Ang Iyong Buhay—Ano ang Layunin Nito?
“Aking pinapatnubayan ng karunungan ang aking puso . . . hanggang sa aking makita kung ano ang mabuti sa mga anak ng mga tao . . . sa lahat ng mga araw ng kanilang buhay.”—ECLESIASTES 2:3.
1, 2. Bakit hindi mali na magkaroon ng makatuwirang interes sa sarili?
INTERESADO ka sa sarili mo, hindi ba? Normal lamang iyan. Kaya naman kumakain tayo araw-araw, natutulog kapag napapagod, at nais nating makasama ang mga kaibigan at mga minamahal. Kung minsan tayo ay naglalaro, lumalangoy, o gumagawa ng mga bagay na gustung-gusto natin, anupat masasalamin ang isang timbang na interes sa ating sarili.
2 Ang gayong interes sa sarili ay kasuwato ng ipinasulat ng Diyos kay Solomon: “Walang lalong maigi sa tao kundi ang kumain at uminom nga at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang pinagpagalan.” Batay sa karanasan, sinabi pa ni Solomon: “Ito rin naman ay nakita ko, samakatuwid nga’y ako, na ito’y mula sa kamay ng tunay na Diyos. Sapagkat sino ang hihigit pa sa akin sa pagkain at sa pag-inom?”—Eclesiastes 2:24, 25.
3. Anong nakalilitong mga tanong ang di-masagot ng karamihan?
3 Subalit alam mo na ang buhay ay hindi lamang basta pagkain, pag-inom, pagtulog, at paggawa ng mabuti. Tayo’y nasasaktan, nabibigo, at nababalisa. At waring masyado tayong abala upang pag-isipan ang kahulugan ng ating buhay. Hindi ba ganiyan ang kalagayan mo? Pagkatapos bigyan-pansin ang ating malawak na kaalaman at kasanayan, ganito ang isinulat ni Vermont Royster, dating editor ng The Wall Street Journal: “Narito ang isang kakatwang bagay. Sa pagmumuni-muni tungkol sa tao mismo, sa kaniyang mga suliranin, sa kaniyang dako sa sansinukob na ito, kakaunti lamang ang natutuhan natin mula nang magsimula tayo. Nariyan pa rin ang mga tanong kung sino tayo at kung bakit tayo naririto at kung saan tayo patungo.”
4. Bakit dapat na naisin ng bawat isa sa atin na masagot ang mga tanong na may kinalaman sa atin?
4 Paano mo sasagutin ang mga tanong na: Sino ba tayo? Bakit tayo naririto? At saan tayo patungo? Noong nakaraang Hulyo, namatay si G. Royster. Inaakala mo bang nasumpungan na niya noon ang mga kasiya-siyang sagot? Higit pa rito, May paraan ba upang magawa mo ito? At paano ito makatutulong sa iyo na matamasa ang mas maligaya, mas makabuluhang buhay? Tingnan natin.
Isang Pangunahing Pinagmumulan ng Malalim na Unawa
5. Bakit tayo dapat na bumaling sa Diyos kapag naghahanap ng malalim na unawa hinggil sa mga tanong tungkol sa kahulugan ng buhay?
5 Kung hahanapin natin ang layunin ng buhay sa ganang sarili natin, baka hindi tayo gaanong magtagumpay o talagang hindi tayo magtagumpay, gaya ng nangyayari sa maraming lalaki at babae, maging doon sa may malawak na kaalaman at karanasan. Subalit hindi tayo pinabayaan. Naglaan ng tulong ang ating Maylalang. Kapag pinag-isipan mo ito, hindi ba siya ang sukdulang Pinagmumulan ng malalim na unawa at karunungan, palibhasa’y “mula sa panahong walang-takda hanggang sa panahong walang-takda” at may ganap na kaalaman sa sansinukob at kasaysayan? (Awit 90:1, 2) Nilalang niya ang mga tao at nasaksihan ang buong karanasan ng tao, kaya siya ang Isa na dapat nating balingan ukol sa malalim na unawa, hindi ang di-sakdal na mga tao, na may limitadong kaalaman at kaunawaan.—Awit 14:1-3; Roma 3:10-12.
6. (a) Paano naglalaan ang Maylalang ng kinakailangang malalim na unawa? (b) Paano nasasangkot si Solomon?
6 Samantalang hindi natin maaasahan na ibubulong sa atin ng Maylalang kung ano ang kahulugan ng buhay, naglaan siya ng isang pinagmumulan ng malalim na unawa—ang kaniyang kinasihang Salita. (Awit 32:8; 111:10) Lalo nang kapaki-pakinabang ang aklat ng Eclesiastes hinggil dito. Kinasihan ng Diyos ang manunulat nito, anupat “ang karunungan ni Solomon ay higit na malawak kaysa sa karunungan ng lahat ng taga-Oryente.” (1 Hari 3:6-12; 4:30-34) Gayon na lamang ang paghanga ng isang dumadalaw na reyna sa “karunungan ni Solomon” anupat sinabi niya na ang kalahati ay hindi nasabi sa kaniya at na totoong maligaya yaong mga nakikinig sa kaniyang karunungan.a (1 Hari 10:4-8) Makakamit din naman natin ang malalim na unawa at kaligayahan mula sa banal na karunungan na inilaan ng ating Maylalang sa pamamagitan ni Solomon.
7. (a) Ano ang sinabi ni Solomon tungkol sa karamihan ng gawain sa silong ng langit? (b) Ano ang naglalarawan sa makatotohanang konklusyon ni Solomon?
7 Masasalamin sa Eclesiastes ang bigay-Diyos na karunungan, na nakaimpluwensiya sa puso at isip ni Solomon. Palibhasa’y may panahon, tinatangkilik, at malalim na unawa upang gawin iyon, sinuri ni Solomon ang “lahat na nagawa sa silong ng langit.” Nakita niyang karamihan sa mga ito “ay walang kabuluhan at isang paghabol sa hangin,” na siyang kinasihang konklusyon na dapat nating tandaan kapag pinag-iisipan ang ating layunin sa buhay. (Eclesiastes 1:13, 14, 16) Si Solomon ay naging prangka at makatotohanan. Halimbawa, bulay-bulayin ang kaniyang mga salita na masusumpungan sa Eclesiastes 1:15, 18. Alam ninyo na sa nakalipas na mga siglo ay sinubukan ng mga tao ang iba’t ibang anyo ng pamahalaan, kung minsan ay taimtim na naghahangad na lutasin ang mga suliranin at paunlarin ang buhay ng mga tao. Gayunpaman, mayroon ba talagang nakapagtuwid sa “likong” mga bagay sa di-sakdal na sistemang ito? At maaaring nakita mo na habang lumalawak ang kaalaman ng isang tao, lalo niyang natatanto na sa maikling yugto ng buhay, imposibleng ituwid nang lubusan ang mga bagay-bagay. Ang ganitong kabatiran ay nakasisiphayo sa marami, ngunit hindi naman kailangang gayundin sa atin.
8. Anong mga siklo ang matagal nang umiiral?
8 Ang isa pang bagay na dapat isaalang-alang ay ang paulit-ulit na mga siklo na nakaaapekto sa atin, tulad ng pagsikat at paglubog ng araw o ng galaw ng hangin at tubig. Umiiral na ang mga ito noong mga araw nina Moises, Solomon, Napoléon, at ng ating mga ninuno. At nagpapatuloy ang mga ito. Gayundin naman, “isang salin-ng-lahi ay yumayaon, at isang salin-ng-lahi ang dumarating.” (Eclesiastes 1:4-7) Mula sa pangmalas ng tao, kaunti lamang ang nagbago. Mapagtutulad pa rin ang mga gawain, pag-asa, pangarap, at naisakatuparan ng mga tao noon at ngayon. Kahit na sa gitna ng mga tao, ang ilang indibiduwal ay napabantog o namumukod-tangi sa kagandahan o kakayahan, nasaan ngayon ang taong iyon? Wala na at marahil ay nakalimutan na. Hindi naman nakalulungkot iyan. Maraming tao ang hindi man lamang nakaaalam ng pangalan ng kanilang mga ninuno o makapagsabi kung saan sila isinilang at inilibing. Mauunawaan mo kung bakit makatotohanang nakita ni Solomon na walang kabuluhan ang mga gawain at pagsisikap ng tao.—Eclesiastes 1:9-11.
9. Paano tayo matutulungan ng pagkakaroon ng makatotohanang malalim na unawa hinggil sa kalagayan ng sangkatauhan?
9 Sa halip na makasiphayo sa atin, may positibong epekto ang ganitong mula-sa-Diyos na malalim na unawa tungkol sa talagang kalagayan ng sangkatauhan, anupat pinakikilos tayo na iwasan ang di-nararapat na pagbibigay-halaga sa mga tunguhin o hangarin na di-magtatagal ay mawawala at makalilimutan. Ito’y dapat na tumulong sa atin na suriin kung ano ang nakukuha natin sa buhay at kung ano ang sinisikap nating gawin. Upang ilarawan, sa halip na magkait sa sarili, magagalak tayo sa timbang na pagkain at pag-inom. (Eclesiastes 2:24) At, gaya ng makikita natin, totoong positibo at mabuti ang naging konklusyon ni Solomon. Sa maikli, iyon ay na dapat nating lubhang pahalagahan ang ating kaugnayan sa ating Maylalang, na makatutulong sa atin na magkaroon ng maligaya, at makabuluhang kinabukasan magpakailanman. Idiniin ni Solomon: “Ang wakas ng bagay, pagkatapos na marinig ang lahat, ay: Ikaw ay matakot sa tunay na Diyos at sumunod sa kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—Eclesiastes 12:13.
Layunin Matapos Isaalang-alang ang mga Siklo ng Buhay
10. Paano inihambing ni Solomon ang mga hayop sa mga tao?
10 Ang karunungan ng Diyos na masasalamin sa Eclesiastes ay higit pang makatutulong sa atin sa pagsasaalang-alang ng ating layunin sa buhay. Paano nagkagayon? Sa bagay na makatotohanang nagtuon ng pansin si Solomon sa iba pang katotohanan na maaaring bihira nating pag-isipan. Ang isa ay may kinalaman sa pagkakatulad ng mga tao at mga hayop. Inihalintulad ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod sa mga tupa, gayunma’y karaniwan nang hindi gusto ng mga tao na maihambing sa mga hayop. (Juan 10:11-16) Subalit ibinangon pa rin ni Solomon ang ilang di-maikakailang katotohanan: “Susubukin ng tunay na Diyos [ang mga anak ng mga tao], upang kanilang makita na sila’y mga hayop lamang. Sapagkat ang nangyayari sa mga anak ng tao ay nangyayari sa mga hayop, at pareho ang nangyayari sa kanila. Kung paano namamatay ang isa, gayundin namamatay yaong isa; . . . kaya walang kahigitan ang tao sa hayop, sapagkat lahat ay walang kabuluhan. . . . Silang lahat ay nanggaling sa alabok, at silang lahat ay babalik sa alabok.”—Eclesiastes 3:18-20.
11. (a) Paano mailalarawan ang pangkaraniwang siklo ng buhay ng isang hayop? (b) Ano ang nadarama mo tungkol sa gayong pagsusuri?
11 Isipin ang isang hayop na kinagigiliwan mong pagmasdan, marahil isang daman o isang kuneho. (Deuteronomio 14:7; Awit 104:18; Kawikaan 30:26) O baka maisip mo ang isang tapilak (squirrel); may mahigit sa 300 uri sa buong daigdig. Ano ang siklo ng buhay nito? Pagkatapos na isilang ito, inaalagaan ito ng kaniyang ina sa loob ng ilang linggo. Di-nagtatagal at ito ay nagkakabalahibo at naglalakas-loob nang lumabas. Baka makikita mo itong lumuluksu-lukso habang natututong humanap ng pagkain. Ngunit madalas na waring naglalaro lamang ito, anupat nasisiyahan sa kabataan nito. Pagkatapos lumaki sa loob ng isa o higit pang taon, naghahanap ito ng kapareha. Pagkatapos ay kailangan nitong gumawa ng pugad o lungga at mag-alaga ng mga supling. Kung makasumpong ito ng sapat na mga berry, nuwes, at mga buto, ang pamilyang tapilak ay darami at panahon na upang palakihin ang kanilang tahanan. Ngunit sa loob lamang ng ilang taon, ang hayop ay tumatanda at madaling maaksidente o magkasakit. Sa gulang na mga sampu ay namamatay ito. Bagaman may bahagyang pagkakaiba sa ibang uri ng tapilak, iyan ang siklo ng buhay nito.
12. (a) Sa totoo, bakit ang siklo ng buhay ng maraming tao ay katulad niyaong sa pangkaraniwang hayop? (b) Ano ang maaari nating pag-isipan sa susunod na makakita tayo ng hayop na naiisip natin?
12 Hindi tututol ang maraming tao sa ganiyang siklo para sa isang hayop, at tiyak na hindi nila inaasahang magkaroon ng makatuwirang layunin sa buhay ang isang tapilak. Subalit hindi ba ang buhay ng maraming tao ay hindi naman gaanong naiiba riyan? Sila ay isinisilang at inaaruga bilang mga sanggol. Sila’y kumakain, lumalaki, at naglalaro bilang mga kabataan. Di-nagtatagal at sila’y sumasapit sa hustong gulang, naghahanap ng kabiyak, at naghahanap ng lugar na matitirhan at paraan upang makapaglaan ng pagkain. Kung magtagumpay sila, baka dumami sila at paluluwangin ang kanilang tahanan (pugad) na kung saan palalakihin ang kanilang mga anak. Ngunit madaling lumilipas ang mga dekada, at tumatanda sila. Kung hindi mas maaga, maaaring mamatay sila pagkaraan ng 70 o 80 taóng lipos ng “kabagabagan at nakasasakit na mga bagay.” (Awit 90:9, 10, 12) Baka pag-isipan mo ang seryosong mga bagay na ito sa susunod na makakita ka ng isang tapilak (o iba pang hayop na naiisip mo).
13. Anong kahihinatnan ang napatutunayang totoo kapuwa sa mga hayop at sa mga tao?
13 Mauunawaan mo kung bakit inihambing ni Solomon ang buhay ng mga tao sa buhay ng mga hayop. Sumulat siya: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon, . . . panahon upang isilang at panahon upang mamatay.” Ang huling nangyayari, ang kamatayan, ay pareho sa tao at sa hayop, “kung paano namamatay ang isa, gayundin namamatay yaong isa.” Sinabi pa niya: “Silang lahat ay nanggaling sa alabok, at silang lahat ay babalik sa alabok.”—Eclesiastes 3:1, 2, 19, 20.
14. Paano tinatangka ng ilang tao na baguhin ang karaniwang siklo ng buhay, ngunit ano ang resulta?
14 Hindi naman tayo dapat na masiraan ng loob sa ganitong makatotohanang pagtasa. Totoo, sinusubok ng ilan na baguhin ang situwasyon, tulad ng karagdagang paggawa upang mapaunlad pa ang kanilang materyal na tinatangkilik kaysa sa tinaglay ng kanilang mga magulang. Baka mag-aral pa sila nang mas maraming taon upang makapaglaan ng mas mataas na pamantayan ng pamumuhay, samantalang sinisikap na palawakin ang kanilang kaunawaan sa buhay. O baka magtuon sila ng pansin sa pag-eehersisyo o alituntunin sa pagkain upang maging mas malusog at mas mahaba nang kaunti ang buhay. At maaaring magdulot ng kapakinabangan ang mga pagsisikap na ito. Ngunit sino ang makatitiyak na magtatagumpay ang gayong mga pagsisikap? Magkagayunman, hanggang kailan?
15. Anong tahasang pagtasa tungkol sa buhay ng maraming tao ang makatuwiran naman?
15 Nagtanong si Solomon: “Dahil sa maraming bagay ang walang kabuluhan, ano ang kahigitan ng tao? Sapagkat sino ang nakaaalam kung ano ang mabuti sa tao sa kaniyang buhay sa lahat ng mga araw ng kaniyang walang-kabuluhang buhay, na ginugugol niya ang mga ito tulad ng isang anino? Sapagkat sino ang makapagsasabi sa tao kung ano ang mangyayari pagkamatay niya?” (Eclesiastes 6:11, 12) Yamang agad na winawakasan ng kamatayan ang pagsisikap ng isang tao, talaga nga bang may pakinabang sa pagsusumakit na magkamit ng higit pang materyal na bagay o sa pag-aaral nang mahabang panahon pangunahin na upang magkaroon ng mas maraming pag-aari? At yamang napakaikli ng buhay, anupat dumaraang parang anino, nauunawaan ng marami na wala nang panahon upang ibaling ang mga pagsisikap sa isa pang tunguhin ng tao kapag nadarama nila ang kabiguan; ni makatitiyak man ang isang tao kung ano ang mangyayari sa kaniyang mga anak “pagkamatay niya.”
Panahon Upang Gumawa ng Mabuting Pangalan
16. (a) Ano ang dapat nating gawin na hindi magagawa ng mga hayop? (b) Ano pang katotohanan ang dapat na makaimpluwensiya sa ating pag-iisip?
16 Di-tulad ng mga hayop, tayong mga tao ay may kakayahang magmuni-muni, ‘Ano ang kahulugan ng aking pag-iral? Ito ba ay isa lamang takdang siklo, na may panahon upang isilang at panahon upang mamatay?’ Hinggil dito, alalahanin ang katotohanan sa mga salita ni Solomon tungkol sa tao at sa hayop: “Silang lahat ay babalik sa alabok.” Nangangahulugan ba ito na lubusang winawakasan ng kamatayan ang pag-iral ng isa? Buweno, ipinakikita ng Bibliya na ang mga tao ay hindi nagtataglay ng isang imortal na kaluluwa na humihiwalay sa katawan. Ang mga tao ay kaluluwa, at ang kaluluwa na nagkakasala ay namamatay. (Ezekiel 18:4, 20) Ipinaliwanag ni Solomon: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang anuman, ni mayroon pa man silang kagantihan, sapagkat ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Anumang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo nang buong lakas, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, na iyong pinaroroonan.”—Eclesiastes 9:5, 10.
17. Ang Eclesiastes 7:1, 2 ay dapat na mag-udyok sa atin na pag-isipan ang ano?
17 Dahil sa di-maiiwasang katotohanang ito, pag-isipan ang pangungusap na ito: “Ang pangalan ay mas maigi kaysa sa mainam na langis, at ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng pagsilang. Mas mabuti na pumunta sa bahay ng pagluluksa kaysa sa pumunta sa bahay na may piging, sapagkat iyan ang wakas ng buong sangkatauhan; at dapat itong isapuso ng taong nabubuhay.” (Eclesiastes 7:1, 2) Dapat tayong sumang-ayon na ang kamatayan ang siyang “wakas ng buong sangkatauhan.” Walang sinumang tao ang nakainom ng anumang eliksir, nakakain ng anumang timpla ng bitamina, nakasunod sa anumang alituntunin sa pagkain, o nakapag-ehersisyo na humantong sa buhay na walang-hanggan. At karaniwan nang “ang alaala sa kanila ay nakalimutan” di-nagtagal pagkamatay nila. Kaya bakit ang isang pangalan ay “mas maigi kaysa mainam na langis, at ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng pagsilang”?
18. Bakit tayo makatitiyak na si Solomon ay naniwala sa pagkabuhay-muli?
18 Gaya ng binanggit, naging makatotohanan si Solomon. Batid niya ang tungkol sa kaniyang mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob, na tiyak na nakagawa ng mabuting pangalan sa ating Maylalang. Palibhasa’y kilalang-kilala si Abraham, ipinangako ng Diyos na Jehova na pagpapalain siya at ang kaniyang binhi. (Genesis 18:18, 19; 22:17) Oo, si Abraham ay may mabuting pangalan sa Diyos, anupat naging kaniyang kaibigan. (2 Cronica 20:7; Isaias 41:8; Santiago 2:23) Alam ni Abraham na ang kaniyang buhay at ang buhay ng kaniyang anak ay hindi bahagi lamang ng isang walang-katapusang siklo ng pagsilang at kamatayan. Tiyak na hindi ito hanggang doon na lamang. Mayroon silang tiyak na pag-asa na mabuhay muli, hindi dahil sa taglay nila ang isang imortal na kaluluwa, kundi dahil sa bubuhayin silang muli. Kumbinsido si Abraham na “magagawa ng Diyos na ibangon [si Isaac] kahit mula sa mga patay.”—Hebreo 11:17-19.
19. Anong malalim na unawa ang makukuha natin mula kay Job tungkol sa kahulugan ng Eclesiastes 7:1?
19 Iyan ang susi sa pag-unawa kung paanong “ang pangalan ay mas maigi kaysa sa mainam na langis, at ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng pagsilang.” Gaya ni Job na nauna sa kaniya, kumbinsido si Solomon na ang Isa na lumalang sa buhay ng tao ay makapagsasauli nito. Mabubuhay niyang muli ang mga taong namatay. (Job 14:7-14) Sinabi ng tapat na si Job: “Ikaw [Jehova] ay tatawag, at ako mismo ay sasagot sa iyo. Ikaw ay magnanasa sa gawa ng iyong mga kamay.” (Job 14:15) Isipin iyan! Ang ating Maylalang ay “magnanasa” para sa kaniyang matapat na mga lingkod na namatay. (“Nanaisin mong makitang minsan pa ang gawa ng iyong mga kamay.”—The Jerusalem Bible.) Sa pagkakapit ng haing pantubos ni Jesu-Kristo, ang mga tao ay maaaring buhaying-muli ng Maylalang. (Juan 3:16; Gawa 24:15) Maliwanag, maaaring maging iba ang mga tao mula sa hamak na mga hayop na namamatay.
20. (a) Kailan nagiging mas maigi ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng pagsilang? (b) Paano tiyak na nakaapekto sa marami ang pagkabuhay-muli ni Lazaro?
20 Nangangahulugan ito na ang araw ng kamatayan ay magiging mas maigi kaysa sa araw ng pagsilang, kung sa panahong iyon ang isa ay nakagawa na ng isang mabuting pangalan kay Jehova, na maaaring bumuhay muli sa mga tapat na namatay. Pinatunayan iyan ng Lalong Dakilang Solomon, si Jesu-Kristo. Halimbawa, binuhay muli niya ang tapat na si Lazaro. (Lucas 11:31; Juan 11:1-44) Gaya ng maiisip mo, marami sa mga nakasaksi sa pagkabuhay-muli ni Lazaro ay lubhang naantig, anupat nanampalataya sa Anak ng Diyos. (Juan 11:45) Sa palagay mo kaya ay nadama nilang walang layunin ang buhay, anupat walang kamalay-malay kung sino sila at saan sila patungo? Sa kabaligtaran, nauunawaan nila na hindi sila kailangang maging tulad lamang ng mga hayop na isinisilang, nabubuhay nang ilang panahon, at saka namamatay. Ang kanilang layunin sa buhay ay tuwiran at may malapit na kaugnayan sa pagkakilala sa Ama ni Jesus at sa paggawa ng Kaniyang kalooban. Kumusta ka naman? Nakatulong ba sa iyo ang pagtalakay na ito na makita, o makita nang mas malinaw, kung paanong ang iyong buhay ay maaari at nararapat na magkaroon ng tunay na layunin?
21. Anong pitak ng pagtuklas sa kahulugan ng ating buhay ang ibig pa nating suriin?
21 Gayunman, higit pa ang kahulugan ng pagkakaroon ng tunay at makabuluhang layunin sa buhay kaysa sa pag-iisip lamang tungkol sa kamatayan at pagkabuhay muli pagkatapos. Kasangkot dito ang ginagawa natin sa ating buhay sa araw-araw. Niliwanag din iyan ni Solomon sa Eclesiastes, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a “Idiniriin ng salaysay tungkol sa Reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon, at ang kuwento ay malimit na tawaging isang alamat (1 Hari. 10:1-13). Ngunit ipinakikita ng konteksto na ang kaniyang pagdalaw kay Solomon ay talagang may kinalaman sa pangangalakal at sa gayo’y makatuwiran; hindi kailangang pag-aalinlanganan ang pagiging makasaysayan nito.”—The International Standard Bible Encyclopedia (1988), Tomo IV, pahina 567.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Sa anu-anong paraan mapagtutulad ang mga hayop at ang mga tao?
◻ Bakit idiniriin ng kamatayan na walang-kabuluhan ang karamihan sa pagsisikap at gawain ng mga tao?
◻ Paanong mas maigi ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng pagsilang?
◻ Sa anong kaugnayan nakasalalay ang pagkakaroon natin ng makabuluhang layunin sa buhay?
[Mga larawan sa pahina 10]
Paano lubhang naiiba ang iyong buhay kaysa sa buhay ng mga hayop?