Magpakaligaya—Magpakita ng Kabaitan sa mga Namimighati
“Siyang humahamak sa kaniyang kapuwa ay nagkakasala, ngunit maligaya siya na nagpapakita ng kabaitan sa mga napipighati.”—KAWIKAAN 14:21.
1, 2. Ano ang nangyari sa tatlong pamilya sa Pilipinas, na umaakay sa atin na pag-isipan ang anong mga tanong?
SAMANTALANG tatlong pamilya sa Pilipinas sa Lalawigan ng Pangasinan ang dumadalo sa isang pagtitipong Kristiyano, ang kanilang mga bahay ay nasunog nang di-sinasadya. Nang sila’y umuwi, kanilang nasumpungan na sila’y walang pagkain o dakong matutulugan. Nang mabalitaan ng mga kasamahang Kristiyano ang nangyaring ito, sila’y dali-daling sumaklolo na dala ang mga pagkain at nagsaayos ng mga matutuluyan sa bahay ng mga ibang kasamahan nila sa kongregasyon. Kinabukasan, nagsidating ang mga Kristiyano na may dala nang mga kawayan at iba pang mga materyales sa pagtatayo. Ang ipinakitang pag-ibig kapatid na ito ay hinangaan ng mga kalapit bahay. Ang tatlong pamilya ay naapektuhan din ngunit sa ikabubuti. Pinuksa nga ng apoy ang kanilang mga tahanan, ngunit nananatili pa rin ang kanilang pananampalataya at iba pang mga katangiang Kristiyano at lalong umunlad ito dahilan sa ipinakitang pagmamalasakit sa kanila.—Mateo 6:33; ihambing ang 1 Corinto 3:12-14.
2 Hindi baga ang mga karanasang katulad nito ay nagbibigay-kaaliwan? Pinatitibay nito ang ating pananampalataya sa kagandahang-loob ng tao at lalong higit sa bisa ng tunay na pagka-Kristiyano. (Gawa 28:2) Atin bang nauunawaan ang batayan sa Kasulatan para sa ganiyang ‘paggawa ng mabuti sa lahat, ngunti lalong-lalo na sa ating mga kapananampalataya’? (Galacia 6:10) At paanong higit pa ang personal na magagawa natin sa bagay na ito?
Isang Napakainam na Parisan Para sa Atin
3. Ano ang matitiyak natin tungkol sa pagmamalasakit sa atin ni Jehova?
3 Sinasabi sa atin ng alagad na si Santiago: “Bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog ay buhat sa itaas.” (Santiago 1:17) Anong pagkatotoo nga iyan, sapagkat si Jehova ay saganang naglalaan ukol sa ating espirituwal at materyal na kapakinabangan! Subalit, ano ba ang unang minamahalaga niya? Ang espirituwal na mga bagay. Halimbawa, kaniyang ibinigay sa atin ang Bibliya upang tayo’y magkaroon ng espirituwal na patnubay at pag-asa. Ang pag-asang iyan ay nakasentro sa kaniyang Anak na ipinagkaloob niya, na ang inihandog na hain ang batayan upang tayo’y patawarin at magkaroon ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan.—Juan 3:16; Mateo 20:28.
4. Paano nakikita na ang Diyos ay interesado rin sa ating materyal na mga pangangailangan?
4 Si Jehova ay interesado sa ating materyal na kapakanan din naman. Si apostol Pablo ay nakipagkatuwiranan tungkol dito sa mga lalaking tagaroon sa sinaunang Listra. Bagamat sila’y hindi mga tunay na mananamba, hindi nila maikaila na ang Maylikha ay ‘gumawa ng mabuti, na binigyan tayo ng ulan galing sa langit at ng mabungang mga kapanahunan, at ang ating mga puso ay pinasagana sa pagkain at kasayahan.’ (Gawa 14:15-17) Dahilan sa pag-ibig, tayo’y tinutustusan ni Jehova ng ating espirituwal na mga pangangailangan at pinaglalaanan ang ating pisikal na buhay. Hindi mo baga naiisip na ito’y may bahagi sa kaniyang pagiging “ang maligayang Diyos”?—1 Timoteo 1:11.
5. Ano ang matututuhan natin buhat sa mga pakikitungo ng Diyos sa sinaunang Israel?
5 Ang pakikitungo ng Diyos sa sinaunang Israel ay nagpapakita ng kaniyang timbang na pagmamalasakit sa espirituwal na mga pangangailangan at sa materyal na kalagayan ng mga sumasamba sa kaniya. Una, kaniyang ibinigay ang Kautusan sa kaniyang bayan. Ang kaniyang mga inilagay na hari ay kailangan noon na maghanda ng isang personal na kopya ng Kautusan, at sa pana-panahon ang mga tao ay nagtitipon upang makinig pagka binabasa ang Kaniyang Kautusan. (Deuteronomio 17:18; 31:9-13) Ang Kautusan ay naglaan ng isang tabernakulo o templo at mga saserdote na mangangasiwa ng paghahandog ng mga hain upang ang mga tao ay tumanggap ng biyaya ng Diyos. Ang mga Israelita ay regular na nagtitipon para sa espirituwal na mga kapistahan, na mga tampok sa kanilang taunang pagsamba. (Deuteronomio 16:1-17) Dahil sa lahat na ito, ang indibiduwal na mga Israelita ay maaaring maging mayaman sa espirituwal sa harap ng Diyos.
6, 7. Paanong sa Kautusan ay ipinakita ni Jehova na siya’y interesado sa pisikal na mga pangangailangan ng mga Israelita?
6 Ipinakita rin ng Kautusan kung paanong ang Diyos ay interesado sa pisikal na mga kalagayan ng kaniyang mga lingkod. Marahil ang sasaisip ay yaong mga batas na ibinigay sa Israel tungkol sa kalinisan at ang mga hakbang na pumipigil sa paglaganap ng impeksiyon. (Deuteronomio 14:11-21; 23:10-14) Gayunman ay hindi natin dapat kaligtaan ang pantanging mga paglalaan ng Diyos upang tulungan ang mga dukha at mga namimighati. Ang pagkamasakitin o ang isang kapamahakan na gaya baga ng isang sunog o isang baha, ay maaaring magdala sa isang Israelita ng paghihikahos. Doon mismo sa Kaniyang kautusan ay kinilala ni Jehova na hindi lahat ay maaaring maging mariwasa sa pamumuhay. (Deuteronomio 15:11) Ngunit higit ang ginawa niya kaysa pagkaawa lamang sa mga dukha at mga napipighati. Siya’y nagsaayos ng tulong.
7 Ang pagkain ay magiging isang pangunahing pangangailangan para sa ganiyang mga tao. Kaya’t iniutos ng Diyos na ang mga dukha sa Israel ay dapat na bigyan-layang mamulot sa bukid at mga ubasan o sa mga taniman ng olibo. (Deuteronomio 24:19-22; Levitico 19:9, 10; 23:22) Ang paraan ng Diyos ay hindi kumunsinte na maging tamad ang mga tao o umasa na lamang sa pangmadlang kawanggawa gayong sila’y maaari namang magtrabaho. Ang Israelitang namumulot sa bukid ay kailangang magpagal, marahil ay gugugol siya ng maraming oras sa kainitan ng araw upang makakuha ng makakain para sa maghapon. Gayunman, huwag nating kaliligtaan na sa ganitong paraan ay makonsiderasyong naglalaan ang Diyos para sa mga dukha.—Ihambing ang Ruth 2:2-7; Awit 69:33; 102:17.
8. (a) Sa indibiduwal na mga Judio ay ipinapayo na gawin ang ano para sa kanilang mga kapatid? (Ihambing ang Jeremias 5:26, 28.) (b) Paano mo paghahambingin ang saloobin na ipinayo ng Diyos na taglayin ng mga Judio at ang uso sa ngayon?
8 Ipinapakita pa ni Jehova ang kaniyang interes sa dukha sa pamamagitan ng mga pananalita na gaya ng nasa Isaias 58:6, 7. Sa panahon na ang mga ibang kampanteng mga Israelita ay nagkukunwaring nag-aayuno, sinabi ng propeta ng Diyos: “Hindi baga ito ang ayuno na aking pinili? Na . . . palayain ang mga napipighati, at na inyong baliin ang bawat pamatok? Hindi baga ang bahaginan mo ng iyong tinapay ang gutóm, at dalhin mo sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan? Na, kung pagka nakakita ka ng sinomang hubad, iyong bihisan siya at huwag mong ikubli ang iyong sarili buhat sa iyong sariling laman?” May mga tao sa ngayon na nag-iingat ng tinatawag ng kanilang ‘comfort zone.’ Sila’y handang tumulong sa isang taong nangangailangan tangi lamang kung hindi kakailanganin na sila’y gumawa ng personal na sakripisyo o ito’y di-kombinyente para sa kanila. Anong naiibang espiritu ang idiniin ng mga salita ng Diyos sa pamamagitan ni Isaias!—Tingnan din ang Ezekiel 18:5-9.
9. Ano ang ipinayo ng Kautusan tungkol sa pagpapautang, at anong saloobin ang ipinayo ng Diyos na taglayin natin?
9 Ang pagmamalasakit sa mga dukhang kapatid na Israelita ay maipaghahalimbawa sa pagpapautang. Ang isang Israelita ay marahil umaasang patutubuan ang perang ipinahiram niya sa kaninuman na ibig magnegosyo o palawakin pa ang kaniyang negosyo. Subalit, sinabi ni Jehova na huwag patutubuan ang perang ipinahiram sa isang dukhang kapatid, na dahil sa paghihikahos ay baka matukso na gumawa ng masama. (Exodo 22:25; Deuteronomio 15:7, 8, 11; 23:19, 20; Kawikaan 6:30, 31) Ang saloobin ng Diyos sa mga kapus-palad ay isang halimbawa na dapat parisan ng kaniyang bayan. Sa atin ay ipinangangako pa: “Siyang nagpapakita ng kabaitan sa dukha ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang mabuting gawa ay Kaniyang babayaran uli sa kaniya.” (Kawikaan 19:17) Isip-isipin lamang iyan—sa pagpapautang kay Jehova, tiyak na babayaran ka niya ng sapat-sapat!
10. Pagkatapos na pag-isipan ang halimbawa ng Diyos, ano ang maaari mong itanong sa iyong sarili?
10 Kaya dapat nating itanong na lahat: Ano ba ang kahulugan sa akin ng pangmalas ng Diyos at ng kaniyang pakikitungo sa mga napipighati? Ako ba’y natututo buhat sa kaniyang sakdal na halimbawa at nagsisikap na gayahin iyon? Mapasusulong ko ba sa bagay na ito ang aking sarili bilang kalarawan ng Diyos?—Genesis 1:26.
Kung Ano ang Ama, Ganoon Din ang Anak
11. Paanong masisinag kay Jesus ang pagmamalasakit ng kaniyang Ama? (2 Corinto 8:9)
11 Si Jesu-Kristo “ang sinag ng kaluwalhatian ni [Jehova] at ang tunay na larawan ng kaniyang sarili.” (Hebreo 1:3) Samakatuwid, ating maaasahan na masisinag natin sa kaniya ang pagmamalasakit ng kaniyang Ama sa mga taong interesado sa tunay na pagsamba. At ganoon nga. Ipinakita ni Jesus na ang karalitaan na kailangang lunasan sa karamihan ng tao ay espirituwal na karalitaan: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, sapagkat ang kaharian ng mga langit ay sa kanila.” (Mateo 5:3; ihambing ang Lucas 6:20.) Sinabi rin ni Kristo: “Dahil dito kaya ako inianak, at dahil dito kung kaya ako naparito sa sanlibutan, upang ako’y magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Kaya naman, siya’y hindi kilala lalung-lalo na bilang isang manggagawa ng himala o isang tagapagpagaling kundi bilang isang Guro. (Marcos 10:17-21; 12:28-33) Tungkol dito, pansinin ang sinasabi ng Marcos 6:30-34. Ating mababasa ang tungkol sa panahon nang si Jesus ay humanap ng kaunting panahon upang makapagpahinga. Nang magkagayon “kaniyang nakita ang isang lubhang karamihan . . . [na] gaya ng mga tupa na walang pastol.” Paano siya naapektuhan nito? “Kaniyang sinimulan na turuan sila ng maraming bagay.” Oo, siya’y nagpakasakit upang tugunin ang kanilang pinakamalaking pangangailangan: ang katotohanan na sa pamamagitan nito’y maaari silang mabuhay nang walang hanggan.—Juan 4:14; 6:51.
12. Ano ang ating malalaman tungkol sa punto-de-vista ni Jesus buhat sa Marcos 6:30-34 at Marcos 6:35-44?
12 Bagaman ang pansin ni Jesus ay nakasentro sa espirituwal na mga pangangailangan ng mapagpakumbabang mga Judio, hindi niya ipinagwalang-bahala ang kanilang materyal na mga pangangailangan. Ang ulat ni Marcos ay nagpapakita na si Jesus ay gising sa pangangailangan nila ng literal na pagkain. Ang mga apostol ay nagmungkahi muna na paalisin ang karamihan ng tao upang sila’y “makabili ng makakain.” Hindi sumang-ayon si Jesus. Nang magkagayo’y iniharap ng mga apostol ang mungkahi na kumuha ng pera sa kanilang salaping panggastos at gamitin iyon sa pagbili ng pagkain. Sa halip, minabuti ni Jesus na gawin yaong tanyag na himala na doo’y kaniyang pinakain ng tinapay at isda ang 5,000 mga lalaki, bukod sa mga babae at mga bata. Baka naman sabihin ng iba ngayon na madali para kay Jesus na tustusan ang pangangailangan ng karamihang iyon ng tao sa pamamagitan ng himala. Gayunman, huwag nating kaliligtaan na siya’y may talagang pagmamalasakit, at siya’y pinakilos nito.—Marcos 6:35-44; Mateo 14:21.a
13. Ano pa ang ibinigay ni Jesus na patotoo na siya’y interesado sa kapakanan ng mga tao?
13 Marahil ay nakabasa ka na ng mga pag-uulat ng Ebanghelyo na nagpapatunay na hindi lamang ang mga dukha ang mga kapus-palad na kinahabagan ni Jesus. Kaniyang tinulungan ang mga maysakit at pati mga namimighati. (Lucas 6:17-19; 17:12-19; Juan 5:2-9; 9:1-7) Ang mga pinagaling niya ay hindi lamang yaong mga nagkátaóng malapit sa Kaniya. Kung minsan ay naglalakbay pa siya para puntahan ang mga maysakit at tulungan sila.—Lucas 8:41-55.
14, 15. (a) Bakit natin matitiyak na inaasahan ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay may pagmamalasakit din na katulad niya? (b) Ano ang mabuting itanong natin sa sarili?
14 Datapuwat, ang mga pangangailangan ba lamang ng mga dukha at napipighating mga alagad (o mga humahanap ng katotohanan) ang tanging dapat ipagmalasakit ng mga taong tutulong sa pamamagitan ng paggawa ng mga himala? Hindi. Lahat ng mga alagad ni Jesus ay kailangang magmalasakit at kumilos ng naaayon doon. Halimbawa, ipinayo niya sa isang taong mayaman na ibig magkamit ng buhay na walang hanggan: “Ipagbili mo ang lahat ng bagay na mayroon ka at ipamahagi sa mga taong dukha, at ikaw ay magkakaroon ng kayamanan sa langit.” (Lucas 18:18-22) Ipinayo rin ni Jesus: “Pagka naghahanda ka, ang anyayahan mo’y mga taong dukha, mga pilay, lumpo, bulag; at magiging maligaya ka, sapagkat sila’y walang igaganti sa iyo. Kaya’t ikaw ay gagantihin sa pagkabuhay muli ng mga matuwid.”—Lucas 14:13, 14.
15 Ang isang Kristiyano ay isang tagasunod ni Kristo, kaya’t bawat isa sa atin ay maaaring magtanong: Hanggang saan ko ba tinutularan ang saloobin at mga kilos ni Jesus sa pakikitungo sa dukha, sa napipighati, sa kapus-palad? Taimtim bang masasabi ko, gaya ng sinabi ni apostol Pablo: “Magsitulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo”?—1 Corinto 11:1.
Si Pablo—Isang Maligayang Halimbawa
16. Sa ano pangunahing interesado si apostol Pablo?
16 Angkop na banggitin natin si Pablo tungkol dito, sapagkat siya ay isa ring mainam na halimbawa na matutularan natin. Gaya ng inaasahan natin, siya’y pangunahing iteresado sa espirituwal na mga pangangailangan ng iba. Siya’y isang ‘embahador na kumakatawan kay Kristo, na namamanhik sa iba, “Makipagkasundo kayo sa Diyos.”’ (2 Corinto 5:20) Si Pablo ay pantanging inatasan na mangaral at patibayin ang mga kongregasyon ng mga di-Judio. Siya’y sumulat: “Sa akin ay ipinagkatiwala ang mabuting balita para sa mga di-tuli.”—Galacia 2:7.
17. Paano natin nalalaman na si Pablo ay may malasakit din sa pisikal na mga pangangailangan?
17 Subalit yamang sinabi ni Pablo na kaniyang tinutularan si Kristo, siya ba (gaya ni Jehova at ni Jesus) ay may malasakit sa pisikal na mga kapighatian o mga kahirapan ng kaniyang mga kapananampalataya? Hayaan nating si Pablo ang sumagot. Sa Galacia 2:9, siya’y nagpatuloy na sinabi: ‘Ang kanang kamay ng pakikibahaging sama-sama ay ibinigay sa akin at kay Bernabe ni Santiago at Cepas [Pedro] at Juan, na kami’y dapat pumaroon sa mga bansa.’ Pagkatapos ay isinusog pa ni Pablo sa mismong kasunod na talata: “Kailangan lamang na laging alalahanin namin ang mga dukha. Ang bagay na ito ay puspusan ding pinagsisikapan kong gawin.” (Galacia 2:10) Kaya nauunawaan ni Pablo na, bagaman siya’y isang misyonero at apostol na may mga pananagutan sa maraming kongregasyon, siya’y hindi maaaring maging totoong magawain upang maging interesado sa pisikal na kapakanan ng kaniyang mga kapatid.
18. Anong “mga dukha” ang marahil ay tinutukoy ni Pablo sa Galacia 2:10, at bakit dapat silang tumanggap ng atensiyon?
18 Marahil, “ang mga dukha” na binanggit niya sa Galacia 2:10 ay karamihan mga Judiong Kristiyano sa Jerusalem at Judea. Mas maaga roon ay nagkaroon ng “pagbubulung-bulungan . . . ang mga Judiong ang wika’y Griego laban sa mga Judiong ang wika’y Hebreo, sapagkat ang kanilang mga biyuda ay kinaliligtaan sa araw-araw na pamamahagi” ng pagkain. (Gawa 6:1) Kaya naman, nang banggitin niya ang kaniyang pagiging apostol sa mga bansa, nilinaw ni Pablo na hindi niya kinaliligtaan ang sinoman sa pagkakapatirang Kristiyano. (Roma 11:13) Kaniyang nauunawaan na ang pisikal na pagmamalasakit sa mga kapatid ay kasali sa mga salitang: “Hindi dapat magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa katawan, kundi na ang mga sangkap ay magkaroon ng pare-parehong pangangalaga sa isa’t-isa. Kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, lahat ng mga iba pang sangkap ay nagdaramdam na kasama nito.”—1 Corinto 12:25, 26.
19. Anong patotoo mayroon tayo na si Pablo at ang iba pa ay kumilos dahil sa kaniyang pagmamalasakit sa mga dukha?
19 Nang ang mga Kristiyano sa Jerusalem at Judea ay nagdurusa dahilan sa karalitaan, taggutom, o pag-uusig, ang ibang malalayong kongregasyon ay tumulong. Mangyari pa, marahil ay kanilang inaalaala ang kanilang maralitang mga kapatid sa kanilang mga panalangin sa paghingi ng alalay at kaaliwan buhat sa Diyos. Subalit hindi iyon huminto na roon. Si Pablo ay sumulat na “yaong mga nasa Macedonia at Achaia ay nalulugod na itulong ang kanilang mga ari-arian sa pamamagitan ng pag-aabuloy sa mga dukha ng mga banal sa Jerusalem.” (Roma 15:26, 27) Ang gayong mga umaabuloy ng salapi sa kanilang naghihirap na mga kapatid ay “pinayaman sa lahat ng uri ng kagandahang-loob, na nagsisigawa sa pamamagitan namin ng pagpapasalamat sa Diyos.” (2 Corinto 9:1-13) Hindi ba isang dahilan iyan upang sila’y maging maligaya?
20. Bakit ang mga kapatid na nag-abuloy upang makatulong sa “mga dukha” ay magiging maligaya?
20 Ang mga kapatid na nag-abuloy ng kanilang salapi sa “dukha ng mga banal sa Jerusalem” ay may karagdagang dahilan upang lumigaya. Ang kanilang pagmamalasakit sa mga napipighati ay tutulong sa mga nag-abuloy upang kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos. Nakikita natin kung bakit gayon sa pamamagitan ng pagkaalam na ang salitang Griego na isinaling “ambag” (abuloy) sa Roma 15:26 at 2 Corinto 9:13 ay may ideya na “tanda ng pagkakapatiran, patotoo ng pagkakaisang pangmagkakapatid, at regalo.” Ito‘y ginagamit sa Hebreo 13:16, na nagsasabi: “Huwag kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang bahaginan ang iba ng mga bagay-bagay, sapagkat lugod na lugod ang Diyos sa gayong mga hain.”
Tayo ba’y Magiging Maligaya?
21. Ano ang masasabi natin na magiging saligan ng pagtatamo natin ng kaligayahan?
21 Sa pagtalakay na ito, sinuri natin sa Kasulatan ang ebidensiya na ang Diyos na Jehova, si Jesu-Kristo, at si apostol Pablo ay may malasakit sa mga namimighati. Nakita natin na lahat sa kanila ay kumikilala sa bagay na ang dapat bigyan ng pangunahing atensiyon ay ang espirituwal na mga pangangailangan. Subalit totoo rin naman na silang lahat ay nagpakita sa pinakapraktikal na paraan ng kanilang interes sa dukha, sa maysakit, at sa mga kapus-palad. Sila’y nakasumpong ng kaligayahan sa pagbibigay ng praktikal na tulong. Hindi baga dapat na maging totoo rin iyan sa atin? Ang apostol ay nagpayo sa atin na “isaisip ang mga salita ng Panginoong Jesus, nang siya mismo ang magsabi: ‘May higit na kaligayahan ang magbigay kaysa tumanggap.’”—Gawa 20:35.
22. Anong mga bagay tungkol sa paksang ito ang kailangan pang bigyang-pansin mo?
22 Subalit, marahil ay itatanong mo: Ano bang talaga ang personal na magagawa ko? Paano kong malalaman kung sino ang talagang nangangailangan? Paano ako makapaghahandog ng tulong ayon sa paraan na hindi ako nagiging konsentidor sa katamaran, sa paraan na may kabaitan at makatotohanan, na isinasaalang-alang ang damdamin ng iba, at kabagay ng aking Kristiyanong tungkulin na ipangaral ang mabuting balita? Ang susunod na artikulo ang tatalakay ng mga bagay na ito, at magiging saligan ng pagkasumpong mo ng higit pang kaligayahan.
[Talababa]
a Kapuna-puna, si Jesus mismo ay hindi nahihiya o totoong mapagmataas upang tumanggap ng materyal na tulong buhat sa iba.—Lucas 5:29; 7:36, 37; 8:3.
Masasagot Mo Ba?
◻ Papaano pinatutunayan ng Diyos na siya’y interesado sa ating espirituwal at pati sa ating pisikal na mga pangangailangan?
◻ Ano ang nagpapakita na ang pagmamalasakit ni Jesus ay higit pa kaysa pagtulong lamang sa mga tao sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng katotohanan?
◻ Anong halimbawa ang ipinakita ni Pablo tungkol sa mga dukha?
◻ Pagkatapos na isaalang-alang ang mga halimbawa ni Jehova, ni Jesus, at ni apostol Pablo, ano ang nakita mo na kailangang gawin?
[Larawan sa pahina 13]
Ang Kristiyanong hinirang na matatanda at ang mga iba pa ay dapat magkapit ng payo ni Jesus sa Lucas 14:13, 14