“Katinuan ng Pag-iisip” Habang Papalapit ang Wakas
“Ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na. Kaya nga, maging matino sa pag-iisip.”—1 PEDRO 4:7.
1. Ano ang kahulugan ng pagiging “matino ang pag-iisip”?
ANG nabanggit na mga salita ni apostol Pedro ay dapat may malalim na epekto sa paraan ng pamumuhay ng mga Kristiyano. Gayunman, hindi sinabihan ni Pedro ang kaniyang mga mambabasa na talikuran ang mga pangkaraniwang responsibilidad at alalahanin sa buhay; ni hinimok man niya ang pagkataranta dahil sa dumarating na kapuksaan. Sa halip, nagpayo siya: “Maging matino sa pag-iisip.” Ang pagiging “matino sa pag-iisip” ay nangangahulugan ng pagpapakita ng mabuting pagpapasiya, pagiging marunong, maingat, makatuwiran sa ating pananalita at pagkilos. Nangangahulugan ito na inuugitan ng Salita ng Diyos ang ating kaisipan at pagkilos. (Roma 12:2) Yamang nabubuhay tayo “sa gitna ng isang liko at pilipit na salinlahi,” kailangan ang matinong pag-iisip upang maiwasan ang mga suliranin at kahirapan.—Filipos 2:15.
2. Paano nakikinabang ang mga Kristiyano ngayon sa pagtitiis ni Jehova?
2 Tumutulong din sa atin ang “katinuan ng pag-iisip” upang magkaroon ng seryoso at makatotohanang pangmalas sa ating sarili. (Tito 2:12; Roma 12:3) Mahalaga ito kung isasaalang-alang ang mga salitang nakaulat sa 2 Pedro 3:9: “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, na gaya ng itinuturing ng ilang mga tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” Pansinin na si Jehova ay matiisin, hindi lamang sa mga di-nananampalataya, kundi gayundin “sa inyo”—mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano. Bakit? Sapagkat “hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa.” Marahil ang ilan ay kailangan pa ring magbago at sumulong upang maging kuwalipikado sa kaloob na buhay na walang-hanggan. Kaya suriin natin ang mga larangan na maaaring doo’y kailangan ang ilang pagbabago.
“Katinuan ng Pag-iisip” sa Ating Personal na mga Kaugnayan
3. Ano ang maaaring itanong ng mga magulang sa kanilang sarili hinggil sa kanilang mga anak?
3 Ang tahanan ay dapat sanang maging dako ng kapayapaan. Subalit para sa ilan ito ay “isang bahay na puno ng . . . pag-aaway.” (Kawikaan 17:1) Kumusta naman ang inyong pamilya? Ang inyo bang tahanan ay malaya sa “poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita”? (Efeso 4:31) Kumusta naman ang inyong mga anak? Nadarama ba nilang sila’y minamahal at pinahahalagahan? (Ihambing ang Lucas 3:22.) Naglalaan ba kayo ng panahon upang turuan at sanayin sila? Kayo ba’y ‘nagdidisiplina sa katuwiran,’ sa halip na sa poot at galit? (2 Timoteo 3:16) Yamang ang mga anak ay “pamana mula kay Jehova,” siya’y lubhang interesado kung paano sila pinakikitunguhan.—Awit 127:3.
4. (a) Ano ang maaaring ibunga kung pinakikitunguhan ng isang asawang lalaki ang kaniyang kabiyak sa isang mabagsik na paraan? (b) Paano maitataguyod ng mga asawang babae ang pakikipagpayapaan sa Diyos at kaligayahan ng buong pamilya?
4 Kumusta naman ang ating asawa? “Ang mga asawang lalaki ay dapat na umibig sa kanilang mga asawang babae gaya ng kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito, gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon.” (Efeso 5:28, 29) Ang isang mapang-abuso, dominante, o di-makatuwirang lalaki ay hindi lamang nagsasapanganib sa katahimikan ng kaniyang tahanan kundi sumisira rin sa kaniyang kaugnayan sa Diyos. (1 Pedro 3:7) Kumusta naman ang mga asawang babae? Sila rin naman ay dapat “magpasakop sa kanilang mga asawang lalaki gaya ng sa Panginoon.” (Efeso 5:22) Ang pag-iisip na makalugod sa Diyos ay makatutulong sa isang asawang babae na palampasin ang mga pagkukulang ng kaniyang asawa at magpasakop sa kaniya nang walang paghihinanakit. Kung minsan, baka makadama ang asawang babae ng pananagutang sabihin ang nasa kaniyang isip. Ganito ang sabi ng Kawikaan 31:26 tungkol sa isang may-kakayahang asawang babae: “Binubuksan niya ang kaniyang bibig sa karunungan, at nasa kaniyang dila ang batas ng maibiging-kabaitan.” Sa pamamagitan ng pagiging mabait at magalang sa kaniyang asawa, naiingatan niya ang pakikipagpayapaan sa Diyos, at itinataguyod niya ang kaligayahan ng buong pamilya.—Kawikaan 14:1.
5. Bakit dapat sundin ng mga kabataan ang payo ng Bibliya hinggil sa pagtrato sa kanilang mga magulang?
5 Kayong mga kabataan, paano ninyo pinakikitunguhan ang inyong mga magulang? Gumagamit ba kayo ng mapang-uyam at walang-galang na pananalita na malimit na pinapayagan sa sanlibutan? O sinusunod ba ninyo ang utos ng Bibliya: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang kaisa ng Panginoon, sapagkat ito ay matuwid: ‘Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina’; na siyang unang pag-uutos na may pangako: ‘Upang ito ay ikabuti mo at mamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa’ ”?—Efeso 6:1-3.
6. Paano natin maaaring hanapin ang kapayapaan kasama ng mga kapuwa mananamba?
6 Nagpapamalas din tayo ng “katinuan ng pag-iisip” kapag ‘hinahanap natin ang kapayapaan at itinataguyod iyon’ sa mga kapuwa mananamba. (1 Pedro 3:11) Bumabangon paminsan-minsan ang mga pagtatalo at di-pagkakaunawaan. (Santiago 3:2) Kung hahayaang lumaki ang mga alitan, maaaring manganib ang kapayapaan ng buong kongregasyon. (Galacia 5:15) Kaya lutasin kaagad ang mga di-pagkakasundo; humanap ng mapayapang mga solusyon.—Mateo 5:23-25; Efeso 4:26; Colosas 3:13, 14.
“Katinuan ng Pag-iisip” at mga Responsibilidad sa Pamilya
7. (a) Paano ipinayo ni Pablo ang pagpapamalas ng “katinuan ng pag-iisip” tungkol sa pangkaraniwang mga bagay? (b) Anong saloobin ang dapat taglayin ng mga Kristiyanong mag-asawa tungkol sa mga pananagutan sa tahanan?
7 Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na “mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip.” (Tito 2:12) Kapansin-pansin na, sa konteksto, pinapayuhan ni Pablo ang mga babae na “ibigin ang kani-kanilang mga asawa, na ibigin ang kanilang mga anak, na maging matino sa pag-iisip, malinis, mga manggagawa sa tahanan.” (Tito 2:4, 5) Isinulat ito ni Pablo noong mga taon ng 61-64 C.E., mga ilang taon bago ang wakas ng Judiong sistema ng mga bagay. Gayunman, mahalaga pa rin ang pangkaraniwang mga bagay tulad ng gawaing-bahay. Kaya dapat panatilihin ng mga mag-asawa ang isang mahusay, positibong pangmalas sa kanilang mga pananagutan sa tahanan upang “ang salita ng Diyos ay hindi mapagsalitaan nang may pang-aabuso.” Isang ulo ng tahanan ang humingi ng paumanhin sa isang panauhin dahil sa nakahihiyang kalagayan ng kaniyang tahanan. Ipinaliwanag niya na iyon ay napabayaan “dahil siya ay nagpapayunir.” Kapuri-puri kung nagsasakripisyo tayo alang-alang sa Kaharian, ngunit dapat na maging maingat upang hindi manganib ang kapakanan ng ating pamilya.
8. Paano maaasikaso ng mga ulo ng pamilya ang pangangailangan ng kanilang sambahayan sa isang timbang na paraan?
8 Hinihimok ng Bibliya ang mga ama na unahin ang kanilang pamilya, anupat sinabing ang isa na hindi naglalaan para sa kaniyang pamilya ay ‘nagtatwa ng pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.’ (1 Timoteo 5:8) Iba-iba ang pamantayan ng pamumuhay sa buong daigdig, at mabuting maging katamtaman sa pag-asam sa materyal na mga bagay. “Huwag mo akong bigyan ng karukhaan ni ng kayamanan,” ang panalangin ng manunulat ng Kawikaan 30:8. Gayunman, hindi dapat ipagwalang-bahala ng mga magulang ang materyal na mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Halimbawa, isa bang karunungan na upang itaguyod ang mga teokratikong pribilehiyo ay sadyang iwan ang pamilya nang walang mga pangunahing pangangailangan sa buhay? Hindi ba ikasasama ito ng loob ng mga anak? Sa kabilang banda, ganito ang sabi ng Kawikaan 24:27: “Ihanda mo ang iyong gawain sa labas, at ihanda mo iyon para sa iyong sarili sa bukid. Pagkatapos ay patibayin mo rin naman ang iyong sambahayan.” Oo, bagaman may sariling dako ang pagkabalisa sa materyal na mga bagay, ‘ang pagpapatibay sa sambahayan ng isa’—sa espirituwal at emosyonal na paraan—ay napakahalaga.
9. Bakit isang karunungan para sa mga ulo ng pamilya na isaalang-alang ang posibilidad ng kanilang kamatayan o pagkakasakit?
9 Gumawa ba kayo ng mga paglalaan para pangalagaan ang inyong pamilya sakaling maaga kayong mamatay? Ganito ang sabi ng Kawikaan 13:22: “Ang isa na mabuti ay mag-iiwan ng pamana sa mga anak ng mga anak.” Bukod sa pamanang kaalaman kay Jehova at kaugnayan sa kaniya, magiging interesado ang mga magulang na paglaanan ng materyal na bagay ang kanilang mga anak. Sa maraming lupain ay sinisikap ng mga responsableng ulo ng pamilya na magkaroon ng impok, legal na testamento, at seguro. Tutal, ang bayan ng Diyos ay hindi malaya mula sa “panahon at di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) Ang salapi ay “isang pananggalang,” at malimit na maiiwasan ang kahirapan sa pamamagitan ng maingat na pagpaplano. (Eclesiastes 7:12) Sa mga lupain na doo’y hindi sinasagot ng pamahalaan ang medikal na pagpapagamot, maaaring ipasiya ng ilan na magtabi ng pondo para sa mga pangangailangan sa kalusugan o magsaayos ng isang uri ng segurong pangkalusugan.a
10. Paano ‘makapag-iimpok’ ang Kristiyanong mga magulang para sa kanilang mga anak?
10 Sinasabi rin ng Kasulatan: “Hindi dapat na ang mga anak ang nag-iimpok para sa kanilang mga magulang, kundi ang mga magulang para sa kanilang mga anak.” (2 Corinto 12:14) Sa sanlibutan ay karaniwan para sa mga magulang ang mag-impok ng salapi para sa pag-aaral at pag-aasawa sa hinaharap ng kanilang mga anak upang mabigyan sila ng mabuting pasimula sa buhay. Naisip na ba ninyo na mag-impok para sa espirituwal na kinabukasan ng inyong anak? Halimbawa, ipagpalagay na ang isang anak na malaki na ay nasa buong-panahong ministeryo. Bagaman ang buong-panahong mga lingkod ay hindi dapat humingi o umasa ng suporta mula sa iba, maaaring ipasiya ng maibiging mga magulang na ‘ibahagi sa kaniya ang ayon sa kaniyang mga pangangailangan’ upang matulungan siya na makapanatili sa buong-panahong paglilingkuran.—Roma 12:13; 1 Samuel 2:18, 19; Filipos 4:14-18.
11. Ang pagkakaroon ba ng makatotohanang pangmalas sa salapi ay nagpapahiwatig ng kawalan ng pananampalataya? Ipaliwanag.
11 Ang pagkakaroon ng makatotohanang pangmalas sa salapi ay hindi nagpapahiwatig ng kawalan ng pananampalataya na malapit na sa wakas nito ang balakyot na sistema ni Satanas. Nangangahulugan lamang iyon ng pagpapamalas ng “praktikal na karunungan” at mahusay na pagpapasiya. (Kawikaan 2:7; 3:21) Sinabi minsan ni Jesus na “ang mga anak ng sistemang ito ng mga bagay ay mas marunong sa praktikal na paraan . . . kaysa sa mga anak ng liwanag” sa kanilang paggamit ng salapi. (Lucas 16:8) Hindi nakapagtataka, kung gayon, na nakita ng ilan ang pangangailangan na gumawa ng mga pagbabago sa paraan ng paggamit nila ng kanilang mga ari-arian, upang higit nilang maasikaso ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya.
“Katinuan ng Pag-iisip” sa Ating Pangmalas sa Edukasyon
12. Paano tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na makibagay sa mga bagong kalagayan?
12 “Ang tanawin ng sanlibutang ito ay nagbabago,” at mabilis na nagaganap ang malalaking pagbabago sa ekonomiya at pag-unlad sa teknolohiya. (1 Corinto 7:31) Gayunman, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na maging marunong makibagay. Ganito ang sabi niya nang isugo niya sila sa kanilang unang kampanya sa pangangaral: “Huwag kayong kumuha ng ginto o pilak o tanso para sa inyong pamigkis na supot, o supot ng pagkain para sa paglalakbay, o dalawang pang-ilalim na kasuutan, o mga sandalyas o baston; sapagkat ang manggagawa ay nararapat sa kaniyang pagkain.” (Mateo 10:9, 10) Subalit nang maglaon, sinabi ni Jesus: “Ang may supot ng salapi ay kunin ito, gayundin ang isang supot ng pagkain.” (Lucas 22:36) Ano ang nagbago? Ang mga kalagayan. Naging lipos ng poot ang relihiyosong kapaligiran, at kailangan nila ngayong maglaan para sa kanilang sarili.
13. Ano ang pangunahing layunin ng edukasyon, at paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa bagay na ito?
13 Gayundin sa ngayon, baka kailangang isaalang-alang ng mga magulang ang kalagayan ng ekonomiya sa ngayon. Halimbawa, isinasaayos ba ninyo na ang inyong mga anak ay tumatanggap ng angkop na edukasyon? Dapat na ang pangunahing layunin ng edukasyon ay ang sangkapan ang isang kabataan na maging isang mabisang ministro ni Jehova. At ang pinakamahalagang edukasyon sa lahat ay ang espirituwal na edukasyon. (Isaias 54:13) Isinasaisip din ng mga magulang ang tungkol sa kakayahan ng kanilang mga anak na suportahan ang kanilang sarili sa pinansiyal na paraan. Kaya patnubayan ang inyong mga anak, tulungan silang pumili ng nararapat na mga asignatura sa paaralan, at ipakipag-usap sa kanila kung isang katalinuhan na kumuha o hindi kumuha ng karagdagang edukasyon. Ang gayong mga pasiya ay isang pampamilyang pananagutan, at hindi dapat punahin ng iba ang kinuhang hakbang. (Kawikaan 22:6) Kumusta naman yaong nagpasiya na turuan ang kanilang mga anak sa bahay?b Bagaman marami ang naging mahusay sa paggawa nito, nasumpungan ng ilan na ang ganitong gawain ay mas mahirap kaysa inaasahan nila, at naging malaking kawalan para sa kanilang mga anak. Kaya kung iniisip ninyo ang pag-aaral sa bahay, tiyakin na inyong kalkulahin ang gastusin, anupat makatotohanang tinatantiya kung taglay ninyo kapuwa ang kakayahan at disiplina-sa-sarili na kailangan upang makumpleto iyon.—Lucas 14:28.
‘Huwag Humanap ng Dakilang mga Bagay’
14, 15. (a) Paano naiwala ni Baruc ang kaniyang pagiging timbang sa espirituwal? (b) Bakit isang kamangmangan para sa kaniya na ‘humanap ng dakilang mga bagay’?
14 Yamang hindi pa dumarating ang wakas ng sistemang ito, baka ang ilan ay maghangad ng inaalok ng sanlibutan—tanyag na mga karera, trabahong may malaking kita, at kayamanan. Tingnan ang kalihim ni Jeremias, si Baruc. Naghinagpis siya: “Sa aba ko ngayon, sapagkat dinagdagan ni Jehova ng kadalamhatian ang paghihirap ko! Nanghimagod ako dahil sa aking pagbubuntung-hininga, at hindi ako nakasumpong ng dakong pahingahan.” (Jeremias 45:3) Pagod na si Baruc. Ang paglilingkod bilang kalihim ni Jeremias ay isang mahirap at maigting na trabaho. (Jeremias 36:14-26) At waring walang katapusan ang kaigtingan. Noon ay 18 taon pa bago mawasak ang Jerusalem.
15 Sinabi ni Jehova kay Baruc: “Narito! Ang itinayo ko ay aking gigibain, at ang itinanim ko ay aking bubunutin, maging ang buong lupain mismo. Ngunit ikaw, patuloy mong hinahanap ang dakilang mga bagay para sa iyong sarili. Huwag mong hanapin.” Hindi na naging timbang si Baruc. Sinimulan niyang ‘hanapin ang dakilang mga bagay para sa kaniyang sarili,’ marahil ang kayamanan, katanyagan, o materyal na kasiguruhan. Yamang ‘bubunutin ni Jehova, maging ang buong lupain mismo,’ ano ang halaga ng paghahanap ng gayong mga bagay? Kaya naman ganito ang seryosong paalaala ni Jehova kay Baruc: “Sapagkat magdadala ako ng kalamidad sa lahat ng laman . . . , at ibibigay ko sa iyo ang iyong kaluluwa bilang isang samsam sa lahat ng dako na paroroonan mo.” Hindi makaliligtas ang materyal na mga pag-aari sa pagkawasak ng Jerusalem! Ginarantiyahan lamang ni Jehova ang kaligtasan ng kaniyang “kaluluwa bilang isang samsam.”—Jeremias 45:4, 5.
16. Anong aral ang matututuhan ng bayan ni Jehova ngayon mula sa karanasan ni Baruc?
16 Pinakinggan ni Baruc ang pagtutuwid ni Jehova, at, bilang katuparan ng pangako ni Jehova, si Baruc ay nakatakas nang buháy. (Jeremias 43:6, 7) Tunay na matinding aral para sa bayan ni Jehova sa ngayon! Hindi ito ang panahon upang ‘humanap ng dakilang mga bagay para sa ating sarili.’ Bakit? Sapagkat “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito.”—1 Juan 2:17.
Pinakamainam na Paggamit sa Natitirang Panahon
17, 18. (a) Paano tumugon si Jonas nang magsisi ang mga taga-Nineve? (b) Anong aral ang itinuro ni Jehova kay Jonas?
17 Paano, kung gayon, pinakamainam na magagamit natin ang natitirang panahon? Matuto sa karanasan ni propeta Jonas. Siya’y “pumunta sa Nineve . . . , at patuloy niyang ipinahayag at sinabi: ‘Apatnapung araw na lamang, at ibabagsak ang Nineve.’ ” Laking gulat ni Jonas, ang mga taga-Nineve ay tumugon sa kaniyang mensahe at nagsisi! Hindi pinuksa ni Jehova ang lunsod na iyon. Ang reaksiyon ni Jonas? “O Jehova, pakisuyong kunin mo ang aking kaluluwa, sapagkat ang aking pagkamatay ay mas mabuti kaysa aking pagiging buhay.”—Jonas 3:3, 4; 4:3.
18 Nang magkagayo’y tinuruan ni Jehova si Jonas ng isang mahalagang aral. Siya’y “nagtalaga ng isang halamang botelyang-upo, anupat ito ay tumubo nang mataas kay Jonas, upang maging lilim sa ibabaw ng kaniyang ulo . . . At si Jonas ay totoong nagsaya dahil sa halamang botelyang-upo.” Subalit di-nagtagal ang pagsasaya ni Jonas sapagkat ang halaman ay agad na nalanta. Si Jonas ay “nag-init sa galit” dahil sa kaniyang paghihirap. Idiniin ni Jehova ang Kaniyang punto, sa pagsasabing: “Ikaw, sa ganang iyo, ay nanghinayang sa halamang botelyang-upo . . . Hindi ba ako dapat manghinayang sa Nineve na dakilang lunsod, na doo’y may mahigit sa isang daan at dalawampung libong tao na hindi man lamang nakaaalam ng pagkakaiba sa pagitan ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwa, bukod pa sa domestikong mga hayop?”—Jonas 4:6, 7, 9-11.
19. Anong makasariling kaisipan ang nanaisin nating iwasan?
19 Talaga namang makasarili ang pangangatuwiran ni Jonas! Nanghinayang siya sa isang halaman, ngunit hindi man lamang nakadama ng katiting na awa sa mga tao sa Nineve—mga tao na, sa espirituwal na paraan, ‘ay hindi nakaaalam ng pagkakaiba sa pagitan ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwa.’ Baka asam-asamin din naman natin ang pagkapuksa ng balakyot na sistemang ito at makatuwiran naman ito! (2 Tesalonica 1:8) Subalit samantalang naghihintay, may pananagutan tayo na tulungan ang tapat-pusong mga tao na, sa espirituwal na paraan, ay hindi ‘nakaaalam ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwa.’ (Mateo 9:36; Roma 10:13-15) Gagamitin ba ninyo ang natitirang panahon upang tulungan ang pinakamarami hangga’t maaari na matamo ang napakahalagang kaalaman kay Jehova? Ano nga bang trabaho ang makapapantay sa kagalakan ng pagtulong sa isa na magtamo ng buhay?
Patuloy na Mamuhay Taglay ang “Katinuan ng Pag-iisip”
20, 21. (a) Ano ang ilang paraan na doo’y maipamamalas natin ang “katinuan ng pag-iisip” sa mga araw na darating? (b) Anong mga pagpapala ang idudulot ng pamumuhay taglay ang “katinuan ng pag-iisip”?
20 Habang ang sistema ni Satanas ay patuloy na bumubulusok tungo sa pagkapuksa, tiyak na mapapaharap tayo sa bagong mga hamon. Inihula ng 2 Timoteo 3:13: “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay susulong mula sa masama tungo sa lalong masama.” Subalit huwag kayong “manghimagod at manghina sa inyong mga kaluluwa.” (Hebreo 12:3) Manalig kay Jehova ukol sa lakas. (Filipos 4:13) Matutong magbago, makibagay sa lumalalang mga kalagayang ito, sa halip na magtuon ng pansin sa nakaraan. (Eclesiastes 7:10) Gumamit ng praktikal na karunungan, anupat sundin ang patnubay na inilalaan ng “tapat at maingat na alipin.”—Mateo 24:45-47.
21 Hindi natin alam kung gaano pa kalaki ang natitirang panahon. Gayunman, buong-pagtitiwalang masasabi natin na “ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na.” Hanggang sa dumating ang wakas na iyon, mamuhay nawa tayo taglay ang “katinuan ng pag-iisip” sa ating pakikitungo sa isa’t isa, sa paraan ng pangangalaga natin sa ating pamilya, at sa ating sekular na mga pananagutan. Sa paggawa nito, makapagtitiwala tayong lahat na sa wakas ay masusumpungan tayong “walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan”!—2 Pedro 3:14.
[Mga talababa]
a Halimbawa, sa Estados Unidos, marami ang may segurong pangkalusugan, bagaman medyo may kamahalan ang mga ito. Nasumpungan ng ilang pamilyang Saksi na ang ilang doktor ay mas handang magsaalang-alang ng panghalili sa dugo kapag ang mga pamilya ay may segurong pangmedikal. Maraming manggagamot ang tatanggap ng kabayaran na ipinahihintulot sa ilalim ng limitadong mga plano sa seguro o segurong pangkalusugan mula sa pamahalaan.
b Kung ang isa man ay magtataguyod ng pag-aaral sa bahay ay isang personal na desisyon. Tingnan ang artikulong “Pag-aaral sa Bahay—Ito ba’y Para sa Iyo?,” na lumabas sa Abril 8, 1993, na isyu ng Gumising!
Mga Punto Para sa Repaso
◻ Paano natin maipamamalas ang “katinuan ng pag-iisip” sa ating personal na mga kaugnayan?
◻ Paano natin maipakikita ang pagiging timbang sa pag-aasikaso ng ating mga pananagutan sa pamilya?
◻ Bakit dapat maging interesado ang mga magulang sa sekular na edukasyon ng kanilang mga anak?
◻ Anong mga aral ang matututuhan natin mula kina Baruc at Jonas?
[Larawan sa pahina 18]
Kapag hindi mabuti ang pakikitungo ng mag-asawa sa isa’t isa, sinisira nila ang kanilang kaugnayan kay Jehova
[Larawan sa pahina 20]
Dapat maging interesado ang mga magulang sa edukasyon ng kanilang mga anak