Ang Pinakamainam na Panahon Upang Mabuhay
KAPAG napaharap sa mahihirap na kalagayan, inaasam-asam mo ba ang “maliligayang araw ng nakalipas”? Kung gayon ay isaalang-alang ang mga salita ng pantas na si Haring Solomon: “Huwag mong sabihin: ‘Bakit nga ba ang mga araw noong una ay mas mabuti kaysa sa mga ito?’ sapagkat hindi dahil sa karunungan kung kaya ka nagtanong tungkol dito.”—Eclesiastes 7:10.
Bakit nagpayo ng ganito si Solomon? Dahil alam niya na ang pagkakaroon ng makatotohanang pangmalas sa nakalipas ay isang mahalagang pantulong sa matagumpay na pagharap sa di-kaayaayang mga situwasyon sa kasalukuyan. Ang totoo, maaaring malimutan niyaong mga umaasam-asam sa “maliligayang araw ng nakalipas” na ang mga araw na iyon ay batbat din ng mga problema at mga kabagabagan at hindi kailanman naging tunay na kaayaayang buhay. Ang ilang bagay noong nakalipas ay maaaring mas mabuti, subalit malamang na hindi naman ganoon ang iba. Gaya ng sinabi ni Solomon, hindi karunungan na di-makatotohanang bulay-bulayin ang nakaraan, yamang maliwanag na hindi natin maibabalik ang panahon.
Mayroon bang idudulot na anumang pinsala ang paggunita nang may pag-asam sa nakalipas? Oo, kung pipigilin tayo nitong makibagay at umangkop sa kasalukuyan o kung hahadlangan tayo nitong pahalagahan ang panahon na kinabubuhayan natin at ang pag-asa na maaari nating matamasa.
Ang totoo, ngayon ang pinakamainam na panahon upang mabuhay, sa kabila ng dumaraming mga problema sa daigdig. Bakit? Sapagkat malapit na tayo sa katuparan ng layunin ng Diyos hinggil sa ating lupa at ng mga pagpapala ng mapayapang pamamahala ng kaniyang Kaharian. Nangangako ang Bibliya: “Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) Kung magkagayon, yamang mas mabubuti ang kalagayan, wala nang magkakaroon ng dahilan upang asamin ang “maliligayang araw ng nakalipas.”