“Ang Bawat Matalino ay Gagawi Nang May Kaalaman”
ANG patnubay mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, ‘ay higit na nanasain kaysa sa ginto—kaysa sa maraming dalisay na ginto.’ (Awit 19:7-10) Bakit? Dahil “ang kautusan ng marunong [si Jehova] ay bukal ng buhay, upang ilayo ang isa mula sa mga silo ng kamatayan.” (Kawikaan 13:14) Kapag ikinapit, hindi lamang pinasusulong ng payo mula sa Kasulatan ang kalidad ng ating buhay kundi tumutulong din ito sa atin na maiwasan ang mga silo na nagsasapanganib dito. Napakahalaga ngang saliksikin natin ang kaalaman sa Kasulatan at kumilos kasuwato ng ating natututuhan!
Gaya ng nakaulat sa Kawikaan 13:15-25, nagbigay ng payo si Haring Solomon ng sinaunang Israel na tumutulong sa atin na gumawi nang may kaalaman upang matamasa natin ang mas mainam at mas mahabang buhay.a Sa paggamit ng maiigsi subalit maliliwanag na kawikaan, ipinakita niya kung paano makatutulong sa atin ang Salita ng Diyos upang matamo ang pagsang-ayon ng iba, makapanatiling tapat sa ating ministeryo, magkaroon ng tamang saloobin sa disiplina, at makapili ng ating mga kasama nang may katalinuhan. Isinaalang-alang din niya ang katalinuhan ng pag-iiwan ng mana sa ating mga supling gayundin ang maibiging pagdidisiplina sa kanila.
Ang Mabuting Kaunawaan ay Nagtatamo ng Lingap
“Ang mabuting kaunawaan ay nagbibigay ng lingap,” ang sabi ni Solomon, “ngunit ang daan niyaong mga nakikitungo nang may kataksilan ay baku-bako.” (Kawikaan 13:15) Sa orihinal na wika, ang pananalitang “mabuting kaunawaan,” o mabuting unawa, ay “naglalarawan sa kakayahang maging maingat, gumawa ng magaling na pasiya, at magtaglay ng mahuhusay na opinyon,” ang sabi ng isang reperensiyang akda. Madaling natatamo ng taong may gayong mga katangian ang pagsang-ayon ng iba.
Isaalang-alang ang may-kaunawaang paraan ng pakikitungo ni apostol Pablo sa kaniyang kapuwa Kristiyanong si Filemon nang pabalikin niya ang takas na alipin ni Filemon na si Onesimo, na naging isa nang Kristiyano. Pinayuhan ni Pablo si Filemon na tanggaping muli si Onesimo sa mabait na paraan, gaya ng gagawin niyang pagtanggap sa apostol mismo. Sa katunayan, iminungkahi pa nga ni Pablo na siya ang magbabayad kung may anumang utang si Onesimo kay Filemon. Oo, maaaring gamitin ni Pablo ang kaniyang awtoridad at utusan si Filemon na gawin kung ano ang tama. Subalit ipinasiya ng apostol na lutasin ang mga bagay-bagay sa mataktika at maibiging paraan. Sa paggawa nito, may tiwala si Pablo na mawawagi niya ang pakikipagtulungan ni Filemon, anupat mauudyukan itong gawin ang higit pa sa hinihiling sa kaniya. Hindi ba’t ganito rin ang dapat na pakikitungo natin sa ating mga kapananampalataya?—Filemon 8-21.
Sa kabilang dako, ang daan ng mga taksil ay baku-bako, o matigas. Sa anong diwa? Ayon sa isang iskolar, ang salitang ginamit dito ay nangangahulugang “mahigpit o mapagmatigas, na tumutukoy sa manhid na asal ng mga taong balakyot. . . . Ang isang tao na determinado sa kaniyang masasamang daan, manhid at mapagwalang-bahala sa matalinong tagubilin ng iba, ay patungo sa kapahamakan.”
Nagpapatuloy si Solomon: “Ang bawat matalino ay gagawi nang may kaalaman, ngunit ang hangal ay magkakalat ng kamangmangan.” (Kawikaan 13:16) Ang katalinuhan na binabanggit dito ay may kaugnayan sa kaalaman at iniuugnay sa isang taong maingat, na nag-iisip muna bago kumilos. Kapag napapaharap sa di-makatuwirang pamumuna o pang-iinsulto pa nga, sinusupil ng isang matalinong tao ang kaniyang mga labi. May-pananalangin niyang sinisikap na ipamalas ang mga bunga ng banal na espiritu upang hindi siya labis na mayamot. (Galacia 5:22, 23) Hindi pinahihintulutan ng isang taong maingat na kontrolin siya ng ibang tao o ng situwasyon. Sa halip, nagpipigil siya at iniiwasan ang mga pag-aaway na malimit mangyari sa isang indibiduwal na madaling magalit kapag nasaktan ang damdamin.
Gumagawi rin nang may kaalaman ang isang taong maingat kapag nagpapasiya. Alam niya na ang matatalinong pagkilos ay bihirang resulta ng pala-palagay, pagkilos bugso ng emosyon, o basta pagtulad lamang sa ginagawa ng nakararami. Kaya, gumugugol siya ng panahon upang suriin ang kaniyang kalagayan. Sinusuri niya ang lahat ng bagay at inaalam ang kaniyang mga mapagpipilian. Pagkatapos ay sinasaliksik niya ang Kasulatan at inaalam kung aling kautusan o simulain ng Bibliya ang kumakapit sa kaniyang situwasyon. Nananatiling tuwid ang landas ng gayong tao.—Kawikaan 3:5, 6.
“Ang Tapat na Sugo ay Kagalingan”
Bilang mga Saksi ni Jehova, inatasan tayo na ihayag ang bigay-Diyos na mensahe. Ang pananalita ng kasunod na kawikaan ay tumutulong sa atin na manatiling tapat sa pagtupad ng ating atas. Sinasabi nito: “Ang mensaherong balakyot ay mahuhulog sa kasamaan, ngunit ang tapat na sugo ay kagalingan.”—Kawikaan 13:17.
Idiniriin dito ang mga katangian ng mensahero. Paano kung ang mensahe ay buong-kabalakyutang pinipilipit o binabago ng maydala ng mensahe? Hindi ba’t tatanggap siya ng di-kaayaayang hatol? Alalahanin ang tagapaglingkod ng propetang si Eliseo na si Gehazi, na buong-kasakimang naghatid ng bulaang mensahe sa pinuno ng hukbo ng Sirya na si Naaman. Ang pinagaling na ketong ni Naaman ay lumipat kay Gehazi. (2 Hari 5:20-27) Paano kung maging di-tapat ang sugo at lubusang tumigil sa paghahayag ng mensahe? “[Kung] hindi ka nga nagsasalita upang babalaan ang balakyot sa kaniyang lakad,” ang sabi ng Bibliya, “siya mismo bilang balakyot ay mamamatay sa kaniyang sariling kamalian, ngunit ang kaniyang dugo ay sisingilin ko [ni Jehova] sa iyong sariling kamay.”—Ezekiel 33:8.
Sa kabilang dako, ang tapat na sugo ay kagalingan sa kaniyang sarili at sa mga nakikinig sa kaniya. Pinayuhan ni Pablo si Timoteo: “Laging bigyang-pansin ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:16) Isip-isipin ang kagalingang naidudulot ng tapat na paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian. Umaantig ito sa damdamin ng mga taong may wastong kalagayan ng puso at umaakay sa kanila sa katotohanan na nagpapalaya sa kanila. (Juan 8:32) Hindi man makinig ang mga tao sa mensahe, ‘tiyak na maililigtas ng isang matapat na mensahero ang kaniyang sariling kaluluwa.’ (Ezekiel 33:9) Huwag nawa nating kalimutang tuparin ang ating atas na mangaral. (1 Corinto 9:16) At lagi nating maingat na ‘ipangaral ang salita,’ anupat hindi ito kailanman ikinokompromiso para lamang hindi magalit ang mga tao o upang gawin itong mas kaakit-akit sa kanila.—2 Timoteo 4:2.
‘Ang Nag-iingat ng Saway ay Niluluwalhati’
Dapat kayang ipagdamdam ng isang taong maingat ang anumang kapaki-pakinabang na payong natatanggap niya? Sinasabi ng Kawikaan 13:18: “Ang nagpapabaya sa disiplina ay dumarating sa karalitaan at kasiraang-puri, ngunit ang nag-iingat ng saway ang siyang niluluwalhati.” Matalino tayo kung malugod nating tatanggapin maging ang pagsaway na hindi naman natin hinihiling. Ang makatuwirang payo ay baka higit na makatulong sa atin sa mga pagkakataong hindi natin iniisip na kailangan natin ito. Ang pakikinig sa gayong payo ay magsasanggalang sa atin mula sa mga pighati at tutulong sa atin na makaiwas sa trahedya. Magdudulot ng kasiraang-puri ang pagwawalang-bahala rito.
Ang komendasyon, kapag nararapat, ay nagpapatibay sa atin at talagang nakapagpapasigla. Subalit dapat din nating asahan at tanggapin ang pagsaway. Isaalang-alang ang dalawang liham na isinulat ni apostol Pablo para kay Timoteo. Bagaman pinapupurihan ang kaniyang katapatan, ang mga liham na ito ay punô ng payo para kay Timoteo. Maraming ipinayo si Pablo sa nakababatang lalaking ito hinggil sa panghahawakan sa pananampalataya at sa isang mabuting budhi, pakikitungo sa iba sa kongregasyon, paglilinang ng makadiyos na debosyon at pagka-nasisiyahan-sa-sarili, pagtuturo sa iba, paglaban sa apostasya, at pagganap sa kaniyang ministeryo. Ang nakababatang mga miyembro ng kongregasyon ay dapat humingi at malugod na tumanggap ng payo mula sa mga mas makaranasan.
‘Lumakad na Kasama ng Marurunong’
“Ang pagnanasang natupad ay kalugud-lugod sa kaluluwa,” ang sabi ng matalinong hari, “ngunit nakamumuhi sa mga hangal ang lumayo sa kasamaan.” (Kawikaan 13:19) Hinggil sa kahulugan ng kawikaang ito, isang akdang reperensiya ang nagsabi: “Kapag naabot ang isang tunguhin o natupad ang isang pangarap, ang buong pagkatao ng isa ay napupuspos ng kasiyahan . . . Yamang isang lubhang kaiga-igayang karanasan ang pagtupad sa tunguhin ng isa, tiyak na isang kasuklam-suklam na bagay para sa mga mangmang ang humiwalay sa kasamaan. Ang kanilang mga hangarin ay matatamo lamang sa pamamagitan ng balakyot na mga pamamaraan, at kung iiwan nila ang kasamaan, hindi sila kailanman magkakamit ng kaluguran sa katuparan ng kanilang mga pangarap.” Napakahalaga ngang linangin natin ang wastong mga hangarin!
Napakatindi nga ng impluwensiya ng ating mga kasama sa ating mga kaisipan, sa mga gusto, at hindi natin gusto! Binabanggit ni Solomon ang isang di-nagbabagong katotohanan nang sabihin niya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Oo, ang ating mga kasama, sa pamamagitan man ng libangan, Internet, at ng ating binabasa, ay may epekto sa kung ano tayo at kung magiging ano tayo. Napakahalaga ngang piliin natin nang may katalinuhan ang ating mga kasama!
‘Mag-iwan ng Mana’
“Mga makasalanan ang tinutugis ng kapahamakan,” ang pahayag ng hari ng Israel, “ngunit mga matuwid ang ginagantihan ng mabuti.” (Kawikaan 13:21) Kapaki-pakinabang ang pagtataguyod ng katuwiran, yamang nagmamalasakit si Jehova sa mga matuwid. (Awit 37:25) Gayunman, dapat nating kilalanin na sumasapit sa ating lahat ang “panahon at ang di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) May magagawa ba tayo bilang paghahanda sa di-napapanahong mga pangyayari?
“Ang isa na mabuti ay mag-iiwan ng mana sa mga anak ng mga anak,” ang sabi ni Solomon. (Kawikaan 13:22a) Napakahalaga ngang mana ang iniiwan ng mga magulang kapag tinutulungan nila ang kanilang mga anak na kumuha ng kaalaman tungkol kay Jehova at maglinang ng mabuting kaugnayan sa kaniya! Subalit hindi ba katalinuhan din na gumawa ng mga kaayusan, hangga’t maaari, para sa materyal na kapakanan ng pamilya kung sakaling mamatay ang isang magulang nang di-napapanahon? Sa maraming lugar, ang mga ulo ng pamilya ay maaaring kumuha ng seguro, gumawa ng legal na testamento, at mag-impok ng salapi na magagamit sa hinaharap.
Ano naman ang masasabi hinggil sa mana ng mga balakyot? “Ang yaman ng makasalanan ay nakaimbak para sa matuwid,” ang pagpapatuloy ni Solomon. (Kawikaan 13:22b) Bukod pa sa mga kapakinabangan sa ngayon, magkakatotoo ito kapag tinupad na ni Jehova ang kaniyang pangako na lalalang siya ng “mga bagong langit at isang bagong lupa” kung saan “tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Nalipol na ang mga balakyot sa panahong iyon, at “ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa.”—Awit 37:11.
Gumagawi nang may kaalaman ang isang taong maingat bagaman kaunti lamang ang kaniyang pag-aari. “Ang inararong lupa ng mga taong dukha ay namumunga ng napakaraming pagkain,” ang sabi ng Kawikaan 13:23, “ngunit may nalilipol dahil sa kakulangan ng kahatulan.” Ang mga taong may kakaunting kabuhayan ay mag-aani nang sagana sa pamamagitan ng masikap na paggawa at ng mga pagpapala ng Diyos. Gayunman, kapag walang katarungan, maaaring mawala ang yaman dahil sa di-makatuwirang paghatol.
‘Hanapin Siya Taglay ang Disiplina’
Kailangan ng di-sakdal na mga tao ang disiplina, at kailangan nila ito mula pagkabata patuloy. “Ang nag-uurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak,” ang sabi ng hari ng Israel, “ngunit ang umiibig sa kaniya ay yaong humahanap sa kaniya taglay ang disiplina.”—Kawikaan 13:24.
Ang pamalo ay sagisag ng awtoridad. Sa Kawikaan 13:24, tumutukoy ito sa awtoridad ng magulang. Sa kontekstong ito, ang paggamit ng pamalong pandisiplina ay hindi naman laging nangangahulugan ng pagpalo sa bata. Sa halip, kumakatawan ito sa mga pamamaraan ng pagtutuwid, anuman ang anyo nito. Sa isang kalagayan, baka sapat na ang mabait na saway upang ituwid ang maling paggawi ng isang bata. Baka naman mas matinding saway ang kailangan ng ibang bata. “Ang pagsaway ay tumatagos nang mas malalim sa isa na may unawa kaysa sa pananakit sa hangal nang isang daang ulit,” ang sabi ng Kawikaan 17:10.
Ang disiplina ng magulang ay dapat laging gabayan ng pag-ibig at karunungan para sa kapakinabangan ng mga anak. Hindi ipinagwawalang-bahala ng maibiging magulang ang mga pagkakamali ng kaniyang anak. Sa kabaligtaran, hinahanap niya ang mga ito upang mabunot bago pa mag-ugat nang malalim. Sabihin pa, isinasapuso ng maibiging magulang ang paalaala ni Pablo: “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
Paano kung kunsintidor ang isang magulang at hindi nagbibigay ng kinakailangang pagtutuwid? Pasasalamatan kaya ang gayong magulang sa kalaunan dahil sa kaniyang pagiging kunsintidor? Tiyak na hindi! (Kawikaan 29:21) Sinasabi ng Bibliya: “Ang batang pinababayaan ay magdudulot ng kahihiyan sa kaniyang ina.” (Kawikaan 29:15) Ang hindi paggamit ng awtoridad ng magulang ay pagpapamalas ng kawalan ng malasakit at pag-ibig. Gayunman, ang paggamit ng awtoridad sa mabait at matatag na paraan ay nagpapakita ng maibiging pagmamalasakit.
Ang isang taong maingat at matuwid na gumagawi nang may tunay na kaalaman ay pagpapalain. Tinitiyak sa atin ni Solomon: “Ang matuwid ay kumakain hanggang sa mabusog ang kaniyang kaluluwa, ngunit ang tiyan ng mga balakyot ay hindi malalagyan ng laman.” (Kawikaan 13:25) Alam ni Jehova kung ano ang mabuti para sa atin sa anumang pitak ng buhay—sa mga gawain ng ating pamilya, sa ating mga kaugnayan sa iba, sa ating ministeryo, o kapag dinidisiplina tayo. At sa pamamagitan ng matalinong pagkakapit ng payo na masusumpungan sa kaniyang Salita, tiyak na tatamasahin natin ang pinakamagaling na paraan ng pamumuhay.
[Talababa]
a Para sa pagtalakay sa Kawikaan 13:1-14, tingnan ang pahina 21-5 ng Setyembre 15, 2003, isyu ng Ang Bantayan.
[Larawan sa pahina 28]
Kapag napapaharap sa di-makatuwirang pamumuna, nagpipigil ng kaniyang dila ang isa na matalino
[Larawan sa pahina 29]
Maraming mabubuting bagay ang nagagawa ng isang tapat na tagapaghayag ng Kaharian
[Larawan sa pahina 30]
Bagaman nakapagpapatibay ang komendasyon, dapat na malugod nating tanggapin ang pagtutuwid
[Larawan sa pahina 31]
Hindi ipinagwawalang-bahala ng maibiging magulang ang mga pagkakamali ng kaniyang anak