Mga Tampok sa Bibliya Eclesiastes 1:1–12:14
“Matakot sa Tunay na Diyos at Sumunod sa Kaniyang mga Utos”
Sa kaarawan at panahong ito, ang pagkatakot at pagsunod sa Diyos, sa pinakamagaling na kalagayan, ay itinuturing na di-magagawa. Subalit ang aklat ng Eclesiastes (Hebreo, Qo·heʹleth, tagapagtipon), isinulat ni Haring Solomon (1:1) mga 3,000 mga taon ang nakalipas, ay naglalarawan sa kawalang-kabuluhan ng mga pagsisikap ng tao na nagwawalang-bahala sa layunin ng Diyos.
Ang aklat na ito ay totoong nakabibighani dahil sa maraming paksa na tinatalakay ng manunulat—ang karunungan at pamamahala ng tao, materyal na kayamanan at kalayawan, pormalistikong relihiyon, at iba pa. Lahat na ito ay walang kabuluhan, sapagkat ito’y lumilipas. Datapuwat, ang pagbubulaybulay rito ay umaakay sa mapag-unawang isip sa iisang konklusyon: “Matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—Eclesiastes 12:13.
“Lahat ay Walang Kabuluhan!”
Pakibasa ang kabanata 1 at 2. Kung ihahambing sa walang katapusang mga siklo ng kalikasan, lahat ng pagsusumikap ng tao ay lumilipas at pansamantala (1:4-7). Kahit ang mga dakilang nagawa ng tagapagtipon ay kailangang maiwan sa isa na marahil kulang ng abilidad kaysa kaniya (2:18, 19). Sa Hebreo ang “vanity” (walang kabuluhan) ay nangangahulugan na “singaw” o “hininga.”
◆ 1:9—Paanong “walang bago sa ilalim ng araw”?
Sa likas na mga siklo ng araw-araw na pamumuhay sa ilalim ng sikat ng araw, walang anumang lubusang bago. Maging ang karamihan man ng mga ‘bagong’ imbensiyon ay aplikasyon lamang ng mga prinsipyong ginamit na ni Jehova sa paglalang. Subalit “sa ilalim ng araw” si Jehova ay lumikha ng mga bagong espirituwal na kaayusan na may epekto sa sangkatauhan.—Tingnan ang Ang Bantayan, Marso 1, 1987, pahina 27-9.
◆ 2:2—Masama ba na maglibang?
Hindi, hindi masama. Ang pagkakatuwaan, o paglilibang, ay tutulong upang makalimutang pansamantala ang iyong mga problema, subalit hindi naaalis ang mga problema. Kaya’t ang paghanap ng tunay na kaligayahan sa pamamagitan ng kasayahan ay “kaululan”; walang kabuluhan. Gayundin, ang “pagsasayá” ay hindi lumulutas ng mga problema sa buhay. Ang kasayahan at kaluguran ay ipinakikita na kabaligtaran ng kaligayahan na resulta ng pagpapala ni Jehova sa gawain ng isang tao.—2:24.
Aral Para sa Atin: Sundin natin ang payo ni Solomon at huwag nating gawing tanging layunin natin sa buhay ang paghanap ng materyal na mga bentaha at ng mga bagong karanasan sa kalayawan. Bagkus, tayo’y maging ‘mabuti sa harap ni Jehova’ sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniya. Saka lamang natin tatamasahin ang kaniyang pagpapala na “karunungan at kaalaman at kagalakan.”—2:26.
Panahon Para sa Bawat Bagay
Pakibasa ang kabanata 3 at 4. Ang pananaw rito ni Solomon ay hindi isang buhay na nakatuon sa kamatayan (3:1-9). Bagkus, kaniyang tinutukoy na talagang hindi mababago ng tao ang gawa ng Diyos (3:14). Dito, ang mga tao ay walang kahigitan sa mga hayop (3:19-21). Kaya ang pagtutulungan (4:9-12) ay lalong mabuti kaysa pananaghili (4:4).
◆ 3:11—Paano ginawa ng Diyos na “maganda sa kapanahunan” ang bawat bagay?
Ang salitang “maganda” ay nangangahulugan din na “mabuti, tumpak, angkop.” Sa sariling kapanahunan, ang tumpak na dako na kung saan bumabagay ang bawat gawa ng Diyos sa layunin niya ay mahahayag. Maraming bagay ang ginawa ng Diyos na “maganda” para sa tao. Halimbawa, binigyan niya ang mga tao ng sakdal na pasimula sa Eden. Kaniyang sinabi na darating ang isang manunubos na Binhi nang magkasala ang tao. Sa tumpak na panahon, sinugo ng Diyos ang Binhi. At, ‘pinakamaganda’ sa lahat, ginawa ni Jehova na Hari ng Kaniyang Kaharian ang Binhi.
◆ 4:6—Ang itinataguyod ba ni Solomon ay isang maginhawang buhay?
Hindi. Kundi napansin ni Solomon na ang pagpapagal at pagpapahusay ng trabaho para magtubo nang malaki ay malimit na humahantong sa kompetisyon at panaghilian (4:4). Ito naman ay maaaring magbunga ng mga problema at ng maagang kamatayan. (1 Timoteo 6:9, 10) Kaya, ano ba ang timbang na pangmalas? Makontento ka sa maliit na pakinabang na may kasama namang katahimikan, imbis na madoble ang pakinabang na may kasama namang pagpapagod at alitan.
Aral Para sa Atin: Ngayon na ang panahon na hanapin muna ang Kaharian ng Diyos imbis na ang ambisyosong personal na mga interes (3:1). Gumawa tayo kaisa ng mga kapuwa Kristiyano imbis na magbukod (4:9-12). Sa paraang iyan, ating tatanggapin ang kinakailangang tulong at pampatibay-loob sa kabila ng kahirapan at pananalansang.
Kasiya-siya ang Tunay na Pagsamba
Pakibasa ang kabanata 5 at 6. Yamang makapangyarihan-sa-lahat si Jehova, kailangang pakadibdibin natin ang ating kaugnayan sa kaniya, huwag kumilos nang may kamangmangan at asahan na tatanggapin niya ang ating “handog” (5:1, 2). Ang taong natatakot sa Diyos ay nasisiyahan sa paggamit ng kaniyang materyal na kayamanan, ngunit walang kaligayahan ang taong basta nagtatago niyaon.—Ihambing ang 5:18-20 sa 6:2, 3.
◆ 5:2—Paano kumakapit ang payong ito?
Dapat na ibuhos natin sa Diyos ang laman ng ating puso, subalit mag-ingat tayo laban sa padalus-dalos, walang patumanggang pagsasalita dahilan sa kaniyang kadakilaan at kamahalan. (Awit 62:8) Imbis na magpaliguy-ligoy, gumamit tayo ng simple, taus-pusong mga salita. (Mateo 6:7) Sa limang maiikling mga salitang Hebreo lamang, si Miriam ay ipinagmakaawa ni Moises at tinanggap niya ang isang kaaya-ayang tugon.—Bilang 12:13.
◆ 6:9—Ano yaong “pagdidili-dili ng kaluluwa?”
Dito ang “kaluluwa” ay nangangahulugan ng “hangarin ng kaluluwa.” Kaya ito’y tumutukoy sa walang katapusang paghahanap ng mga bagay na magbibigay-kasiyahan sa mga hangarin na hindi naman matutupad. Naiiba rito ang “pagkakita sa pamamagitan ng mga mata,” alalaong baga, pagharap sa katotohanan. Kaya, sa pagkaalam na ang Kaharian ng Diyos lamang ang makapagdadala ng tunay na pagbabago, makontento na tayo at huwag nating tulutang ang mali o di-matutupad na mga hangarin ang mag-alis sa atin ng kapayapaan.
Aral Para sa Atin: Sa ating dakong sambahan, tayo’y kumilos nang may dignidad at maging atentibo (5:1). Dagling tupdin din natin ang ating mga obligasyon kay Jehova. Kung tayo’y may asawa, kasali na rito ang pagtupad ng ating panata sa pag-aasawa.—5:4.
Mga Salita ng Karunungan
Pakibasa ang kabanata 7 at 8. Pinag-iisipan ng tagapagtipon ang nakalulungkot na epekto ng kamatayan (7:1-4) at ang kahalagahan ng karunungan (7:11, 12, 16-19); siya’y nagbabala rin laban sa masamang babae (7:26). Siya’y nagpapayo tungkol sa pagkilos nang may karunungan sa pakikitungo sa mga pinuno (8:2-4) at sa hindi pag-iinit dahil sa mga pang-aapi.—8:11-14.
◆ 7:28—Ang mga salita bang ito ay nagpapababang-uri sa kababaihan?
Lumilitaw na ang umiiral noon na pamantayang asal ay napakababa. Binanggit ni Solomon na bihira ang matuwid na mga lalaki o mga babae noon. Sa isang libong tao, mahirap na makasumpong ng isang matuwid na lalaki, at lalong mahirap na makasumpong ng isang matuwid na babae. Gayunman, sa Bibliya ay may tinutukoy na “napakagaling na babae” at “mahusay na asawang babae.” (Ruth 3:11; Kawikaan 31:10) Baka ang talatang ito ay isang hula, sapagkat walang sinumang babae na sumunod kay Jehova nang may kasakdalan, samantalang mayroong gayong lalaki—si Jesu-Kristo.
◆ 8:8—Ano ba ang tinutukoy rito ng tagapagtipon?
Ang tinutukoy niya ay kamatayan. Walang sinuman na makahahadlang sa puwersa ng buhay sa pag-alis sa kaniyang mga selula upang maipagpaliban ang araw ng kamatayan. Sa pakikipagbaka sa ating kaaway na kamatayan, walang sinumang maaaring makaiwas o magpadala ng hahalili sa kaniya. (Awit 49:7-9) Maging ang mga balakyot man na may mga panukalang pandaraya ay hindi makakaiwas sa kamatayan.
Aral Para sa Atin: Bagama’t materyal na mga kayamanan ang naging tunguhin sa buhay ng marami, tanging ang maka-Diyos na karunungan ang aakay tungo sa buhay na walang-hanggan. (7:12; Lucas 12:15) Ang pagnanasang bumalik ‘ang nakalipas na magagandang araw’ ay hindi magdudulot sa atin ng higit na kabutihan (7:10). Bagkus, ang mga bagay ay “lalabas na mabuti” para sa atin tangi lamang kung tayo’y magpapatuloy na matakot sa Diyos.—8:5, 12.
Mga Maaaring Mangyari sa Buhay
Pakibasa ang kabanata 9 at 10. Ang buhay ay mahalaga, at ibig ng Diyos na maligayahan tayo sa buhay (9:4, 7). Palibhasa’y hindi natin mapigil ang kalalabasan ng ating buhay (9:11, 12), mas mabuti na sundin ang maka-Diyos na karunungan, bagaman karamihan ng mga tao ay walang pagpapahalaga rito (9:17). Dahilan sa kawalang-kasiguruhan ng buhay, dapat na pag-ingatan natin ang ating puso (10:2), tayo’y pakaingat sa lahat ng ating ginagawa, at kumilos nang may praktikal na karunungan.—10:8-10.
◆ 9:1—Paanong ang mga gawa ng matuwid ay nasa kamay ng Diyos?
Bagaman datnan ng kasakunaan ang marunong at ang matuwid, ito’y nangyayari tangi lamang sa kapahintulutan ng Diyos, at hindi niya kailanman sila pababayaan. Sa pamamagitan ng “kamay” ng Diyos, o paggamit ng kaniyang kapangyarihan, ang mga matuwid ay maaaring iligtas buhat sa pagsubok o palakasin upang kanilang matiis ito. (1 Corinto 10:13) Ang pagsasagunita ng bagay na ito ay malaking kaaliwan sa isang lingkod ni Jehova pagka napaharap sa mga suliranin.
◆ 10:2—Paanong ang puso ay nasa kanang kamay?
Ang “kanang kamay” ay malimit na tumutukoy sa isang katayuan ng biyaya. (Mateo 25:33) Kaya ang bagay na ang puso ng taong pantas ay “nasa kaniyang kanang kamay” ang nagpapakita na ang motibo niya’y lumakad sa landas na mabuti at kaaya-aya. Ngunit ang mangmang ay walang mabuting motibo at kumikilos nang may kamangmangan at di-ayos. Ipinakikita ng bagay na nasa kaniyang “kaliwang kamay” ang kaniyang puso na siya’y pinakikilos ng motibo na lumakad sa maling landas.
Aral Para sa Atin: Yamang ang biglang kamatayan ay maaaring dumating sa kaninuman sa atin (9:12), gamitin natin ang ating buhay sa paglilingkod kay Jehova sakaling sa pagkamatay natin ay maglaho ang lahat ng bagay (9:10). At dapat ding tayo’y maging mahusay sa ating paglilingkod sapagkat ang hindi pagiging mahusay, kahit na lamang sa simpleng mga bagay na gaya ng paghuhukay o pagsisibak ng kahoy, ay maaaring makapinsala sa atin at sa iba.—10:8, 9.
Ang Kabataan at ang Layunin sa Buhay
Pakibasa ang kabanata 11 at 12. Lahat tayo ay dapat maging bukas-palad at magpasiyang kumilos (11:1-6). Ang mga kabataan na gumagamit ng kanilang panahon at lakas sa paglilingkod sa Maylikha ay hindi magsisisi sa bandang huli (11:9, 10). Bagkus, sila’y masisiyahan dahil sa pagpapalugod nila sa Diyos bago pumanaw ang kanilang kalusugan at lakas.—12:1-7; tingnan ang The Watchtower, Disyembre 15, 1977, pahina 746.
◆ 11:1—Ano ba ang ibig sabihin ng ‘paghahasik ng tinapay’?
Ang tinapay ay mistulang tungkod ng buhay. Ang paghahasik nito sa “tubig” ay ang maiwala ang isang bagay na mahalaga. Gayunman, “masusumpungan mo uli iyon,” sapagkat ang taong bukas-palad ay gagantihin sa isang paraang di-inaasahan.—Lucas 6:38.
◆ 12:12—Bakit nga may ganiyang negatibong pananaw tungkol sa mga aklat?
Kung ihahambing sa Salita ni Jehova, ang ‘walang katapusang’ dami ng mga aklat ng sanlibutan ay walang nilalaman kundi pangangatuwiran ng tao. Sa karamihan ng kaisipan nito ay mababanaag ang pag-iisip ni Satanas. (2 Corinto 4:4) Kaya naman, “ang maraming pag-aaral” ng gayong makasanlibutang mga aralin ay walang gaanong ibinibigay na nananatiling kagantihan.
Aral Para sa Atin: Tulad ni Solomon, bulaybulayin natin ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa buhay. Kung magkagayon ang ating pasiya na matakot at sumunod sa Diyos ay mapatitibay. Ang pagkaalam na si Jehova’y may taimtim na pagtingin sa atin (12:13, 14) ang lalong magpapalapit sa atin sa kaniya.
Kung gayon, harinawang tayo’y “matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos.” Ito ang ating katungkulan at magdudulot sa atin ng walang-hanggang kaligayahan.