Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Eclesiastes
“ANG tao, na ipinanganak ng babae, ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan,” ang sabi ng patriyarkang si Job. (Job 14:1) Napakahalaga nga na hindi natin sayangin ang ating maikling buhay sa walang-kabuluhang mga bagay at pagsisikap! Sa anu-anong gawain natin dapat gamitin ang ating panahon, lakas, at mga pag-aari? Anu-anong mga gawain ang dapat iwasan? Ang salita ng karunungan na nakaulat sa aklat ng Bibliya na Eclesiastes ay nagbibigay sa atin ng maaasahang payo hinggil sa bagay na ito. Ang mensaheng ipinaaabot nito ay “may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso” at makatutulong sa atin upang maging makabuluhan ang ating buhay.—Hebreo 4:12.
Palibhasa’y isinulat ni Haring Solomon ng sinaunang Israel, na kilalá sa kaniyang karunungan, ang aklat ng Eclesiastes ay naglalaman ng praktikal na payo kung ano talaga ang kapaki-pakinabang sa buhay at kung ano ang walang kabuluhan. Yamang tinutukoy ni Solomon ang ilan sa mga proyekto ng pagtatayo na natapos niya, malamang na isinulat niya ang Eclesiastes nang matapos ang mga ito at bago niya iwan ang tunay na pagsamba. (Nehemias 13:26) Ipinakikita nito na ang petsa ng pagsulat dito ay bago 1000 B.C.E., sa pagtatapos ng 40-taóng paghahari ni Solomon.
ANO ANG MAY KABULUHAN?
“Ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan!” ang sabi ng tagapagtipon, na nagtanong: “Ano ang pakinabang ng isang tao sa lahat ng kaniyang pagpapagal na pinagpapagalan niya sa ilalim ng araw?” (Eclesiastes 1:2, 3) Ang mga pananalitang “walang kabuluhan” at “sa ilalim ng araw” ay paulit-ulit na lumilitaw sa Eclesiastes. Ang salitang Hebreo para sa “walang kabuluhan” ay literal na nangangahulugang “hininga” o “singaw” at nagpapahiwatig ng kawalan ng halaga, o pagiging di-nagtatagal. Ang pananalita namang “sa ilalim ng araw” ay nangangahulugan ng “sa lupang ito” o “sa sanlibutang ito.” Kaya ang lahat—iyon ay, ang lahat ng pagsisikap ng taong nagwawalang-bahala sa kalooban ng Diyos—ay walang kabuluhan.
“Bantayan mo ang iyong mga paa kailanma’t pumaparoon ka sa bahay ng tunay na Diyos,” ang sabi ni Solomon, “at mangyari ang paglapit upang makinig.” (Eclesiastes 5:1) Ang pagiging abala sa tunay na pagsamba sa Diyos na Jehova ay may kabuluhan. Sa katunayan, ang pagtutuon ng pansin sa ating kaugnayan sa kaniya ang susi upang magkaroon tayo ng makabuluhang buhay.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:4-10—Bakit masasabing “nakapanghihimagod” ang likas na mga siklo? Ang tagapagtipon ay bumanggit lamang ng tatlong pangunahing bagay upang may mabuhay sa lupa—ang araw, ang ikot ng hangin, at ang siklo ng tubig. Ang totoo, maraming likas na mga siklo, at napakasalimuot ng mga ito. Maaaring gugulin ng isa ang kaniyang buong buhay sa pag-aaral sa mga ito subalit hindi pa rin niya ito lubos na mauunawaan. Talagang “nakapanghihimagod” iyan. Nakasisiphayo rin kung ihahambing ang maikling buhay natin sa paulit-ulit na mga siklong ito. Maging ang pagsisikap na makatuklas ng mga bagong bagay ay nakapanghihimagod. Tutal, ang bagong mga imbensiyon ay pagkakapit lamang ng mga prinsipyong itinatag ng tunay na Diyos at dati nang ginamit sa paglalang.
2:1, 2—Bakit sinasabing “kabaliwan” ang pagtawa? Matutulungan tayo ng pagtawa na pansamantalang malimutan ang ating mga problema, at dahil sa kasayahan, hindi natin masyadong didibdibin ang ating mga problema. Gayunman, hindi inaalis ng pagtawa ang ating mga problema. Samakatuwid, ang paghanap sa kaligayahan sa pamamagitan ng pagtawa ay tinutukoy bilang “kabaliwan.”
3:11—Ano ang ginawa ng Diyos na “maganda sa kapanahunan nito”? Ang ilan sa mga bagay na ginawa ng Diyos na Jehova na “maganda,” o angkop at kapaki-pakinabang, sa tamang panahon ay ang paglalang kina Adan at Eva, ang tipang bahaghari, ang pakikipagtipan kay Abraham, ang pakikipagtipan kay David, ang pagdating ng Mesiyas, at ang pagluklok kay Jesu-Kristo bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Gayunman, may iba pang ‘magandang’ bagay na gagawin si Jehova sa malapit na hinaharap. Makapagtitiwala tayo na sa takdang panahon, talagang iiral ang matuwid na bagong sanlibutan.—2 Pedro 3:13.
3:15b—Paano “patuloy na hinahanap ng tunay na Diyos yaong tinutugis”? “Yaong tinutugis” ay maaaring tumukoy sa mga bagay na nilalayong gawin ng Diyos. Bagaman maaaring dahil sa paulit-ulit na siklo ng pagsilang at kamatayan at ng digmaan at kapayapaan ay ipalagay ng tao na wala siyang kakayahan at na paulit-ulit lamang ang kasaysayan, kayang hanapin at isakatuparan ng tunay na Diyos ang lahat ng nais Niyang gawin. (Eclesiastes 3:1-10, 15a) “Yaong tinutugis” ay maaari ding kumapit sa mga matuwid, na madalas na tinutugis ng masasama. Sa kasong ito, patuloy na tinutugis ni Jehova ang mga matuwid upang “ipakita ang kaniyang lakas” alang-alang sa kanila.—2 Cronica 16:9.
5:9—Ano ang ibig sabihin ng “ang pakinabang sa lupa ay nasa kanilang lahat”? Ang lahat ng naninirahan sa lupa ay dumedepende sa “pakinabang sa lupa”—ang ibinubunga ng lupa. Maging ang hari ay kasama rito. Upang makinabang sa bunga ng kaniyang bukirin, ang hari ay kailangang paglingkuran ng kaniyang mga lingkod na nagpapagal upang masaka ang lupain.
Mga Aral Para sa Atin:
1:15. Walang saysay ang pagsisikap na gamitin ang ating panahon at lakas para ituwid ang paniniil at kawalang-katarungan na nakikita natin sa ngayon. Tanging ang Kaharian ng Diyos ang makapag-aalis ng kasamaan.—Daniel 2:44.
2:4-11. Ang mga gawain sa sining, gaya ng arkitektura, paghahalaman, at musika, gayundin ang marangyang pamumuhay ay “paghahabol sa hangin” sapagkat hindi talaga nito ginagawang makabuluhan ang buhay at hindi rin ito nagdudulot ng namamalaging kaligayahan.
2:12-16. Nakahihigit ang karunungan kaysa sa kahibangan dahil nakatutulong ang karunungan sa paglutas ng ilang problema. Gayunman, may kinalaman sa kamatayan, hindi nakahihigit dito ang karunungan ng tao. At kahit na mapabantog pa ang isa dahil sa pagkakaroon ng gayong karunungan, di-magtatagal, siya rin ay malilimutan.
2:24; 3:12, 13, 22. Hindi masamang masiyahan sa mga bunga ng ating pagpapagal.
2:26. Ang makadiyos na karunungan, na nagdudulot ng kagalakan, ay ibinigay sa ‘taong mabuti sa harap ni Jehova.’ Imposibleng matamo ang karunungang ito kung ang isa ay walang mabuting kaugnayan sa Diyos.
3:16, 17. Hindi makatuwirang asahan na magiging makatarungan ang lahat ng kalagayan. Sa halip na mabalisa sa mga nangyayari sa daigdig sa ngayon, dapat nating hintayin na ituwid ni Jehova ang mga bagay-bagay.
4:4. Ang pinaghirapan at pinaghusay na trabaho ay nakapagdudulot ng kasiyahan. Gayunman, ang pagpapagal para lamang mahigitan ang iba ay nagtataguyod ng kompetisyon at maaaring pagmulan ng sama ng loob at paninibugho. Dapat na tama ang motibo natin sa ating pagpapagal sa ministeryong Kristiyano.
4:7-12. Ang pakikipag-ugnayan sa tao ay higit na mahalaga kaysa sa mga materyal na pag-aari at hindi dapat ipagpalit sa pagkakamal ng kayamanan.
4:13. Hindi palaging nangangahulugan na matatamo ng isa ang paggalang ng iba dahil sa kaniyang katungkulan o edad. Ang mga may mabibigat na posisyon ay dapat kumilos nang may karunungan.
4:15, 16. Sa simula, ang “bata, na ikalawa”—ang kahalili ng hari—ay maaaring makakuha ng suporta mula sa ‘lahat ng taong nasa harap niya,’ subalit ‘sa dakong huli ay hindi na sila magsasaya sa kaniya.’ Tunay nga, panandalian lamang ang popularidad.
5:2. Ang ating mga panalangin ay dapat na pinag-isipang mabuti at mapitagan, hindi paliguy-ligoy.
5:3-7. Ang pagiging abalang-abala sa pagkakamal ng materyal na mga ari-arian ay maaaring magtulak sa isa na mangarap hinggil sa pansariling kapakanan. Maaari din itong umakay sa isa na mabalisa, palaging nangangarap sa gabi, anupat napagkakaitan na siya ng mahimbing na tulog. Dahil sa karamihan ng mga salita, maaaring magmukhang mangmang ang isa sa harap ng iba at maudyukan siya nito na manata nang padalus-dalos sa Diyos. Mapipigilan tayo ng ‘pagkatakot sa tunay na Diyos’ na gawin ang alinman sa mga bagay na ito.
6:1-9. Anong kapakinabangan ang maidudulot ng kayamanan, kaluwalhatian, mahabang buhay, at maging ng malaking pamilya kung mapipigilan naman tayo ng kalagayan natin sa buhay na masiyahan dito? At “mas mabuti ang pagtingin ng mga mata,” o pagharap sa katotohanan, kaysa sa “pagpapagala-gala ng kaluluwa,” iyon ay, pagsisikap na palugdan ang mga pagnanasa na imposibleng mapaluguran. Kung gayon, ang pinakamainam na landasin ng buhay, ay ang pagiging kontento sa “pagkakaroon ng pagkain at pananamit” samantalang tinatamasa ang nakapagpapalusog na mga bagay sa buhay at nagtutuon ng pansin sa pagkakaroon ng malapit na kaugnayan kay Jehova.—1 Timoteo 6:8.
PAYO SA MARURUNONG
Paano natin maiingatan ang ating mabuting pangalan, o reputasyon? Paano natin dapat pakitunguhan ang mga tagapamahalang tao at ano ang dapat na maging saloobin natin sa mga nasasaksihan nating kawalang-katarungan? Yamang walang anumang kabatiran ang patay, paano natin dapat gamitin sa ngayon ang ating panahon? Sa anong paraan maaaring gamitin nang may katalinuhan ng mga kabataan ang kanilang panahon at lakas? Ang matalinong payo ng tagapagtipon hinggil dito at sa iba pang mga bagay ay iniulat para sa atin sa kabanata 7 hanggang 12 ng Eclesiastes.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
7:19—Paano naging mas malakas ang karunungan kaysa sa “sampung taong may kapangyarihan”? Kapag ginamit sa Bibliya sa makasagisag na diwa, ang bilang na sampu ay kumakatawan sa pagiging kumpleto. Sinasabi ni Solomon na ang kahalagahan ng karunungan bilang pananggalang ay higit pa kaysa sa kumpletong bilang ng mga mandirigmang nagbabantay sa isang lunsod.
10:2—Ano ang ibig sabihin kapag sinabing ang puso ng isa ay “nasa kaniyang kanang kamay” o “nasa kaniyang kaliwang kamay”? Yamang ang kanang kamay ay kadalasan nang nagpapahiwatig ng pinapaborang posisyon, ang pagsasabing nasa kanang kamay ng isa ang kaniyang puso ay nangangahulugan na inuudyukan siya ng kaniyang puso na gumawa ng mabuti. Gayunman, kung pinakikilos nito ang isang indibiduwal na itaguyod ang maling landasin, ang kaniyang puso ay sinasabing nasa kaniyang kaliwang kamay.
10:15—Paanong ang “pagpapagal ng mga hangal ay nakapanghihimagod sa kanila”? Kung walang mabuting pagpapasiya ang isa, wala talagang anumang makabuluhang bagay na ibubunga ang kaniyang pagpapagal. Hindi siya masisiyahan dito. Manghihimagod lamang siya sa gayong walang-tigil na pagpapagal.
11:7, 8—Ano ang ibig sabihin ng mga pananalitang “Ang liwanag ay matamis din, at mabuti para sa mga mata ang makakita ng araw”? Ang liwanag at ang araw ay nagdudulot ng kasiyahan sa mga buháy. Sinasabi rito ni Solomon na mabuti para sa tao na mabuhay at na dapat tayong “magsaya” bago tayo mawalan ng lakas at sigla sa mga araw ng kadiliman, o katandaan.
11:10—Bakit ang “kabataan at ang kasariwaan ng buhay” ay walang kabuluhan? Kung hindi ito gagamitin sa tamang paraan, ang mga ito ay walang kabuluhan dahil, tulad ng singaw, ang mga araw ng lakas ng kabataan ay madaling lumilipas.
Mga Aral Para sa Atin:
7:6. Ang pagtawa sa di-tamang panahon ay nakakairita at walang kabuluhan tulad ng lagitik ng mga tinik na nasusunog sa ilalim ng lutuan. Dapat nating iwasan ang gayong pagtawa.
7:21, 22. Hindi tayo dapat masyadong mabahala sa kung ano ang sasabihin ng iba.
8:2, 3; 10:4. Kapag pinupuna tayo o itinutuwid ng isang superbisor o amo, isang katalinuhan na manatiling kalmado. Mas mainam ito kaysa sa ‘magmadali at umalis sa harap niya,’ samakatuwid nga, magbitiw sa trabaho nang padalus-dalos.
8:8; 9:5-10, 12. Maaaring magwakas ang ating buhay nang di-inaasahan tulad ng isda na nahuli sa lambat o ng ibon na nahuli sa bitag. Isa pa, walang makapipigil sa paglaho ng puwersa ng buhay sa panahon ng kamatayan, at wala ring sinuman na malaya sa kaaway ng sangkatauhan, ang kamatayan. Kaya hindi natin dapat sayangin ang panahon. Nais ni Jehova na pahalagahan natin ang buhay at masiyahan dito sa kapaki-pakinabang na paraan. Upang magawa ito, dapat nating gawing pangunahin sa ating buhay ang paglilingkod kay Jehova.
8:16, 17. Ang kabuuang saklaw ng lahat ng bagay na ginawa ng Diyos at pinahintulutan niyang mangyari sa sangkatauhan ay hindi kayang sukatin, kahit pa hindi tayo mapagkatulog sa pag-iisip hinggil dito. Ang pagkabahala sa lahat ng nagawang kamalian ay mag-aalis lamang ng kasiyahan natin sa buhay.
9:16-18. Dapat pahalagahan ang karunungan kahit na hindi ito pinahahalagahan ng karamihan. Mas mainam ang mahinahong pagsasalita ng isang taong marunong kaysa sa napakalakas na sigaw ng taong hangal.
10:1. Dapat tayong mag-ingat sa ating pagsasalita at pagkilos. Isang pagkakamali lamang, gaya ng minsang silakbo ng galit, minsang pag-abuso sa alak, o isang insidente ng maruming paggawi sa sekso, ay sapat na upang sirain ang magandang reputasyon ng isang iginagalang na tao.
10:5-11. Hindi dapat kainggitan ang isang taong may mataas na katungkulan ngunit wala namang kakayahan. Ang kawalang-kakayahan sa pagsasagawa ng isang simpleng atas ay maaaring magkaroon ng nakasasamang resulta. Sa halip, makabubuting linangin ang kakayahang ‘gamitin ang karunungan upang magtagumpay.’ Napakahalaga nga na maging mahusay tayo sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad!
11:1, 2. Dapat nating ugaliin ang buong-pusong pagkabukas-palad. Nagbubunga ito ng pagkabukas-palad.—Lucas 6:38.
11:3-6. Hindi dapat makahadlang sa ating pagpapasiya ang kawalang-katiyakan ng buhay.
11:9; 12:1-7. Ang mga kabataan ay mananagot kay Jehova. Kung gayon, dapat nilang gamitin ang kanilang panahon at lakas sa paglilingkod sa Diyos bago pa sila mawalan ng lakas dahil sa katandaan.
“MGA SALITA NG MARURUNONG” UPANG GABAYAN TAYO
Ano ang dapat na maging pananaw natin sa “nakalulugod na mga salita” na sinikap ng tagapagtipon na masumpungan at maisulat? Di-tulad ng “maraming aklat” ng karunungan ng tao, “ang mga salita ng marurunong ay gaya ng mga pantaboy sa baka, at gaya ng mga pakong ibinaon yaong mga nagsasagawa ng pagtitipon ng mga pangungusap; ang mga ito ay ibinigay mula sa isang pastol.” (Eclesiastes 12:10-12) Ang mga salita ng karunungan na ibinigay mula sa “isang pastol,” si Jehova, ay nagpapatibay sa atin.
Ang pagkakapit sa matalinong payo na masusumpungan sa aklat ng Eclesiastes ay talagang makatutulong sa atin na magkaroon ng makabuluhan at maligayang buhay. Bukod diyan, binibigyan tayo ng katiyakan: “Magiging mabuti ang kalalabasan para sa mga natatakot sa tunay na Diyos.” Kung gayon, maging matatag tayo sa ating determinasyon na ‘matakot sa tunay na Diyos at tuparin ang kaniyang mga utos.’—Eclesiastes 8:12; 12:13.
[Larawan sa pahina 15]
Sa takdang panahon, talagang iiral ang isa sa pinakamagandang mga gawa ng Diyos
[Larawan sa pahina 16]
Kasama sa mga kaloob ng Diyos ang pagkain, inumin, at ang pagtatamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng ating pagpapagal