Kung Bakit Kailangan Natin ang Tumpak na Kaalaman
“Iyan ang dahilan kung bakit, mula ng araw na marinig namin yaon, kami ay hindi humihinto ng pagdalangin alang-alang sa inyo at ng paghingi na kayo’y mapuno sana ng tumpak na kaalaman ng kaniyang kalooban sa buong karunungan at espirituwal na pagkakilala.”—COLOSAS 1:9.
1. Magbigay ng halimbawa ng pagkakaiba ng pangkaraniwang kaalaman at ng tumpak na kaalaman?
ALAM ng halos sinuman kung ano ang relo, ngunit ilan ang nakaaalam kung papaano gumagana ang relo? Marahil ay mayroon kang isang pangkaraniwang nalalaman, pero ang relo ba’y malalansag mo, makukumpuni, at saka maiuuli iyon sa dati? Ang isang manggagawa ng relo ay tunay na makagagawa niyan. Bakit? Dahil sa siya’y may tumpak, malawak na kaalaman sa kung papaano gumagana ang isang relo. At iyan ay isang halimbawa ng pagkakaiba ng pangkaraniwang kaalaman at ng tumpak na kaalaman sa isang paksa.
2. Anong pagkakaiba ng dalawang uri ng kaalaman ang napansin mo sa larangan ng relihiyon?
2 Milyun-milyong mga tao ang may pangkaraniwang nalalaman tungkol sa Diyos. Kanilang sinasabi na sila’y naniniwala sa Diyos, bagaman ang kanilang mga kilos ay nagpapabulaan sa kanilang sinasabing iyon. Ang isang misyonero ay kung minsan magtatanong sa maybahay: “Bilang isang Katoliko, naniniwala ka sa Diyos, tama ba?” At ang sagot ay, kasabay ang pagtuturo sa bandang kalangitan: “Bueno, ako’y naniniwala na may umiiral doon.” Masasabi mo bang iyan ay tumpak na kaalaman at pagkakilala sa Diyos? Hindi. At kadalasan ang resulta ng ganiyang pagkamalabo ay na hindi Kristiyano ang asal ng mga taong nag-aangking Kristiyano. (Ihambing ang Tito 1:16.) Ang kalagayang resulta nito ay gaya ng inilarawan ni Pablo: “Yamang ayaw nilang kilalanin ang Diyos ayon sa tumpak na kaalaman, kaya naman hinayaan sila ng Diyos sa kanilang masamang pag-iisip.”—Roma 1:28.
3. Ano ang mga resulta pagka tinanggihan ng mga tao ang tumpak na kaalaman sa kalooban ng Diyos?
3 Ano ang naging resulta noong unang siglo ng ganiyang kakulangan ng tumpak na kaalaman? Ang ginagawa ng mga tao ay “mga bagay na di-nararapat, yamang punô sila ng lahat ng kalikuan, kabalakyutan, kasakiman, kasamaan, punô ng pagkainggit, ng pagpatay sa kapuwa-tao, ng pagtatalo, pandaraya, pang-uupasala, palibhasa’y masisitsit, mapanirang puri, napopoot sa Diyos, walang-galang, mapagmataas, mapagpakunwari, mapagkatha ng kasamaan, mga masuwayin sa mga magulang, walang unawa, di-tapat sa kasunduan, walang katutubong pagmamahal, walang habag.” Ang kanilang kakulangan ng tumpak na kaalaman ay nangangahulugan na walang motibo ang kanilang mga puso na gumawa ng matuwid.—Roma 1:28-31; Kawikaan 2:2, 10.
Ano ba ang Pagkakaiba?
4, 5. Sang-ayon sa mga iskolar na Griego, ano ang mga ilang pagkakaiba ng gnoʹsis at ng e·piʹgno·sis?
4 Ang pagkakaibang ito ng pangkaraniwang kaalaman at ng tumpak na kaalaman ay ipinahihiwatig ng Kasulatang Griego. Ang orihinal na Griego ay tumutukoy ng gnoʹsis, kaalaman, at e·piʹgno·sis, tumpak na kaalaman. Ang una, ayon sa Griegong iskolar na si W. E. Vine, ay nangangahulugang “unang-una’y isang paghahangad na makaalam, isang pagtatanong, pagsisiyasat,” lalo na tungkol sa espirituwal na katotohanan sa konteksto ng Kasulatan.
5 Ang e·piʹgno·sis, sang-ayon sa iskolar na Griegong si Thayer, ay nangangahulugang “tiyak at tamang kaalaman.” At sa anyong pandiwa, ito’y nangangahulugan na “maging lubusang may pagkakilala sa, makaalam nang lubusan; makaalam nang tumpak, makaalam nang mainam.” Sinasabi ni W. E. Vine na ang e·piʹgno·sis, ay “tumutukoy sa eksakto o lubos na kaalaman, kaunawaan, pagkakilala.” Kaniyang isinusog pa na ito’y nagpapahayag ng isang “lalong ganap o isang lubos na kaalaman, isang lalong malaking pakikibahagi ng isang umaalam tungkol sa bagay na inaalam, sa gayo’y may lalong malakas na impluwensiya sa kaniya.” (Amin ang italiko.) Gaya ng makikita natin, ang huling pangungusap na ito ay may pangunahing kahalagahan sa isang Kristiyano.
6. Aling mga manunulat ng Bibliya ang gumamit ng mga salita para sa “kaalaman” at sa “tumpak na kaalaman,” at bakit mahalaga ang tumpak na kaalaman?
6 Dadalawa lamang na mga manunulat ng Bibliya ang gumamit ng salitang Griegong e·piʹgno·sis. Sila’y sina Pablo at Pedro, na lahat-lahat ay gumamit ng salitang iyan ng 20 beses.a Maliban kay Lucas, sila rin naman ang tanging gumamit ng salitang gnoʹsis, anupa’t ginamit ito ni Pablo nang 23 beses at ni Pedro nang 4 na beses. Ang kanilang mga isinulat ay samakatuwid isang mahalagang giya sa kahalagahan ng tumpak na kaalaman na ang tinatanaw ay kaligtasan. Gaya ng sinabi ni Pablo kay Timoteo: “Ito’y mabuti at nakalulugod sa paningin ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, na kalooban niya na lahat ng uri ng tao ay maligtas at magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:3, 4.
Kung Bakit Mahalaga ang Tumpak na Kaalaman
7. (a) Upang iyon ay mapakinabangan, papaano tayo kailangang maapektuhan ng kaalaman? (b) Ano ang panganib kung ating pababayaan ang kaalaman?
7 Samakatuwid, ang pagtatamo ng tumpak na kaalaman sa katotohanan ayon sa itinuturo ng Bibliya ay isang susi sa kaligtasan. Gayunman, ang kaalamang iyan ay kailangang makarating sa puso, ang pinagmumulan ng motibo. Ito’y hindi maaaring manatiling nasa isip lamang o kaalamang natutuhan sa paaralan. Isa pa, minsang ito’y natamo na, ang kaalaman sa katotohanan ay kailangang gamitin at halinhan ang nagamit na. Bakit nga ganiyan? Sapagkat ang memorya, tulad ng isang kalamnan na hindi ginagamit, ay maaaring humina at magkulang, at sa gayo’y ating dagling mapabayaan ang ating espirituwalidad at magsimulang mapalayo at manghina sa ating pananampalataya. Baka lumuwag ang ating mahigpit na kapit sa “mismong kaalaman ng Diyos.” Hindi magtatagal, ang panghihinang ito ay baka mabanaag sa mahinang kakayahang mag-isip at maging sa paggawi na di-Kristiyano.—Kawikaan 2:5; Hebreo 2:1.
8. Anong pakinabang ang nakita ni Solomon sa karunungan at kaalaman?
8 Kung gayon, maiintindihan natin kung bakit nang si Solomon ay tapat, lubhang malaki ang pagpapahalaga niya sa karunungan, kaunawaan, at kakayahang umisip. Siya’y sumulat: “Pagka ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman mismo ay naging ligaya sa iyong kaluluwa, ang kakayahang umisip mismo ay magbabantay sa iyo, ang pagkaunawa mismo ay mag-iingat sa iyo, upang iligtas ka sa daan ng kasamaan.”b (Kawikaan 2:10-12) Ang mga salitang ito ay nagpapahiwatig na kailangang paunlarin natin ang mapusok na pagnanasa sa tumpak na kaalaman, na maaaring makaapekto sa puso at sa mismong kaluluwa. Isa pa, ito ay isang saligan para sa mabuting kakayahang umisip. At bakit nga ito lubhang napakahalaga sa ngayon?
9. Ano ang mga ilang kaaway ng espirituwalidad ng Kristiyano?
9 Tayo’y nabubuhay sa “mga huling araw” na, gaya ng inihula ni Pablo, ay “sumapit ang mga panahon ng kagipitan” o “isang panahon ng pagkabagabag.” (2 Timoteo 3:1, Revised Standard Version; The New English Bible) Pahirap nang pahirap na makapanatili sa ating katapatang Kristiyano sa napakababang-uring sanlibutang ito. Ang Kristiyanong mga asal, katangian, at pamantayan ay kinasusuklaman at hinahamak. Ang pananampalataya ng mga Saksi ni Jehova ay inaatake sa lahat ng panig—ng klero ng Sangkakristiyanuhan na napopoot sa balita ng Kaharian na ating dinadala sa bahay-bahay, ng mga apostata na mga kasabuwat ng klero ng Sangkakristiyanuhan, ng mga manggagamot na nagpupumilit na tayo at ang ating mga anak ay salinan ng dugo, ng ateistikong mga siyentipiko na nagtatakuwil ng paniniwala sa Diyos at sa paglalang, at niyaong mga nagsisikap na pilitin tayong ikumpromiso ang ating pagkaneutral. Kung baga sa isang konduktor sa isang orkestra, lahat ng pananalansang na ito ay isinaayos ni Satanas, ang hari ng kadiliman at kawalang-alam, ang kaaway ng tumpak ng kaalaman.—2 Corinto 4:3-6; Efeso 4:17, 18; 6:11, 12.
10. Anong mga panggigipit ang maaaring dumami laban sa atin, at ano ang kailangan natin upang madaig ang mga ito?
10 Ang mga panggigipit ay maaaring dumami sa araw-araw na pamumuhay upang maimpluwensiyahan ang isang Kristiyano na gawin ang ginagawa ng iba, maging iyon ay ang paggamit ng mga droga o bawal na gamot, pag-inom nang sobra, pamimihasa sa imoralidad at karahasan, pagnanakaw, pagsisinungaling, pandaraya, paghinto sa pag-aaral, o basta paghahanap ng isang buhay na lulong sa kalayawan. Iyan ang dahilan kung bakit mahalaga ang tumpak na kaalaman. Ang isang lalong malawak na kaalaman sa Salita at layunin ng Diyos ay maaaring maging higit na mabisa sa pag-impluwensiya sa ating kaisipan at sa ating mga pagkilos sa positibong paraan.—Roma 12:1, 2.
Isang Modernong Alibughang Anak
11, 12. Anong tunay-na-buhay na karanasan ang nagpapakita ng kamangmangan ng pagtanggi sa tumpak na kaalaman sa katotohanan?
11 Ating maipaghahalimbawa ito sa pamamagitan ng tunay-na-buhay na karanasan ng isang kabataang lalaki na, nang siya’y mga 14-anyos ang edad at isa nang bautismadong Kristiyano, ay sinubok sa kaniyang pag-ibig sa katotohanan. Katulad ng maraming kabataan, siya’y mahilig sa isports, lalo na ang soccer. Subalit nagkaroon ng problema. Ang kaniyang paaralan ay naglaro ng soccer nang gabi ring iyon na idinaraos ang mga pulong ng kongregasyon. Ang kaniyang espirituwalidad ay hindi gaanong matibay upang makita niya ang pang-ibabaw lamang na mapapakinabang sa soccer kung ihahambing sa walang-katapusang pakinabang sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano kasama ng kaniyang nabiyudang ina at ng kaniyang bunsong kapatid na lalaki at kapatid na babae. Kaya’t siya’y hindi kumilos ayon sa tumpak na kaalaman at siya ay nagpasiyang huminto nang paglakad sa katotohanan. Sa wakas, siya’y natiwalag. Nang bandang huli, siya’y pumasok sa serbisyo sa hukbong militar, na kung saan siya’y napalulong sa mga droga o bawal na gamot.
12 Noong 1986, nang matapos na ng binatang ito ang kaniyang panunungkulan sa hukbo, siya’y natauhan, at sumulat siya sa isang kaibigan ng pamilya na naglilingkod bilang kagawad ng hukumang komite na nagtiwalag sa kaniya. Doon ay sinabi niya: “Ako’y natutuwang makapagbabalita sa inyo ng isang mahalagang pabalita: Ako’y bumabalik na sa katotohanan. . . . Aking natalos na ang sinabi ni apostol Pablo sa 2 Corinto 4:4, na may isang diyos ng sistemang ito ng mga bagay na bumubulag sa isip. Sa mahaba ring panahon, ako’y nabulag sa espirituwal sa mga bagay na nangyayari sa palibot ko. Nang umalis ako sa katotohanan, hindi ko alam ang panganib na aking kinasuungan. Subalit sa paglipas ng panahon, at salamat na lamang sa Diyos na Jehova, malinaw kong naunawaan na ako’y nagkamali sa aking tinahak na landasin ng pamumuhay.”—Ihambing ang Lucas 15:11-24.
13. Kung sila’y talagang nagsisisi, ano ang maaaring maging positibong kalalabasan para sa ilan na naligaw ng landas? (2 Timoteo 2:24-26)
13 Ang binatang ito ay bumalik sa landas ng tumpak na kaalaman. Ngayon siya ay “nakalalakad nang karapat-dapat kay Jehova sa layuning lubusang makalugod sa kaniya.” Siya’y maaari rin namang “patuloy na nagbubunga sa bawat mabuting gawa at lumalago sa tumpak na kaalaman sa Diyos” habang siya’y nagpapatuloy ng kaniyang pakikiugnay sa kongregasyong Kristiyano. At anong laking kaginhawahan ang pagpapalang naidulot niya sa kaniyang pamilya sa pamamagitan ng minsan pa’y pagiging isang tagasunod ni Kristo! Mayroon ka bang nalalamang nakakatulad na mga halimbawa?—Colosas 1:9, 10; Mateo 11:28-30.
Ang Kakila-kilabot na Resulta ng Pagpapabaya sa Espirituwalidad
14. (a) Upang huwag tayong mapahiwalay, ano ang kailangang gawin natin? (b) Ano ba ang nangyari sa mga ilang Kristiyano?
14 Anong aral ang maaari nating matutuhan sa halimbawang ito at sa mga katulad pa nito? Na minsang natamo natin ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, kailangang palaging bubuhayin natin ang espirituwal na mga sirkito ng isip upang huwag tayong mapahiwalay. Ang bangan na pinagmumulan ng ating espirituwalidad ay baka humina kung ating pababayaan ang personal at pampamilyang pag-aaral, ang mga pulong Kristiyano, at ang ministeryo. Kung magkagayo’y ano ang maaaring mangyari? Ang dating matatag na Kristiyano ay maaaring unti-unting mapalayo sa pananampalataya, marahil nahuhulog pa sa maling pamumuhay, tulad halimbawa ng pagkahulog sa imoralidad, o pagkadulas patungo sa pagkahulog sa pag-aalinlangan at maling impormasyon tungo sa apostasya. (Hebreo 2:1; 3:12; 6:11, 12) Isang kahangalan, ang ilan ay bumalik pa man din sa maka-Babilonyang mga turo ng Trinidad at ng kawalang-kamatayan ng kaluluwa!
15. Anong babala ang ibinigay ni Pedro tungkol sa pagkahiwalay?
15 Ang mga salita ni Pedro ay tiyak na nababagay: “Tunay na kung, pagkatapos na makaiwas sa karumihan ng sanlibutan sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo, sila’y mapasangkot na muli sa mismong mga bagay na ito at nadaig sila, lalong sumásamâ ang huling kalagayan nila kaysa noong una. Sapagkat magaling pa sa kanila ang hindi tumpak na nakakilala sa daan ng katuwiran kaysa pagkatapos na makilala ito nang tumpak ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila. Nangyari sa kanila ang kawikaang tunay: ‘Ang aso ay nagbalik sa kaniyang sariling suka, at ang baboy na nahugasan na ay muling naglubalob sa putik.’”—2 Pedro 2:20-22.
16. (a) Papaanong ang ilan ay nailigaw noong kalilipas na panahon? (b) Sa anong mga pagkilos nailigaw ng pagsunod ang iba?
16 Yaong mga tumatanggi sa tumpak na kaalaman sa katotohanan ay kadalasan ang pinipili’y landas na madaling lakaran. Hindi na nila tinatanggap ang pananagutan ng regular na pagdalo sa mga pulong Kristiyano o ng pakikibahagi sa ministeryo sa bahay-bahay. Mayroong iba na nagbabalik sa paninigarilyo! Ang iba naman ay natutuwa na sila’y hindi na kailangang manindigan na naiiba kung tungkol sa isyu ng pagkaneutral bilang Kristiyano at sa maling paggamit sa dugo. Ah, anong laking kalayaan nga naman! Ngayon ay maaari na rin silang bumoto para sa isa sa mga partido pulitikal ng “mabangis na hayop.” (Apocalipsis 13:1, 7) Sa gayon, bilang mistulang mga kaluluwang walang katatagan, ang iba ay nahikayat at nailigaw buhat sa matuwid na landas ng tumpak na kaalaman ng mga taong, samantalang ‘nangangako sa kanila ng kalayaan, sa ganang sarili nila ay mga alipin ng kabulukan.’—2 Pedro 2:15-19.
17. Ano ang panganib na nakaharap sa mga taong humihiwalay sa tumpak na kaalaman sa katotohanan?
17 Maliban sa ang gayong mga tao’y magsisi at magbalik sa katotohanan, ang kanilang sarili’y inihahantad nila sa hatol na binanggit ni Pablo: “Sapagkat kung ating sinasadya ang pamimihasa sa pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang hain na natitira pa para sa mga kasalanan, kundi isang tiyak na kakila-kilabot na paghihintay sa paghuhukom at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga sumasalansang.” Tunay na isang kamangmangan nga at kaiklian ng isip kung sa tumpak na kaalaman sa Diyos na Jehova at kay Kristo Jesus ay ihahalili ang apostatang turo ng Sangkakristiyanuhan!—Hebreo 6:4-6; 10:26, 27.
Sigasig na May Kalakip na Tumpak na Kaalaman
18. Sang-ayon kay Pablo, bakit hindi tinanggap ng klerong Judio si Kristo?
18 Ang klerong Judio noong kaarawan ni Pablo ay tunay na mayroon namang kaalaman sa Kasulatang Hebreo. Subalit iyon ba ay tumpak na kaalaman? Iyon ba ay umakay sa kanila tungo kay Kristo bilang ang ipinangakong Mesiyas? Binanggit ni Pablo na sila’y bigay na bigay sa pagtatayo ng kanilang sariling katuwiran sa pamamagitan ng Kautusan kung kaya’t hindi sila napasakop kay “Kristo [na] siyang tumapos sa Kautusan.” Kaya naman nasabi ni Pablo tungkol sa kanila: “Sapagkat ako’y nagpapatotoo na masigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.”—Roma 10:1-4.
19, 20. (a) Papaano tayo magkakamit ng tumpak na kaalaman? (b) Anong mga tanong ang natitira upang sagutin?
19 Kaya papaano tayo magkakamit ng tumpak na kaalamang ito? Sa pamamagitan ng personal na pag-aaral at pagbubulay-bulay, lakip na ang panalangin at pagdalo sa mga pulong. Ito’y nangangahulugan ng patuloy na pagpapakarga ng ating espirituwal na mga baterya, wika nga. Hindi natin maaatim na umasa lamang sa kaalaman na nakuha natin noong pasimula na tayo’y tumanggap ng katotohanan. Patuluyan, tayo’y kailangang kumuha ng matigas na espirituwal na pagkain, ng tumpak na kaalaman, sa pamamagitan ng masipag na pag-aaral nang personal. Kaya naman angkop ang payo ni Pablo: “Ang matigas na pagkain ay para sa mga taong may gulang na, sa kanila na sa pamamagitan ng kagagamit ay nasanay ang kanilang pang-unawa na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama. Kaya naman, ngayon na natapos na tayo sa panimulang aralin tungkol sa Kristo, tayo’y sumulong na tungo sa pagkamaygulang, huwag nang ilagay uli ang mga saligang aral, samakatuwid nga, pagsisisi buhat sa mga patay na gawa, at pananampalataya tungkol sa Diyos . . . At ito’y gagawin natin, kung ipahihintulot nga ng Diyos.”—Hebreo 5:14–6:3.
20 Ang mga tanong ngayon ay, Anong mga kagamitan mayroon tayo upang tumulong sa atin na magkamit ng tumpak na kaalaman? Dahil sa ating magawaing pamumuhay, kailan natin mapag-aaralan ang Salita ng Diyos? Ang sumusunod na artikulo ay tatalakay nito at ng kaugnay na mga paksa.
[Mga talababa]
a Ayon sa pagkatala sa Comprehensive Concordance of the New World Translation of the Holy Scriptures, pahina 17; gayundin sa Filemon 6 (Tingnan ang The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures.).
b Upang magkaroon ng lalong mainam na pagkaunawa sa mga iba’t ibang kulay ng kahulugan ng mga salitang “kaalaman,” “kakayahang umisip,” “karunungan,” at iba pa na masusumpungan sa Kawikaan, tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 180, 1094, 1189, lathala sa Ingles ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Mga Tanong na Sasagutin
◻ Ano ba ang pagkakaiba ng “kaalaman” at “tumpak na kaalaman”?
◻ Bakit ang tumpak na kaalaman ay napakahalaga sa mga huling araw na ito?
◻ Papaanong ang ilan ay maaaring matukso na humiwalay sa katotohanan?
◻ Anong babala ang ibinibigay sa atin ni Pedro tungkol sa pagtanggi sa tumpak na kaalaman?
◻ Ano ang kailangang gawin natin upang magkamit ng tumpak na kaalaman at manatiling mayroon tayo nito?