Mapaliligaya Ka ba ng Kayamanan?
Alam ni Haring Solomon ang kahalagahan ng salapi. Sumulat siya: “Ang tinapay ay para sa pagtatawa ng mga manggagawa, at ang alak mismo ay nagpapasaya sa buhay; ngunit ang salapi ay sumasagot sa lahat ng bagay.” (Eclesiastes 10:19) Ang pakikisalo sa mga kaibigan ay maaaring ganap na nakasisiya, ngunit upang magkaroon ng tinapay at alak, kailangan mo ng salapi. Yamang salapi ang paraan upang matamo ang materyal na mga bagay, ito’y “sumasagot sa lahat ng bagay.”
BAGAMAN di-kapani-paniwala ang kayamanan ni Solomon, alam niyang may mga limitasyon ang pagiging masalapi. Inamin niya na ang materyalistikong paraan ng pamumuhay ay hindi nagbubukas ng pinto tungo sa kaligayahan. Sumulat siya: “Siyang umiibig sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni siya mang umiibig sa kayamanan ay masisiyahan sa pakinabang.”—Eclesiastes 5:10.
Ipagpalagay nang lalo pang yumayaman ang isang taong mayaman na. Sabi ni Solomon: “Kapag ang mabubuting bagay ay dumarami, dumarami rin ang nagsisikain nito.” (Eclesiastes 5:11) Habang ang “mabubuting bagay,” o mga pag-aari ng isang tao, ay lumalago, higit na mga tao ang kinakailangan upang pangalagaan ang mga iyon. Tagakumpuni, tagapangalaga, mga katulong, mga tanod, at iba pa—pawang dapat bayaran dahil sa kanilang paglilingkod. Kung gayon, nangangailangan ito ng higit at higit na salapi.
Ang ganitong kalagayan ay may tuwirang epekto sa kaligayahan ng isang tao. Isinulat ng Griegong istoryador na si Xenophon, na nabuhay noong ikaapat na siglo B.C.E., ang komento ng isang mahirap na tao na yumaman:
“Bakit, inaakala mo bang talaga . . . na habang nadaragdagan ang aking tinatangkilik, lalong nagiging masaya ang aking buhay? Hindi mo alam,” patuloy niya, “na wala akong nadarama ni katiting na kaluguran sa pagkain at pag-inom at pagtulog ngayon kaysa noong ako’y mahirap pa. Ang tanging pakinabang ko sa pagkakaroon ng napakaraming pag-aari ay na ako’y obligadong mangalaga sa higit pa, mamahagi sa iba nang higit pa, at ang problema na mangalaga nang higit pa kaysa sa dati kong taglay. Sa ngayon ay umaasa sa akin ang maraming kamag-anak para sa pagkain, ang marami para sa maiinom, at marami para sa damit, samantalang ang ilan naman ay nangangailangan ng mga doktor; at may pumupunta sa akin na may kuwento tungkol sa mga tupa na sinalakay ng mga lobo, o tungkol sa mga bakang namatay dahil sa nahulog sa bangin, o para sabihin na may isang sakit na kumakalat sa mga baka. Kaya nga para sa akin . . . lalong lumaki ang aking problema ngayon dahil sa pagkakaroon ng maraming tinatangkilik kaysa noong kakaunti pa lamang ang aking ari-arian.”
Ang isa pang katuwiran kung bakit nagsusumakit ang mga tao sa pagkakamal ng higit pang kayamanan ay dahil sa sila’y nadadaya ng tinatawag ni Jesu-Kristo na “ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan.” (Mateo 13:22) Sila’y nalilinlang sapagkat sa mga kayamanang ito na buong-pagsusumakit nilang hinahanap, hindi nila kailanman nasumpungan ang kasiyahan o kaligayahang inaasahan nilang madama. Ikinakatuwiran nila na ang hindi nagagawa ng limitadong kayamanan, ay magagawa ng mas maraming kayamanan. Kaya kailangan ang patuloy na pagsisikap na magkaroon pa.
Hindi Humahantong sa Kaligayahan ang Pag-ibig sa Salapi
Ang pagkabahala sa kaniyang tinatangkilik ay maaaring makahadlang sa isang taong mayaman na tamasahin ang isang mahimbing na pagtulog sa gabi. Sumulat si Solomon: “Mahimbing ang tulog ng isang naglilingkod, ang kinakain man niya ay kaunti o marami; ngunit ang kasaganaan ng mayaman ay hindi nagpapatulog sa kaniya.”—Eclesiastes 5:12.
Kapag tumitindi ang pagkabalisa hinggil sa posibleng pagkawala ng kayamanan ng isa, higit pa ang nasasangkot kaysa sa basta di-pagkakatulog. Bilang paglalarawan sa kuripot, ganito ang isinulat ni Solomon: “Lahat ng kaniyang mga araw ay kumakain siya sa dilim mismo, taglay ang matinding kapanglawan, sakit sa kaniyang bahagi at dahilan para sa pagkagalit.” (Eclesiastes 5:17) Sa halip na lumigaya sa kaniyang kayamanan, siya’y kumakain ‘taglay ang kapanglawan,’ na para bang ipinagmamaramot niya maging ang salapi na kailangan niyang gastusin para sa pagkain. Ang gayong masamang pag-iisip ay maaaring maging dahilan ng di-mabuting kalusugan. Dahil dito, nakadaragdag pa ang di-mabuting kalusugan sa kabalisahan ng kuripot, sapagkat nahahadlangan siya nito na makapagkamal pa ng maraming kayamanan.
Marahil ay ipinagugunita nito sa iyo ang isinulat ni apostol Pablo: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming walang-kabuluhan at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkasira. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay . . . napagsasaksak ang kanilang mga sarili ng maraming kirot.” (1 Timoteo 6:9, 10) Sa pagsusumakit sa salapi, ang mga tao’y nandaraya, nagsisinungaling, nagnanakaw, nangangalakal ng mga sarili, at pumapatay pa nga. Ang bunga ay isang taong pinagsasaksak ng emosyonal, pisikal, at espirituwal na kirot dahil sa pagsisikap na makamkam at mahawakan ang kayamanan. Mukha bang ito ang daan tungo sa kaligayahan? Hinding-hindi!
Pagiging Kontento Na sa Ating Tinataglay
Marami pang masasabi si Solomon hinggil sa timbang na pangmalas sa kayamanan. Sumulat siya: “Hubad na lumabas siya sa bahay-bata ng kaniyang ina, hubad na yayaon siya; at hindi magdadala ng ano mang pinagpagalan niya, na madadala niya sa kaniyang kamay. Narito! Ang pinakamagaling na bagay na aking nakita, na maganda, ay na ukol sa isa ang kumain at uminom at magalak sa lahat ng kaniyang pinagpagalan na kaniyang ginawa sa silong ng araw sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay na ibinigay sa kaniya ng tunay na Diyos, sapagkat ito ang kaniyang bahagi.”—Eclesiastes 5:15, 18.
Ipinakikita ng mga salitang ito na ang kaligayahan ay hindi nakasalalay sa pagsisikap na mag-imbak ng kayamanan para sa isang panahon na maaaring hindi na kailanman dumating sa atin. Makapupong mabuti pa na masiyahan at matuwa sa bunga ng ating pinagpagalan. Nagpahayag si apostol Pablo ng nahahawig na kaisipan sa kaniyang kinasihang liham kay Timoteo, na nagsasabi: “Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang bagay na mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, tayo ay magiging kontento na sa mga bagay na ito.”—1 Timoteo 6:7, 8; ihambing ang Lucas 12:16-21.
Ang Susi sa Kaligayahan
Tinaglay ni Solomon ang kasaganaan kapuwa sa kayamanan at karunungan. Subalit iniugnay niya ang kaligayahan sa karunungan, hindi sa salapi. Sabi niya: “Maligaya ang tao na nakasusumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan, sapagkat ang pagtataglay nito bilang pakinabang ay maigi kaysa pakinabang sa pilak at ang pagtataglay nito bilang ani kaysa sa ginto mismo. Mahalaga nga kaysa mga korales, at lahat ng iba pang mga kinalulugdan mo ay hindi maihahalintulad dito. Ang haba ng mga araw ay nasa kanang kamay nito; sa kaliwang kamay nito ay mga kayamanan at kaluwalhatian. Ang mga daan nito ay mga daan ng kaligayahan, at lahat nitong landas ay kapayapaan. Ito’y punungkahoy ng buhay sa lahat ng nanghahawakan dito, at tatawaging maliligaya yaong mga patuluyang nanghahawakang mahigpit dito.”—Kawikaan 3:13-18.
Bakit mas mabuti ang karunungan kaysa sa materyal na tinatangkilik? Sumulat si Solomon: “Ang karunungan ay pananggalang na gaya ng salapi na pananggalang; ngunit ang kahigitan ng kaalaman ay na iniingatan ng karunungan ang buhay ng mga nagtataglay niyaon.” (Eclesiastes 7:12) Bagaman ang salapi ay naglalaan ng isang sukat na pananggalang, anupat ang nagtataglay nito ay nakabibili ng mga kailangan niya, naiingatan naman ng karunungan ang isang tao mula sa mga panganib na maaaring mangahulugan ng kaniyang buhay. Hindi lamang maililigtas ng tunay na karunungan ang isang tao mula sa wala-sa-panahong kamatayan kundi, yamang ito’y salig sa isang tamang pagkatakot sa Diyos, ito’y aakay sa pagkakaroon ng walang-hanggang buhay.
Bakit umaakay sa kaligayahan ang makadiyos na karunungan? Sapagkat ang tunay na kaligayahan ay magmumula lamang sa Diyos na Jehova. Ipinakikita ng karanasan na ang tunay na kaligayahan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pagsunod sa Kataas-taasan. Ang namamalaging kaligayahan ay nakasalalay sa pagkakaroon ng isang sinang-ayunang kalagayan sa harap ng Diyos. (Mateo 5:3-10) Sa pagkakapit ng ating natututuhan mula sa pag-aaral ng Bibliya, malilinang natin “ang karunungan mula sa itaas.” (Santiago 3:17) Magdudulot ito sa atin ng kaligayahan na hindi kailanman maibibigay ng kayamanan.
[Mga larawan sa pahina 4, 5]
Alam ni Haring Solomon ang nagpapaligaya sa isang tao. Ikaw, alam mo ba?