Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pagkakaibigan?
Ang sagot ng Bibliya
Makakatulong ang pagkakaroon ng kaibigan para maging masaya at makabuluhan ang buhay. Ang mabubuting kaibigan ay may magandang impluwensiya sa isa’t isa at nakakatulong sila para mas maging mabuting tao tayo.—Kawikaan 27:17.
Pero idinidiin ng Bibliya na napakahalagang piliing mabuti ang mga kakaibiganin natin. Nagbababala ito tungkol sa masamang resulta kapag mali ang pinili nating kaibigan. (Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33) Ang ganiyang mga kaibigan ay iimpluwensiya sa atin na gumawa ng di-matatalinong desisyon at sisira ng magaganda nating katangian.
Sa artikulong ito
Ano ang isang mabuting kaibigan?
Itinuturo ng Bibliya na ang pagkakaroon ng mabuting kaibigan ay higit pa sa pagkakaroon lang ng parehong interes o hilig. Halimbawa, sinasabi sa Awit 119:63: “Kaibigan ako ng lahat ng natatakot sa iyoaat ng mga sumusunod sa mga utos mo.” Pansinin na sinabi ng manunulat na ito ng Bibliya na ang pinipili niyang kaibigan ay ang mga may takot at sumusunod sa pamantayan ng Diyos.
Sinasabi rin ng Bibliya ang mga katangian ng isang mabuting kaibigan. Halimbawa:
“Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.”—Kawikaan 17:17.
“May magkakasamang ipinapahamak ang isa’t isa, pero may kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.”—Kawikaan 18:24.
Itinuturo ng mga talatang ito na ang isang mabuting kaibigan ay tapat, mapagmahal, mabait, at bukas-palad. Ang isang tunay na kaibigan ay maaasahan kapag mayroon tayong problema. At hindi siya magdadalawang-isip na paalalahanan tayo bago pa man tayo makagawa ng isang maling hakbang o desisyon.—Kawikaan 27:6, 9.
Ano ang ilang halimbawa ng mabuting pagkakaibigan sa Bibliya?
Makikita sa Bibliya ang mga halimbawa ng mabuting pagkakaibigan ng mga taong magkakaiba ang edad, lahi, kultura, at katayuan sa buhay. Tingnan ang tatlo sa mga ito.
Ruth at Noemi. Si Ruth ay manugang ni Noemi, at malaki ang agwat ng edad nila. Magkaiba rin ang kinalakhan nila. Pero kahit ganoon, naging matalik pa rin silang magkaibigan.—Ruth 1:16.
David at Jonatan. Kahit mga 30 taon ang tanda ni Jonatan kay David, sinasabi ng Bibliya na sila ay “naging matalik na magkaibigan.”—1 Samuel 18:1.
Jesus at mga apostol. Nakakataas si Jesus sa mga apostol niya kasi siya ang guro nila at panginoon. (Juan 13:13) Pero hindi niya inisip na hindi sila karapat-dapat na maging kaibigan niya. Sa halip, naging malapít si Jesus sa mga sumusunod sa mga turo niya. Sinabi niya: “Tinatawag ko kayong mga kaibigan dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama.”—Juan 15:14, 15.
Puwede bang maging kaibigan ng Diyos ang isang tao?
Oo, puwedeng maging kaibigan ng Diyos ang mga tao. Sinasabi ng Bibliya: “Ang matuwid ay matalik niyang kaibigan.” (Kawikaan 3:32) Ibig sabihin, kinakaibigan ng Diyos ang mga taong nagsisikap na maging disente, tapat, kagalang-galang, at sumusunod sa mga pamantayan niya ng tama at mali. Halimbawa, makikita sa Bibliya na tinawag na kaibigan ng Diyos ang tapat na si Abraham.—2 Cronica 20:7; Isaias 41:8; Santiago 2:23.
a Makikita sa konteksto ng awit na ito na ang “iyo” sa talatang ito ay tumutukoy sa Diyos.