Mga Kabataan, Purihin si Jehova!
“Purihin ninyo si Jehova mula sa lupa, . . . kayong mga binata at kayo ring mga dalaga.”—AWIT 148:7, 12.
1, 2. (a) Anu-anong uri ng pagbabawal ang alam ng maraming kabataan? (b) Bakit hindi kailangang ipaghinanakit ng mga kabataan ang mga pagbabawal sa kanila ng mga magulang nila?
KADALASAN, alam na alam ng mga kabataan kung ano ang hindi pa ipinahihintulot na gawin nila. Agad na masasabi sa iyo ng marami sa kanila kung ano ang dapat na edad nila bago sila pahintulutang tumawid nang mag-isa sa kalye o magkaroon ng kalayaang magtakda ng sariling oras ng pagtulog sa gabi o magmaneho ng kotse. Kung minsan, maaaring madama ng isang kabataan na napakarami sa kaniyang mga pinakahihiling ang palaging sinasagot nang ganito, “Kapag malaki ka na.”
2 Alam ninyong mga kabataan na nadarama ng inyong mga magulang na isang katalinuhan na gumawa ng gayong mga paghihigpit, marahil para sa inyong proteksiyon. Tiyak na alam din ninyo na nalulugod si Jehova kapag sinusunod ninyo ang inyong mga magulang. (Colosas 3:20) Subalit nadarama ba ninyo na para bang hindi pa talaga nagsisimula ang inyong buhay? Bawal ba ang lahat ng mahahalagang bagay hangga’t hindi pa kayo lumalaki? Hinding-hindi ito totoo! May isang gawaing isinasakatuparan ngayon na lubhang mas mahalaga kaysa sa alinmang pribilehiyo na maaaring hinihintay ninyo. Pinahihintulutan ba kayong mga kabataan na sumali sa gawaing ito? Hindi lamang kayo pinahihintulutan—inaanyayahan pa nga kayo ng mismong Kataas-taasang Diyos na gawin iyon!
3. Inaanyayahan ni Jehova ang mga kabataan na magkaroon ng anong pribilehiyo, at anu-anong katanungan ang isasaalang-alang natin ngayon?
3 Anong gawain ang tinutukoy natin? Pansinin ang mga salita sa ating pinakatemang teksto para sa artikulong ito: “Purihin ninyo si Jehova mula sa lupa, . . . kayong mga binata at kayo ring mga dalaga, kayong matatandang lalaki pati na ang mga batang lalaki.” (Awit 148:7, 12) Iyan ang inyong dakilang pribilehiyo: Maaari ninyong purihin si Jehova. Bilang isang kabataan, nananabik ka bang makibahagi sa gawaing iyan? Marami ang nananabik. Upang maunawaan kung bakit dapat madama ang gayon, isaalang-alang natin ang tatlong katanungan. Una, bakit ninyo dapat purihin si Jehova? Ikalawa, paano ninyo siya mabisang mapupuri? Ikatlo, kailan ang pinakamainam na panahon upang simulang purihin si Jehova?
Bakit Pupurihin si Jehova?
4, 5. (a) Ayon sa ika-148 Awit, tayo ay nasa anong kahanga-hangang situwasyon? (b) Paano nakapupuri kay Jehova ang mga nilalang na hindi nakapagsasalita ni nakapangangatuwiran man?
4 Ang isang namumukod-tanging dahilan ng pagpuri kay Jehova ay sapagkat siya ang Maylalang. Tinutulungan tayo ng ika-148 Awit na magtuon ng pansin sa katotohanang ito. Gunigunihin ito: Kung papalapit ka sa isang malaking grupo ng mga tao na nagkakaisang umaawit ng isang maganda at madamdaming awitin, ano ang madarama mo? Paano kung ang mga liriko ng awitin ay mga salitang alam mong totoo, anupat nagpapahayag ng mga kaisipan na alam mong mahalaga, nakagagalak, at nakapagpapatibay? Hahangarin mo kayang matutuhan ang mga salita at makisali sa pag-awit? Gayon nga ang gagawin ng karamihan sa atin. Buweno, ipinakikita ng ika-148 Awit na ikaw ay nasa isang nakakahawig na situwasyon ngunit di-hamak na kahanga-hanga. Inilalarawan ng awit na iyon ang isang napakalaking pulutong na pawang nagkakaisa sa pagpuri kay Jehova. Subalit habang binabasa mo ang awit, mapapansin mo ang isang bagay na di-pangkaraniwan. Ano iyon?
5 Ang marami sa mga tagapuri na inilarawan sa Awit 148 ay hindi nakapagsasalita ni nakapangangatuwiran man. Halimbawa, mababasa natin na ang araw, buwan, mga bituin, niyebe, hangin, mga bundok, at mga burol ay pumupuri kay Jehova. Paano ito magagawa ng walang-buhay na mga nilalang na ito? (Aw 148 Talata 3, 8, 9) Tiyak na kagaya ng pagpuri ng mga punungkahoy, mga nilalang sa dagat, at mga hayop. (Aw 148 Talata 7, 9, 10) Napagmasdan mo na ba ang magandang paglubog ng araw o napatingala ka na ba sa kabilugan ng buwan habang dumaraan ito sa mabituing kalangitan o napatawa ka na ba sa nakatutuwang paglalaro ng mga hayop o namangha ka na ba sa isang napakagandang tanawin? Kung gayon, “narinig” mo na ang awit ng papuri mula sa sangnilalang. Ang lahat ng ginawa ni Jehova ay nagpapaalaala sa atin na siya ang Maylalang na makapangyarihan-sa-lahat, na wala nang iba pa sa buong sansinukob na napakamakapangyarihan, napakarunong, o napakamaibigin.—Roma 1:20; Apocalipsis 4:11.
6, 7. (a) Anong matatalinong nilalang ang inilalarawan ng ika-148 Awit na pumupuri kay Jehova? (b) Bakit tayo dapat maudyukang pumuri kay Jehova? Ilarawan.
6 Inilalarawan din ng ika-148 Awit 148 ang matatalinong nilalang na pumupuri kay Jehova. Sa Aw 148 talata 2, masusumpungan nating pumupuri sa Diyos ang makalangit na “hukbo,” ang mga anghel, ni Jehova. Sa Aw 148 talata 11, inaanyayahang sumali sa pagpuri ang makapangyarihan at maimpluwensiyang mga tao, tulad ng mga hari at mga hukom. Kung nalulugod ang makapangyarihang mga anghel sa pagpuri kay Jehova, ano ang maikakatuwiran ng hamak na tao upang sabihing napakahalaga niya para pumuri kay Jehova? Pagkatapos, sa Aw 148 talata 12 at 13, inaanyayahan kayong mga kabataan na sumali rin sa pagpuri kay Jehova. Nauudyukan ba kayong naisin na gawin iyon?
7 Isaalang-alang ang isang ilustrasyon. Kung may matalik kang kaibigan na may kahanga-hangang kasanayan—marahil sa isport, sining, o musika—ikukuwento mo ba siya sa iyong pamilya at sa iba mo pang mga kaibigan? Tiyak na ikukuwento mo. Buweno, gayundin ang epekto sa atin kapag natutuhan natin ang lahat ng ginawa ni Jehova. Halimbawa, sinasabi sa Awit 19:1, 2 na dahil sa mabituing kalangitan, “bumubukal ang pananalita.” Kung para sa atin, kapag pinag-iisipan natin ang kamangha-manghang mga bagay na ginawa ni Jehova, tiyak na hindi tayo makapagpipigil na sabihin sa iba ang tungkol sa ating Diyos.
8, 9. Sa anong mga dahilan nais ni Jehova na purihin natin siya?
8 Ang isa pang namumukod-tanging dahilan para purihin si Jehova ay sapagkat nais niyang gawin natin ito. Bakit? Dahil ba sa kailangan niya ang papuri ng mga tao? Hindi. Tayong mga tao ay maaaring mangailangan ng papuri kung minsan, ngunit si Jehova ay di-hamak na nakatataas sa atin. (Isaias 55:8) Hindi siya nakadarama ng kawalang-katiyakan sa kaniyang sarili o sa kaniyang mga katangian. (Isaias 45:5) Gayunman, nais niyang purihin natin siya at nalulugod siya kapag ginagawa natin ito. Bakit? Isaalang-alang ang dalawang dahilan. Una, alam niyang kailangan natin siyang purihin. Dinisenyo niya tayo na may espirituwal na pangangailangan, isang pangangailangang sumamba. (Mateo 5:3) Nalulugod si Jehova kapag sinasapatan natin ang pangangailangang iyan, kung paanong nalulugod ang inyong mga magulang kapag nakikita nilang kinakain ninyo ang pagkaing alam nilang mabuti para sa inyo.—Juan 4:34.
9 Ikalawa, alam ni Jehova na kailangang marinig ng ibang mga tao na pinupuri natin siya. Isinulat ni apostol Pablo ang mga salitang ito sa nakababatang lalaki na si Timoteo: “Laging bigyang-pansin ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:16) Oo, kapag tinuturuan mo ang iba tungkol sa Diyos na Jehova, anupat pinupuri siya, maaaring makilala rin nila si Jehova. Ang gayong kaalaman ay maaaring umakay sa kanilang walang-hanggang kaligtasan!—Juan 17:3.
10. Bakit tayo nauudyukang pumuri sa ating Diyos?
10 May isa pang dahilan para purihin si Jehova. Alalahanin ang ilustrasyon hinggil sa iyong kahanga-hangang kaibigan. Kapag narinig mo ang iba na nagkakalat ng kasinungalingan tungkol sa kaniya, anupat sinisiraang-puri ang kaniyang mabuting pangalan, hindi ba’t lalo kang nagiging determinadong purihin siya? Buweno, laganap ang paninirang-puri kay Jehova sa daigdig na ito. (Juan 8:44; Apocalipsis 12:9) Kaya naman nauudyukan ang mga umiibig sa kaniya na sabihin ang katotohanan tungkol sa kaniya, anupat itinutuwid ang maling impormasyon. Gusto mo rin bang ipahayag ang iyong pag-ibig at pagpapahalaga kay Jehova at ipakita na nais mo siyang maging iyong Tagapamahala sa halip na ang kaniyang pangunahing kaaway, si Satanas? Magagawa mo ang lahat ng iyan sa pamamagitan ng pagpuri kay Jehova. Kung gayon, ang susunod na tanong ay paano.
Kung Paano Pumuri kay Jehova ang Ilang Kabataan
11. Anong mga halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita na maaaring maging napakabisa ng mga kabataan sa pagpuri kay Jehova?
11 Ipinakikita ng Bibliya na madalas na napakabisa ng mga kabataan sa pagpuri kay Jehova. Halimbawa, may isang batang babaing Israelita na binihag ng mga Siryano. May-katapangan siyang nagpatotoo sa kaniyang among babae tungkol sa propeta ni Jehova na si Eliseo. Umakay sa isang himala ang mga sinabi niya, at isang mapuwersang patotoo ang naibigay. (2 Hari 5:1-17) May-katapangan ding nagpatotoo si Jesus bilang isang bata. Sa lahat ng mga pangyayari noong kaniyang kabataan na maaari sanang napaulat sa Kasulatan, pinili ni Jehova ang isa, noong lakas-loob na tinanong ng 12-taóng-gulang na si Jesus ang relihiyosong mga guro sa templo sa Jerusalem at iniwan silang namamangha sa kaniyang unawa sa mga daan ni Jehova.—Lucas 2:46-49.
12, 13. (a) Ano ang ginawa ni Jesus sa templo nang malapit na siyang mamatay, at ano ang epekto nito sa mga taong naroroon? (b) Ano ang nadama ni Jesus sa papuring binigkas ng mga kabataang lalaki?
12 Bilang isang lalaking nasa hustong gulang, pinasigla rin ni Jesus ang mga bata na purihin si Jehova. Halimbawa, ilang araw lamang bago siya mamatay, gumugol ng panahon si Jesus sa templo sa Jerusalem. Gumawa siya ng “mga kamangha-manghang bagay” roon, ang sabi ng Bibliya. Pinalayas niya ang mga gumawa sa sagradong lugar na iyon bilang yungib ng mga magnanakaw. Pinagaling din niya ang mga taong bulag at pilay. Ang lahat ng naroroon, lalo na ang relihiyosong mga lider, ay dapat sanang naudyukang pumuri kay Jehova at sa kaniyang Anak, ang Mesiyas. Subalit nakalulungkot, marami noong panahong iyon ang hindi bumigkas ng gayong mga papuri. Alam nilang isinugo ng Diyos si Jesus, ngunit natakot sila sa relihiyosong mga lider. Gayunman, isang grupo ng mga tao ang nagsalita nang may katapangan. Alam mo ba kung sino sila? Sinasabi ng Bibliya: “Nang makita ng mga punong saserdote at mga eskriba ang mga kamangha-manghang bagay na ginawa [ni Jesus] at ang mga batang lalaki na sumisigaw sa templo at nagsasabi: ‘Magligtas ka, aming dalangin, sa Anak ni David!’ sila ay nagalit at nagsabi [kay Jesus]: ‘Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?’ ”—Mateo 21:15, 16; Juan 12:42.
13 Umaasa ang mga saserdoteng iyon na patatahimikin ni Jesus ang mga batang lalaki na pumupuri sa kaniya. Pinatahimik ba niya sila? Kabaligtaran pa nga! Sinagot ni Jesus ang mga saserdote: “Oo. Hindi ba ninyo ito nabasa kailanman, ‘Mula sa bibig ng mga sanggol at mga pasusuhin ay naglaan ka ng papuri’?” Maliwanag, nalugod si Jesus at ang kaniyang Ama sa papuri ng mga kabataang lalaki. Ginawa ng mga batang iyon ang dapat sanang ginawa ng lahat ng mga adultong naroroon. Sa murang isip nila, malamang na naging napakalinaw ng lahat. Nakita nila ang lalaking ito na gumagawa ng kamangha-manghang mga bagay, nagsasalita nang may lakas ng loob at pananampalataya, at nagpapakita ng masidhing pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang bayan. Siya nga iyon na sinasabi niyang siya—ang ipinangakong “Anak ni David,” ang Mesiyas. Palibhasa’y pinagpala dahil sa kanilang pananampalataya, nagkaroon pa nga ng pribilehiyo ang mga batang lalaki na tuparin ang hula.—Awit 8:2.
14. Paanong ang mga kaloob na taglay ng mga kabataan ay nagsasangkap sa kanila upang purihin ang Diyos?
14 Ano ang matututuhan natin mula sa gayong mga halimbawa? Na ang mga kabataan ay maaaring maging napakabisang mga tagapuri ni Jehova. Kadalasan nang mayroon silang kaloob na makita ang katotohanan sa malinaw at simpleng paraan, anupat ipinahahayag ang kanilang pananampalataya nang may kataimtiman at sigasig. Taglay rin nila ang kaloob na binanggit sa Kawikaan 20:29: “Ang kagandahan ng mga kabataang lalaki ay ang kanilang kalakasan.” Oo, kayong mga kabataan ay pinagkalooban ng lakas at kakayahan—ang tunay na kapaki-pakinabang na mga kaloob sa pagpuri kay Jehova. Sa espesipikong paraan, paano ninyo mabisang magagamit ang gayong mga kaloob?
Paano Mo Mapupuri si Jehova?
15. Upang mabisang mapuri si Jehova, anong motibo ang kailangan?
15 Ang pagiging mabisa ay nagmumula sa puso. Hindi mo mabisang mapupuri si Jehova kung ginagawa mo lamang ito dahil gusto ng iba na gawin mo ito. Tandaan, ang pinakadakila sa lahat ng mga utos ay ito: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mateo 22:37) Personal mo na bang nakilala si Jehova sa pamamagitan ng iyong sarilinang pag-aaral sa kaniyang Salita? Ang tamang resulta ng gayong pag-aaral ay ang pagkadama ng pag-ibig kay Jehova. Ang likas na paraan upang ipahayag ang pag-ibig na iyon ay sa pamamagitan ng pagpuri sa kaniya. Kapag malinaw na at matibay ang iyong motibo, handa ka nang pumuri kay Jehova nang may kasiglahan.
16, 17. Anong papel ang ginagampanan ng paggawi sa pagpuri kay Jehova? Ilarawan.
16 Ngayon, bago mo pa man isaalang-alang kung ano ang iyong sasabihin, isaalang-alang mo muna kung paano ka kikilos. Kung ang batang babaing Israelita na iyon noong panahon ni Eliseo ay may ugaling magaspang, walang-galang, o di-tapat, sa palagay mo ba ay makikinig ang mga Siryanong bumihag sa kaniya sa mga sinabi niya tungkol sa propeta ni Jehova? Malamang na hindi. Gayundin naman, mas malamang na makinig sa iyo ang mga tao kung makikita nila na ikaw ay magalang, tapat, at may magandang asal. (Roma 2:21) Isaalang-alang ang isang halimbawa.
17 Isang 11-taóng-gulang na batang babae sa Portugal ang napaharap sa panggigipit sa paaralan na ipagdiwang ang mga kapistahan na labag sa kaniyang budhing sinanay sa Bibliya. Magalang niyang ipinaliwanag sa kaniyang guro kung bakit siya tumatanggi, ngunit tinuya siya ng guro. Sa paglipas ng panahon, paulit-ulit na sinikap ng guro na hiyain siya, anupat ginagawang katatawanan ang kaniyang relihiyon. Gayunman, nanatiling magalang ang kabataang babae. Pagkalipas ng ilang taon, naglingkod ang kabataang sister na iyon bilang isang regular pioneer, isang buong-panahong ministro. Sa isang kombensiyon, pinanood niya ang mga taong binabautismuhan at nakilala niya ang isa sa kanila. Iyon ang dati niyang guro! Matapos ang iyakan at yakapan, sinabi ng nakatatandang babae sa nakababata na hindi niya kailanman malilimot ang magalang na asal ng kaniyang estudyante. Nadalaw siya ng isang Saksi, at binanggit ng guro ang tungkol sa paggawi ng kaniyang dating estudyante. Bilang resulta, napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya, at tinanggap ng babaing ito ang katotohanan sa Bibliya. Oo, ang iyong paggawi ay maaaring maging napakabisang paraan upang purihin si Jehova!
18. Ano ang maaaring gawin ng isang kabataan kung nag-aatubili siyang pasimulan ang pakikipag-usap tungkol sa Bibliya at sa Diyos na Jehova?
18 Nahihirapan ka ba kung minsan na pasimulan ang pakikipag-usap sa paaralan may kinalaman sa iyong pananampalataya? Hindi ka nag-iisa sa pagkadama ng gayon. Gayunman, makagagawa ka ng paraan para magtanong ang iba tungkol sa iyong pananampalataya. Halimbawa, kung legal at pinapayagan na gawin ito, bakit hindi ka magdala ng mga publikasyong salig sa Bibliya at basahin ang mga ito sa panahon ng tanghalian o sa ibang panahon kapag puwede namang gawin ito? Baka magtanong sa iyo ang mga kamag-aral mo tungkol sa iyong binabasa. Kung sasagutin mo sila at sasabihin sa kanila kung ano ang nasumpungan mong kawili-wili sa artikulo o sa aklat na hawak mo, baka hindi mo mamalayang nag-uusap na pala kayo. Huwag mong kalilimutang magtanong, anupat inaalam kung ano ang pinaniniwalaan ng iyong mga kamag-aral. Maging magalang sa pakikinig, at ibahagi ang iyong natututuhan mula sa Bibliya. Gaya ng ipinakikita ng mga karanasan sa pahina 29, maraming kabataan ang pumupuri sa Diyos sa paaralan. Nagdudulot ito ng malaking kagalakan sa kanila at tumutulong sa marami na makilala si Jehova.
19. Paano magiging mas mabisa sa ministeryo sa bahay-bahay ang mga kabataan?
19 Ang ministeryo sa bahay-bahay ay isa sa pinakamabisang paraan ng pagpuri kay Jehova. Kung hindi ka pa nakikibahagi rito, bakit hindi mo ito gawing tunguhin? Kung nakikibahagi ka na rito, may karagdagan pa kayang mga tunguhin na maaari mong itakda para sa iyong sarili? Halimbawa, sa halip na halos pare-pareho ang sinasabi mo sa bawat bahay, humanap ka ng mga paraan upang sumulong, anupat humihiling ng mga mungkahi sa iyong mga magulang at iba pang makaranasang indibiduwal. Pag-aralan kung paano higit na magagamit ang Bibliya, kung paano gagawa ng mabibisang pagdalaw-muli, at kung paano sisimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. (1 Timoteo 4:15) Habang higit mong pinupuri si Jehova sa gayong mga paraan, lalo kang magiging mabisa, at lalo kang masisiyahan sa iyong ministeryo.
Kailan Ka Dapat Magsimulang Pumuri kay Jehova?
20. Bakit hindi kailangang madama ng mga kabataan na napakabata pa nila para purihin si Jehova?
20 Sa tatlong katanungan sa pagtalakay na ito, ang sagot sa huling katanungang ito ang pinakamadali. Pansinin ang tuwirang sagot ng Bibliya: “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang sa mga araw ng iyong kabinataan.” (Eclesiastes 12:1) Oo, ngayon na ang panahon upang magsimulang pumuri kay Jehova. Napakadaling sabihin ang ganito: “Napakabata ko pa para purihin si Jehova. Wala pa akong karanasan. Saka na, kapag malaki na ako.” Hindi ikaw ang unang nakadama ng gayon. Halimbawa, sinabi ng kabataang si Jeremias kay Jehova: “Ay, O Soberanong Panginoong Jehova! Narito, hindi nga ako marunong magsalita, sapagkat ako ay isang bata lamang.” Pinatibay-loob siya ni Jehova na wala siyang dapat ikatakot. (Jeremias 1:6, 7) Gayundin naman, wala tayong dapat ikatakot kapag pinupuri natin si Jehova. Walang pinsalang maaaring sumapit sa atin na hindi lubos na maitutuwid ni Jehova.—Awit 118:6.
21, 22. Bakit ang mga kabataang tagapuri ni Jehova ay inihalintulad sa mga patak ng hamog, at bakit nakapagpapasigla ang paghahalintulad na iyon?
21 Kung gayon, hinihimok namin kayong mga kabataan: Huwag kayong mag-atubiling pumuri kay Jehova! Ngayon na habang bata pa kayo, ang pinakamainam na panahon upang sumali sa pinakamahalagang gawain na isinasakatuparan sa lupa sa ngayon. Kapag ginawa ninyo ito, nagiging bahagi kayo ng isang bagay na kahanga-hanga—ang pansansinukob na pamilya ng mga pumupuri kay Jehova. Nalulugod si Jehova na kabilang kayo sa pamilyang ito. Pansinin ang kinasihang mga salitang ito na pinatungkol ng salmista kay Jehova: “Ang iyong bayan ay kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili sa araw ng iyong hukbong militar. Sa mga karilagan ng kabanalan, mula sa bahay-bata ng bukang-liwayway, ikaw ay may pulutong ng mga kabataan na gaya ng mga patak ng hamog.”—Awit 110:3.
22 Ang mga patak ng hamog na nangingislap sa liwanag ng umaga ay napakagandang pagmasdan, hindi ba? Ang mga ito ay nakagiginhawa, nagliliwanag, at talagang di-mabilang sa dami. Ganiyan ang pangmalas sa inyo ni Jehova, kayong mga kabataan, na tapat na pumupuri sa kaniya sa mapanganib na mga panahong ito. Maliwanag, ang inyong kapasiyahang pumuri kay Jehova ay nakapagpapasaya sa kaniyang puso. (Kawikaan 27:11) Kung gayon, kayong mga kabataan, purihin ninyo si Jehova!
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang ilang mahahalagang dahilan para purihin si Jehova?
• Anong mga halimbawa sa Bibliya ang nagpapakita na maaaring maging napakabisa ng mga kabataan sa pagpuri kay Jehova?
• Paano mapupuri ng mga kabataan si Jehova sa ngayon?
• Kailan dapat simulan ng mga kabataan ang pagpuri kay Jehova, at bakit?
[Mga larawan sa pahina 25]
Kung may namumukod-tanging kasanayan ang iyong kaibigan, hindi mo ba ito ikukuwento sa iba?
[Larawan sa pahina 27]
Baka interesado ang iyong mga kamag-aral sa iyong mga paniniwala
[Larawan sa pahina 28]
Kung gusto mong sumulong sa iyong ministeryo, humiling ng mga mungkahi mula sa mas makaranasang Saksi