Uniberso—Punô ng Sorpresa
NOONG unang bahagi ng ika-20 siglo, naniniwala ang mga siyentipiko na ang buong uniberso ay nasa loob ng ating galaksi, ang Milky Way. Pero dahil sa pagsulong ng astronomiya, pisika, at teknolohiya, nakita nilang pagkalaki-laki pala ng uniberso. Nakapanliliit din ang ilan pang natuklasan nila. Halimbawa, nitong nakalipas na mga dekada, natanto ng mga astronomo na hindi pala nila alam kung ano ang bumubuo sa mahigit 90 porsiyento ng uniberso. Bukod diyan, dahil sa mga tuklas na ito, nag-alinlangan tuloy ang mga siyentipiko sa kanilang pagkaunawa sa mga pangunahing konsepto ng pisika. Siyempre pa, hindi na bago ang mga pag-aalinlangang ito.
Halimbawa, sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, napansin ng mga pisiko ang isang kakaibang bagay tungkol sa speed of light (bilis ng liwanag). Natuklasan nila na depende o relatibo sa nagmamasid, ang bilis ng liwanag ay hindi nagbabago gaano man kabilis kumikilos ang nagmamasid. Pero parang may mali! Naituwid ito noong 1905 sa special theory of relativity ni Albert Einstein na nagpapakitang ang distansiya (haba), panahon, at mass ay relatibo. Noong 1907, biglang naisip ni Einstein ang isang bagong ideya na itinuring niyang “ang pinakamagandang naisip niya sa buong buhay niya.” Unti-unti niyang nabuo ang general theory of relativity, na inilathala niya noong 1916. Sa bagong teoriyang ito, ipinaliwanag ni Einstein na magkakaugnay ang grabidad, kalawakan, at panahon. Sa gayo’y niretoke niya ang teoriya ni Isaac Newton tungkol sa pisika.
Ang Lumalaking Uniberso
Batay sa ebidensiyang nakita ni Einstein noon, naniwala siya na ang uniberso ay hindi nagbabago—hindi ito lumalaki at hindi rin naman ito lumiliit. Pero noong 1929, si Edwin Hubble, isang Amerikanong astronomo, ay nagharap ng ebidensiyang nagpapatunay na lumalaki ang uniberso.
Niliwanag din ni Hubble ang napakatagal nang misteryo tungkol sa mga nebula, mga patse ng liwanag na parang ulap na nakikita sa kalawakan kung gabi. Pero ang mga nebula bang ito ay nasa loob ng ating galaksi, o nasa labas nito, gaya ng ipinahiwatig ng Britanong astronomong si Sir William Herschel (1738-1822) mahigit isang daang taon na ang nakalilipas?
Nang unang tantiyahin ni Hubble ang distansiya ng isa sa mga nebula na ito, ang Great Nebula sa konstelasyong Andromeda, napatunayan niya na ito pala ay isang hiwalay na galaksi na isang milyong light year ang layo mula sa lupa. Napakalayo nito sa Milky Way, na ang diyametro ay 100,000 light year “lamang.” Habang sinusukat ni Hubble ang mga distansiya ng iba pang nebula, unti-unti niyang natuklasan ang pagkalaki-laking sakop ng uniberso, anupat naging dahilan ito ng malalaking pagbabago sa astronomiya at kosmolohiya.a
Di-nagtagal, napansin ni Hubble na lumalaki ang uniberso, dahil nakita niyang palayo nang palayo mula sa lupa ang malalayong galaksi. Napansin din niya na mas mabilis ang paglayo ng mas malalayong galaksi. Ipinahihiwatig ng mga obserbasyong ito na mas maliit ang uniberso noon kaysa ngayon. Nang ilathala ni Hubble ang kaniyang napakahalagang tuklas na ito noong 1929, nabuo ang big bang theory—ang teoriyang nagpapahiwatig na nagmula ang uniberso sa isang kosmikong pagsabog mga 13 bilyong taon na ang nakalilipas. Pero marami pang dapat tuklasin.
Gaano Kabilis ang Paglaki?
Mula pa noong panahon ni Hubble, sinisikap na ng mga astronomo na masukat nila nang eksakto hangga’t maaari ang bilis ng paglaki. Ito ang tinutukoy na Hubble constant. Bakit kaya napakahalagang malaman ang sukat nito? Kung matatantiya ng mga astronomo ang bilis ng paglaki ng uniberso, makakalkula nila ang edad nito. Bukod diyan, posibleng magdulot ito ng malalaking epekto sa hinaharap. Paano? Kung napakabagal daw ng paglaki ng uniberso, madaraig ito ng grabidad at ang lahat ng bagay ay mauuwi sa isang kimpal! Pero kung napakabilis naman ng paglaki, baka tuluyan nang magkawatak-watak ang uniberso hanggang sa ito’y maglaho.
Bagaman nasagot ang ilang tanong sa tulong ng mga eksaktong pagsukat, bumangon naman ang iba pang mga tanong—mga tanong na nagdulot ng pag-aalinlangan sa kasalukuyan nating pagkaunawa tungkol sa materya at mga pangunahing puwersa ng kalikasan.
Ang Dark Energy at ang Dark Matter
Noong 1998, sa pag-aaral ng mga mananaliksik sa liwanag mula sa isang espesyal na uri ng supernova, o sumasabog na bituin, natuklasan nilang pabilis nang pabilis ang paglaki ng uniberso!b Sa simula, duda rito ang mga siyentipiko, pero di-nagtagal, lumitaw pa ang ibang ebidensiya. Siyempre pa, gusto nilang malaman kung anong uri ng enerhiya ang pinagmumulan ng pabilis nang pabilis na paglaking ito. Una, parang salungat ito sa grabidad; at isa pa, hindi ito kaayon ng kasalukuyang mga teoriya. Angkop lamang na tawaging dark energy ang misteryosong enerhiyang ito, at maaaring ito ang bumubuo sa halos 75 porsiyento ng uniberso!
Gayunman, hindi lamang ang dark energy ang tanging misteryosong bagay na natuklasan nitong nakaraang mga taon. May isa pang natuklasan noong mga taon ng 1980, nang suriin ng mga astrologo ang iba’t ibang galaksi. Ang mga galaksing ito, gaya rin ng sa atin, ay umiikot nang napakabilis, anupat imposibleng manatiling magkakakumpol ang mga ito. Kaya siguradong may isang uri ng materya na nagbibigay ng kinakailangang grabidad para manatiling magkakakumpol ang mga ito. Pero anong uri kaya ito ng materya? Dahil hindi ito alam ng mga siyentipiko, tinawag nila itong dark matter, yamang hindi ito humihigop o naglalabas ng radyasyon.c Gaano kaya karami ang dark matter sa uniberso? Ipinahihiwatig ng mga pagtantiya na ang uniberso ay binubuo ng 22 porsiyento nito o higit pa.
Pag-isipan ito: Ayon sa pinakahuling pagtantiya, ang uniberso ay binubuo ng 4 na porsiyento ng karaniwang materya. Ang dalawang malaking misteryo—ang dark matter at dark energy—ang bumubuo sa natitirang porsiyento. Kaya 96 na porsiyento ng uniberso ang nananatili pa ring isang malaking misteryo!d
Walang-Katapusang Paghahanap ng Sagot
Patuloy sa paghahanap ng mga sagot ang siyensiya, pero kadalasan nang ang mga sagot na ito ay umaakay lamang sa panibagong mga tanong. Ipinaaalaala nito ang makahulugang pangungusap ng Bibliya sa Eclesiastes 3:11: “Ang lahat ng bagay ay ginawa [ng Diyos na] maganda sa kapanahunan nito. Maging ang panahong walang takda ay inilagay niya sa kanilang puso, upang hindi kailanman matuklasan ng mga tao ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.”
Siyempre pa, limitado lamang ang puwede nating matutuhan sa ngayon dahil maikli lamang ang ating buhay, at karamihan sa mga kaalamang iyan ay mga palagay lamang na puwede pang mabago. Pero pansamantala lamang ang kalagayang ito, dahil nilayon ng Diyos na ang mga tapat na tao ay magkaroon ng walang-hanggang buhay sa Paraiso sa lupa, kung saan mapag-aaralan na nila magpakailanman ang mga gawa ni Jehova at sa gayo’y matutuhan ang tunay na kaalaman.—Awit 37:11, 29; Lucas 23:43.
Kaya hindi natin dapat katakutan ang sinasabi ng mga tao na magugunaw daw ang mundo. Aba, kung tutuusin, walang-wala pa sa kalingkingan ang alam nila kung ikukumpara sa alam ng Maylalang—ang Isa na nakaaalam ng lahat.—Apocalipsis 4:11.
[Mga talababa]
a Ang astronomiya ay pag-aaral tungkol sa mga bagay at materya na nasa labas ng ating planeta. Ang kosmolohiya, isang sangay sa astronomiya, “ay pag-aaral tungkol sa kayarian at pagkakabuo ng uniberso at ng mga puwersang kumikilos dito,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. “Sinusubukang ipaliwanag ng mga kosmologo kung paano nabuo ang uniberso, kung ano ang nangyari mula nang ito’y mabuo, at kung ano ang maaaring mangyari dito sa hinaharap.”
b Ang sumasabog na mga bituin ay tinatawag na mga type 1a supernova, at posibleng sa ilang sandali ay magbigay ito ng sinag na katumbas ng sinag ng isang bilyong araw. Ang mga supernova na ito ay ginagamit ng mga astronomo bilang batayan sa pagsukat.
c Ang teoriya tungkol sa dark matter ay iniharap noong mga taon ng 1930 at pinagtibay noong mga taon ng 1980. Sinusukat ng mga astronomo sa ngayon kung gaano karami ang dark matter sa isang kumpol ng mga galaksi sa pamamagitan ng pagtingin kung paano ipinapaling ng kumpol na ito ang liwanag mula sa mas malalayong bagay.
d Ang taóng 2009 ay tinawag na “International Year of Astronomy,” at ito ang ika-400 anibersaryo ng unang paggamit ng astronomikong teleskopyo na inimbento ni Galileo Galilei.
[Kahon sa pahina 17]
TUMINGALA AT MANLIIT
Nang tumingala sa maaliwalas na kalangitan ang isang sinaunang lingkod ng Diyos, napaawit siya sa labis na pagkamangha. Mababasa sa Awit 8:3, 4: “Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal anupat iniingatan mo siya sa isipan, at ang anak ng makalupang tao anupat pinangangalagaan mo siya?” Wala pang mga teleskopyo o kamera noon, pero manghang-mangha na ang salmista sa nakita niya. Gaano pa kaya tayo sa ngayon?
[Dayagram sa pahina 18]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
74% dark energy
22% dark matter
4% karaniwang materya
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Background: Based on NASA photo
[Picture Credit Line sa pahina 18]
Background: Based on NASA photo