20, 24) Kaayon ito ng pangako ni Jehova na wawakasan niya ang lahat ng maka-Babilonyang kapangahasan: “Paglalahuin ko nga ang pagmamapuri ng mga pangahas, at ang kapalaluan ng mga maniniil ay aking ibababa.”—Isa 13:11.