KATAMARAN
Kawalan ng pagnanais o pag-ayaw sa pagsisikap o pagtatrabaho; pagkabatugan; kakuparan. Ang pandiwang Hebreo na ʽa·tsalʹ ay nangangahulugang “magmakupad.” (Huk 18:9) Ang pang-uri na kaugnay ng pandiwang ito ay isinasaling “tamad.” (Kaw 6:6) Ang salitang Griego na o·kne·rosʹ ay nangangahulugang “makupad.” (Mat 25:26; Ro 12:11, Int) Ang isa pang termino, ang no·throsʹ, ay nangangahulugan namang “makupad, mapurol.”—Heb 5:11; 6:12.
Si Jehova at ang kaniyang Anak, bilang ang dalawang pinakadakilang Manggagawa, ay napopoot sa katamaran. Sinabi ni Jesus: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako ay patuloy na gumagawa.” (Ju 5:17) Sa buong Salita ng Diyos, ang taong tamad ay binababalaan at ang katamaran ay hinahatulan.
Ang Pag-iisip ng Taong Tamad. Sa aklat ng Mga Kawikaan ay inilalarawan ang isang taong tamad. Una sa lahat, kumakatha siya ng mga hadlang sa sarili niyang isip upang mabigyang-katuwiran ang pagtanggi niyang simulan ang isang proyekto. “Ang daan ng tamad ay tulad ng bakod na matinik na palumpong.” (Kaw 15:19) Ang tingin niya sa kaniyang atas ay isang daan na punô ng matitinik na palumpong anupat napakahirap daanan. Pagkatapos ay gumagawa siya ng katawa-tawang mga pagdadahilan para sa kaniyang kakuparan, na sinasabi: “May leon sa labas! Sa gitna ng mga liwasan ay papaslangin ako!” anupat para bang sa gawain niya ay may naghihintay na panganib na hindi naman talaga umiiral. (Kaw 22:13) Kalimitan na, ang katamaran ay may kasamang karuwagan, isang pag-aatubili na may halong takot. (Mat 25:26, tlb sa Rbi8; 2Ti 1:7) Bagaman ang tamad ay pinayuhan at inudyukan na ng iba, pumipihit siya sa kaniyang higaan ‘tulad ng isang pinto sa paikutan nito,’ gaya ng isa na hindi makabangon. Napakatamad niya anupat hindi niya masubuan ang kaniyang sarili. “Itinatago [niya] ang kaniyang kamay sa mangkok na pampiging; labis siyang nanghihimagod upang ibalik iyon sa kaniyang bibig.” (Kaw 26:14, 15; 19:24) Ngunit dinadaya niya ang kaniyang sarili anupat iniisip niya sa sarili niyang puso na tama siya.
Ang gayong indibiduwal ay gumagawa ng mapanlinlang at di-makatotohanang mga pangangatuwiran. Maaaring isipin niya na makapipinsala ang trabaho sa kaniyang kalusugan o na siya’y pagod na pagod. Maaaring nadarama niya na ibang tao ang dapat sumuporta sa kaniya. O, “ipinagpapabukas” niya ang isang gawain. (Kaw 20:4) Nadarama niya na anumang maliit na bagay ang nagawa niya ay nagawa na niya ang kaniyang bahagi, gaya rin ng iba. Bagaman makatuwirang masasagot ng lahat ng masikap na tao ang alinman sa gayong mga argumento, siya ay “mas marunong sa kaniyang sariling paningin,” anupat nadarama niyang ang mga taong iyon ang mangmang dahil nagpupunyagi sila at sinisikap nilang pasiglahin siya na gumawa rin ng gayon.—Kaw 26:13-16.
Ang taong tamad ay walang “kasiyahan sa sarili” o pagkakontento sa “pagkain at pananamit.” (1Ti 6:6-8) Sa halip, nagnanasa siya ng mga bagay-bagay, anupat kadalasan na, ng mga bagay na higit pa kaysa sa pagkain o pananamit. “Ang tamad ay nagnanasa, ngunit ang kaniyang kaluluwa ay wala ni anuman.” (Kaw 13:4) Wala siyang konsiderasyon o paggalang sa kaniyang kapuwa, at handa niyang ipagawa sa iba ang kaniyang gawain, anupat hinahayaan pa nga niyang ibang tao ang maglalaan ng mga bagay na ninanasa niya.—Kaw 20:4.
Ang Bunga ng Katamaran. Bagaman maaaring iniisip ng tamad na magsisipag siya sa kalaunan, ang bunga ng kaniyang katamaran ay biglang darating sa kaniya at magiging huli na ang lahat, sapagkat siya ay sinasabihan: “Kaunti pang tulog, kaunti pang idlip, kaunti pang paghahalukipkip ng mga kamay sa pagkakahiga, at ang iyong karalitaan ay tiyak na darating na tulad ng isang mandarambong, at ang iyong kakapusan na tulad ng lalaking nasasandatahan.”—Kaw 6:9-11.
Maging sa literal man o sa makasagisag na diwa, ang paglalarawan sa kalagayan ng taong tamad ay totoo: “Dumaan ako sa tabi ng bukid ng taong tamad at sa tabi ng ubasan ng taong salat sa puso. At, narito! ang lahat ng mga iyon ay tinubuan ng mga panirang-damo. Tinakpan ng mga kulitis ang pinakaibabaw nito, at ang batong pader nito ay nagiba.” “Dahil sa matinding katamaran ay lumulundo ang biga, at dahil sa pagbababa ng mga kamay ay tumutulo ang bahay.”—Kaw 24:30, 31; Ec 10:18.
Ang sinumang umuupa sa taong tamad, o ang sinumang kinakatawanan niya, ay tiyak na madidismaya, mayayamot, at malulugi, sapagkat “kung paano ang sukà sa mga ngipin at kung paano ang usok sa mga mata, gayon ang taong tamad sa mga nagsusugo sa kaniya.”—Kaw 10:26.
Ang katamaran ng makupad ay magdudulot sa kaniya ng kapahamakan sa bandang huli, sapagkat “ang paghahangad ng tamad ang papatay sa kaniya.” Hinahangad niya ang mga bagay na hindi marapat mapasakaniya o mga bagay na mali. Maaari siyang mapahamak kung tatangkain niyang kunin ang mga iyon. Anuman ang kalagayan, ang paghahangad niya kasabay ng katamaran ay naglalayo sa kaniya sa Diyos na siyang Bukal ng buhay.—Kaw 21:25.
Ang tamad na Kristiyano ay hindi naglilinang ng mga bunga ng espiritu, na makapagpapasigla at makapagpapakilos sa kaniya (Gaw 18:25), kundi, sa katunayan ay nagdudulot ng kapahamakan sa kaniyang sarili. Binibigyang-kasiyahan niya ang mga pagnanasa ng laman. Hindi magtatagal at maaaring ‘lalakad na siya nang walang kaayusan,’ anupat “walang anumang ginagawa kundi nanghihimasok sa mga bagay na walang kinalaman” sa kaniya.—2Te 3:11.
Kung Ano ang Pangmalas Dito ng Kongregasyong Kristiyano. Sa sinaunang kongregasyong Kristiyano, isang kaayusan ang itinatag upang mabigyan ng materyal na tulong ang mga nagdarahop, lalo na ang mga babaing balo. Waring ang ilan sa mga nakababatang babaing balo ay nagpahayag ng pagnanais na gamitin ang kanilang kalayaan bilang mga balo upang masigasig na makabahagi sa ministeryong Kristiyano. (Ihambing ang 1Co 7:34.) Maliwanag na ang ilan ay binigyan ng materyal na tulong. Ngunit sa halip na gamitin nila nang wasto ang kanilang natamong higit na kalayaan at panahon, sila ay naging mga batugan, walang pinagkakaabalahan, at nagsimulang magpalipat-lipat sa mga bahay. Sila ay naging mga tsismosa at mga mapanghimasok sa buhay-buhay ng ibang tao, na nagsasalita ng mga bagay na hindi dapat. Sa dahilang ito, tinagubilinan ng apostol na si Pablo ang tagapangasiwang si Timoteo na huwag ilagay sa talaan ng mga tutulungan ang gayong mga tao kundi hayaan silang mag-asawa at gamitin ang kanilang lakas at mga kakayahan sa pagpapalaki ng mga anak at sa pangangalaga ng isang sambahayan.—1Ti 5:9-16.
May kinalaman sa materyal na tulong sa kongregasyong Kristiyano, ang alituntunin sa Bibliya ay: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho, huwag din naman siyang pakainin.” (2Te 3:10) Ang ulo ng pamilya ay dapat na maglaan para sa kaniyang sambahayan, at ang asawang babae ay hindi dapat kumain ng “tinapay ng katamaran.”—Kaw 31:27; 1Ti 5:8.
Iwasan ang Katamaran sa Pag-aaral at sa Ministeryo. Nagpayo ang Kasulatan laban sa katamaran sa pag-aaral at pagkuha ng mas malalim na unawa sa mga layunin ng Diyos, at sa pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano. Sinaway ng apostol na si Pablo ang ilang di-sumusulong na mga Kristiyanong Hebreo, anupat itinawag-pansin niya: “Naging mapurol [makupad] kayo sa inyong pakikinig. Sapagkat bagaman dapat nga sanang maging mga guro na kayo dahilan sa panahon, kayo ay muling nangangailangan na may magturo sa inyo mula sa pasimula ng mga panimulang bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos; at kayo ay naging gaya ng nangangailangan ng gatas, hindi ng matigas na pagkain.” (Heb 5:11, 12) Ipinaalaala rin niya: “Huwag magmakupad sa inyong gawain. Maging maningas kayo sa espiritu.”—Ro 12:11.