Bagaman Nagdadalamhati, Hindi Tayo Nawawalan ng Pag-asa
“Hindi namin ibig na kayo ay walang-alam may kinalaman sa mga natutulog sa kamatayan; upang hindi kayo malumbay gaya rin ng iba na walang pag-asa.”—1 TESALONICA 4:13.
1. Ano ang patuloy na nararanasan ng sangkatauhan?
NAMATAYAN ka na ba ng isang minamahal? Anuman ang edad, karamihan sa atin ay nakaranas na ng kalungkutan dahil sa pagkamatay ng isang kamag-anak o isang kaibigan. Marahil iyon ay isang nuno, magulang, kabiyak, o isang anak. Ang katandaan, pagkakasakit, at mga aksidente ang karaniwan nang sanhi ng kamatayan. Nakadaragdag pa sa kahapisan at pagdadalamhati ang mga krimen, karahasan, at digmaan. Taun-taon sa buong daigdig, humigit-kumulang sa 50 milyong katao ang namamatay. Ang katamtamang bilang sa araw-araw noong 1993 ay 140,250. Ang pinsala ng kamatayan ay nakaaapekto sa mga kaibigan at pamilya, at napakasakit ang pangungulila.
2. Ano ang waring di-likas hinggil sa pagkamatay ng mga anak?
2 Hindi ba tayo makadarama ng habag sa mga magulang sa California, E.U.A., na nawalan ng isang nagdadalang-taong anak na babae sa isang kalunus-lunos at di-pangkaraniwang aksidente sa sasakyan? Sa isang saglit, namatay ang kanilang kaisa-isang anak na babae at ang sanggol na sana’y magiging unang apo nila. Ang asawa ng biktima ay nawalan ng kabiyak at ng kaniyang panganay na anak na lalaki o babae. Waring di-likas para sa mga magulang na magdusa sa kamatayan ng isang anak, maging ito man ay bata o mas matanda. Hindi karaniwan para sa mga anak na mauna pang mamatay kaysa sa kanilang mga magulang. Lahat tayo ay may ibig ng buhay. Samakatuwid, ang kamatayan ay tunay ngang isang kaaway.—1 Corinto 15:26.
Pumasok ang Kamatayan sa Pamilya ng Tao
3. Papaano marahil nakaapekto kina Adan at Eva ang pagkamatay ni Abel?
3 Ang kasalanan at kamatayan ay naghari na sa loob ng anim na libong taon ng kasaysayan ng tao, sapol nang maghimagsik ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eva. (Roma 5:14; 6:12, 23) Hindi sinasabi sa atin ng Bibliya kung ano ang kanilang naging reaksiyon nang patayin ang kanilang anak na si Abel ng kaniyang kapatid na si Cain. Sa maraming kadahilanan, tiyak na iyon ay isang nakapanlulumong karanasan para sa kanila. Narito, sa unang pagkakataon, sa harap nila ang katunayan ng kamatayan, na masasalamin sa mukha ng kanilang sariling anak. Nakita nila ang bunga ng kanilang paghihimagsik at ng kanilang patuloy na maling paggamit ng malayang kalooban. Pinili naman ni Cain na gawin ang kauna-unahang pagpaslang sa sariling kapatid, sa kabila ng mga babala buhat sa Diyos. Alam natin na si Eva ay lubhang naapektuhan ng pagkamatay ni Abel sapagkat nang kaniyang isilang si Set, sinabi niya: “Ang Diyos ay nagtalaga ng isa pang binhi na kahalili ni Abel, sapagkat pinatay siya ni Cain.”—Genesis 4:3-8, 25.
4. Bakit hindi maaaring isang kaaliwan pagkamatay ni Abel ang alamat tungkol sa walang-kamatayang kaluluwa?
4 Nakita rin ng ating unang mga magulang ang katunayan ng hatol ng Diyos sa kanila—na kung sila’y maghimagsik at maging masuwayin, sila’y “tiyak na mamamatay.” Sa kabila ng kasinungalingan ni Satanas, waring hindi pa nabubuo ang alamat tungkol sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, kaya hindi sila maaaring makakuha ng anumang di-umano’y kaaliwan buhat dito. Sinabi ng Diyos kay Adan: ‘Ikaw ay . . . mauuwi sa lupa, sapagkat diyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.’ Hindi siya bumanggit ng isang pag-iral sa hinaharap bilang isang walang-kamatayang kaluluwa sa langit, impiyerno, Limbo, purgatoryo, o saanman. (Genesis 2:17; 3:4, 5, 19) Bilang mga kaluluwang buháy na nagkasala, sa bandang huli ay mamamatay sina Adan at Eva at hindi na iiral. Si Haring Solomon ay kinasihang sumulat: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit kung para sa mga patay, sila’y walang kamalayan sa anuman, ni mayroon pa man silang kagantihan, sapagkat ang alaala sa kanila ay nakalimutan. At, ang kanilang pag-ibig at kanilang poot at kanilang paninibugho ay naparam na, at wala na silang bahagi magpakailanman sa anuman na kailangang gawin sa ilalim ng araw.”—Eclesiastes 9:5, 6.
5. Ano ang tunay na pag-asa para sa mga namatay?
5 Totoong-totoo nga ang mga salitang ito! Talaga naman, sino kaya ang nakaaalaala pa sa mga ninuno noong dalawang daan o tatlong daang taon na ang nakalipas? Malimit na hindi alam o matagal nang napabayaan maging ang kanilang mga libingan. Nangangahulugan ba ito na wala nang pag-asa para sa ating namatay na mga minamahal? Hindi, hindi naman. Ganito ang sabi ni Marta kay Jesus tungkol sa kaniyang namatay na kapatid na si Lazaro: “Alam ko na siya ay babangon sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” (Juan 11:24) Naniniwala ang mga Hebreo na bubuhaying muli ng Diyos ang mga patay sa isang panahon sa hinaharap. Gayunman, hindi iyan nakapigil sa kanila na magdalamhati sa pagkamatay ng isang minamahal.—Job 14:13.
Mga Taong Tapat na Nagdalamhati
6, 7. Papaano kumilos sina Abraham at Jacob tungkol sa kamatayan?
6 Halos apat na libong taon na ang nakalipas, nang mamatay ang asawa ni Abraham na si Sara, “naparoon si Abraham na humahagulgol dahil kay Sara at tumatangis sa kaniya.” Ang tapat na lingkod na iyan ng Diyos ay nagpamalas ng kaniyang matinding pangungulila dahil sa pagkamatay ng kaniyang minamahal at tapat na kabiyak. Bagaman siya ay kilala bilang isang matapang at malakas na lalaki, hindi siya nahiyang lumuha upang ipahayag ang kaniyang pagdadalamhati.—Genesis 14:11-16; 23:1, 2.
7 Nahahawig ang nangyari kay Jacob. Nang siya’y linlangin na maniwalang napatay ng isang mabangis na hayop ang kaniyang anak na si Jose, papaano siya kumilos? Mababasa natin sa Genesis 37:34, 35: “Hinapak ni Jacob ang kaniyang kasuutan at nagsuot ng telang-sako sa kaniyang mga balakang at maraming araw na tinangisan ang kaniyang anak. At nagsitindig ang lahat ng kaniyang anak na lalaki at babae upang siya’y aliwin, datapuwa’t tumanggi siyang maaliw at kaniyang sinabi: ‘Sapagkat lulusong akong nagdadalamhati sa aking anak sa Sheol!’ At ang kaniyang ama ay patuloy na tumangis para sa kaniya.” Oo, likas lamang sa tao na magdalamhati kapag namatay ang isang minamahal.
8. Papaano madalas na ipinahahayag ng mga Hebreo ang kanilang pagdadalamhati?
8 Maaaring isipin ng iba na kung ihahambing sa moderno o lokal na mga kaugalian, ang pagkilos ni Jacob ay isang kalabisan at dramatiko. Subalit siya ay nabuhay sa ibang panahon at kultura. Ang kaniyang pagdadalamhati—nang siya’y magsuot ng telang-sako—ang kauna-unahang pagbanggit sa kaugaliang ito sa Bibliya. Gayunman, gaya ng inilalarawan sa Hebreong Kasulatan, ang pagdadalamhati ay naipahahayag din sa pamamagitan ng paghagulgol, pagkatha ng mga panambitan, at pag-upo sa mga abo. Maliwanag na binibigyang-daan ng mga Hebreo ang kanilang tunay na mga kapahayagan ng pagdadalamhati.a—Ezekiel 27:30-32; Amos 8:10.
Pagdadalamhati Noong Panahon ni Jesus
9, 10. (a) Papaano kumilos si Jesus sa pagkamatay ni Lazaro? (b) Ang ikinilos ni Jesus ay nagsasabi sa atin ng ano tungkol sa kaniya?
9 Ano naman ang masasabi natin tungkol sa mga unang alagad ni Jesus? Halimbawa, nang mamatay si Lazaro, ipinagdalamhati ng kaniyang mga kapatid na sina Marta at Maria ang kaniyang pagkamatay taglay ang mga luha at pagtangis. Ano ang naging reaksiyon ng sakdal na taong si Jesus nang siya’y dumating? Ganito ang sabi ng salaysay ni Juan: “Si Maria, nang siya ay dumating sa kinaroroonan ni Jesus at makita siya, ay sumubsob sa paanan niya, na sinasabi sa kaniya: ‘Panginoon, kung narito ka, ang aking kapatid ay hindi sana namatay.’ Sa gayon, si Jesus, nang kaniyang makita siya na tumatangis at ang mga Judio na sumama sa kaniya na tumatangis, ay dumaing sa espiritu at nabagabag; at sinabi niya: ‘Saan ninyo siya inilagay?’ Sinabi nila sa kaniya: ‘Panginoon, halika at tingnan mo.’ Si Jesus ay lumuha.”—Juan 11:32-35.
10 “Si Jesus ay lumuha.” Ang iilang salitang ito ay may malaking ipinahihiwatig tungkol sa pagiging tao ni Jesus, sa kaniyang pagkamadamayin, sa kaniyang damdamin. Bagaman lubusang nababatid ang pag-asa na pagkabuhay-muli, “tumangis si Jesus.” (Juan 11:35, King James Version) Nagpatuloy ang ulat sa pagsasabi na ang mga nagmamasid ay nagkomento: “Tingnan ninyo, kung anong pagmamahal mayroon siya para [kay Lazaro]!” Walang alinlangan, kung si Jesus na taong sakdal ay lumuha sa pagkamatay ng isang kaibigan, hindi nga isang kahihiyan kung ang isang lalaki o babae ay magdalamhati o lumuha man sa ngayon.—Juan 11:36.
Anong Pag-asa Para sa mga Patay?
11. (a) Ano ang matututuhan natin buhat sa mga halimbawa sa Bibliya may kinalaman sa pagdadalamhati? (b) Bakit hindi tayo nagdadalamhati na gaya niyaong mga walang pag-asa?
11 Ano ang matututuhan natin buhat sa mga halimbawang ito sa Bibliya? Na likas sa tao ang magdalamhati at hindi tayo dapat na mahiyang ipahayag ang ating pagdadalamhati. Kahit na napaglulubag tayo ng pag-asa na pagkabuhay-muli, ang hapdi ng pangungulila sa pagkamatay ng isang minamahal ay nadarama pa rin. Ang mga taon, marahil mga dekada pa nga, ng matalik na ugnayan at pagsasamahan ay biglang nagwakas sa nakapanlulumong paraan. Totoo, hindi tayo nagdadalamhati na gaya niyaong mga walang pag-asa o gaya niyaong may maling pag-asa. (1 Tesalonica 4:13) Gayundin, hindi tayo naililigaw ng anumang mga alamat na ang tao’y nagtataglay ng isang kaluluwang walang-kamatayan o patuloy na umiiral sa pamamagitan ng reinkarnasyon. Batid natin na si Jehova ay nangako ng ‘bagong mga langit at isang bagong lupa na tatahanan ng katuwiran.’ (2 Pedro 3:13) “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa [ating] mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.
12. Papaano ipinahayag ni Pablo ang kaniyang pananampalataya sa pagkabuhay-muli?
12 Ano ang pag-asa niyaong nangamatay na?b Kinasihan ang Kristiyanong manunulat na si Pablo upang bigyan tayo ng kaaliwan at pag-asa nang kaniyang isulat: “Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay dadalhin sa wala.” (1 Corinto 15:26) Ganito ang sabi sa The New English Bible: “Ang huling kaaway na papawiin ay ang kamatayan.” Bakit tiyak na tiyak ito ni Pablo? Sapagkat siya’y nakumberte at tinuruan ng isa na ibinangon mula sa mga patay, si Jesu-Kristo. (Gawa 9:3-19) Iyan din ang dahilan kung bakit naipahayag ni Pablo: “Yamang ang kamatayan ay sa pamamagitan ng isang tao [si Adan], ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay sa pamamagitan din ng isang tao [si Jesus]. Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.”—1 Corinto 15:21, 22.
13. Papaano tumugon ang mga nakamasid sa pagkabuhay-muli ni Lazaro?
13 Ang turo ni Jesus ay nagbibigay sa atin ng malaking kaaliwan at pag-asa para sa hinaharap. Halimbawa, ano ba ang ginawa niya sa kaso ni Lazaro? Naparoon siya sa libingan kung saan apat na araw nang nakalagay ang bangkay ni Lazaro. Siya’y umusal ng isang panalangin, “at nang masabi na niya ang mga bagay na ito, siya ay sumigaw sa malakas na tinig: ‘Lazaro, lumabas ka!’ Ang tao na namatay ay lumabas na ang kaniyang mga paa at mga kamay ay nagagapusan ng mga pambalot, at ang kaniyang mukha ay nababalutan ng tela. Sinabi ni Jesus sa kanila: ‘Kalagan ninyo siya at hayaan siyang makalaya.’ ” Maguguniguni mo kaya ang pagkabigla at kagalakan sa mga mukha nina Marta at Maria? Gayon na lamang ang pagkamangha ng mga kapitbahay nang makita nila ang himalang ito! Hindi kataka-taka na maraming nakamasid ang sumampalataya kay Jesus. Gayunman, ang kaniyang relihiyosong mga kaaway ay ‘nagsangguniang patayin siya.’—Juan 11:41-53.
14. Pahiwatig ng ano ang pagkabuhay-muli ni Lazaro?
14 Isinagawa ni Jesus ang gayong di-malilimutang pagbuhay-muli sa harap ng maraming saksi. Iyon ay isang pahiwatig ng pagkabuhay-muli sa hinaharap na inihula niya sa isang naunang okasyon, nang sabihin niya: “Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig [ng Anak ng Diyos] at lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong mga nagsagawa ng buktot na mga bagay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.”—Juan 5:28, 29.
15. Anong patotoo ang taglay nina Pablo at Ananias sa pagkabuhay-muli ni Jesus?
15 Gaya ng nabanggit na, naniwala si apostol Pablo sa pagkabuhay-muli. Salig sa ano? Siya ang dating ubod-samang si Saulo, mang-uusig sa mga Kristiyano. Ang kaniyang pangalan at reputasyon ay naghasik ng takot sa mga mananampalataya. Sa katunayan, hindi ba siya ang sumang-ayon na batuhin hanggang sa mamatay ang Kristiyanong martir na si Esteban? (Gawa 8:1; 9:1, 2, 26) Subalit, sa daan patungo sa Damasco, natauhan si Saulo nang siya’y pansamantalang bulagin ng binuhay-muling si Kristo. Narinig ni Saulo ang isang tinig na nagsabi sa kaniya: “ ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?’ Sinabi niya: ‘Sino ka, Panginoon?’ Sinabi niya: ‘Ako si Jesus, na iyong pinag-uusig.’ ” Pagkatapos ang Kristo ring iyon na binuhay-muli ang nag-utos kay Ananias, na nakatira sa Damasco, upang pumaroon sa bahay kung saan nananalangin si Saulo at ibalik ang kaniyang paningin. Kaya, buhat sa sariling karanasan, kapuwa sina Saulo at Ananias ay may lahat ng dahilan na maniwala sa pagkabuhay-muli.—Gawa 9:4, 5, 10-12.
16, 17. (a) Papaano natin nalalaman na hindi naniwala si Pablo sa Griegong idea na likas na pagkawalang-kamatayan ng kaluluwang tao? (b) Anong matatag na pag-asa ang ibinibigay ng Bibliya? (Hebreo 6:17-20)
16 Pansinin kung papaanong si Saulo, ang apostol na si Pablo, ay sumagot nang, bilang isang inuusig na Kristiyano, siya’y dalhin sa harap ni Gobernador Felix. Mababasa natin sa Gawa 24:15: “May pag-asa ako sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” Maliwanag, hindi naniwala si Pablo sa paganong Griegong idea na likas na pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, na ipinalalagay na lumipat tungo sa isang makaalamat na kabilang-buhay o daigdig ng mga patay. Pinaniwalaan niya at itinuro ang pananampalataya sa pagkabuhay-muli. Para sa ilan ay mangangahulugan iyan ng walang-kamatayang buhay bilang mga espiritung nilikha sa langit kasama ni Kristo at para sa karamihan naman ay pagbabalik sa buhay sa isang sakdal na lupa.—Lucas 23:43; 1 Corinto 15:20-22, 53, 54; Apocalipsis 7:4, 9, 17; 14:1, 3.
17 Samakatuwid ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng isang malinaw na pangako at matatag na pag-asa na sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, muling makikita ng marami ang kanilang mga minamahal dito sa lupa subalit sa ilalim ng totoong naiibang mga kalagayan.—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4.
Praktikal na Tulong Para sa mga Nagdadalamhati
18. (a) Anong mahalagang kasangkapan ang inilabas sa “Maka-Diyos na Takot” na mga Kombensiyon? (Tingnan ang kahon.) (b) Anong mga tanong ngayon ang kailangang sagutin?
18 Ngayon ay taglay natin ang mga alaala at ang ating dalamhati. Ano ang magagawa natin upang matiis ang mahirap na panahong ito ng pangungulila? Ano ang magagawa ng iba upang matulungan yaong mga nagdadalamhati? Bukod dito, ano ang magagawa natin upang matulungan ang mga taimtim na taong walang taglay na anumang tunay na pag-asa at nagdadalamhati rin na natatagpuan natin sa ating ministeryo sa larangan? At anong karagdagang kaaliwan ang matatamo natin buhat sa Bibliya hinggil sa ating mga minamahal na natulog na sa kamatayan? Ang susunod na artikulo ay magbibigay ng ilang mungkahi.
[Mga talababa]
a Para sa higit pang impormasyon hinggil sa pagdadalamhati noong panahon ng Bibliya, tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 446-7, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pag-asang pagkabuhay-muli na nasa Bibliya, tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 783-93.
Masasagot Mo Ba?
◻ Bakit masasabi na ang kamatayan ay isang kaaway?
◻ Papaano ipinahayag ng mga lingkod ng Diyos noong panahon ng Bibliya ang kanilang pagdadalamhati?
◻ Anong pag-asa mayroon para sa nangamatay na minamahal?
◻ Anong batayan ang taglay ni Pablo upang maniwala sa pagkabuhay-muli?
[Kahon sa pahina 8, 9]
Praktikal na Tulong Para sa mga Nagdadalamhati
Sa “Maka-Diyos na Takot” na mga Kombensiyon nitong 1994-95, ipinatalastas ng Samahang Watch Tower ang paglalabas ng bagong brosyur na pinamagatang Kapag Namatay ang Iyong Minamahal. Ang nakapagpapatibay-loob na publikasyong ito ay dinisenyo upang aliwin ang mga tao mula sa lahat ng bansa at mga wika. Gaya ng malamang ay nakita mo na, inihaharap nito ang simpleng paliwanag ng Bibliya tungkol sa kamatayan at sa kalagayan ng mga patay. Higit sa lahat, itinatampok nito ang pangako ng Diyos, sa pamamagitan ni Kristo Jesus, na isang pagkabuhay-muli sa isang nilinis na paraisong lupa. Tunay na nakaaaliw ito para sa mga nagdadalamhati. Kaya naman, ito ay dapat na maging isang mahalagang kasangkapan sa Kristiyanong ministeryo at nararapat na gamitin upang pumukaw ng interes, anupat nagbubunga ng marami pang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ang mga tanong para sa pag-aaral ay maingat na inilagay sa mga kahon sa bandang katapusan ng bawat seksiyon upang madaling marepaso ang mga puntong tinalakay kasama ng isang taimtim, nagdadalamhating tao.
[Larawan sa pahina 8]
Nang mamatay si Lazaro, tumangis si Jesus
[Larawan sa pahina 9]
Ibinangon ni Jesus si Lazaro mula sa mga patay
[Picture Credit Line sa pahina 7]
First Mourning, ni W. Bouquereau, orihinal na glass plate sa Photo-Drama of Creation, 1914