“Ang Buong Katungkulan ng Tao”
“Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—ECLESIASTES 12:13.
1, 2. Bakit angkop na isaalang-alang ang ating pananagutan sa Diyos?
“ANO ang hinihingi sa iyo ni Jehova?” Itinanong ito ng isang sinaunang propeta. Pagkatapos ay tinukoy niya kung ano ang hinihiling ni Jehova—gumawa nang may katarungan, ibigin ang kabaitan, at lumakad nang may kahinhinan na kasama ng Diyos.—Mikas 6:8.
2 Sa panahong ito ng kakanyahan at pagsasarili, marami ang naiilang sa ideya na may hinihiling ang Diyos sa kanila. Hindi nila ibig na mapilitan. Subalit kumusta naman ang naging konklusyon ni Solomon sa Eclesiastes? “Ang wakas ng bagay, pagkatapos na marinig ang lahat, ay: Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—Eclesiastes 12:13.
3. Bakit natin dapat na seryosong pag-isipan ang aklat ng Eclesiastes?
3 Anuman ang ating kalagayan at pangmalas sa buhay, makikinabang tayo nang malaki kung isasaalang-alang natin ang nasa likuran ng konklusyong iyan. Tinalakay ni Haring Solomon, ang manunulat ng kinasihang aklat na ito, ang ilan sa mismong mga bagay na bahagi ng ating buhay sa araw-araw. Baka padalus-dalos na magsasabi ang ilan na ang kaniyang pagsusuri ay talaga namang negatibo. Gayunma’y kinasihan ito ng Diyos at makatutulong sa atin na suriin ang ating mga gawain at priyoridad, taglay ang ibayong kagalakan bunga nito.
Pagharap sa mga Pangunahing Alalahanin sa Buhay
4. Ano ang sinuri at tinalakay ni Solomon sa Eclesiastes?
4 Sinuring mabuti ni Solomon ‘ang gawain ng mga anak ng mga tao.’ “Inihilig ko ang aking puso na hanapin at siyasatin ang karunungan tungkol sa lahat na nagawa sa silong ng langit.” Ang “gawain” na tinutukoy ni Solomon ay hindi naman laging nangangahulugan ng isang trabaho, o hanapbuhay, kundi sa halip ay ang kabuuan ng mga bagay na pinagkakaabalahan ng mga lalaki at babae sa kanilang buong buhay. (Eclesiastes 1:13) Pag-usapan natin ang ilang pangunahing alalahanin, o pinagkakaabalahan, at pagkatapos ay ihambing ang sarili nating mga gawain at priyoridad.
5. Ano ang isa sa mga pangunahing pinagkakaabalahan ng mga tao?
5 Tiyak na ang salapi ay nasasangkot sa maraming alalahanin at gawain ng mga tao. Walang sinuman ang makatuwirang makapagsasabi na hindi nababahala si Solomon kung tungkol sa salapi na gaya ng ilang mayayamang tao. Agad niyang kinilala ang pangangailangan ng kaunting salapi; ang pagkakaroon ng sapat na salapi ay mas mabuti kaysa sa pamumuhay nang di-maalwan o nagdarahop. (Eclesiastes 7:11, 12) Subalit malamang na napansin mo na ang salapi, lakip na ang mga pag-aari na mabibili nito, ay maaaring maging pangunahing tunguhin sa buhay—ng mga dukha gayundin ng mayayaman.
6. Ano ang matututuhan natin tungkol sa salapi buhat sa isa sa mga ilustrasyon ni Jesus at buhat sa sariling karanasan ni Solomon?
6 Alalahanin ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa taong mayaman na, palibhasa’y hindi kailanman nasiyahan, nagpagal upang magkamit ng higit pa. Hinatulan siya ng Diyos bilang isang taong di-makatuwiran. Bakit? Sapagkat ang ating ‘buhay ay hindi resulta ng mga bagay na tinataglay natin.’ (Lucas 12:15-21) Ang karanasan ni Solomon—malamang na mas malawak kaysa sa atin—ay nagpapatunay sa mga salita ni Jesus. Basahin ang paglalarawan sa Eclesiastes 2:4-9. Matagal na panahong ibinuhos ni Solomon ang kaniyang sarili sa pagtitipon ng mga kayamanan. Nagtayo siya ng magagarang tahanan at halamanan. Kaya niyang magkaroon at makakuha ng magagandang babaing makakasama. Ang kayamanan at ang napangyayari nitong magawa niya ay nagdulot kaya ng matinding kasiyahan, isang pagkadama ng tunay na tagumpay, at kahulugan sa kaniyang buhay? Tahasan ang sagot niya: “Minasdan ko ang lahat ng mga gawa na ginawa ng aking mga kamay at ang gawain na pinagpagalan ko upang matapos, at, narito! lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala, at hindi mapapakinabangan sa silong ng araw.”—Eclesiastes 2:11; 4:8.
7. (a) Ano ang pinatutunayan ng karanasan hinggil sa halaga ng salapi? (b) Ano ang personal na nakita mo na nagpapatunay sa konklusyon ni Solomon?
7 Ito ay makatotohanan, anupat isang katotohanang napatunayan sa buhay ng marami. Dapat nating aminin na ang pagkakaroon ng higit na salapi ay hindi basta lumulutas sa lahat ng suliranin. Nalulutas nito ang ilan, katulad ng nagiging mas madali ang magkaroon ng pagkain at pananamit. Subalit hindi naman sabay-sabay na maisusuot ng isang tao ang lahat ng kaniyang damit at makakakain at makaiinom lamang siya hanggang sa mabusog. At nababasa mo ang tungkol sa mayayamang tao na ang buhay ay sinasalot ng diborsiyo, pag-aabuso sa alak o droga, at pakikipag-alitan sa mga kamag-anak. Ganito ang sabi ng multimilyonaryong si J. P. Getty: “Ang salapi ay walang anumang kaugnayan sa kaligayahan. Marahil ito’y may kaugnayan sa kalungkutan.” May mabuting dahilan kung kaya tinukoy ni Solomon na walang-kabuluhan ang pag-ibig sa pilak. Ihambing ang bagay na iyan sa sinabi ni Solomon: “Mahimbing ang tulog ng isang naglilingkod, ang kinakain man niya ay kaunti o marami; ngunit ang kasaganaan ng mayaman ay hindi nagpapatulog sa kaniya.”—Eclesiastes 5:10-12.
8. Ano ang dahilan upang huwag labis na pahalagahan ang salapi?
8 Ang salapi at mga tinatangkilik ay hindi rin naman nagdudulot ng kasiyahan kung tungkol sa kinabukasan. Kung mas marami kang salapi at ari-arian, malamang na higit kang nababalisa kung paano maipagsasanggalang ang mga ito, at hindi mo pa rin alam kung ano ang mangyayari sa kinabukasan. Mawawala kaya sa iyo ang lahat ng iyon, pati na ang iyong buhay? (Eclesiastes 5:13-17; 9:11, 12) Kung gayon, dapat na madaling maunawaan kung bakit ang ating buhay, o pinagkakaabalahan, ay nararapat na magkaroon ng mas matayog, mas namamalaging kabuluhan kaysa sa salapi at mga ari-arian.
Pamilya, Katanyagan, at Kapangyarihan
9. Bakit wastong bumangon sa pagsusuri ni Solomon ang tungkol sa buhay pampamilya?
9 Kasali sa pagsusuri ni Solomon sa buhay ang tungkol sa pag-aasikaso sa pamilya. Itinatampok ng Bibliya ang buhay pampamilya, kasali na ang kagalakan sa pagkakaroon at pagpapalaki ng mga anak. (Genesis 2:22-24; Awit 127:3-5; Kawikaan 5:15, 18-20; 6:20; Marcos 10:6-9; Efeso 5:22-33) Subalit iyan ba ang pinakamahalagang bahagi ng buhay? Waring ganiyan ang iniisip ng marami, kung isasaalang-alang ang pagdiriin ng ilang kultura sa pag-aasawa, mga anak, at mga kamag-anak. Gayunma’y ipinakikita ng Eclesiastes 6:3 na maging ang pagkakaroon ng sandaang anak ay hindi isang susi sa kasiyahan sa buhay. Isip-isipin kung ilang magulang ang nagsakripisyo upang mabigyan ang kanilang mga anak ng mabuting pasimula at maging mas maalwan ang buhay nila. Bagaman napakabuti iyan, tiyak na hindi nilayon ng ating Maylalang na maging pangunahing tunguhin sa ating pag-iral ang pagluluwal lamang ng mga supling, gaya ng likas na ginagawa ng mga hayop upang manatili ang kanilang uri.
10. Bakit napatunayang walang-kabuluhan ang labis na pagtutuon ng pansin sa pamilya?
10 May kaunawaang itinampok ni Solomon ang ilang katunayan tungkol sa buhay pampamilya. Halimbawa, maaaring magtuon ng pansin ang isang tao sa paglalaan para sa kaniyang mga anak at mga apo. Ngunit mapatutunayan bang sila’y magiging marunong? O magiging mangmang sila sa mga bagay na kaniyang pinagsikapang makuha para sa kanila? Kung ang huli ang siyang mangyari, tunay ngang iyon ay magiging “walang-kabuluhan at isang malaking kalamidad”!—Eclesiastes 2:18-21; 1 Hari 12:8; 2 Cronica 12:1-4, 9.
11, 12. (a) Anong mga tunguhin sa buhay ang pinagbuhusan ng pansin ng ilan? (b) Bakit masasabi na ang paghahangad ng katanyagan ay “isang paghabol sa hangin”?
11 Sa kabilang dulo naman, isinaisang-tabi ng marami ang normal na buhay pampamilya dahil sa kanilang hangaring maging tanyag at makapangyarihan sa iba. Ito ay isang pagkakamali na maaaring mas karaniwan sa mga lalaki. Napansin mo ba ito sa iyong mga kamag-aral, katrabaho, o mga kapitbahay? Marami ang nagsusumakit nang husto upang mapansin, maging tanyag, o mangibabaw sa iba. Ngunit talaga bang makabuluhan ito?
12 Isip-isipin kung paano nagpunyagi ang ilan upang maging sikat, maging sa isang limitado o malawak na larangan. Nakikita natin ito sa paaralan, sa ating pamayanan, at sa iba’t ibang grupo sa lipunan. Ito ay isa ring nag-uudyok na puwersa sa mga nagnanais na maging tanyag sa larangan ng sining, paglilibang, at pulitika. Subalit hindi ba ito ay talaga namang walang-kabuluhan? May kawastuang tinukoy iyon ni Solomon na “isang paghabol sa hangin.” (Eclesiastes 4:4) Kahit na ang isang kabataan ay maging prominente sa isang samahan, koponan sa isport, o sa isang grupo ng mga musikero—o ang isang lalaki o babae ay maging kilala sa isang kompanya o komunidad—gaano karami ang talagang nakababatid nito? Alam kaya ng maraming tao sa kabilang panig ng globo (o maging sa sariling bansa) na ang taong iyon ay umiiral? O nagpapatuloy na lamang sila sa buhay nang hindi nababatid ang kaniyang bahagyang katanyagan? At gayundin ang masasabi tungkol sa anumang kapangyarihan o awtoridad na nakakamit ng isa sa trabaho, sa isang bayan, o sa isang grupo.
13. (a) Paano tayo tinutulungan ng Eclesiastes 9:4, 5 na magkaroon ng wastong pangmalas sa pagsusumakit ukol sa katanyagan o kapangyarihan? (b) Anong mga bagay ang dapat nating harapin kung talagang ganito na lamang ang buhay? (Tingnan ang talababa.)
13 Ano ang ibinubunga sa dakong huli ng gayong katanyagan o awtoridad? Kung paanong ang isang salinlahi ay yumayaon at ang isa pa ay dumarating, ang mga prominente o makapangyarihang tao ay nawawala sa eksena at nalilimutan na. Totoo ito sa mga nagtatayo, musikero at iba pang dalubsining, repormador ng lipunan, at marami pa, kung paanong totoo ito sa maraming pulitiko at lider ng militar. Sa mga gawaing ito, ilang espesipikong tao ang kilala mo na nabuhay sa pagitan ng mga taóng 1700 at 1800? Tama ang pasiya ni Solomon tungkol sa mga bagay-bagay, anupat sinabi: “Ang asong buhay ay mas maigi kaysa isang leong patay. Sapagkat nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang anuman, . . . sapagkat ang alaala sa kanila ay nakalimutan.” (Eclesiastes 9:4, 5) At kung ganito na lamang ang buhay, kung gayo’y talagang walang-kabuluhan ang pagsusumakit ukol sa katanyagan o kapangyarihan.a
Ang Ating Layunin at Pananagutan
14. Bakit personal na makatutulong sa atin ang aklat ng Eclesiastes?
14 Hindi nagkomento si Solomon tungkol sa maraming gawain, tunguhin, at kaluguran na pinagkakaabalahan ng mga tao sa kanilang buhay. Gayunman, sapat na ang isinulat niya. Ang pagtalakay natin sa aklat ay hindi naman kailangang maging tila nakalulungkot o negatibo, sapagkat makatotohanan nating sinuri ang isang aklat sa Bibliya na sadyang kinasihan ng Diyos na Jehova para sa ating kapakinabangan. Matutulungan nito ang bawat isa sa atin na ituwid ang ating pangmalas sa buhay at ang ating layunin. (Eclesiastes 7:2; 2 Timoteo 3:16, 17) Ganiyan nga lalo na matapos isaalang-alang ang mga naging konklusyon ni Solomon sa tulong ni Jehova.
15, 16. (a) Ano ang pangmalas ni Solomon hinggil sa pagtatamasa ng buhay? (b) Ano ang angkop na sinabi ni Solomon na kailangan upang masiyahan sa buhay?
15 Ang isang punto na paulit-ulit na ibinangon ni Solomon ay na ang mga lingkod ng tunay na Diyos ay dapat na magalak sa kanilang mga gawain sa harap Niya. “Nalalaman ko na walang maigi sa kanila kaysa magalak at gumawa ng mabuti habang sila’y nabubuhay; at ang bawat tao rin naman ay marapat kumain at uminom at magalak sa kabutihan sa lahat niyang puspusang paggawa. Iyon ay regalo ng Diyos.” (Eclesiastes 2:24; 3:12, 13; 5:18; 8:15) Pansinin na hindi pinasisigla ni Solomon ang maingay na pagsasaya; ni inirerekomenda man niya ang saloobing ‘kumain tayo, uminom, at magpakasaya, sapagkat bukas tayo ay mamamatay.’ (1 Corinto 15:14, 32-34) Ang ibig niyang sabihin ay na masiyahan tayo sa normal na mga kaluguran, tulad ng pagkain at pag-inom, samantalang tayo’y ‘gumagawa ng mabuti habang tayo’y nabubuhay.’ Walang-alinlangang itinutuon nito ang ating buhay sa kalooban ng Maylalang, na siyang tumitiyak kung ano ang totoong mabuti.—Awit 25:8; Eclesiastes 9:1; Marcos 10:17, 18; Roma 12:2.
16 Sumulat si Solomon: “Humayo ka, kumain nang may kagalakan at uminom ng iyong alak nang may masayang puso, sapagkat ang tunay na Diyos ay nalulugod sa iyong mga gawa.” (Eclesiastes 9:7-9) Oo, ang lalaki o babae na tunay na may mayaman at kasiya-siyang buhay ay aktibo sa mga gawa na ikinalulugod ni Jehova. Humihiling ito sa atin na isaalang-alang siya sa tuwina. Ibang-iba nga ang pangmalas na ito mula sa pangmalas ng maraming tao, na humaharap sa buhay salig sa pangangatuwiran ng tao!
17, 18. (a) Paano hinaharap ng maraming tao ang mga katotohanan sa buhay? (b) Anong resulta ang dapat nating laging isaisip?
17 Bagaman itinuturo ng ilang relihiyon ang tungkol sa kabilang buhay, naniniwala ang maraming tao na ang buhay na ito lamang ang kanilang maaasahan. Baka napansin mo silang tumutugon kagaya ng inilarawan ni Solomon: “Sapagkat ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi isinasagawa agad, kaya ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubos na nagagalak sa paggawa ng kasamaan.” (Eclesiastes 8:11) Kahit na yaong hindi nalululong sa masasamang gawa ay nagpapakitang ang pangunahin nilang pinagkakaabalahan ay ang kasalukuyan. Iyan ang dahilan kung kaya ang salapi, pag-aari, prestihiyo, awtoridad sa iba, pamilya, o iba pang katulad na interes ang nagiging labis na mahalaga sa kanila. Subalit hindi tinapos ni Solomon ang kaisipang ito nang gayon na lamang. Idinagdag niya: “Bagaman ang makasalanan ay gumagawa ng kasamaan na makaisang daang beses at nagpapatuloy nang matagal ayon sa kaniyang kagustuhan, gayunma’y talastas ko na mabuti ang kalalabasan para sa mga natatakot sa tunay na Diyos, sapagkat sila’y natatakot sa kaniya. Ngunit hindi ikabubuti ng balakyot, ni pahahabain man niya ang kaniyang mga araw na gaya ng isang anino, sapagkat siya’y hindi natatakot sa Diyos.” (Eclesiastes 8:12, 13) Maliwanag, kumbinsido si Solomon na makabubuti para sa atin kung tayo’y ‘natatakot sa tunay na Diyos.’ Gaano kabuti? Masusumpungan natin ang sagot sa paghahambing na ginawa niya. ‘Mapahahaba ni Jehova ang ating mga araw.’
18 Dapat na bulay-bulayin lalo na niyaong mga nasa kabataan pa ang lubos na maaasahang katotohanan na mabuti ang kalalabasan para sa kanila kung natatakot sila sa Diyos. Gaya nang maaaring personal na nakikita mo, ang pinakamatuling mananakbo ay maaaring matisod at mabigo sa karera. Maaaring matalo ang isang makapangyarihang hukbo. Maaaring maghirap ang isang matalinong negosyante. At marami pang ibang pag-aalinlangan ang nagpapangyaring maging di-tiyak ang buhay. Subalit lubusang makatitiyak ka sa bagay na ito: Ang pinakamatalino at pinakamaaasahang landasin ay ang tamasahin ang buhay samantalang gumagawa ka ng mabuti ayon sa moral na mga batas ng Diyos at alinsunod sa kaniyang kalooban. (Eclesiastes 9:11) Kasali rito ang pagkatuto mula sa Bibliya kung ano ang kalooban ng Diyos, pag-aalay ng isa ng buhay sa kaniya, at pagiging isang bautisadong Kristiyano.—Mateo 28:19, 20.
19. Paano magagamit ng mga kabataan ang kanilang buhay, ngunit ano ang matalinong landasin?
19 Hindi pipilitin ng Maylalang ang mga kabataan o ang iba pa na sundin ang kaniyang patnubay. Maaari nilang ibuhos ang sarili sa edukasyon, marahil maging habang-buhay na mga estudyante ng napakaraming aklat ng karunungan ng tao. Sa kalaunan ito ay mapatutunayang kapaguran ng katawan. O maaari silang lumakad ayon sa kanilang di-sakdal na puso o sundin ang nakaaakit sa mata. Tiyak na magdudulot iyan ng kadalamhatian, at ang buhay na ginugol nang gayon ay mapatutunayang walang-kabuluhan pagsapit ng panahon. (Eclesiastes 11:9–12:12; 1 Juan 2:15-17) Kaya nananawagan si Solomon sa mga kabataan—isang panawagang dapat nating seryosong pag-isipan, anuman ang edad natin: “Alalahanin mo, ngayon, ang iyong Dakilang Maylikha sa mga kaarawan ng iyong kabataan, bago dumating ang masasamang araw, o sumapit ang mga taon na iyong sasabihin: ‘Wala akong kaluguran sa mga yaon.’ ”—Eclesiastes 12:1.
20. Ano ang timbang na pangmalas ng mensahe sa Eclesiastes?
20 Ano, kung gayon, ang maipapasiya natin? Buweno, kumusta naman ang naging konklusyon ni Solomon? Kaniyang nakita, o nasuri, “ang lahat ng gawain na nagawa sa ilalim ng araw, at, narito! lahat ay walang kabuluhan at isang paghabol sa hangin.” (Eclesiastes 1:14) Hindi natin masusumpungan sa aklat ng Eclesiastes ang mga salita ng isang mapang-uyam at nasiphayong tao. Ang mga ito ay bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos at dapat nating isaalang-alang.
21, 22. (a) Anong mga pitak sa buhay ang isinaalang-alang ni Solomon? (b) Ano ang kaniyang naging matalinong konklusyon? (c) Paano nakaapekto sa iyo ang pagsusuri sa nilalaman ng Eclesiastes?
21 Pinag-aralan ni Solomon ang pagpapagal, pagsusumakit, at mga adhikain ng tao. Binulay-bulay niya kung ano ang kinalabasan ng mga bagay-bagay sa normal na takbo ng mga pangyayari, ang nakasisiphayo at walang-saysay na resulta na nararanasan ng napakaraming tao. Tinalakay niya ang katunayan ng di-kasakdalan ng tao at ng ibinubungang kamatayan. At isinaalang-alang niya ang bigay-Diyos na kaalaman tungkol sa kalagayan ng mga patay at ang pag-asang mabuhay sa hinaharap. Lahat ng ito ay sinuri ng isang tao na may malawak na karunungan mula sa Diyos, oo, ng isa sa pinakapantas na mga tao na nabuhay kailanman. Pagkatapos ang naging konklusyon niya ay inilakip sa Banal na Kasulatan para sa kapakinabangan ng lahat na ibig ng totoong makabuluhang buhay. Hindi ba tayo dapat na sumang-ayon?
22 “Ang wakas ng bagay, pagkatapos na marinig ang lahat, ay: Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagkat bawat uri ng gawa ay hahatulan ng tunay na Diyos may kaugnayan sa bawat kubling bagay, kung ito baga’y mabuti o masama.”—Eclesiastes 12:13, 14.
[Talababa]
a May katalinuhang sinabi minsan ng The Watchtower: “Hindi natin dapat na sayangin ang buhay na ito sa mga bagay na walang-kabuluhan . . . Kung ganito na lamang ang buhay, wala nang anumang mahalaga. Ang buhay na ito ay tulad ng isang bolang inihahagis sa hangin na agad bumabagsak uli sa lupa. Ito ay isang humahagibis na anino, isang nalalantang bulaklak, isang dahon ng damo na pinuputol at agad na natutuyo. . . . Sa timbangan ng kawalang-hanggan ang haba ng ating buhay ay isa lamang katiting na butil. Sa agos ng panahon ay hindi man lamang ito isang malaking patak. Tiyak na tama [si Solomon] nang repasuhin niya ang maraming alalahanin at gawain sa buhay ng tao at ipahayag na walang-kabuluhan ang mga ito. Gayon na lamang kabilis ang ating pagpanaw anupat mas mabuti pang hindi na tayo umiral, isa sa mga bilyun-bilyong dumarating at yumayao, na kakaunti ang nakaaalam na narito tayo. Ang pangmalas na ito ay hindi naman mapang-uyam o malungkot o mapanglaw o masama. Ito ay katotohanan, isang bagay na dapat harapin, isang praktikal na pananaw, kung ganito na lamang ang buhay.”—Agosto 1, 1957, pahina 472.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang matalinong pagtasa hinggil sa papel ng mga tinatangkilik sa iyong buhay?
◻ Bakit hindi tayo dapat na labis na magpahalaga sa pamilya, katanyagan, o awtoridad sa iba?
◻ Anong maka-Diyos na saloobin hinggil sa kasiyahan ang pinasisigla ni Solomon?
◻ Paano ka nakinabang sa pagsasaalang-alang sa aklat ng Eclesiastes?
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang salapi at mga tinatangkilik ay hindi tumitiyak ng kasiyahan
[Larawan sa pahina 17]
Makatitiyak ang mga kabataan na mabuti ang kalalabasan para sa kanila kung matatakot sila sa diyos