Ikiling ang Inyong Puso sa Kaunawaan
“Si Jehova mismo ang nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig ay naroroon ang kaalaman at kaunawaan.”—KAWIKAAN 2:6.
1. Paano natin maikikiling ang ating puso sa kaunawaan?
SI Jehova ang ating Dakilang Instruktor. (Isaias 30:20, 21) Ngunit ano ang dapat nating gawin upang makinabang sa “mismong kaalaman ng Diyos” na isiniwalat sa kaniyang Salita? Sa ilang bahagi, dapat nating ‘ikiling ang ating puso sa kaunawaan’—magkaroon ng taos-pusong hangarin na magtamo at magpamalas ng katangiang ito. Dahil dito, kailangan tayong bumaling sa Diyos, sapagkat ganito ang sabi ng pantas na tao: “Si Jehova mismo ang nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig naroroon ang kaalaman at kaunawaan.” (Kawikaan 2:1-6) Ano ba ang kaalaman, karunungan, at kaunawaan?
2. (a) Ano ang kaalaman? (b) Paano ninyo bibigyang-katuturan ang karunungan? (c) Ano ang kaunawaan?
2 Ang kaalaman ay ang kabatiran sa mga bagay-bagay na natamo sa pamamagitan ng karanasan, pagmamasid, o pag-aaral. Ang karunungan ay ang kakayahan na gamitin ang kaalaman sa kapaki-pakinabang na paraan. (Mateo 11:19) Nagpakita si Haring Solomon ng karunungan nang dalawang babae ang mag-angkin sa iisang bata at ginamit niya ang kaniyang kaalaman tungkol sa debosyon ng isang ina sa kaniyang supling upang lutasin ang alitan. (1 Hari 3:16-28) Ang kaunawaan ay ang “katalinuhan sa pagpapasiya.” Ito ang “puwersa o kakayahan ng isip na nakakakilala sa pagkakaiba ng mga bagay-bagay.” (Webster’s Universal Dictionary) Kung ikikiling natin ang ating puso sa kaunawaan, ibibigay ito sa atin ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak. (2 Timoteo 2:1, 7) Subalit paano nakaaapekto ang kaunawaan sa iba’t ibang pitak ng buhay?
Ang Kaunawaan at ang Ating Pananalita
3. Paano ninyo ipaliliwanag ang Kawikaan 11:12, 13 at kung ano ang kahulugan ng pagiging “may kakulangan sa puso”?
3 Tumutulong sa atin ang kaunawaan na matantong may “panahon upang tumahimik at may panahon upang magsalita.” (Eclesiastes 3:7) Ginagawa rin tayong maingat ng katangiang ito kung tungkol sa ating sinasabi. Ganito ang sabi ng Kawikaan 11:12, 13: “Ang taong may kakulangan sa puso ay humahamak sa kaniyang kapuwa, ngunit ang taong may malawak na kaunawaan ay tumatahimik. Siyang nagpaparoo’t-paritong naninirang-puri ay nagbubunyag ng kompidensiyal na usapan, ngunit ang isang may tapat na kalooban ay nagtatakip ng isang bagay.” Oo, “may kakulangan sa puso” ang isang lalaki o babae na humahamak sa ibang tao. Ayon sa leksikograpong si Wilhelm Gesenius, “walang unawa” ang gayong indibiduwal. Kulang siya ng mabuting pagpapasiya, at ipinakikita ng paggamit sa salitang “puso” na di-sapat ang mga positibong katangian ng panloob na pagkatao. Kung ipagpapatuloy ng isang nag-aangking Kristiyano ang kaniyang padalus-dalos na pananalita hanggang sa mauwi sa paninirang-puri o panlalait, kailangang kumilos ang hinirang na matatanda upang wakasan ang ganitong di-kanais-nais na situwasyon sa kongregasyon.—Levitico 19:16; Awit 101:5; 1 Corinto 5:11.
4. Ano ang ginagawa ng may-kaunawaan at tapat na mga Kristiyano tungkol sa kompidensiyal na impormasyon?
4 Di-tulad niyaong “may kakulangan sa puso,” ang mga taong may “malawak na kaunawaan” ay tumatahimik kapag nararapat na gawin iyon. Hindi sila nagbubunyag ng isang bagay na ipinagkatiwala sa kanila. (Kawikaan 20:19) Yamang nalalaman na ang walang-ingat na pagsasalita ay makasasakit, ang mga taong may kaunawaan ay “may tapat na kalooban.” Sila’y matapat sa mga kapananampalataya at hindi nagsisiwalat ng kompidensiyal na mga bagay na maaaring magsapanganib sa kanila. Kung ang mga Kristiyanong may kaunawaan ay makatanggap ng anumang uri ng kompidensiyal na impormasyon may kinalaman sa kongregasyon, sinasarili na lamang nila iyon hanggang sa marapatin ng organisasyon ni Jehova na ihayag iyon sa pamamagitan ng sarili nitong paraan ng paglalathala.
Ang Kaunawaan at ang Ating Paggawi
5. Paano minamalas ng ‘mga mangmang’ ang mahalay na paggawi, at bakit?
5 Tinutulungan tayo ng mga kawikaan sa Bibliya na gumamit ng kaunawaan at umiwas sa di-wastong paggawi. Halimbawa, ganito ang sabi ng Kawikaan 10:23: “Sa isang mangmang ay tulad sa libangan ang pagpapatuloy sa mahalay na paggawi, ngunit ang karunungan ay para sa isang taong may kaunawaan.” Yaong mga nagtuturing na “tulad sa libangan” ang mahalay na paggawi ay bulag sa kamalian ng kanilang landasin at nagwawalang-bahala sa Diyos bilang ang isa na siyang dapat na papagsulitan ng lahat. (Roma 14:12) Nagiging pilipit ang pangangatuwiran ng gayong ‘mga mangmang’ hanggang sa punto na akalain nilang hindi nakikita ng Diyos ang kanilang masamang gawa. Sa kanilang pagkilos, waring sinasabi nila: “Walang Jehova.” (Awit 14:1-3; Isaias 29:15, 16) Palibhasa’y di-ginagabayan ng maka-Diyos na mga simulain, wala silang kaunawaan at hindi makapagpasiya nang wasto sa mga bagay-bagay.—Kawikaan 28:5.
6. Bakit kamangmangan ang mahalay na paggawi, at paano natin mamalasin ito kung mayroon tayong kaunawaan?
6 Natatanto ng “isang taong may kaunawaan” na ang mahalay na paggawi ay hindi “libangan,” anupat isang laro. Batid niya na ito’y di-nakalulugod sa Diyos at maaaring sumira ng ating kaugnayan sa kaniya. Kamangmangan ang gayong paggawi sapagkat nagnanakaw ito sa mga tao ng paggalang sa sarili, sumisira ng pag-aasawa, pumipinsala kapuwa ng isip at katawan, at umaakay sa pagkawala ng espirituwalidad. Kaya naman ikiling natin ang ating puso sa kaunawaan at iwasan ang mahalay na paggawi o anumang uri ng imoralidad.—Kawikaan 5:1-23.
Ang Kaunawaan at ang Ating Damdamin
7. Ano ang ilang epekto sa katawan ng galit?
7 Ang pagkiling ng ating puso sa kaunawaan ay tumutulong din sa atin na masupil ang ating damdamin. “Siyang mabagal sa pagkagalit ay may saganang kaunawaan,” sabi ng Kawikaan 14:29, “ngunit siyang madaling magalit ay nagbubunyi ng kamangmangan.” Ang masasamang epekto sa ating katawan ng di-masupil na galit ay isang dahilan kung kaya sinisikap itong iwasan ng isang taong may kaunawaan. Maaaring maging sanhi ito ng alta presyon at sakit sa palahingahan. Binabanggit ng mga doktor ang galit at poot bilang mga emosyon na nagpapalubha o siyang sanhi ng mga sakit tulad ng hika, mga sakit sa balat, suliranin sa panunaw, at ulser.
8. Aakay sa ano ang pagiging madaling magalit, subalit paano makatutulong sa atin ang kaunawaan hinggil dito?
8 Hindi lamang upang maiwasan ang pinsala sa ating kalusugan kung kaya dapat tayong gumamit ng kaunawaan at maging “mabagal sa pagkagalit.” Ang pagiging madaling magalit ay aakay sa kamangmangan na pagsisisihan natin. Ang kaunawaan ay nagpapangyari sa atin na isaalang-alang ang maaaring maging resulta ng walang-ingat na pagsasalita o kapusukan at sa gayo’y hadlangan tayo sa ‘pagbubunyi ng kamangmangan’ sa pamamagitan ng paggawa ng isang bagay na hindi isang katalinuhan. Ang kaunawaan ay lalo nang nakatutulong sa atin na matantong maaaring guluhin ng poot ang ating pag-iisip, kung kaya hindi tayo makapagpasiya nang may katalinuhan. Pahihinain nito ang ating kakayahang gawin ang banal na kalooban at mamuhay ayon sa matutuwid na simulain ng Diyos. Oo, nakapipinsala sa espirituwalidad ang pagbibigay-daan sa matinding galit. Sa katunayan, ang “mga silakbo ng galit” ay kabilang sa “mga gawa ng laman” na hahadlang sa atin na manahin ang Kaharian ng Diyos. (Galacia 5:19-21) Kung gayon, bilang mga Kristiyanong may kaunawaan, mangyari nawang tayo’y maging “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.”—Santiago 1:19.
9. Paano makatutulong sa atin ang kaunawaan at pag-ibig pangkapatid upang malutas ang mga di-pagkakaunawaan?
9 Kung magalit man tayo, ipakikita ng kaunawaan na dapat tayong tumahimik upang maiwasan ang alitan. Ganito ang sabi ng Kawikaan 17:27: “Ang isa na nagpipigil sa kaniyang pananalita ay nagtataglay ng kaalaman, at ang isang taong may kaunawaan ay malamig ang espiritu.” Tutulong sa atin ang kaunawaan at pag-ibig pangkapatid upang makita ang pangangailangang supilin ang silakbo na bumulalas ng isang bagay na nakasasakit. Kung nangyari na ang pagsiklab ng galit, pakikilusin tayo ng pag-ibig at pagpapakumbaba na humingi ng tawad at makipag-ayos. Ngunit ipagpalagay na nagalit tayo sa isang tao. Kung gayo’y kausapin natin siyang mag-isa sa isang mahinahon at mapagpakumbabang paraan at taglay ang pangunahing layunin na itaguyod ang kapayapaan.—Mateo 5:23, 24; 18:15-17.
Ang Kaunawaan at ang Ating Pamilya
10. Anong papel ang ginagampanan ng karunungan at kaunawaan sa buhay pampamilya?
10 Ang mga miyembro ng pamilya ay kailangang magpakita ng karunungan at kaunawaan, sapagkat patitibayin ng mga katangiang ito ang isang sambahayan. Ganito ang sabi ng Kawikaan 24:3, 4: “Sa pamamagitan ng karunungan ay titibay ang isang sambahayan, at sa pamamagitan ng kaunawaan ito ay mapatutunayang matibay ang pagkatatag. At sa pamamagitan ng kaalaman ang mga silid ay mapupuno ng lahat ng mahalaga at nakalulugod na mga kayamanan.” Ang karunungan at kaunawaan ay tulad ng mahuhusay na materyales sa pagtatayo ng isang matagumpay na buhay pampamilya. Tumutulong ang kaunawaan sa Kristiyanong mga magulang upang mapukaw nila ang kanilang mga anak na ipagtapat ang kanilang damdamin at mga alalahanin. Nagagawa ng isang taong may kaunawaan na makipag-usap, makinig at maarok ang damdamin at kaisipan ng kaniyang kabiyak.—Kawikaan 20:5.
11. Paano ‘patitibayin ng isang may-kaunawaang babaing may-asawa ang kaniyang sambahayan’?
11 Walang alinlangang napakahalaga para sa isang maligayang buhay pampamilya ang karunungan at kaunawaan. Halimbawa, sinasabi ng Kawikaan 14:1: “Ang talagang marunong na babae ay nagpapatibay ng kaniyang sambahayan, ngunit ang mangmang ay nagwawasak niyaon ng kaniyang sariling mga kamay.” Ang isang marunong at may kaunawaang babaing may-asawa na wastong nagpapasakop sa kaniyang kabiyak ay magpapagal ukol sa ikabubuti ng sambahayan at sa gayo’y tutulong sa pagpapatibay ng kaniyang pamilya. Ang isang bagay na ‘magpapatibay sa kaniyang sambahayan’ ay ang lagi niyang pagsasabi ng mabuti tungkol sa kaniyang asawa at sa gayo’y lumalaki ang respeto ng iba sa kaniyang asawa. At umaani ng papuri para sa kaniyang sarili ang isang may-kakayahan at may kaunawaang asawang babae na may mapitagang takot kay Jehova.—Kawikaan 12:4; 31:28, 30.
Ang Kaunawaan at ang Ating Landasin sa Buhay
12. Paano minamalas niyaong “may kakulangan sa puso” ang kamangmangan, at bakit?
12 Nakatutulong sa atin ang kaunawaan na mapanatili ang isang wastong landasin sa lahat ng ating gawain. Ipinakikita ito ng Kawikaan 15:21, na nagsasabi: “Ang kamangmangan ay pagsasaya sa isa na may kakulangan sa puso, ngunit ang taong may kaunawaan ay nananatiling tuwid ang daan.” Paano natin uunawain ang kawikaang ito? Ang landasin ng kamangmangan, o kahangalan, ay nakagagalak sa mga lalaki, babae, at kabataang walang-katuwiran. Sila’y “may kakulangan sa puso,” anupat walang mabuting motibo, at gayon na lamang kahangal anupat nagsasaya sila sa kamangmangan.
13. Ano ang napag-unawa ni Solomon tungkol sa pagtawa at kasayahan?
13 Natutuhan ng may-kaunawaang Haring Solomon ng Israel na ang kasayahan ay walang gaanong kabuluhan. Inamin niya: “Sinabi ko, sa aking puso: ‘Pumarito ka ngayon, susubukin kita nang may pagsasaya. Gayundin, magpakasawa ka.’ At, narito! iyan din ay walang kabuluhan. Sinabi ko sa pagtawa: ‘Kabaliwan!’ at sa pagsasaya: ‘Anong ginagawa nito?’ ” (Eclesiastes 2:1, 2) Yamang isang taong may kaunawaan, natuklasan ni Solomon na ang katuwaan at pagtawa lamang ay hindi nakapagbibigay-kasiyahan, sapagkat ang mga ito ay hindi nagbubunga ng tunay at namamalaging kaligayahan. Ang pagtawa ay maaaring makatulong sa atin na pansamantalang makalimutan ang ating mga suliranin, ngunit pagkatapos nito ay lilitaw na naman ang mga ito nang mas malala pa. Wastong masasabi ni Solomon na “kabaliwan” ang pagtawa. Bakit? Sapagkat hinahadlangan ng walang-katuturang pagtawa ang matalinong pagpapasiya. Maaaring udyukan tayo nito na ipagwalang-bahala ang maseselang na bagay. Ang uri ng pagsasaya na nauugnay sa mga salita at pagkilos ng isang payaso ay hindi maaaring ituring na magbubunga ng isang bagay na kapaki-pakinabang. Ang pag-unawa sa kahulugan ng pagsubok ni Solomon sa pagtawa at katuwaan ay tumutulong sa atin na maiwasang maging “mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.”—2 Timoteo 3:1, 4.
14. Paanong ang taong may kaunawaan ay nananatiling “tuwid ang daan”?
14 Paano nangyayari na ang taong may kaunawaan ay nananatiling “tuwid ang daan”? Ang espirituwal na kaunawaan at pagkakapit ng maka-Diyos na mga simulain ay umaakay sa mga tao sa isang matapat, matuwid na landasin. Ang salin ni Byington ay tahasang nagsasabi: “Ang kamangmangan ay lubos na kaligayahan sa isang taong walang-utak, ngunit ang isang matalinong tao ay hahayo nang tuwid.” “Ang taong may kaunawaan” ay nagtutuwid ng kaniyang lakad at nagagawang makilala ang ang pagkakaiba ng tama at mali dahil sa pagkakapit ng Salita ng Diyos sa kaniyang buhay.—Hebreo 5:14; 12:12, 13.
Laging Bumaling Kay Jehova Para sa Kaunawaan
15. Ano ang natututuhan natin mula sa Kawikaan 2:6-9?
15 Upang manatili sa isang matuwid na landasin sa buhay, kailangang kilalanin nating lahat ang ating di-kasakdalan at bumaling kay Jehova para sa espirituwal na kaunawaan. Ganito ang sabi ng Kawikaan 2:6-9: “Si Jehova mismo ang nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig ay naroroon ang kaalaman at kaunawaan. At ang mga matuwid ay paglalaanan niya ng praktikal na karunungan; siya ay kalasag para sa mga lumalakad sa katapatan, sa pamamagitan ng pag-iingat sa mga landas ng kahatulan, at kaniyang babantayan ang mismong daan ng mga matapat sa kaniya. Kung gayo’y mauunawaan mo ang katuwiran at kahatulan at pagkamatapat, ang bawat mabuting landas.”—Ihambing ang Santiago 4:6.
16. Bakit walang karunungan, kaunawaan, o payo na salungat kay Jehova?
16 Bilang pagkilala na tayo’y umaasa kay Jehova, sikapin nating mapakumbabang makilala ang kaniyang kalooban sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa kaniyang Salita. Taglay niya ang pinakasukdulang antas ng karunungan, at laging kapaki-pakinabang ang kaniyang payo. (Isaias 40:13; Roma 11:34) Sa katunayan, anumang payo na salungat sa kaniya ay walang-halaga. Ganito ang sabi ng Kawikaan 21:30: “Walang karunungan, ni anumang kaunawaan, ni anumang payo na salungat kay Jehova.” (Ihambing ang Kawikaan 19:21.) Tanging ang espirituwal na kaunawaan, na natamo sa pag-aaral ng Salita ng Diyos sa tulong ng mga publikasyong inilaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin,” ang tutulong sa atin na magtaguyod ng isang wastong landasin sa buhay. (Mateo 24:45-47) Kaya naman mamuhay tayo na kasuwato ng payo ni Jehova, yamang batid na kahit tila kapani-paniwala ang salungat na payo, hindi ito maaaring pumantay sa kaniyang Salita.
17. Ano ang maaaring resulta kung maling payo ang ibinigay?
17 Natatanto ng mga may-kaunawaang Kristiyano na nagpapayo na ito’y dapat na nakasalig nang matatag sa Salita ng Diyos at na kailangan ang pag-aaral at pagbubulay-bulay sa Bibliya bago sumagot sa isang tanong. (Kawikaan 15:28) Kung may kamalian ang pagsagot sa mga tanong tungkol sa maseselang na bagay, malaking pinsala ang maaaring ibunga. Kaya naman, kailangan ng Kristiyanong matatanda ang espirituwal na kaunawaan at dapat na manalangin para sa patnubay ni Jehova kapag nagsisikap na matulungan sa espirituwal na paraan ang isang kapananampalataya.
Managana sa Espirituwal na Kaunawaan
18. Kung bumangon ang isang suliranin sa kongregasyon, paano makatutulong sa atin ang kaunawaan upang mapanatili ang ating pagiging timbang sa espirituwal?
18 Upang mapalugdan si Jehova, kailangan natin ang “kaunawaan sa lahat ng mga bagay.” (2 Timoteo 2:7) Ang masugid na pag-aaral ng Bibliya at pagsunod sa pag-akay ng espiritu at organisasyon ng Diyos ay tutulong sa atin na malaman kung ano ang dapat gawin kapag napaharap tayo sa mga situwasyon na maaaring umakay sa atin sa maling landasin. Halimbawa, ipagpalagay na may isang bagay sa kongregasyon na hindi inaasikaso nang ayon sa palagay nati’y nararapat. Tutulong sa atin ang espirituwal na kaunawaan upang makita na hindi ito dahilan upang huminto sa pakikisama sa bayan ni Jehova at huminto sa paglilingkod sa Diyos. Isip-isipin ang ating pribilehiyong maglingkod kay Jehova, ang tinatamasa nating espirituwal na kalayaan, ang natatamo nating kagalakan sa ating paglilingkod bilang mga tagapaghayag ng Kaharian. Pinapangyayari ng espirituwal na kaunawaan na magkaroon tayo ng wastong pangmalas at matanto na tayo’y nakaalay sa Diyos at dapat nating pakamahalin ang kaugnayan natin sa kaniya, anuman ang ginagawa ng iba. Kung wala tayong magagawa sa teokratikong paraan upang lutasin ang isang suliranin, kailangan nating matiyagang maghintay na lunasan ni Jehova ang situwasyon. Sa halip na sumuko o magbigay-daan sa kawalang-pag-asa, tayo’y ‘maghintay sa Diyos.’—Awit 42:5, 11.
19. (a) Ano ang diwa ng panalangin ni Pablo alang-alang sa mga taga-Filipos? (b) Paano makatutulong sa atin ang kaunawaan kung hindi natin lubusang nauunawaan ang isang bagay?
19 Tumutulong sa atin ang espirituwal na kaunawaan upang manatiling matapat sa Diyos at sa kaniyang bayan. Ganito ang sabi ni Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos: “Ito ang patuloy kong ipinapanalangin, na ang inyong pag-ibig ay managana nawa nang higit at higit pa na may tumpak na kaalaman at ganap na kaunawaan; upang matiyak ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga, upang kayo ay maging walang-kapintasan at hindi nakatitisod sa iba hanggang sa araw ni Kristo.” (Filipos 1:9, 10) Upang wastong makapangatuwiran, kailangan natin ng “tumpak na kaalaman at ganap na kaunawaan.” Ang Griegong salita rito na isinaling “kaunawaan” ay nagpapahiwatig ng “matalas na pagkaunawa sa moral.” Kapag natuto tayo ng isang bagay, ibig nating maunawaan ang kaugnayan nito sa Diyos at kay Kristo at bulay-bulayin kung paano nito dinadakila ang personalidad at mga paglalaan ni Jehova. Pinag-iibayo nito ang ating kaunawaan at pagpapahalaga sa mga ginawa ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo para sa atin. Kung hindi natin lubusang nauunawaan ang isang bagay, makatutulong sa atin ang kaunawaan upang matanto na hindi natin dapat na talikuran ang ating pananampalataya sa lahat ng mahalagang bagay na natutuhan natin tungkol sa Diyos, kay Kristo, at sa banal na layunin.
20. Paano tayo maaaring managana sa espirituwal na kaunawaan?
20 Mananagana tayo sa espirituwal na kaunawaan kung ang ating kaisipan at pagkilos ay lagi nating aayon sa Salita ng Diyos. (2 Corinto 13:5) Ang paggawa nito sa isang nakapagpapatibay na paraan ay tumutulong sa atin na maging mapagpakumbaba, anupat hindi sarado ang isip at mapamintas tungkol sa iba. Tutulungan tayo ng kaunawaan na makinabang mula sa pagtutuwid at matiyak ang higit na mahahalagang bagay. (Kawikaan 3:7) Kung gayon, taglay ang hangaring mapalugdan si Jehova, nawa’y sikapin nating mapuspos ng tumpak na kaalaman sa kaniyang Salita. Ito’y magpapangyari sa atin na makilala ang pagkakaiba ng tama at ng mali, matiyak kung ano ang tunay na mahalaga, at buong katapatang mangunyapit sa ating napakahalagang kaugnayan kay Jehova. Posible ang lahat ng ito kung ikikiling natin ang ating puso sa kaunawaan. Gayunman, may isa pang bagay na kailangan. Dapat nating pangyarihing ingatan tayo ng kaunawaan.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit dapat nating ikiling ang ating puso sa kaunawaan?
◻ Paano makaaapekto ang kaunawaan sa ating pananalita at paggawi?
◻ Ano ang maaaring maging epekto ng kaunawaan sa ating damdamin?
◻ Bakit dapat tayong laging bumaling kay Jehova para sa kaunawaan?
[Larawan sa pahina 13]
Nakatutulong sa atin ang kaunawaan na masupil ang ating damdamin
[Larawan sa pahina 15]
Natanto ng may-kaunawaang si Haring Solomon na ang kasayahan ay hindi talaga nakapagbibigay-kasiyahan