Ang Pinsalang Dulot ng Galit
KAPAG ikaw ay nagagalit, nahihirapan ang iyong puso. Nasumpungan ng isang pag-aaral kamakailan na isinagawa sa Stanford University sa Estados Unidos na kapag ang mga pasyenteng may sakit sa puso ay hiniling na gunitain ang mga insidente na nagpapagalit pa rin sa kanila, ang kahusayan ng kanilang puso sa pagbomba ng dugo ay bumaba ng 5 porsiyento. Bagaman ang pagbaba sa kahusayan ay hindi permanente, itinuturing ng mga doktor na ito ay makabuluhan dahil sa dumaraming katibayan na ang mga taong magagalitin ay mas malamang na magkaroon ng sakit sa puso kaysa mga taong mapayapa.
“Ang limang-porsiyentong-puntong pagbaba sa kahusayan ng puso na nasumpungan namin sa mga pasyente noong panahong sila’y nagagalit ay kapuna-puna, bagaman bahagyang pagbaba lamang,” sabi ni Dr. Gail Ironson, na nanguna sa pananaliksik. “Ang mga pasyente ay nagsabi na halos kalahati lamang ang galit nila kapag ginugunita ang pangyayari kaysa nang ito ay mangyari. Malamang na ang kahusayan ng puso na magbomba ay lalo pang nabawasan noong panahon na aktuwal na nagagalit.”
Ang pag-aaral ang kaunahan na nagpapakita na ang galit ay maaaring pagmulan ng isang tuwirang pagbabago sa kakayahan ng puso na kumilos. At bagaman ang galit ay hindi siyang tanging may pananagutan sa sakit sa puso—ang pagkain, ehersisyo, at pagmamana ay gumaganap rin ng mahalagang bahagi—ang mga mananaliksik ay naniniwalang ang galit ay maaaring maging isang mahalagang salik.
Malaon nang alam ng mga doktor na ang galit ay nakapipinsala sa katawan ng tao. Maaari nitong pataasin ang presyon ng dugo, pangyarihin ang mga pagbabago sa arteriya, sakit sa palahingahan, sakit sa atay, pagbabago sa paglalabas ng apdo, at pinsala sa lapay. Inaakala ring pinalulubha ng galit ang mga sakit na gaya ng hika, mga sakit sa mata, sakit sa balat, pamamantal, at mga ulser, gayundin mga sakit sa ngipin at panunaw.
Kaya nga, bukod sa espirituwal at sosyal na mga pakinabang, may pisikal na mga pakinabang sa pagsunod sa payo ng Bibliya na “maglikat ka ng pagkagalit at bayaan mo ang poot” at huwag mong “madaliin ang iyong espiritu na masaktan ng damdamin [o, “magalit,” King James Version].” Anong laking katalinuhan nga na linangin ang “pang-unawa” na gumagawa sa isa na “mabagal sa pagkagalit.” Oo, “ang tiwasay na puso ay buhay ng katawan.”—Awit 37:8; Eclesiastes 7:9; Kawikaan 14:29, 30.
Kung nais mo ng higit na impormasyon o ng isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa isa sa mga Saksi ni Jehova, pakisuyong sumulat sa Watch Tower, P.O. Box 2044, 1099 Manila o sa angkop na direksiyon na nakatala sa pahina 5.