TABA
Ang salitang Tagalog na “taba” ay ginagamit upang isalin ang iba’t ibang salitang Hebreo na tumutukoy hindi lamang sa substansiyang tinatawag na taba kundi pati sa anumang bagay na malaman at mapintog. Maaari ring gamitin ang mga terminong ito sa makasagisag na diwa upang tumukoy sa bagay na masagana o mabunga (gaya sa pananalitang Tagalog na “katabaan ng lupa”) o upang itawid ang ideya ng pagkamanhid o pagiging mapurol ng isip at puso.
Karaniwan na, ang cheʹlev ay ginagamit upang tumukoy sa substansiyang “taba,” alinman sa taba ng mga hayop (Lev 3:3) o ng mga tao (Huk 3:22). Ang matigas na “taba” sa palibot ng mga bato o mga balakang, sa mga handog na sinusunog ay tinutukoy rin ng iba pang salita, peʹdher. (Lev 1:8, 12; 8:20) Unang lumitaw ang cheʹlev sa Genesis 4:4 may kaugnayan sa “matatabang bahagi” na inihain ni Abel kay Jehova mula sa mga panganay ng kaniyang kawan. Pagkatapos nito, ang karamihan ng pagtukoy sa cheʹlev ay may kinalaman sa paghahain. Ginagamit din ang cheʹlev bilang metapora para sa pinakamainam na bahagi ng anumang bagay. Halimbawa, sa Genesis 45:18, sinabi ni Paraon kay Jose na maaaring kainin ng pamilya nito ang “katabaan ng lupain.” Gayundin, ang Bilang 18:12 ay kababasahan: “Lahat ng pinakamainam [cheʹlev] na langis at lahat ng pinakamainam [cheʹlev] na bagong alak at butil . . . ibinibigay ko ang mga iyon sa iyo.”—Tingnan ang Aw 81:16; 147:14.
Ang Batas May Kinalaman sa Taba. Sa ikatlong kabanata ng Levitico, tinagubilinan ni Jehova ang mga Israelita may kinalaman sa paggamit ng taba sa mga haing pansalu-salo. Kapag naghahain sila ng mga baka o mga kambing, ang taba na nasa palibot ng balakang at mga bituka at yaong nasa ibabaw ng mga bato, gayundin ang matatabang lamad na nasa ibabaw ng atay, ay pauusukin nila sa ibabaw ng altar. May kinalaman naman sa mga tupa, kailangan ding ihandog ang buong matabang buntot. (Ang mga tupa sa Sirya, Palestina, Arabia, at Ehipto ay may matatabang buntot, kadalasan ay tumitimbang nang 5 kg [11 lb] o higit pa.) Espesipikong sinabi sa Kautusan, “Ang lahat ng taba ay kay Jehova . . . Huwag kayong kakain ng anumang taba o ng anumang dugo.”—Lev 3:3-17.
Ang taba ay nagliliyab nang husto at lubusang nasusunog sa ibabaw ng altar. Anumang taba na inihandog sa altar ay hindi iiwan hanggang sa kinaumagahan; malamang na mabubulok at babaho ito, anupat lubhang di-naangkop para sa alinmang bahagi ng mga sagradong handog.—Exo 23:18.
Hindi nakaatang sa mga Kristiyano. Pagkatapos ng Baha, nang pahintulutan si Noe at ang kaniyang pamilya na kumain ng laman, walang binanggit may kinalaman sa taba. (Gen 9:3, 4) Gayunman, ipinagbawal ang pagkain ng dugo. Ito ay mahigit sa 850 taon bago ginawa sa Israel ang tipang Kautusan, na may mga pagbabawal kapuwa sa pagkain ng dugo at ng taba. Noong unang siglo C.E., pinagtibay ng lupong tagapamahala ng kongregasyong Kristiyano na ang pagbabawal laban sa dugo ay nananatiling may bisa sa mga Kristiyano. (Gaw 15:20, 28, 29) Gayunman, gaya ng kaso ni Noe at ng kaniyang pamilya, walang binanggit may kinalaman sa pagkain ng mga Kristiyano ng taba. Kaya, sa bansang Israel lamang ibinigay ang batas na nagbabawal sa pagkain ng taba.
Ang dahilan kung bakit ibinigay ang kautusang ito. Sa ilalim ng tipang Kautusan, kapuwa ang dugo at ang taba ay itinuturing na para lamang kay Jehova. Nasa dugo ang buhay, na si Jehova lamang ang makapagbibigay; samakatuwid, ito ay sa kaniya. (Lev 17:11, 14) Itinuring naman ang taba bilang ang pinakamainam na bahagi ng laman ng hayop. Ang paghahandog ng taba ng hayop ay maliwanag na isang pagkilala na ang pinakamaiinam na bahagi ay kay Jehova, na siyang naglalaan nang sagana, at ipinakikita nito ang pagnanais ng mananamba na ihandog sa Diyos ang pinakamainam. Palibhasa’y sumasagisag ito sa pag-uukol ng mga Israelita ng kanilang pinakamainam kay Jehova, sinasabing pinauusok ito sa ibabaw ng altar bilang “pagkain” at bilang “nakagiginhawang amoy” para sa kaniya. (Lev 3:11, 16) Kaya naman ang pagkain ng taba ay isang ilegal na paggamit ng bagay na pinabanal sa Diyos, anupat isang panghihimasok sa mga karapatan ni Jehova. Ang pagkain ng taba ay magdudulot ng parusang kamatayan. Gayunman, di-tulad ng dugo, ang taba ay maaaring gamitin para sa iba pang mga layunin, halimbawa ay ang taba ng isang hayop na basta na lamang namatay o pinatay ng ibang hayop.—Lev 7:23-25.
Ang saklaw ng pagkakapit ng kautusan. Dahil sa huling tekstong nabanggit, sinikap ng maraming komentarista na limitahan lamang ang pagkakapit ng pagbabawal sa Levitico 3:17 sa taba niyaong mga uri ng hayop na kaayaayang ihandog bilang hain, gaya ng toro, tupa, at kambing. Hindi magkakasuwato ang turo ng mga Judiong Rabbi sa paksang ito. Gayunman, ang utos tungkol sa taba na nasa Levitico 3:17 ay kaugnay ng isa pang utos na may kinalaman sa pagkain ng dugo, isang kautusan kung saan maliwanag na kabilang ang dugo ng lahat ng hayop. (Ihambing ang Lev 17:13; Deu 12:15, 16.) Samakatuwid, waring mas makatuwirang sabihin na ang kautusan hinggil sa taba ay sumasaklaw rin sa taba ng lahat ng hayop, kabilang na yaong mga pinatay para sa pangkaraniwang gamit ng mga Israelita.
Ang pangmalas na kumakapit ang pagbabawal na ito sa lahat ng uri ng taba ay hindi sinasalungat ng teksto sa Deuteronomio 32:14, na nagsasabing binibigyan ni Jehova ang Israel ng “taba ng mga barakong tupa” bilang pagkain. Isa itong makasagisag na pananalita na tumutukoy sa pinakamainam mula sa kawan, o gaya ng salin ng The Jerusalem Bible, “matabang pagkain ng mga pastulan.” (Tingnan din ang Da tlb at Kx.) Ang patulang diwa na ito ay ipinahihiwatig ng mga huling bahagi ng talata ring ito na tumutukoy sa “taba ng bato ng trigo” at sa “dugo ng ubas.” Gayundin naman, sa Nehemias 8:10, kung saan ang bayan ay inutusan, “Yumaon kayo, kainin ninyo ang matatabang bagay,” hindi natin dapat isipin na literal silang kumain ng purong taba. Ang “matatabang bagay” ay tumutukoy sa matatabang pagkain, mga bagay na hindi payat o tuyot, kundi malangis, kabilang na ang malinamnam na mga putahe na niluto sa langis mula sa halaman. Sa gayon, ang salin ni Knox ay kababasahan dito ng “magpiging kayo sa matatabang karne,” samantalang ang salin naman ni Moffatt ay “kumain kayo ng malinamnam na mga piraso.”
Hindi hinadlangan ng pagbabawal na iyon sa Kautusang Mosaiko ang pagpapakain o pagpapataba ng mga tupa o mga baka na gagamitin bilang pagkain. Mababasa natin ang tungkol sa “pinatabang guyang toro” na pinatay para sa alibughang anak. (Luc 15:23) Kabilang sa mga pagkain ni Solomon ang “mga pinatabang kakok” at mga baka. (1Ha 4:23) Ang Hebreong ʽe·ghel-mar·beqʹ, na isinalin bilang “pinatabang guya,” ay lumilitaw sa 1 Samuel 28:24; ang meʹach at meriʼʹ ay tumutukoy sa isang “patabaing hayop” o isang “patabain.” (Isa 5:17; Eze 39:18) Gayunman, hindi ito nangangahulugan na ang ‘pagpapataba’ na ito ay para sa layuning makabuo ng makakapal na taba; sa halip, ang diwa rin nito ay na naging malaman (“makarne”), hindi payat, ang mga hayop.—Ihambing ang Gen 41:18, 19.
Iba Pang mga Terminong Hebreo. Kabilang sa mga terminong Hebreo na ginagamit upang ilarawan ang anumang bagay na nasa “matabang” kalagayan ay yaong mga hinalaw sa pandiwang salitang-ugat na sha·menʹ. Bagaman ito ay nangangahulugang “tumaba” (Deu 32:15; Jer 5:28), itinatawid din nito ang ideya ng pagiging “mabulas.” Lumilitaw ang sha·menʹ sa Isaias 6:10, kung saan ang King James Version ay kababasahan ng “gawin mong mataba ang puso ng bayang ito,” samakatuwid nga, manhid at mapurol, anupat para bang nababalutan ng taba ang kanilang mga puso. Inilalarawan naman ng Hukom 3:29 ang ilang Moabita na “bawat isa ay mabulas [sha·menʹ, sa literal, “mataba”] at bawat isa ay magiting na lalaki.” Ang kaugnay na salitang sheʹmen ay kadalasang isinasalin bilang “langis.”
Maaaring ‘pagiging maunlad’ naman ang diwang nakapaloob sa pandiwang da·shenʹ, anupat literal din itong ginagamit upang mangahulugang “tumaba.” Kung gayon, ang da·shenʹ (at ang kaugnay na salitang deʹshen) ay nagpapahiwatig ng pagiging maunlad, mabunga, o masagana. Sinabi ni Jehova sa Israel na dadalhin niya sila sa isang lupain “na inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan, at sila ay tiyak na kakain at mabubusog at tataba [wedha·shenʹ].” (Deu 31:20) Sinasabi sa atin na yaong mga bukas-palad, masisikap, at nananalig kay Jehova ay “patatabain,” samakatuwid nga, mananaganang lubos. (Kaw 11:25; 13:4; 28:25) Sa Kawikaan 15:30, sinasabing ang mabuting balita ay “nagpapataba ng mga buto,” o pinupuno nito ng utak ang mga buto—sa ibang pananalita, napalalakas ang buong katawan. Ipinahihiwatig din ng pangngalang deʹshen ang ideyang ito ng pagiging sagana, gaya sa Awit 36:8, kung saan ang mga anak ng tao ay sinasabing ‘umiinom ng katabaan [mid·deʹshen; “kasaganaan,” RS]’ ng bahay ng Diyos.—Ihambing ang Jer 31:14.
Isinasalin din ng maraming tagapagsalin ang pangngalang deʹshen bilang “abo,” halimbawa ay kapag tinutukoy ang mga dumi mula sa altar na pinaghahainan sa tabernakulo. (Lev 1:16; 4:12; 6:10, 11, KJ, JB, RS) Gayunman, para sa ibang mga iskolar, hindi lubusang naitatawid ng “abo” ang salitang-ugat sa orihinal na wika. Kaya naman mas gusto nila ang mga terminong gaya ng “abo ng taba” (Ro, NW), anupat nangangatuwiran sila na ipinahihiwatig ng terminong ito na ang sunóg na panggatong sa ilalim ay nabasâ ng mainit na tabang tumutulo mula sa mga hain.
Ang ideya ng pagiging patabain at malusog ay ipinahahayag naman ng salitang ba·riʼʹ. Isinasalin ito bilang ‘mataba’ kapag mga tao, mga hayop, at mga butil ang inilalarawan (Gen 41:2, 7; Huk 3:17; Eze 34:3, 20), at gayundin bilang “nakapagpapalusog.”—Hab 1:16.